Chapter 6
"Darren! Pasado ko, 85!" halos hindi magkandamayaw na ipinakita ko sa kanya ang test paper ko sa Physics, nang ipamigay ng teacher namin.
Napangiti siya nang malingunan ako. Nakakagaan talaga sa pakiramdam ang smile niya.
"Tingin nga."
"O diba? Galing-galing mo talaga magturo," papuri ko.
"Team work din ‘yan Sab, kasi kung hindi mo rin inintindi ang mga tinuro ko, wala rin. Kaya congrats."
"Hindi ah, the best ka, kasi nung si teacher ang nagturo di ko gets," pabulong na sabi ko kaya bahagya siyang yumukod para marinig niya, nasamyo ko ang pabango niya. Nanuot sa ilong ko.
"Baka naman hindi ka lang talaga nakikinig," panunukso niya kaya natawa ko.
"Guilty as charged. Haha!"
"Kitams?"
"Ano’ng pabango mo? Hindi masakit sa ilong? Unlike sa ibang mens cologne," tanong ko pa.
Siguro dahil sa naging close na nga kami, kahit ano na lang mapagkwentuhan. I like being with him. Parang nasa comfort zone lang ako.
"Johnsons baby, ‘yong kulay blue."
"Jonhsons baby? Baby ka?" natatawang sabi ko.
"Baby face lang."
"Wow, iba ang confidence level!"
"Hoy kayo, wala kayo sa Luneta, makapaglambingan kayo diyan, Darren, Sabrina, sit properly!" biglang sita ng teacher namin na nadaanan kami matapos niyang maipamigay lahat ng papel.
Medyo malakas boses niya kaya tumapon sa amin ang atensiyon ng mga kaklase namin. At dahil doon, inulan kami ng walang katapusang…
"Uyyy!"
Napaayos kami parehas ni Darren ng upo at nag-iinit ang magkabilang pisngi na napayuko ako. Hindi ko rin mapigilang mapangiti na parang sira. Sira na nga siguro talaga ako? Dahil imbes na mainis sa mga panunukso nila, natutuwa pa ko. I like the thought na iniisip nilang merong something sa amin ni Darren.
"Mamayang hapon pala, sa uwian kailangan nating ipaxerox itong research na ginawa natin para mapag-aralan mo na rin kapag nagpresent na tayo," ani Darren matapos ang klase namin. Bahagya kong iniisod ang upuan ko sa tabi niya, para hindi siya nahihirapang lumingon.
"Okay, tapos meryenda tayo?" yakag ko, ayoko pa kasing umuwi.
"Ha? Saan mo naman balak magmeryenda?"
"Kahit saan, kahit sa inyo," nakangiting sabi ko.
"Sa amin? Gusto mong bumalik doon?"
"Oo naman, diba sabi ko babalik ako, tas ang dami kasi nating asssignments, paturo. Kahit saglit lang, please?" pinagdaop ko pa ang mga palad ko.
"Kahit matagal," nangingiting aniya.
"Ows? Okay lang? Baka naman magsawa ka na sa mukha ko niyan?"
"Sa ganda mo, paano ko pananawaan ‘yan?" diretsong sabi niya at tila may pumitlag sa loob ng dibdib ko. Sanay akong mapuri, pero ngayong narinig ko sa kanya, iba ang effect…
Parang first time kong nasabihan ng maganda...
"Talaga, maganda ko? Sige, papacoke ako!" biro ko nang mahamig ang sarili ko kaya natawa siya.
Nang sumapit ang lunch ay sabay na kaming lumabas ng classroom ni Darren. He’s my lunch buddy, bihira ko nang makasama sina Bettina.
Nagdiretso kami sa canteen at magkaharapang naupo sa pahabang lamesa.
"Ano’ng baon mo ngayon?" curious na tanong ko matapos kong ilapag ang tray ng inorder kong pagkain.
"Adobong pusit, the best magluto si Tatay nito kaya pinadagdagan ko para matikman mo, kain na," aniya at binuksan ang dalawang Tupperware na lunchbox niya. Isa sa kanin at ang isa ay may lamang ulam.
Itim na itim ang sabaw niyon. Kumuhit ako ng sabaw at tinikman.
"Ang sarap nga, ah! Tama lang ang alat at asim." bulalas ko nang matikman.
Ipinaglagay niya ako sa gilid ng plato ko.
"Tikman mo ‘tong cordon bleu, medyo maasim lang pero masarap." alok ko at ipinaglagay pa siya ng isang piraso sa lunchbox niya.
"Wow! Palitan ng ulam, sweet ah?" biglang eksena si Chloe na may dalang lunch tray.
Kasunod niya sina Bettina at Elise. Worst kasama din nila si Jared na barkada ng boyfriend ni Chloe.
"Chloe..." may warning tone ang boses ko.
"Pashare lang kami ng table, puno na, eh." nakangiting aniya at humila na ng upuan sa tabi ko. Umupo naman ang boyfriend niya sa tabi niya.
