Nagmamadali akong lumabas sa fire exit door na ang tanging lagusan ay sa reception area din kaya naman nakita ako ng babaeng kumausap sa akin kanina.
“Miss Ajero, okay ka lang?” Agad niyang tanong sa akin pero wala na akong magawa dahil nakita na niya akong nagpupunas ng luha.
“Okay lang ako. At tama ka. Hindi ako bagay maging sekretarya dito. Salamat sa pag-aalala.” Mahinahon kong sagod saka ngumiti sa kanya ng bahagya. “Sige, mauna na ako, marami pa naman pwedeng apply-an.”
“Ganun talaga, Miss. Subok lang ng subok.” Natuwa ako dahil sa magandang sinabi ng babae kaya naisipan kong alamin ang pangalan niya.
“Ano nga ba ang pangalan mo?”
“Ah, oo nga pala. Ako nga pala si Sorsya, Sorsya De Dios.”
Matapos magpakilala ay nilahad niya ang kanyang palad, nagkamay kaming pareho at pawang nakangiti.
Ewan ko pero ang gaan ng pakiramdam ko kay Sorsya. Mukhang mabait at positibo sa buhay.
Akma na akong magpapaalam nang biglang may narinig kaming pekeng ubo.
“You’ve done your own time, Sorsya.” Seryoso ang mukha at may diin ang mga salita nito.
“I’m sorry, Mr. Kuro.” Agad na yumuko si Sorsya at bumalik ito sa pwesto niya.
Bago pa ako pag-initan ng seryoso at mukhang bugnutin na interviewer kanina, kumaripas na ako palabas ng gusaling iyon.
Ang lakas ng kabig ng dibdib ko.
Napakasungit naman!
Hmmm. So, KURO pala ang apelyido niya. Isa siyang Kurong Lupa! Badtrip!
Napabuntunghininga na lang ako dahil sa mga nangyari ngayong araw na ito. Hindi pa ako nagtatanghalian kaya nang makakita ako ng isang fast food ay agad akong pumasok at um-order ng makakain.
Habang kumakain ako ay nakipag-video call ako kay Lolo Ambo. Moderno na lahat ngayon kayaaging ang lolo ko ay marunong gumamit ng cellphone.
Isa sa ipinagpapasalamat ko sa Diyos ay hindi ulyanin si Lolo Ambo. Hindi rin malabo ang mata. Malakas ang pandinig dangan nga lang ay kailangan niya lagi ang oxygen dahil sa hindi normal na kondisyon sa kanyang paghinga.
“Lolo! Miss na kita? Kumusta ka na diyan?” Agad kong tanong, masiglang masigla ang boses ko. Ayaw kong ipahalata na galing ako sa pag-iyak.
“Heto, natanggap ako sa trabaho lolo! May apo ka ng sekretarya.” Magiliw kong sagot.
Kailangan kong magsinungaling. Ayaw kong malungkot si Lolo Ambo o kaawaan ako. Makakahanap pa naman ako ng ibang trabaho at hindi na rin niya malalaman kung ano talaga ang trabaho ko. Sa ngayon, kailangan ko talagang magsinungaling.
Patawad, Lolo.
Hindi ko napansin ang nangyayari sa loob ng fast food. Hindi naman gaanong matao pero parang sobrang busy ng mga crew. Isa pang ako sa mga customer aa fast food na ito kaya naman binalewala ko ang konting pagkataranta ng mga staff.
“Talaga ba, apo? Sekretarya ka na?”
“Yes, Lolo. Sa Mega Corporation! Malaki ang sweldo at maraming benefits. Kapag nabayaran ko ang bill mo sa ospital pwede na kitang iuwi at kuhanan ng private nurse habang ako naman ay nagtatrabaho. Ayos ba iyon?” masaya kong kwento ng mga kasinungalingan ko.
Kitang-kita ko ang kislap sa mga mata ni Lolo. Kapagkuwan ay binabalik sa bibig ang oxygen bago magsalita ulit.
“Mahusay, apo. Alam kong matatanggap ka dahil apo kita.” Proud na proud si Lolo habang ako naman ay tila kinukurot ang puso dahil sa pagka-guilty.
“Mana ako sa inyo, Lolo. Kanino pa nga ba, wala ng iba.” Mayabang kong sagot.
