CHAPTER ONE: Project Spot
"Michael, nakita mo na ba 'to?" tanong ni Emil, hawak ang kanyang cell phone sa kanang kamay at isang tasa ng kape sa kabila naman.
Umaga no'n at halatang pareho kaming kulang sa tulog dahil sa mga namamaga naming mga mata.
Sa umaga kasi, kumakayod ako bilang barista sa isang maliit na coffee shop sa Las Piñas, katapat ang isang kilalang unibersidad na siya ring madalas naming pinagkukunan ng pagkakakitaan sa gabi. Hindi naman madalas ang 'part time' job namin pero mabuting pandagdag na rin pambayad sa mga gastusin lalo na't parehong kami ang gumagastos para sa sarili namin.
Tanging itong 'part time' job lang din kasi ang pinagkukunan ng panggastos ni Emil maliban na lang kung makaswerte siya ng kliyenteng maloloko para gumastos para sa kanya.
Lumapit ako sa kanya at iniwan ang dyaryong kanina ko pa binabasa na ang laman lang sa classified ads ay trabahong kailangang nakatapos sa pag-aaral.
"Ano ba 'yan?" tanong ko pabalik at saka sinaluhan siya sa pagtingin sa kanyang cell phone.
Pansin ko ang ilang larawan ng mga lalaking nakahubad pang-itaas. 'Yung iba naman ay tanging mga pangloob lamang ang suot pero hindi kita ang mga mukha. Kung ilalarawan, para na rin itong 'bait' sa mga taong naghahanap ng panandaliang aliw. Kapiraso lang din naman kasi ang mga taong naghahanap dito ng seryosong makakarelasyon.
"Social interaction app para sa mga naghahanap ng pansamantalang aliw," ani Emil habang itinutuon pa rin ang tingin sa cell phone. "Paniguradong makakakuha rin tayo rito ng kliyente. Discreet pa ang pag-aalok kasi hindi ka nila kilala personally."
Umiling ako. Hindi nga ako nagkamali. Hindi na bago sa akin ang bagay na ito.
"So gano'n din. Hindi mo rin sila kilala. Ayokong sumama sa taong hindi ko pa nakikita. Hindi ka nga rin sigurado kung sila ba 'yang nasa larawan," paliwanag ko kay Emil na tila hindi pa rin natatauhan sa sinabi ko.
Tumawa siya nang bahagya. "Ngayon ka pa talaga namili? Sa panahon natin, sa ganitong trabaho, hindi na tayo mamimili. Basta mabayaran tayo, tapos! Eh, hindi naman natin kailangan kung may hitsura o hindi. Hindi naman natin sila mga karelasyon para pakisamahan nang matagal," paliwanag niya pabalik.
Napatango ako. Kung kailangan ko ng pera, hindi ito ang oras para mag-inarte o mamili pa ako. Mahirap maging mahirap. Wala kang option dahil ikaw mismo ang hahanap ng mapagpipilian. Malas mo lang kung wala.
"Saka 'yung madalas sumasali dito, sila 'yung malalaki magbayad ng serbisyo mo. May pagpipilian na kasi sila depende sa gusto nila. Malay mo, dito ka pa makakuha ng mayaman na tutustos sa pag-aaral mo," pabiro niyang sabi at saka tumawa.
"Hindi ko naman gagawin 'yun. Kung gusto ko lang din palang makapagtapos nang walang hirap, sana matagal na akong sumama kay Lovely," ani ko patungkol sa baklang nagtatrabaho sa salon na malapit dito sa apartment. Matagal na kasi akong inaalok bilang 'boy' no'n kapalit ang mga gabing babangungot sa akin. Ilan na rin daw kasi ang napagtapos ni Lovely at iniwan rin siya kalaunan.
"Ang tawag sa 'yo dapat ay callboy na may dignidad," pagbibiro niya. "Kung may gano'ng award, sa 'yo ko talaga ibibigay. Ang tindi rin talaga ng prinsipyo mo, e."
Natawa naman ako sa turan niya. May trabaho pa rin naman akong mapagkukunan ng ipambabayad sa araw-araw at ang sandaling aliw sa mga kliyente ay 'part time' job ko lang. Tama lang 'yun pantapal sa kakulangan ng pera ko pambayad sa mga utang ko nang mamatay si Mama.
"Oh, ano? Isasali na ba kita?" tanong ni Emil habang pinapakita ang registration ng app.
Kinuha ko ang cell phone ko na nakapatong sa mesa. "Ako na. Baka ano pang gawin mo, e. Ano bang name ng app na 'yan?"
"Project Spot. Search mo lang sa Playstore."
"Oh, sige.Tingnan ko muna."