Nagsisunuran na rin sina Bettina at Elise. Umupo sa kaliwa ko si Bettina. Si Elise ay sa kanan ni Darren.
Napansin kong naging uneasy kaagad si Darren. Lalo na nang umupo si Jarred sa kaliwa niya. Asiwa siyang kumilos at bigla rin siyang tumahimik, umiwas ng tingin sa akin. Bakit ba kasi nakisabay sila sa amin? Isinama pa si Jared.
"Ano’ng pagkain ‘yan? Bakit itim?" curious na tanong ni Elise na nasa tabi niya.
"Adobong pusit," sagot ni Darren.
"Ah okay," tatango-tangong ani Elise at nagsimula ng kumain.
"Adobo pala ‘yan? Akala ko putik!" napatawang ani Bettina kaya siniko ko siya para sawayin.
Inirapan niya ko pero pinanlakihan ko naman siya ng mga mata.
"Pare, ikaw lang ang may packed lunch dito, style kinder?" sabi ng boyfriend ni Chloe na si Zion kaya tawanan ang grupo, except for me and Elise.
"Guys ano ba? Stop it, okay?" saway ko. Napansin kong napatiim bagang si Darren.
"Tinatanong mo pa? Malamang hindi niya afford," dagdag na insulto ni Jared.
Kung kanina nakatiim bagang lang si Darren, ngayon madilim na ang mukha niya. Nag-alala ako para sa kanya kaya wala ng hiya-hiya na hinawakan ko ang kamay niya na nasa ibabaw ng table. Trying to make him calm.
"Ano ba kayo? Akala ko makikishare lang kayo ng table, eh, bakit pinapakialaman niyo ang pagkain niya?" nagngingitngit na sita ko.
"Grabe naman Sab, nagagalit ka sa amin dahil sa kanya? Facts lang naman ‘yong sinasabi namin, hindi niya afford. Because he’s poor. Ano’ng hindi totoo do’n?" nakakalokong ani Chloe at binigyan ng nakakainsultong tingin si Darren.
"Oo nga Sabrina, bakit ba ipinagtatanggol mo ‘to? Sobrang sarap ba ng pusit niya kaya ka nagagalit sa amin? Ano bang lasa ng basura na ‘to? Patikim nga," padaskol na kinuha ni Jared ang lunchbox ni Darren na may lamang pusit.
Inamoy niya pa iyon at akmang kukutsarin niya nang dumulas o mas tamang sabihin na sadyang pinadulas sa kamay niya.
Tumapon sa puting uniform ni Darren ang pusit kaya napatayo siya sa gulat. Pati ako napatayo para lapitan siya. Parang nadapa sa putikan si Darren sa sobrang itim ng tinta ng pusit. Kinuha ko ang panyo ko at pinunasan ang mga braso niya.
Nagngalit ang mga ngipin ni Darren at may galit sa mga mata niya. Parang anumang sandali, magkakasuntukan na sila lalo pa at nagtawanan ang mga kaibigan ko. Pero si Elise pinulot ang tumapong lunchbox ni Darren at ipinatong ulit iyon sa mesa.
"O ano? Bakit ganyan ka tumingin? Laban ka?" nang-aasar na ani Jared kaya sinamaan ko siya ng tingin.
Nakita ko ang pagbuntong hininga ni Darren at pagkatapos ay dinampot niya ang bag saka mabilis na umalis.
"Ano ba kayo! Bakit ginanun niyo ang tao?" gigil na sita ko sa kanila.
"Chill Sab, hindi ko sinasadya ‘yon," akbay sa akin ni Jared kaya mabilis kong pinalis ang kamay niya. Nandidiri ako sa kagaspangan ng ugali niya.
"Seriously Sabrina, kakampihan mo ‘yon? Ang pangit ng itsura niya. Mukhang siyang garbage bag sa sobrang itim ng ulam niyang nasa uniform!" tatawa-tawang ani Chloe.
"Shut up!" saway ko at kinuha na ang bag ko. Tinakpan ko na ang lunchbox ni Darren na may kanin, hindi pa iyon nagalaw. May natira pang konti sa lunchbox ng pusit.
"Woah! Teka lang, aawayin mo talaga kami dahil sa Darren na ‘yon?" ani Bettina.
"Kaibigan ko rin si Darren! Di ba sabi ko sa inyo, don’t mess up with him! Hindi kayo mapakiusapan!" kuyom ang mga kamao ko, sa totoo lang gusto ko silang sabunutan at pagbuhulin.
"Sab naman, bakit makikipagkaibigan ka do’n? Nandito naman ako," all smile na sabi ni Jared.
Bumaling ako habang nakataas ang kanang kilay.
"Jerk!" inis na tugon ko at isinaboy sa mukha niya ang natirang pusit, kumayat iyon sa uniform niya, pero hindi kasing dami ng kay Darren.
"Dare to touch him again at ako ang makakaharap niyo," kalmadong sabi ko pero punong-puno iyon ng pagbabanta. Hindi lang para kay Jared, maging kina Bettina at Chloe.