Hindi ko napansin na napapalakas na pala ang boses ko at dahil tutok na tutok ako kay Lolo at sa mga kasinungalingan ko, nakatingin na pala sa akin ang mga staff at ilang customer.
Nandilat ang mga mata ko nang mahagip ng mata ko ang lalaking nag-interview sa akin kanina.
Nandito na naman ang Kurong lupa na ito!
Mabuti na lang at tapos na ako. Pero ang hindi ko sigurado ay kung kailan pa siya dumating.
Bigla akong namula nang maisip kong narinig niya ang sinabi kong natanggap ako sa trabaho bilang secretary. Nakakahiya!
“Lolo, paalam na. Darating na ako diyan. Hintayin mo ako ha. Magse-celebrate tayo.”
Pagkasabi ay pinindot ko na ang end call. Saka na lang ako magpapaliwanag kay Lolo kung bakit bigla kong tinapos ang tawag.
Agad akong nag-ayos ng gamit ko saka umalis ng hindi lumilingon sa kahit kanino. Wala na akong pakialam sa mga tao at lalong wala akong balak alamin kung bakit ang isang manager ng isang tanyag na korporasyon ay sa isang fast food kumakain. Pare-pareho lang kaming tao na nagugutom.
Hindi rin nakakapagtaka dahil malapit lang ito sa Mega Corporation.
Tila walang nangyari na nilisan ko ang fast food restaurant. Mabuti na lang at may dumaan agad na pampasaherong jeep kaya agad ko itong pinara.
Hindi na importante kung saan ang byahe nito. Ang mahalaga ay makaalis ako sa lugar na ito.
Dali-dali akong sumakay. Pamilyar sa akin ang ruta kaya naman nagbayad ako hanggang Quiapo.
Gusto kong malinawan ang isip kaya naman pumasok ako sa simbahan. Habang nakatitig sa malaking krus ay para akong awang-awa sa sarili ko. Napaiyak ako sa lungkot at pagkabigo sa interview ko. Naisip ko, kung para sa akin talaga ang trabaho ay magiging akin ito pero dahil hindi, kailangan kong tanggapin ng maluwag.
Ayaw ko naman na mag-isip pa si Lolo Ambo kaya nakapagsinungaling ako kanina kaya humingi na lang akong tawad sa itaas.
Nang sa palagay ko ay okay na ako, nagdesisyon akong uuwi muna sa bahay upang maligo at para ma-refresh ang medyo namamaga kong mata. Baka mahalata ni Lolo Ambo. Saka hindi komportable ang suot kong high heels at skirt.
May tatlong oras pa naman bago ang oras ng dalaw sa ospital kaya na idlip muna ako matapos kog maihanda ang mga kailangan ni Lolo gaya ng kumot, mga damit at supply ng pagkain.
Nang magising ako ay wala na ang bigat sa dibdib ko. Handa na siguro akong aminin kay Lolo Ambo na hindi ako natanggap sa trabaho.
Tama, kailangan kong sabihin ang totoo at magsimula ulit sa job hunting. Marami akong in-applyan pero iilan lang ang natanggap kong email para sa interview. Top priority ko talaga ang Mega Corporation at asang-asa ako na matatanggap kaya naman ni-reject ko ang ibang interview dahil halos sabay-sabay ngayong araw.
Sa kasamaang palad ay hindi ako natanggap. Ang saklap pero tanggap ko na.
Excited na akong makita si Lolo kaya nasa bungad pa lang ako ng ospital ay nakangiti na ako. Alam kong hindi matutuwa si Lolo Ambo sa ibabalita ko pero hindi ko rin talaga kayang papaniwalain siya sa mga kasinungalingan ko.
Akma ko nang pipihitin ang door knob ng p8nto ng kwarto ni Lolo Ambo nang biglang tumunog ang cellphone ko.
Umatras ako saka ko nilabas ang cellphone ko galing sa backpack na dala ko.
Akala ko ay si Dr. Julian pero nagsalubong ang kilay ko nang numero lamang ang rumehistro sa screen ng cellphone ko.
Ganun pa man, sinagot ko pa rin ang tawag dahil curious ako.
