CELESTINA’S POV
“OKAY KA NA?”
Suminga ako ng malakas sa tissue bago ako napalingon kay Francis. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na umiyak, hinayaan lang niya akong umiyak nang umiyak hanggang sa kusa akong tumigil habang si Francis ay nagmamaneho at hindi ko alam kung saan kami pupunta.
Muli akong kumuha ng tissue at pinunasan ang mukha ko bago inayos ang buhok ko at umayos ng upo.
Suminghot akong muli at pinilit na ayusin ang sarili ko kahit parang tutulo na naman ang luha ko.
“Namamaga ba?” tanong ko sa kaniya habang nakaturo sa mata ko.
Tumango ito.
“Parang kinagat ng bubuyog.”
Totoo pala ang sinabi nila na nakakapangit ang pag-iyak. Pero anong gagawin ko? Kusang tumutulo ang mga luha ko kanina. Pag-iyak lang ang naisip kong paraan para mailabas ang sakit na nararamdaman ko.
“Bakit ba ako umiyak sa lalaking hindi ko naman boyfriend at never kong magiging boyfriend?” tanong ko pero naiiyak na naman ako kaya mariin kong diniinan ng tissue na hawak ko ang mata ko para bumalik ang luha ko.
“Hindi mo naman kailangan maging karelasyon para iyakan mo.”
“Ang daming babae. Ang daming babaeng iniisip kong maari niyang magustuhan pero iyong may anak at kasal pa sa iba ang pinili niya. I don't have a problem with single moms, pero sa sitwasyon nila ngayon. Sa tingin mo ba, magiging madali iyon?” Naasar ako kay Jackson, pero hindi ko mapigilang isipin ang sitwasyon niya ngayon. Paano kung balikan siya ng asawa ni Christine? Paano kung kasuhan siya nito?
“Nasasaktan kana siya pa ang inaalala mo. Pinasok niya iyon, siguro naman kaya niyang lusutan,” balewalang sagot ni Francis.
Alam kasi namin pareho na wala naman kaming magagawa. Si Jackson iyong tipo ng tao na kapag may gusto, ginagawa niya. Hindi iyon nakikinig.
Mapait akong napangiti.
“Maybe he is really in love.” Parang kumakain ako ng ampalaya habang sinasabi ko ang bagay na iyon.
“Siguro kung sinabi mo sa kaniya ang nararamdaman mo, baka ikaw ang kasama niya ngayon. Why you never take a risk, Cel?”
Napayuko ako sa naging tanong niya. Nilaro ko ang mga daliri ko na nasa kandungan ko.
“Because we promise to be friends forever. Paano kung hindi niya ako gusto? Maaring iwasan na niya ako kapag nalaman niya ang totoo.”
Kasi duwag ako. Natatakot ako. Natatakot akong sumugal at pati pagkakaibigan namin ay mawala kapag sinabi ko kay Jackson ang tunay na nararamdaman ko. Naisip ko na mas mabuting maging magkaibigan na lang kami at least sa ganoong paraan mananatili kaming close sa isa't isa.
Nakakatakot kasing sumugal sa isang bagay na walang kasiguraduhan. Kaya pinili kong itago na lang ang aking nararamdaman. Hindi madali, pero iyon lang ang naisip kong paraan.
“Pero paano kung gusto ka rin pala niya? Na gaya mo natatakot lang siya na magtapat sa'yo dahil baka masira iyong pagkakaigan na meron kayo?”
Napatingin ako kay Francis. Inisip ko na rin ang bagay na iyon pero kahit isang sign na gusto ako ni Jackson higit pa sa isang kaibigan wala akong nakita. At ngayong may nobya na siya, mas napatunayan kong kaibigan lang talaga ang turing niya sa akin. Kaso kay Christine nga nagawa niyang mag-take ng risk kahit alam niyang kasal na ito, pero sa akin. Hindi niya iyon ginawa. Kasi nga platonic lang ang nararamdaman niya para sa akin.
Masakit pero wala naman akong magagawa kundi iiyak na lang.
“Stop giving me false hope, Francis. Matatanggap ko rin na may girlfriend na siya. Hindi ko lang matanggap na sa daming papatuluan niya iyong may sabit pa.”
