MATAPOS kong makausap si Yago, nagdesisyon akong sundin ang sinabi ni Zeke at umuwi na. Lumapit ako sa dalawang bantay ko at sinabi sa kanila ang binabalak. Agad nilang inihanda ang sasakyan ko at inuwi ako nang ligtas sa bahay. Nang lumabas pa nga kami sa headquarters kanina, napansin ko na may mga nakasunod pang ilang sasakyan sa amin. Noong una, pinuna ko iyon at agad na sinabi sa mga bantay ko, ngunit sinabi rin naman nila sa akin na mga tauhan iyon ng mga Benavidez. Nakahinga ako nang maluwag. Nakakasakal man minsan na para bang wala na akong kalayaan sa sobrang higpit nila sa akin, natitiis ko pa rin naman. Naiintindihan ko bakit ganito kahigpit ngayon. Ayaw lang ni Zeke na maulit ang nangyari noong nakaraan. Bukod pa roon, baka nag-iingat siya sa traydor kagaya ng sinabi ni Yago.