Wala naman gaanong nakakaalam ng number ko bukod sa mga pinag-apply-an ko. Kaya umaasa akong isa itong company call.
“Hello, may I talk to Miss Naya?” ani ng babaeng nasa kabilang linya.
“Speaking. Sino po sila?” sagot ko naman pero halos nabingi ako nang biglang tumili ang babae sa kabilang linya. Bahagya kong nailayo ang cellphone ko at napatitig na lamang sa screen nito.
“Naya! Este Miss Naya Ajero. Pinababalik ka ni Mr. Kuro sa office niya para sa second interview bukas!” bulalas ni Sorsya na tila nanalo ng ilang milyon sa labis na galak.
Ako naman ay parang napatda sa narinig. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko ng mga oras na iyon.
Mejo natutuwa ako dahil parang ibig sabihin ay tinatanggap na ako bilang secretary pero sa isang banda, naiinis ako kay Mr. Kuro.
Nagtataka ako kung bakit nagbago ang isip niya.
Maganda rin ang balita dahil hindi ko na kailangan magsinungaling kay Lolo Ambo at pawang totoo na lang ang sasabihin ko.
Litong-lito ang isip ko.
“Ganun ba?” Sagot ko lang kay Sorsya.
Hindi na ako excited at nawala na ang momentum ko. Parang naubusan ako ng lakas dahil sa first rejection ko sa pag-a-apply kaya iba na ang epekto ngayon kahit ramdam kong second chance ko na ito.
Bahaa na, naisip ko. Sa ngayon mas mahalaga ang oras ko para kay Lolo Ambo. Ang plano ko kaninang aaminin ang kasinungalingan ay hindi ko na lang itutuloy.
May dala din akong maliit na cake at pansit upang magcelebrate, para sana sa kunwari kong tagumpay sa unang trabaho.
“Oo nga, Miss Naya. Nagkaroon kasi ng problema sa natanggap na bagong sekretarya. Mahabang kwento pero sana dumating ka bukas. Alam mo gustong-gusto kita maging kaibigan. Ang gaan ng loob ko sa ‘yo.”
Ang daldal talaga ni Sorsya. Halata naman. Pero maging ako ay magaan ang loob sa kanya.
“Pag-iisipan ko ha.” agad kong sagot. Ayaw ko talagang umasa dahil tanggap ko na hindi para sa akin ang trabaho. Baka pinasasaya lang ako ni Sorsya, naisip ko.
Ayaw ko din mangako na makakarating nga bukas dahil nakita ko ang ilang interview offer sa email kanina bago ako pumunta dito sa ospital.
“O, sige. Aasahan kita bukas ha. Same time, same office. See you!” paalam ni Sorsya sabay end ng cal button.
Huminga lang ako ng malalim saka pumasok sa kwarto ni Lolo. Tulog si Lolo as usual. Kapag ganitong oras ay tulog siya lagi. Gigisingin ko na lamang siya kapag oras na ng pagkain.
Nang magising si Lolo Ambo ay nagcelebrate kami. Sakto naman na dumating si Dr. Julian upang suriin ang kalagayan ni Lolo at bigyan kami ng report sa progress.
Katunayan, hindi lang simpleng kaibigan si Dr. Julian. Dahil pabalik-balik na kami sa ospital na ito ay naging malapit na si Lolo Ambo sa kanya. Halos maging libre na nga ang lahat at kahit kailan ay hindi kami siningil ng mataas na bill ng doktor pero hindi naman ako manhid.
Minsan ay nagpapahiwatig ng pagtingin sa akin si Dr. Julian at alam ko na naman iyon. Gusto niya akong ligawan dahil minsan ay narinig ko ang pag-uusap nila ni Lolo. Humihingi siya ng permiso para ligawan ako.
Tumawa lang si Lolo at sinabing walang problema kung papayag ako. Tinapat ko si Dr. Julian na kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Sa ngayon ay mas gusto ko muna maranasan ang magtrabaho ng malaya, walang obligasyon sa relasyon. Wala din sa isip ko ang pakikipagrelasyon.
Nauunawaan naman ni Dr. Julian pero hanggang ngayon ay umaasa siyang magbabago ang isip ko.
Bukod sa nakatali pa ako sa isang contract marriage, curious din ako kung sino itong lalaking naging asawa ko sa papel.
