It’s Sunday. Nakagawian ko nang umuwi sa bahay kung nasaan ang mga magulang ko upang dalawin sila. Kapag hindi ko kasi sila binisita hindi ako titigilan ni mama. Kaya inilalaan ko talaga ang Linggo bilang family day namin.
Nang makarating ako sa bahay ay mabilis akong umibis sa aking sasakyan. Nakita ko na rin ang kotse nina ate Claire na nakaparada sa garahe.
“Hello, everyone!” masayang bati ko nang makapasok na ako sa loob ng bahay.
Sabay na lumingon sa akin sina mama at ate Claire na buhat-buhat ang kanyang magdadalawang taong gulang na anak.
Lumapit ako sa kanila at humalik sa pisngi ni mama bago ako bumaling sa anak ni ate.
“Hello, baby girl.”
Hinawakan ko ang kamay nito at nilaro-laro.
Humagikhik naman ito bago ibinukas ang mga kamay upang yakapin ako.
“Tata,” anito.
Kinuha ko kay ate ang anak niya at ako ang kumarga rito. Saka ako naupo sa sofa katapat ni mama.
“Bakit kasi hindi pa kayo magpakasal ni Primo nang magka-anak ka na rin,” komento ni mama habang pinapanood akong nilalaro si Violet.
“Ma, chill ka lang. Busy pa kami ni Primo,” balewalang saad ko at pinisil ang pisngi ni Violet.
Ang cute-cute talaga ng anak ni ate lalo na kapag ngumingiti ito. Nawawala angmga mata.
Sumimangot ito sa sagot ko pero nginitian ko lang ulit ito.
“Tumatanda na kayo. Kailan pa kayo magpapakasal kapag wala na kami sa mundo?” madaramang tanong nito.
Palihim kong inikot ang mata ko.
Sanay na ako sa pagiging best actress ni mama kaya hindi na ako nagpapadala sa pagdadrama niya.
“Hindi n’yo ako madadala sa drama n’yo. Mas malakas pa kayo sa kalabaw kaya hindi pa kayo kukunin ni Lord. ‘Yong kasal makapaghihintay iyon, hindi naman kami nagmamadali,” paliwanag ko.
Sanay na ako sa kanya na lagi niyang tinatanong kung kalian ba kami magpapakasal. Mula yata nang tumungong ako ng twenty-years old excited na siyang maikasal ako kay Primo. Bata pa lang kami pangarap na niyang maging manugang si Primo kaya ngayong matatanda na kami lagi niya kong kinukulit kung kalian ba kami magpapakasal.
“Kung hindi kayo nagmamadali pwes kami nagmamadali na. Pareho na kayong nasa tamang edad, pareho na rin kayong successful sa mga career n’yo. Ano pa ba ng iniintay ninyo bago lumagay sa tahimik? Kalian n’yo pa balak bumuo ng pamilya?”
“Ma, hayaan n’yo na lang sila. Baka hindi talaga sila para sa isa’t isa,” singit ni ate Claire.
Binigyan ito ni mama ng masamang tingin pero inosenteng tumigin lang pabalik dito si ate.
“Pwede ba Clarita kung wala kang magandang sasabihin manahimik ka na lang. Kung hindi rin lang si Primo ang magiging manugang ko, h’wag ka nang magpakasal pa, Cleopatra.”
Pinadilatan ko ng tingin si ate. Sinisisi siya sa kanyang sinabi. Dapat nanahimik na lang ito para hindi na humaba pa ang sermon ni mama. Pero pinagtaasan lang ako nito ng kilay.
“H’wag kang mag-alala mama. Magiging son-in-law n’yo rin si Primo. Sinisiguro ko ‘yan sa inyo,” pag-aasure ko dito.
Wala naman akong ibang balak na pakasalan kaya hindi ito dapat mag-alala. Primo is already a good catch at wala na akong balak pang pakawalan ito.
“Basta ako hihintayin ko na lang na ikasal ka. Kasi sa ngayon medyo duda pa ako,” ani ni ate Claire.
“Clarita!” saway dito ni mama. Ngumiti naman ako dahil pinanlalakihan ito ng mga mata ni mama. “H’wag kang nega.”
“Hintayin mo. Dahil sinisiguro ko sayo ako ang magiging pinakamagandang bride na makikita mo,” hamon ko dito.
Bago may pagmamayabang na tumingin dito. Ibinaba ko si Violet dahil nagpupumiglas ito.
“You should be the happiest bride not the prettiest. Ano ang silbi ng pagiging maganda mo kung hindi ka naman masaya.”
Bigla akong natahimik sa sagot niya. Tila may namuong tension sapagitan naming dahil sa sinabi niya.
Gusto kung ipagtanggol ang sarili ko pero na-realize ko na may punto siya. I always dream to be a prettiest bride pero kahit minsan hindi ko inisip kong ano ba ng pakiramdam na maging isang bride. Ang lagi ko lang iniisip ay dapat maganda ako sa araw ng kasal ko at bongga ang araw na iyon dahil wedding planner ako kaya gusto kung maganda ang theme at venue. Tuwing iniisip kong ikakasal ako kay Primo ang event ang laging pumapasok sa utak ko hindi ang kadahilanang magpapakasal ako sa lalaking gusto ko. Bilang wedding planner mas nag-focus ako sa event kaysa sa reason kung bakit ba ako magpapakasal.
