CHAPTER THREE: Soon-To-Be Groom
Nilamon na ng dilim ang buong paligid. Abala na naman ang buong kahabaan ng kalsada dahil sa mga nagsisiuwiang estudyante at empleyado. Napatingin ako sa relong suot ko.
"7:41 PM," bulong ko sa hangin. Tinantiya ko kung makakaabot ako ng 8:30 sa unang napag-usapan naming tagpuan. Dahil punuan ang mga pampublikong sasakyan nang mga ganitong oras, inabisuhan ko na si 'NaughtyDaddy69' na may tyansang mali-late ako.
Hindi naman siya nagreklamo. Okay lang raw dahil doon na rin siya magpapalipas ng gabi habang hinihintay ako.
Huminga ako nang malalim. First time kong magbibigay ng serbisyo sa taong hindi ko pa nakikita. Madalas kasi, sa kindat lang sa coffee shop kami nag-uusap ng mga kliyente ko. Konting usap sa magiging detalye at saka ako papayag.
Ibang-iba ito sa tradisyunal kong ginagawa. Ako itong magbibigay ng serbisyo pero ako pa itong kinakabahan. Bago pa nga lang talaga ako sa ganitong trabaho sa isip-isip ko. May natitira pang bahid ng kaba at inosente sa akin.
Sampung minuto siguro ako naghintay o higit pa bago nakasakay. Saktong may bakanteng upuan sa tabi ng driver.
"Manong, bayad po. Sa Alabang po," ani ko saka abot ng bayad sa driver.
Habang binabagtas ko ang kahabaan ng Alabang-Zapote Road, may mga alaalang laging sumasagi sa utak ko. Mga alaala na kahit ano'ng gawin ko para kalimutan, hindi ko magawa. May kung anu-anong mga bagay ang nagpapaalala sa akin kung gaano ko hindi pinahalagahan ang mga bagay na mayroon ako noon.
Napahiga ako sa malamig na bakal na sandalan ng lulan kong dyip. Marami akong nasayang na panahon at tao noon. Naging duwag kasi ako sa nararamdaman ko at itinago ko na lang sa sarili ko. Siguro itong nangyayari sa akin ay sapat na kabayaran sa mga naging kasalanan ko.
Pero sa kabilang banda, nagsisisi na ako. Kung may pagkakataon lang talagang maibalik ko ang mga nasayang na panahon, hihilingin ko.
"Sana napatawad mo na ako," bulong ko sa hangin kasabay ang malalakas na busina ng mga sasakyan sa kahabaan ng kalsada.
Mas mabilis kaysa sa inakala ko ang magiging biyahe. Nahuli lang ako nang halos kinse minuto sa orihinal naming napag-usapang oras. Hindi ko rin akalain na gano’n na pala kabilis magmaneho ang drayber dahil sa lalim ng iniisip ko.
Mataas ang gusali na may higit tatlumpung palapag. Sa entrada pa lang, makikita mo na ang malaking chandelier sa mataas na kisame, mga bellboy na akala mo ay mga artista at ang amoy ng mabangong air freshener.
"Nandito na ako," mensahe ko sa kanya. Suot ang polo at maong, nagpalakad-lakad ako sa lobby. Gawa sa salamin ang ilang parte ng dingding na nagpaliwanag sa buong paligid. Tiningnan ko ang sarili kong repleksyon mula roon.
"Hindi ako nababagay dito," banggit ko. Kaya hindi rin siguro ako pinapansin ng mga staff dito ay dahil sa awra na ipinapakita ko.
Kahit ano'ng suotin ko, kung mahirap ako, mangangalingasaw pa rin ako.
"Hey," bati ng isang lalaking papalapit sa akin.
Sa simpleng kumusta niya, mababatid ko kaagad na may kaya siya. Makikita sa kung paano niya bigkasin ang bawat salita.
Napatingin ako sa itsura niya. Hindi halata sa kanya ang naeengganyo sa mga ganitong gawain. Simple lang ang suot niya. Nakaputing T-shirt at naka-shorts habang nakatsinelas pero hindi mababakasang mahirap.
"Oh, hi!" bati ko pabalik.
"Akyat tayo?" aya niya.
