CHAPTER TWO: Coffee Shop

1169 Words
CHAPTER TWO: Coffee Shop                   Tirik ang araw nang mga oras na ‘yun. Madalas ay hanggang ala-una ng hapon kasi natatapos ang klase ko.                 Naalala ko pa no’n kung paano ako nakiusap sa college dean na payagan akong mamili ng oras ng klase gawa nga ng pinagsasabay ko ang pag-aaral at pagtatrabaho. Hindi naman sila mahigpit sa ganoong arrangement dahil ina-acknowledge nila ang mga paghihirap ng mga working student. Pero pinaalalahanan nila ako na kapag bumagsak ako kahit isang subject ay tatanggalin nila ang pribilehiyo kong iyon.                 Suot ang pares ng earphones sa aking tainga, sumakay ako papuntang coffee shop. Hindi naman sila mahigpit sa late na duty pero hinihiling lang nila na abisuhan sila kung mangyari man ‘yun. Kawawa rin kasi ang kapalitan ko dahil tulad ko, working student din siya.                 Ilang minuto lang ang nakalipas, nasa coffee shop na ako. Maaamoy mo kaagad mula sa kinatatayuan ko ang amoy ng kapeng gigising sa inaantok mong diwa.                 Hindi ko hilig ang kape pero nakatatawang dito ako nagtatrabaho. Kakaiba rin talaga ang mga pagkakataon. Walang dahilan para bigyan ka ng pagpipilian.                 “Nand’yan ka na pala,” bati sa akin ni Jeff, kapalitan ko ng shift, nang makapasok ako sa shop.                 May iilang customer na ang nasa loob, abala sa kanya-kanya nilang ginagawa. Madalas dito nagre-review ang ilang mga estudyante dahil tahimik at libre ang internet connection. Ang iba naman ay ito ang ginagawang meeting place sa kani-kanilang mga rason.                 “Magpapalit lang ako,” ani ko at saka dumiretso sa staff room.                 Minsan, napapaisip tuloy ako kung paano ko napagsasabay-sabay ang lahat, ang pag-aaral at ang pagtatrabaho. Sa katunayan, hindi ko na rin naiintindi ang sarili ko. Kung naaabuso ko na ba ito o napapasobra na aba ako. Alam kong may hangganan ang katawan ko pero mas mahalaga pa rin sa akin ang kumayod kalabaw.                 Lumabas na ako ng staff room at sinaluhan si Jeff sa counter.                 “Maaga ka pa nang 30 minutes sa duty mo. Magpahinga ka muna r’yan. Hindi rin naman ako nagmamadaling pumasok,” wika ni Jeff. Mas matanda siya sa akin ng dalawang taon. Pareho ko, siya rin ang tumutustos sa pag-aaral niya. Siya kasi ang panganay sa kanilang magkakapatid kaya doble kayod talaga siya sa pagtatrabaho.                 “Maiba pala ako, graduating ka na, Jeff, ‘di ba?” tanong ko habang wala pang masyadong customer.                 Tumango siya. “Oo. Malapit na rin ako matapos sa wakas. Hindi ko na kailangang pagsabayin lahat,” sagot niya na tila may galak. Sino ba naman kasing hindi magiging masaya na sa kabila ng paghihirap nila ay may sisilip na liwanag, ‘di ba?                 “Paano mo nakayang patapusin ang sarili mo sa kabila na ito lang ang pinagkakakitaan mo? I mean, hindi pa rin naman sapat ‘yung nakukuha nating sahod dito,” nagtatakang tanong ko.                 “Kumuha naman ako ng scholarship sa school na pinapasukan ko kaya naging madali lang para sa akin ang mga gastusin. Ang naging problema ko lang naman ay kung paano ko isisingit ang pag-aaral sa pagtatrabaho,” aniya. “Minsan, ginagawa kong araw ang gabi. May mga araw na dalawang oras ang tulog ko. Pero sa tuwing iisipin ko na kailangan kong makapagtapos para sa pamilya ko, nabubuhayan ako ng loob. Ano lang ba ‘yung saglit na hirap?”                 Napangiti ako. Sa buong taon ko na kasama si Jeff, hindi ko siya nakitaan na namroblema sa kung anuman. Lagi siyang nakangiti kahit na ano’ng mangyari. Hindi ko alam na ganito rin pala kabigat ang binibitbit niyang pasanin.                 Kung tutuusin, wala pa ako sa kalahati ng naging paghihirap ni Jeff pero parang ako itong hirap na hirap iahon ang sarili.                 