Hinampas ito ni mama ng throw pillow. “Ano bang problema mo? Bakit parang ayaw mong ikasal ang kapatid mo?”
“Hindi naman sa ayaw ko siyang ikasal. Ang gusto ko lang, magpakasal siya dahil gusto niya. Dahil mahal nila ang isa’t isa hindi dahil na-pressure lang siya. Ma, kung hindi pa sila handa h’wag n’yong pilitin. Matanda na sila hayaan n’yong magdesisyon sila sa para sa sarili nila. Mula pagkabata pinamulat n’yo na sa kanya na si Primo ang lalaking dapat niyang pakasalan. Minsan ba inisip ninyo kung ano ba talaga ang nararamdaman niya?”
Biglang nanahimik si mama dahil sa sinabi ni ate. Tumingin ito sa itaas at pasimpleng pinahid ang luhang papatak na sana.
Maging ako ay hindi muli naka-imik sa sinabi niya. Tila ba nais niyang iparating sa amin na wala kaming nararamdaman sa isa’t isa ni Primo na kasunduan lang ang lahat. Mali siya doon. Gusto ko si Primo, maaring sa simpleng kasunduan lang nagsimula ang lahat pero alam kong hindi lang iyon simpleng kasunduan. Balang araw magpapakasal kami hindi dahil gusto ng mga magulang namin kundi dahil iyon ang mahal naming ang isa’t isa.
“Na-pressure ba kita? Napipilitan kalang ba? Hindi mo ba siya mahal?” may bahid ng lungkot sa boses nito.
Mabilis akong umiling. “No, ma. H’wag mong isipin ‘yon. Gusto ko si Primo and I am sure he likes me too.”
Hindi man sinabi ni Primo ang nararamdaman niya pero alam ko, ramdam ko. May nararamdaman siya sa akin dahil kung wala hindi siya magseselos kay Klirk.
“Narinig mo? Gusto nila ang isa’t isa. Kaya h’wag mo na akong kinonsensya,” nakairap na saad nito kay ate. Tumayo ito. “Mas mabuti pang maghanda na ako ng tanghalian natin. Maiwan ko na muna kayo.”
“Bakit mo naman sinabi iyon?” baling ko kay ate ng tuluyan nang makaalis si mama papuntang kusina.
Hindi ko naman minasama ang sinabi niya dahil alam kung iniisip lang niya ang nararamdaman ko kaso baka nasaktan si mama sa sinabi nito. Ayaw ko naming magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng dahil lang sa akin.
“Concern lang naman ako sayo,” balewalang saad nito.
“Salamat sa concern mo pero hindi ko maintindihan kung bakit tila ayaw mo kay Primo.”
Dati pa kasi lagi niyang sinasabi na hindi siya maniniwalang si Primo ang pakakasalan ko maliban na lang daw kung masaksihan na niya kami na nagpapalitan ng ‘I do’s’ sa harap ng altar.
“Hindi sa ayaw ko sa kanya. Naniniguro lang ako dahil alam naman nating pareho na pinagkasundo lang kayo. Pero kung gusto n’yo talaga ang isa’t isa wala naman akong magagawa.”
“Gusto ko siya ate. Wala na akong ibang lalaking nakikita pang pakakasalan kundi si Primo lang,” paninigurado ko sa kanya.
Tumango ito pero hindi ko makita sa mata nito ang pagsang-ayon. “Okay, wala na akong sasabihin. Ayaw ko namang magmukhang kontrabida sa inyong dalawa.”
“Lambingin mo si mama, siguradong nagtatampo iyon sayo,” utos ko. Hindi naman ito umimik pero tumayo ito mula sa pagkakaupo.
Ibinalik niya sa akin ang anak niya.
“Alagaan mo muna si Violet. Tutulungan ko lang magluto si mama,” saad nito sumunod kay mama sa kusina.
Napangiti naman ako. Binuhat ko si Violet at nagtungo kami sa veranda kung nasaan sina papa at kuya steve. Puro trabaho lang naman ang pinag-uusapan ng dalawa kaya umalis din ako. Nagtungo na lang ako sa kwarto ko habang buhat-buhat ko ang cute na si Violet. Humahagikhik pa ito.
Inilapag ko sa kama si Violet. Tahimik na umupo naman ito habang naglaalaro ng hawak na laruan.
Napatingin ako sa malaking teddy bear sa ibabaw ng kama ko. Binigay iyon sa akin ni Klirk noong high school pa lang kami. Inasar kasi niya ako ng todo noon kaya sa sobrang pikon ko ay hindi ko siya pinansin ng ilang araw kaya binigyan niya ako ng life-size teddy bear bilang peace offering.
Kinuha ko ang teddy bear at mahigpit na niyakap. Ito ang laging kasiping ko noong hindi pa ako bumubukod kina mama. Nagawi ang tingin ko sa dingding nang kwarto ko. Napangiti ako ng makita ko ang isang jersey jacket na naka-frame. Jersey jacket iyon ni Primo na pinasuot niya sa akin noong lumaban siya ng finals para sa university team namin. Kinikilig talaga ako ng todo noon, pakiramdam ko binabakuran niya ako at ipinapakilala sa lahat bilang girlfriend niya. Maramig babae nga ang masama ang tingin sa akin noon pero wala akong pakialam basta todo cheer lang ako sa team naming lalo na kay Primo.