Tumango ako bilang tugon. Sinundan ko siya patungo sa elevator. May parang kung anong kaba na naman ang kumakabog sa dibdib ko. Dapat nasasanay na ako sa ganitong gawain pero pakiramdam ko, lagi akong baguhan na tila nababahag ang buntot dahil sa kaba.
"Pasok ka," paanyaya niya nang buksan niya ang pintuan ng unit niya.
Simple lang sa loob. Tipikal na unit ng isang lalaki. May iilang kasangkapan na gamit sa pagluluto at tamang pwesto lang para sa tulugan.
"Gusto mo ba ng maiinom?" pag-aalok niya nang makaupo ako sa sofa.
Nang banggitin niya iyon, napansin kong may isa ng bote ng alak ang bukas sa mesa. Halos kalahati na rin ang bawas no'n. Marahil ay dahil sa matinding inip, nagsimula na siyang uminom.
Ngumiti ako bilang pagtanggi.
"Ilang lalaki na rin ang nadala ko rito. I think, two weeks ago 'yung last time na may dinala akong lalaki rito," aniya at saka naupo sa tabi ko..
Hindi ko alam kung ano bang dapat kong sabihin kaya nanatili akong tahimik.
"Pero don't worry. I use condom everytime na makikipag-s*x ako. Hindi ko rin naman gusto makahawa sa kung sinuman at ayoko ring mahawa in the first place," paliwanag niya.
"Bakit? Bakit kailangan mong gawin 'to?" tanong ko dala ng kuryosidad. Hindi ko na napigilan ang sarili kong magtanong. Hindi ko dapat sinabi 'yun pero tapos na. Nasabi ko na.
Tumawa siya nang bahagya. "Bakit? Bakit nga ba? Siguro treat ko na rin sa sarili ko? Ilang buwan na lang kasi ikakasal na ako."
Nanlaki ang mga mata ko nang sabihin niya 'yun. Ikakasal? Paano?
"Nagulat ka ba? Kahit siguro sino ay magugulat. Even I, nagulat sa sarili ko that I can marry a girl kasi all my life, alam kong lalaki ang gusto ko. But, everything could change in just one night. Isang gabi lang 'yun. Isang gabi na pagsisisihan ko pala nang habambuhay."
Nagpatuloy lang ako sa pakikinig sa kwento niya hanggang sa hindi ko mamalayan ay iniinom ko na pala ang bawat abot niya sa akin ng baso ng alak.
"I got drunk that night. I was with my friends. I'm 36 na pala, btw," paliwanag niya. Nang sabihin niya iyon, napatingin ako sa itsura niya. Hindi halata sa kanya ang edad ay lagpas na sa kalendaryo. Siguro kaya gano'n na lang din ang pinili niyang username sa Project Spot.
"I got wasted kasi ang dami na rin naming nainom no'n. Nag-alok 'yung isang friend ko na ihahatid na lang niya raw ako. So she drove me hanggang dito. She's a bit drunk too so when we got inside, we had s*x and the rest is history. One month siguro after no'n, inamin niya sa akin na buntis siya. I was hesitant at first kasi hindi ko alam kung ako lang ba ang naka-s*x niya," tumigil siya sandali at tinungga ang isang baso ng alak.
"Pero she insisted na akin daw iyon. I said gusto ko ng proof. Pero she ignored me. She went all the way to Makati to tell my parents. Of course, my parents were overwhelmed. Hindi nila kasi alam na ang anak nilang bading, magkakaanak. So they arranged a marriage." Pinakita niya sa akin 'yung singsing na nasa kamay niya, simbolo na engaged na siya.
"Nagsisisi ka pa rin ba?" tanong ko.
"I don't know. Pero gusto kong sulitin ang ganitong mga bagay habang nagagawa ko pa," aniya at saka hinawakan ang pagitan ng hita ko.
Nagkatinginan kami sa mga mata. Unti-unti niyang nilalapit ang kanyang mukha sa akin. Ramdam ko ang init ng kanyang hinga na dumadampi sa aking mukha.
Sa isang kurap lang ng mata, naramdaman ko na ang mainit na pagsasalo ng aming mga labi. Kasabay ang paghuhumiyaw ng kasalanan namin na nagtatago sa kwartong ito.