Narinig kong tumunog ang pinto. Sinilip ko kung sino ang pumasok. Isang lalaki na madalas pumasok sa cafe shop nang ganitong oras, suot ang unipormeng katulad sa university na nasa harapan nitong shop.                 Halos kilala na namin ang mga madadalas naming customer. Bawat isa, nakikilala namin depende sa kung ano’ng kape ang gusto nila o ‘di kaya ay nag-iwan sila ng impresyon sa amin na hindi namin makakalimutan.                 “Iced coffee for Dan?” tanong ni Jeff sa customer na nasa harapan niya.                 “Yes,” sagot nito at saka ngumiti na nagpalabas ng kanyang pantay na ngipin.                 Napapansin kong sa tuwing nandito ito ay nanakaw sa akin ito ng tingin. Hindi ko minsan binibigyan ng kahulugan ang mga ganoong bagay. Iniisip ko na lang na coincidence na lang na nagtatagpo ang tingin namin. Walang halong malisya.                 Bitbit ang kanyang laptop, naupo siya malapit sa glass wall. Nakilala ko rin siya dahil madalas siyang umuupo roon nang halos apat na oras, tutok lang sa laptop na bitbit. Hindi kami nagkakaroon ng tyansang makapag-usap dahil sa tuwing dadating siya, si Jeff ang naka-duty.                 “Ako na ang gagawa,” suhestyon ko nang makitang kukuha na ng lalagyan si Jeff.                 Hindi naman na siya tumanggi at hinayaan na lang ako. Wala pa naman akong ginagawa kaya mas mabuting tulungan ko na rin si Jeff.                 Nang matapos, tinawag ko na ang pangalan niya.                 “For Dan?!” sigaw ko.                 Lumingon siya sa akin pero walang reaksyon. Nang makuha ko ang atensyon niya ay tumayo na siya at lumapit para kuhanin ang kanyang iced coffee.                 “For Dan,” ani ko nang makalapit siya. Iniabot ko sa kanya ang iced coffee. Hindi ko namalayang nagpatong ang mga kamay namin nang abutin niya ang inumin. Hindi ko na nabawi ang kamay ko dahil baka malaglag ang iced coffee.                 “Thank you,” pasasalamat niya at saka nginitian ako. Hindi ako nakapagsalita nang ilang sandali dahil doon.                 “Ano’ng nangyari sa akin?” bulong ko sa sarili.                 Naramdaman ko ang biglang pagtapik ng kamay ni Jeff sa balikat ko.                 “Okay ka lang ba?” tanong ni Jeff nang makita akong tulala.                 “O-okay lang ako. Wala ito,” pagsisinungaling ko.                 Tiningnan ko ang pwesto ni Dan. Nakita kong nakasulyap siya sa akin habang humihigop sa iniinom na iced coffee. Napalunok ako.                 “Umayos ka nga,” saad ko sa sarili at saka mahinang sinampal ang pisngi.                 Tinapik ako sa likod ni Jeff. “Mag-aayos na ako, ah,” aniya bitbit ang apron sa kamay.                 Tumango ako bilang tugon. Shift ko na rin pala. Kailangan ko nang umayos pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang pagdampi ng kamay namin ni Dan. Bakit parang may kung anong lumundag sa akin at nagpawala ng katinuan ko?                 Napailing na lang ako at iwinaksi ang ideya sa utak ko. Kailangan kong mag-focus sa trabaho. Pagkatapos pa nito ay may kikitain pa ako. Isa pa tuloy ‘yun sa dumagdag sa isipin ko. Hindi ko pa pala lubos maisip kung anong klaseng serbisyo ang ibibigay ko para sa dalawang libo.                 Napakamot na lang ako ng ulo sa dami ng iniisip. Hindi tama itong iniisip ko ang ibang bagay habang nasa trabaho. Sa huling tanda ko nang mawala ako sa focus, kung anu-ano ang naibigay kong kape sa mga customer. Ayoko nang maulit ‘yun dahil tiyak, kagagalitan na naman ako ng boss ko.                 Huminga ako nang malalim ay inayos ang sarili. Nagbukas muli ang pinto ng shop at nagluwal ng dalawang customer.                 “Good afternoon, Ma’am. Can I have your order?”                   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD