ISANG BUWAN. Iyan lang naman ang buwan simula nang mawala at iwanan ako ng asawa ko matapos ang unang gabi naming dalawa. After taking my virginity, he left without saying goodbye at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik.
Tinititigan ko ang tasa ng tsaa na nasa lamesa habang panay ang aking pagbuntong-hininga.
Dito ako nakatira ngayon sa bahay nina Papa. Noong unang tatlong araw ay nakayanan ko pang manatili sa bahay namin ni Zeke ngunit dahil wala akong kasama roon kung hindi ang mga bantay at kasambahay ay naisipan ko na umuwi na lamang dito.
Natatandaan ko pa ang natamo kong hagupit na galit ni Papa nang malaman niya ang nangyari sa unang gabi. Sinabi niya na wala raw akong kwentang asawa kaya’t iniwan ako ni Zeke. Pinalagpas ko iyon dahil sanay naman akong makatanggap ng mga masasakit na salita mula sa kanya. Bata pa lamang naman ako ay ganoon na siya sa akin.
“Eula, may kailangan ka pa? Baka nagugutom ka.” Nagpakita si Manang Josie, siya ang mayordoma namin dito sa bahay.
Ngumiti ako sa kanya at umiling. “Wala na. Okay lang ako. Hindi naman ako nagugutom.”
Matapos kong sabihin ang iilang salitang iyon ay napag-isa na naman ako.
Wala sina Papa ngayon dahil nasa kompanya. Kahit papaano ay umaayos na ang estado ng kompanya namin simula nang kumalat na napangasawa ko si Zeke Benavidez. Tumaas ang stocks namin at mas maraming gustong mag-invest.
Originally, hindi naman talaga si Zeke ang dapat pakakasalan ko. I was destined to marry Claudio Vasquez, anak ng kaibigan ni Papa. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay biglang bumagsak ang kompanya nila kaya’t hindi pumayag si Papa na matuloy ang kasal. Nanganganib din kasi ang kompanya namin noon kaya’t gusto ni Papa na kung ipapakasal man kami ni Entice ay sa maaaring mag-ahon sa kompanya namin at hindi humila pababa. Doon pumasok ang marriage offer ng mga Benavidez na siyang agad namang tinanggap ni Papa. Nang una ay si Entice ang gusto niyang ipakasal sa kung sino mang Benavidez iyon ngunit ang nais ata ay ang panganay na anak which is ako. Kaya kahit salungat sa gusto ni Papa ay pumayag pa rin siya.
“Ate…”
Naputol ang kakaisip ko sa kung anu-ano nang tawagin ako ni Entice, ang nakababatang kapatid ko. Anak siya ni Papa sa sumunod niyang asawa matapos mamatay ang aking ina. I was too young to remember how my biological mother died. Ang alam ko lang, namatay siya dahil sa malubhang sakit.
“Bakit, En?” tanong ko sa kanya.
Tipid siyang ngumiti sa akin at bakas sa kanyang mga mata ang kalungkutan.
“Gusto mong sumama sa akin? Magmo-mall kami ng mga kaibigan ko, baka lang gusto mong lumabas? Nitong nakaraan ay parati kang pinagagalitan ni Papa. Baka makatulong ang shopping para gumaan ang nararamdaman mo,” saad niya.
Umiling ako. “Hindi na. Maayos naman ako. Sige na at puntahan mo na ang mga kaibigan mo. Huwag mo akong alalahanin.”
Kahit magkapatid lamang kami ni Entice sa ama ay malapit ang loob naming dalawa sa isa’t isa. Si Tita Trisha na siyang stepmother ko ay maganda rin naman ang turing sa akin kaya’t masuwerte pa rin ako kahit malupit ang ama sa akin.
Tumango na lamang si Entice kahit na para bang ayaw niya akong iwanang mag-isa.
Makalipas din naman ang ilang sandali ay nagdesisyon na akong pumasok sa loob ng kwarto ko.