Lumingon ito sa akin.
“He loves trouble. High school pa lang tayo napapasama na siya palagi sa gulo and you are the only person na pinakikinggan niya. Pero ngayon, mukhang kahit sa iyo, hindi na rin siya makikinig. As his friend, wala akong choice kundi suportahan siya pero syempre, mas lamang ang suporta ko sa'yo ngayon.”
Napangiti ako sa sinabi niya. Mabuti na lang nasa tabi ko siya ngayon, may kasama ako habang nagbi-breakdown ako. May nakakaunawa sa nararamdaman ko.
Hindi ko rin naman talaga balak ipaalam sa kaniya ang nararamdaman ko para kay Jackson pero nadulas ako noong minsang malasing ako at hindi na niya ako tinatanan hanggang sa aminin ko sa kaniya ang totoo. Mabuti na lang kahit na madaldal siya, talagang sarado ang bibig niya tungkol sa inamin ko sa kaniya. Ilang beses niya akong in-encourage na magtapat sa kaibigan namin pero hindi ko ginawa.
Hindi ako natatakot magtapat. Natatatakot ako sa magiging resulta kapag nagtapat na ako. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin dahil lang nahulog ako.
Muli na naman akong naiiyak sa isipang iyon. Iyong idea na buong buhay namin mula pagkabata, ako na iyong kasama niya pero hindi man lang niya ako napansin.
Nakagat ko ng mariin ang ibabang labi ko. Kahit tila naibuhos ko na ang lahat ng luha ko, hindi pa rin nawawala iyong sakit na nararamdaman ko.
Napasinghot ako at muling kumuha ng tissue. Muntik pa akong mapamura nang wala na palang laman na tissue iyong lalagyan.
“Pati ba naman tissue, ipagdadamot pa sa akin?” naiiyak na tanong ko at pilit naghahanap ng tissue sa compartment ko.
Muling may pumatak na luha sa mga mata ko kaya agad ko iyong pinahid ng palad ko.
Napatingin ako kay Francis at ngumiti pero alam kong peke ang ngiti ko. Malalim itong napabuntonghininga. Kita ko anag awa sa mukha niya.
“Okay lang ako...” Hindi ko alam kung sa kaniya o sa sarili ko ba iyon sinasabi.
Napailing ito sa akin pero hindi siya nagsalita. Nagmamaneho pa rin siya pero hindi ko alam kung saan kami patungo.
“Saan ba tayo pupunta? Masakit na nga puso ko, butas pa bulsa ko sa'yo. Ang mahal-mahal ng gas baka akala mo,” saad ko sa kaniya na pinipigilang magbiro para libangin ang sarili ko.
Siguro kung hindi ko siya kasama nasa parking lot pa rin ako at umiiyak.
Napatingin ako sa kaniya nang tumingil kami sa isang Ice Cream Parlor.
“What are we doing here?” nagtatakang tanong ko sa kaniya.
“You need something to boost your serotonin,” simpleng sagot nito at inalis ang seatbelt na suot niya.
Mabilis siyang bumaba kaya sumunod na rin ako sa kaniya.
Kulang na lang ay ituro ko sa kaniya ang lahat ng flavor ng ice cream. Parang gusto ko iyong tikman lang.
Naupo kami sa isang table at kinunan. Kakainin na sana ni Francis pero pinigilan ko siya.
“Pose ka dali,” saad ko sa kaniya.
Nag-side view naman ito kung saan kitang-kita ang jawline niya. Kinuha ko ang cup ng ice cream na hawak ko at itinakip sa kalahati ng mukha niya bago ko kinunan ng picture.
Kapag hindi kilala si Francis, iisipin nilang ibang tao iyon. Dahil panga lang niya ang kita sa camera.
I opened my social media account and posted it with a caption.
Eating ice cream with him...
Tapos nilagyan ko rin ng ice cream at kiss emoji.
No one should know that I am brokenhearted right now.
Ang tagal ko nang naitago ang nararamdaman ko, sigurado akong patuloy ko pa ring maitatago na nasasaktan ako ngayon.