Ilang minuto lang ay natapos ko na ang pagrehistro sa nasabing application. Ginamit ko ang larawang kita ang labi ko paibaba hanggang baywang. Mas maiging maging discreet na rin sa pag-post ng mga larawan sa mga site. Hindi ko rin masasabi kung ilan sa mga kakilala ko ang sumali na roon. Wala pa namang nakakaalam maliban kay Emil at mga naging kliyente ko ang tungkol sa ganitong trabaho ko.
Baka imbes na ito ang tumulong sa akin makatapos sa pag-aaral, ito pa ang maging dahilan para umayaw ako sa mga pangarap ko.
"Oh, ano 'to?" tanong ko nang biglang may nag-pop up na notification.
Napatingin naman si Emil sa cell phone ko.
"Patingin nga," aniya. Kinuha niya sandali ang cell phone ko at saka binuksan ang notification bar. "Ang bilis, ah. May nag-react agad sa account mo. Malapit lang din dito sa Las Piñas," aniya at saka ibinalik ang cell phone sa akin.
"Paano mo nasabi? Hindi ba 'to delikado kasi nalalaman mo 'yung location no'ng may-ari ng account?" naguguluhang tanong ko.
"May mga user na magre-react sa account mo. Ibig sabihin, interesado sila sa 'yo. Sa pagkakataong iyon, pwede ka nang mag-alok sa kanila ng serbisyo mo. Makikita rin dito kung gaano kalayo ang kausap mo. Sa estimate ko, malapit lang ang pitong kilometro kaya siguradong nasa Las Piñas lang din siya. Wala ka rin namang magiging problema sa location hangga't hindi ka gumagamit in public," paliwanag niya.
"Bakit ang dami mong alam sa ganyan?" tanong ko.
Nagkibit-balikat lang siya. "Well. Saan mo ba nalaman ang ganitong trabaho?"
Napatango na lang ako. Tama nga naman siya. Ano bang bago? Kung may bagay na hindi ako alam sa ganitong trabaho, paniguradong masasagot ni Emil.
"I-message mo na habang online pa," pilit sa akin ni Emil.
"Ano'ng sasabihin ko?"
"Ano bang klaseng tanong 'yan? Akin na nga ulit 'yan. Ako na ang makikipag-usap," saad niya at saka mabilis na kinuha ang cell phone ko.
CoolDude: Meet???
NaughtyDaddy69: Twin Condominium, Alabang, Muntinlupa. 8:00 PM
"Sabihin mo 8:30 PM. 7:30 PM pa kasi out ko sa cafe, e," suhestyon ko.
"Ang taong sabik sa s*x, hindi namimili ng oras 'yan. For sure, willing to wait pa 'yan," pagbibiro niya.
CoolDude: 8:30 PM?
NaughtyDaddy69: Call. Hm?
CoolDude: Depends.
NaughtyDaddy69: 2k?
CoolDude: Sure.
NaughtyDaddy69: See u.
"Ano'ng ibig sabihin mo sa depends?" tanong ko.
"Wala ka pa rin talagang alam masyado sa trabahong pinasok mo. Bibigyan ka nila ng presyo, at bahala ka na kung hanggang saan para sa 'yo ang ganoong presyo. Kung ang dalawang libo na bayad sa 'yo ay kasama ang f*****g, ikaw na ang bahala," paliwanag niya.
"Wala talaga akong masabi sa 'yo," mangha kong sabi.
"Well. Tawagin mo na akong master from now on," utos niya.
Natawa ako. "Anong master? Baka master-bater," paglilinaw ko.
"Aba! Bgaong joke 'yan, ah." pang-aasar niya. "Sige na. Mag-asikaso ka na. May pasok ka pa, 'di ba? Hahanap na rin ako ng kliyente ko. Hindi pwedeng ikaw lang ang mayroong kita ngayong gabi," aniya.
Napailing na lang ako habang natatawa nang bahagya.
"Good luck sa paghahanap. Swertehin ka sana," saad ko.
"Sinasabi ko sa 'yo. Matandang mayaman itong makukuha ko," paninigurado niya.
Nagpaalam na ako sa kanya at nag-asikaso para sa shift ko mamaya. Napapaisip ako sa dalawang libong perang makukuha ko ngayong gabi. Hindi biro kitain ang ganoong kalaking pera pero para sa iba, madali lang iyong gastusin para sa sandaling aliw. Hindi ko tuloy alam kung dapat ba akong makonsensya.
Tutal, pera naman nila 'yon. Wala naman na akong karapatan kung saan nila gagastusin ang pera nila.
"Bahala na," bulong ko sa hangin at saka iwinaksi ang iniisip.