Tiningnan ko sa labas ng bintana ang pag-alis ng kapatid ko at nang mawala siya sa paningin ay nagpasiya akong mahiga na lamang sa kama at magpahinga. Pakiramdam ko ay lagi akong pagod kahit na wala naman akong ginagawa.
“Eulalia!”
Mariin kong ipinikit lalo ang aking mga mata nang marinig ko na naman ang galit na boses ng aking ama. Akala ko ay nasa opisina siya ngayon ngunit mukhang nag-abala siyang umuwi rito para pagalitan ako. Ramdam ko na may panibago na naman siyang isusumbat sa akin. Hindi talaga ako ang paborito niyang anak. Para sa kanya ay bobo ako at si Entice ang perpektong anak.
“Ernesto, hayaan mo na si Eula!” Pigil sa kanya ni Tita Trisha.
Pabalang na bumukas ang pinto ng aking kwarto. Hindi ko na kailangang tingnan iyon para lamang makita kung sino ang pumasok. Alam ko na sina Papa iyon.
Bumangon ako upang makausap siya subalit isinampal ni Papa sa akin ang mga litrato. Bumagsak iyon sa kama ko at nakita ko na si Zeke ang naroroon.
“Look at these pictures! May nagpadala ng mga iyan sa atin kanina. Hindi pa lamang siguro lumalabas sa media dahil pinipigilan siguro ng pamilya ni Zeke! May babae raw ang asawa mo.”
Pagod kong tiningnan ang mga litrato. Bumuntong-hininga ako. It’s Zeke with a woman I don’t even know. Mukhang sa isang malaking party iyon sa ibang bansa.
“I don’t know, Pa. Wala naman akong naririnig na balita tungkol sa kanya—”
“Kung sana ay naging mabuti kang asawa sa kanya, hindi ka sana iniwan dito at sinama ka pag-alis niya ng bansa! Wala ka na ngang kwentang anak ay wala ka pang kwentang asawa!” bulalas ni Papa sa akin.
Naririnig ko pa si Tita Trisha na pinapatigil si Papa ngunit tila ayaw magpaawat ng aking ama.
“Why do I have to be blamed because of his immodesty, Papa? Hindi naman ako ang nangangaliwa, hindi ba? Hindi ako ang nang-iwan sa unang gabi. Bakit po ako ang sinisisi ninyo? Hindi ba dapat si Zeke—”
Napatigil ako nang muntikan na akong sampalin ng aking ama.
“At sumasagot ka pang bata ka! Wala ka namang naiambag sa pamilyang ito kung hindi ang pagiging pabigat! Pagiging matinong asawa na nga lang ay hindi mo pa maayos-ayos!”
“Tama na iyan! Let Eula rest. Pagod na siya sa lahat ng sinasabi mo sa kanya, Ernesto. Maawa ka sa anak mo.” Patuloy si Tita sa pagpapatigil kay Papa ngunit masyado atang galit ito sa akin ngayon.
“Kapag iyan ay bumalik at nakipaghiwalay sa ‘yo, Eula, malilintikan ka talaga sa akin!” Umalis si Papa matapos niyang sabihin ang masasakit na salita.
Gano’n parati ang eksena namin dito sa bahay simula nang magdesisyon akong dito muna tumira dahil wala nga ang asawa ko. Parati akong nakakatanggap ng panunumbat mula sa aking ama at si Tita Trisha, ang aking stepmother, ang parating nagtatanggol sa akin o hindi kaya ay si Entice.
“Pagpasensyahan mo na ang Papa mo.” Lumapit sa akin si Tita at marahang hinaplos ang aking braso. “Stress lamang siya dahil sa kompanya. Iniisip kasi ng ilan na hihiwalayan ka na ng asawa mo kaya’t ang iba ay gustong bawiin ang investments nila. Sa ‘yo tuloy ibinubuntong ni Enersto ang stress niya.”
Alam ko na mahalaga kay Papa ang bawat investments at si Zeke. Dahil sa mga ito ay bumabangon muli ang kompanya namin na muntikan nang malugmok noon. Ngayong kumakalat na may ibang babae ang aking asawa o hindi kaya’y makikipaghiwalay, ang mga nag-invest sa amin dahil sa impluwensya ng mga Benavidez ay maaari ngang mag-pull out ng shares nila.
Dahil sanay na naman ako sa mga pananakit ni Papa at ganoon na rin ang masasakit na salita mula sa kanya, pinagsawalang bahala ko na lamang iyon. Sanay na rin naman ako na kapag nilalait ako ni Papa, parang wala na lamang sa akin.
Kinabukasan ay ginimbal ako ng balitang pabalik na raw ng bansa si Zeke. Hindi ko alam ang mararamdaman ko nang marinig iyon. Si Papa ay panay pa rin ang pangaral sa akin. Na baka raw babalik ng bansa si Zeke at makikipaghiwalay sa akin. Nanatili lamang naman akong tahimik.
Makalipas ang isang buwan na bigla niya na lamang akong iniwan ay magpapakita pa siya ngayon? Kung totoo ngang makikipaghiwalay siya, okay lang sa akin. Ang hindi ko lang siguro kaya sa parteng iyon ay makakatanggap ako ng malupit na kaparusahan sa sarili kong ama.
I want to run away. I tried that several times but failed in my attempts. Ang ginagawa ni Papa kapag nahuhuli niya akong tumatakas ay ikinukulong niya ako sa attic ng bahay ng ilang linggo. Dinadalhan naman ako ng pagkain pero…hindi pa rin magandang karanasan iyon. Siguro kaya kinalakihan ko na takot ako sa madidilim na lugar.
“Kapag talaga hiniwalayan ka ni Zeke Benavidez ay hindi ko alam ang gagawin ko sa ‘yo! Sana ay isinama ka na lang ng iyong ina nang mamatay ito!”
I gritted my teeth. Kung wala na akong gana kanina ay mas lalo akong nawalan ng gana ngayon.
Pinakamasakit na sigurong salita ay ang ipanalangin ng sarili mong ama na mawala ka sa buhay niya.
“Si Entice talaga ang gusto kong ipakasal sa kanya! Dahil alam ko na siya ang mas magiging mabuting asawa para kay Zeke ngunit masyado pa raw itong bata kaya iyong panganay na lamang! Maling-mali talaga!”
Nginuya ko na lamang ang pagkain kahit na hirap na hirap na ako dahil sa mga naririnig ko. Entice rito, Entice roon. Minsan kahit gaano ko kamahal ang kapatid ko ay hindi ko mapigilang mainggit sa atensyong ibinibigay ni Papa sa kanya. Siguro nga kung si Entice ang ipinakasal ay wala akong mamanahin sa kanya. Sa akin lamang mapupunta ang kompanya ngayon dahil ako ang pinakasalan ng lalaking magsasalba raw nito.
“If Zeke decided to annul your marriage, wala kang makukuha ni isang kusing sa akin, Eula. Tandaan mo iyan!”
Maraming grounds for annulment at alam ko na hindi basta-basta mapapawalang-bisa ang aming kasal. Subalit sa impluwensyang mayroon ang mga Benavidez, baka magawa niya ang mga bagay na mahirap gawin sa mata ng ibang tao.
Matapos ang umagahan ay pumasok na ako sa aking silid. Nagbihis na ako at nag-ayos. Ano mang oras ay mukhang darating na ang aking asawa.
Isang buwan na kasal ngunit hindi ko pa rin siya ganoong kakilala. Bukod sa alam ko na marahas siya sa kama at ang kanyang pangalan, wala na akong alam sa kanya. He’s a complete stranger to me.
“Ma’am Eula, naririto na po si Sir Zeke,” anunsyo ng aming kasamabahay.
Pumasok sa loob ng aking silid si Zeke at katulad nang una naming pagkikita noon ay kulabog sa kaba ang aking dibdib nang makita ko ang malalamig niyang mga matang nakatitig sa akin.