Bigla akong napabilang sa daliri ko. Tatlong buwan na lang pala hanggang sa mapaso ang kasunduan.
Nasaan na kaya ang lalaking iyon? Bakit minsan lang niya ako niregaluhan at wala na rin balita si Lolo tungkol sa kaibigan niya?
Sabagay, matagal din ang limang taon at tiyak na marami din ang nangyari na nagpabago ng mga sitwasyon gaya ng update ni Lolo sa kanila.
Tama! Bigla kong naisip. Tatlong buwan na lang ang nalalabi. Naisip ko na kahit paano siguro ay hanapin ko ang secret husband ko.
Biglang may kung anong excitement akong naramdaman. Kung sakaling magkita kami, iniisip ko na agad kung ano ang mararamdaman ko.
Hingi ko kaya ang huling kabayaran sa kontrata? Mga regalo tuwing birthday at anibersaryo namin? Pwede kaya iyon?
Bukod sa pera, bakit kaya ako naisipang ipagkasundo ni Lolo Ambo. Mayaman kaya ang pamilya ng kaibigan niya? Ano ang meron sa pamilya ng kaibigan ni Lolo para idaan pa sa dahas ang lahat?
Basta ang natatandaan ko, may nunal ang lalaki sa kanang pisngi, malapit sa tainga.
Tapos na naman ang oras ng pagbabantay ko kay Lolo. Sa gabi ay bahala na ang nakatalagang nurse sa kanya. Napakabait ni Dr. Julian kaya nga kung minsan ay parang gusto ko ng sagutin ng oo pero kapag naiisip kong bata pa ako at gusto kong maging malaya, winawaksi ko na lang sa isip ko ang mga naitulong niya.
Nang makauwi sa bahay ay agad akong nagpahinga hanggang sa nakatulog na ako dahil sa pagod na rin. Nag-set ako ng alarm para nga sa second chance interview kay Mr. Kuro. Sayang naman kung paiiralin ko ang pride ko e baka nga available ang job offer. Kung tutuusin, kahit ano namang trabaho basta meron, ayos na ako.
Kinabukasan ay maaga akong naghanda. Nag-aabang na ako ng jeep nang makatanggap ako ng tawag kay Dr. Julian.
Halos manginig ang kalamnan ko at hindi ako makapagsalita. Agad akong pumara ng jeep na ang ruta ay patungong ospital imbes na sa Mega Corporation.
Wala na si Lolo Ambo. Paulit-ulit na tumehistro sa utak ko ang balitang iyon ni Dr. Julian. Napahagulhol ako sa loob ng jeep habang tutop ang aking bibig.
Wala na akong pakialam kung pagtawanan ng mga tao. Hindi nila alam ang sitwasyon ko kaya naman nang pumara ako sa tapat ospital kung saan nakaratay si Lolo Ambo ay tiyak na nauunawaan na nila ang dahilan kung bakit ako umiiyak.
Hinang-hina ako nang makita kong may takip na ang buong katawan at mukha ni Lolo ng kumot ng ospital.
Wala na si Lolo. Iniwan na niya ako. Tahimik akong umiiyak habang hinahagod naman ng marahan ni Dr. Julian ang likod ko hanggang sa yakapin niya ako.
Wala akong ibang sasandalan sa mga oras na ito kaya nagpatianod na lamang ako sa sitwasyon.
Pakiramdam ko ay hindi nakikiayon sa akin ang sitwasyon. Taliwas sa mga plano ko ang mga nangyayari. Maghapon akong tulala. Panay tango ko lang sa mga sinasabi ni Dr. Julian sa lahat ng prosesong gagawin sa labi ni Lolo Ambo.
“Here, eat this.” Alok ni Dr. Julian sa hawak nitong plastic bag. Talong Origini ang laman nito. Wala akong gana pero simula pa kaninang umaga ay hindi pa ako kumakain.
Inabot ko ito at matamlay na kumain. Kailangan ko ng lakas para sa mga susunod pang hamon ng buhay. Ngayong wala na si Lolo Ambo, mas kailangan ko pang tatagan.
Ganito pala ang pakiramdam na mag-isa. Isang orphan, walang pamilya. Tuwing Birthday namin, Pasko at Bagong Taon ay masaya kami ni Lolo Ambo. Ngayon, sino at kanino pa ako makikisaya upang ipagdiwang ang mga importanteng okasyon na iyon?
Ni hindi ko man lang naisip ang tungkol sa bagay na ito noon. Hindi ko napaghandaan. Masakit pala. Walang kasingsakit.
Paano na ako ngayon? Mamumuhay mag-isa? Wala na ba talaga akong ibang pamilya? Kung gusto kong malaman kung may mga kamag-anak pa ako, kailangan ko ng malaking halaga para makapagbayad sa mga agent.
Tama. Kailangan ko ng trabaho na mataas ang sweldo para mahanap ko ang mga kamag-anak ko at higit sa lahat, may kasama sa kahit araw man lang ng pasko.
Nagbilang ako ng buwan sa aking daliri, may sampung buwan pa bago ang pasko.
Bigla akong napatayo na ikinagulat ni Dr. Julian. Kanina pa pala ito nakatitig sa akin at hindi ko man lang nabawasan ang hinanda niyang origini. Nailing na lamang ito habang ako naman ay dahan-dahang umuupo.
“Okay ka lang ba, Naya?” Tanong niya pero hindi ako sumagot. Sinimulan kong kagatin ang kanin na nababalutan ng nori at kahit hindi ko gusto ang nasa loob nito ay kinain ko pa rin.
Buo na ang loob ko. Kailangan mahanap ko ang lalaking naging asawa ko sa kontrata. Sa Pilipinas kami kinasal at walang divorce dito sa ngayon. Unless ipapa-anull niya ang aming kasal. Kailangan ko munang masiguro kung may record nga kami sa PSA. Kapag nalaman ko ang eksatong pangalan niya, mas madali ko siyang mahahanap.
Siya na lang ang natitira kong pamilya. Kahit sa papel man lang ay may makikita akong maituturing na pamilya.
Nababaliw na yata ako pero hindi ko alam kung bakit bigla akong nagkainteres sa lalaking iyon.
“Umuwi ka muna pagkatapos mong kumain. Magpahinga ka at matulog ng maayos. Ajo na bahala sa labi ni Lolo Ambo. I-message na lang kita kung saang funeral homes, okay?” mahabang paliwanag ni Dr. Julian.
“Salamat, Dr. Julian.” Mapait akong ngumiti.
“Julian, or call me, Ian. I am your friend, Naya.”
Tumango lang ako. Nauna na siyang umalis dahil may pasyente pa siyang iba na naghihintay. Katunayan ay busy talaga siya maghapon pero naglalaan ng time sa akin si Julian.
Nang makarating ako sa bahay ay mas lalo akong nalungkot. Natanaw ko sa sala ang rocking chair ni Lolo Ambo na puro alikabok na.
Magpapasko akong mag-isa sa December. Paano na ako?
Mamimiss kita, Lolo ko.
Nang makapasok ako sa kwarto ko ay binagsak ko sa kama ang pagal kong katawan. Nakapa ko ang cellphone ko na nahulog galing sa bulsa ng jacket kong suot.
Wala sa loob na kinuha ko iyon at tinitigan ang screen.
One hundred missed calls? s**t!
Bigla akong bumagon paupo sa gilid ng kama.
Si Sorsya.
Bakit naman ganito karami ang missed call? Gaano ba kaimportante ang presensya ko e napakarami namang aplikante kung tutuusin.
May isang message galing sa kanya. Binuksan ko ito at nagulat ako sa nabasa ko.
*Naya, sana magpakita ka na. Ang init ng ulo ni Sir Kuro. Sinayang mo daw ang buong araw niya kakahintay sa ‘yo.*
What? Bakit kailangan akong hintayin maghapon? Ako na alng ba ang option?
Pero naisip ko din kailangan ko rin ng trabaho para sa mga plano ko. Para maisakatuparan ko ang paghahanap sa lalaking napangasawa ko sa papel, upang hindi ko maramdaman na nag-iisa na lang ako sa mundong ito.
Ang dami kong iniisip na posibilidad, mga chances na pinalampas ko pero sa ngayon okupado ni Lolo Ambo ang buong sistema ko.
Marahil sa pagod ay ginupo ako ng antok nang hindi namamalayan ang oras.