Chapter 5 - WISH GRANTED

1507 Words
KATULAD ng dati, kapag dumarating ang ninong ko, ay napuno ng malalakas na tawanan at asaran ang aming hapag-kainan. Grabe kasi talaga magbiruan sina papa at ninong. Siguro nga kasi magkasama na sila mula pa lang pagkabata, kaya kapwa alam na laman na nila kung papaano aatakehin ang isa't isa. In fairness naman, kahit minsan ay wala pa akong natatandaan na nagkapikunan sila sa pag-aasaran. Madalas na topic nila ng kantyawan ay kung bakit hanggang sa mga panahon na ito ay wala pang asawa si ninong. Kung minsan pinagtatakhan ko rin 'yon. Gwapo naman si ninong, mukhang may utak din naman, kasi siya nga ang namamahala ng mga negosyo nila, sa loob at labas ng bansa. At siyempre mayaman, kayang-kaya niya nang bumuo ng pamilya at bumuhay, kahit pa isang dosenang mga anak. Bakit nga kaya hanggang ngayon, binata pa 'tong ninong ko? Dahil sa itinatakbo ng isip ko ay hindi ko namamalayan na medyo may katagalan na pala akong nakatitig lang sa ninong ko. Nang marahil ay maramdaman nito ang paninitig ko ay bumaling ito sa akin. "Yes, Bri?" Naka-angat ang isang kilay na tanong niya, bagaman hindi pa rin nawawala ang matamis na ngiti sa mga labi at kislap ng mga mata, dulot ng pagbibiruan nila ni papa. Napapitlag pa ako at kaagad na ikinurap-kurap ang mga mata ko. Isang tikhim ang pinakawalan ko, bago ako marahang umiling. Pakiramdam ko ay nag-aapoy ang mga pisngi ko, sa init. Maging si papa ay tumuon sa akin ang nagtatanong na tingin. "W-wala po, ninong..." nakuha ko na lamang isagot at saka ako nagbaba ng tingin sa plato ko. "Oo nga pala, anak, ano nga iyong sinasabi mo kanina, bago tayo inistorbo niyang ninong mo?" Natatawang tanong sa akin ni papa, na tinawanan lang naman ni ninong. Sa akin nakatuon ang paningin nilang tatlo, na kaharap ko sa hapag-kainan. Ang kay papa ay nagtatanong, habang kuryosidad naman ang kay ninong, at ang kay mama ay mayroong isang maliiit na ngiti. Alam naman na niya kasi kung ano ba ang sasabihin ko. Huminga ako ng malalim bago magsalita. Siguro mas maganda nga kung ngayon ako magsasabi. At least, nandito ang ninong ko, hindi niya naman siguro ako sesermunan kaharap ang matalik niyang kaibigan. "Ahm, P-pa... g-gusto ko po sana na m-mag-aral sa M-maynila..." pautal-utal kong sabi rito, saka ako muling nagbaba ng tingin. Natatakot ako na makita ang reaksyon ni papa. "What?" Kunot na kunot ang noo ni papa sa pagtatanong. Eto na. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko habang hinihintay ang sasabihin ni papa. "Bakit sa Maynila pa? Marami namang magagandang eskuwelahan dito sa atin, bakit kailangang dumayo ka pa ng Maynila para lang mag-aral? Brianna, napakalayo n'on." Mahabang sabi ni papa na ikinapanlumo ko. Hindi naman mataas ang boses ni papa habang sinasabi ang mga iyon, kaya alam ko na hindi naman ito galit. Iyon nga lang, alam ko rin na wala na talaga akong pag-asa na magkapag-aral sa Maynila. "Why not, pare? Aminin na natin, oo nga, at magaganda rin naman ang mga eskuwelahan dito sa bayan natin, pero mas malaki ang oportunidad na naghihintay sa kanya, kung sa Maynila siya mag-aaral." Napa-unat ang likod ko at tila umilaw ang pag-asa sa dibdib ko sa isinagot ng ninong ko. Sabi ko na nga ba, at hindi ako nagkamali ng desisyon na magsabi nang kaharap siya. Siya lang kasi, at si Lola ang malakas ang loob na kontrahin si papa, lalo na pagdating sa akin. Mabilis na bumaling ang mga mata ni papa rito. "Nandoon na tayo, Pare, pero napakalayo ng Maynila. Isa pa saan siya titira doon? Marami pa rin namang mga bagay na kailangan niyang i-consider, para makapag-aral sa Maynila. Hindi naman komo sinabi niya na gusto niyang mag-aral doon, in a snap, mag-aaral siya roon." Ani papa, na ipinitik pa ang mga daliri aa huling sinabi. "P-wede naman po akong mag-dorm," sabad ko, sa maliit na tinig, habang nakayuko at takot na salubungin ang tingin ni papa. Si mama ay hindi naman kumikibo at nakamata lang sa amin, habang patuloy sa pagkain. Well, sinabi naman na niya, pasya ni papa ang kailangan kong kunin. "Dorm?" Matabang na ani pa nito. "Anak, baka akala mo gan'on-gan'on lang ang mag-dorm. Ni hindi ka nga marunong maglaba ng sarili mong damit, dorm?" Bumuntong-hininga ako at napahigpit ang kapit ko sa kutsara. Totoo naman kasi 'yon. Hindi ako marunong maglaba, hindi ako marunong mag-plantsa. Si mama kasi lahat ang gumagawa n'on, para sa akin... para sa amin ni papa. "Pa, mapag-aaralan naman 'yon, eh. Saka may mga laundry shop naman sa Manila na pwede ako magpalaba, kung sakali." Giit ko pa rito. Humugot si papa ng malalim na paghinga at saka umiling-iling. "I don't think so, Amelie Brianna." Tinawag na ako ni papa sa buo kong pangalan. Titigil na ba akong umasa? "Pero pa--" "Pag-iisipan ko." Putol niya sa sasabihin ko, marahil ay para patahimikin na lang ako. Mabigat man ang dibdib sa naging pasya niya, alam ko na wala naman na akong magagawa. Bumuntong-hininga na lamang ako at nanahimik na. "Kung namomroblema ka sa titirahan niya, pwede siyang tumira sa akin. I don't see any problem with that. Or, I can let her use one of my condo unit in Manila, kung gugustuhin niya." Suhestiyon ni ninong na nagpabilog ng mga mata ko. Hulog talaga ng langit 'tong ninong ko. "Pa, ayan may titirahan na ako, pumayag ka na, please?" Paki-usap kong muli kay papa na sinamahan ko pa ng extrang lambing at pungay ng mga mata. Sa gilid ng mga mata ko ay nakikita ko na naiiling na natatawa na lamang si mama sa akin. "Please, please, Pa?" Matagal akong tinitigan ni papa, na tila inaarok kung gaano ako ka-desidido sa nais kong mangyari. Hindi ko naman na iniwas ang tingin ko sa kanya sa pagkakatong iyon. Gusto kong malinaw niyang makita sa mga mata ko, na iyon talaga ang gusto ko. "Sigurado ka na ba talaga d'yan? Hindi pwede na mag-eenrol ka r'on, tapos kapag nahirapan ka sa buhay mo roon, gusto mo na ulit bumalik dito, agad-agad. Hindi gan'on kadali 'yon, Brianna." Naka-angat ang mga kilay na sabi sa akin ni papa. Buong kompiyansa naman, at may matamis na ngiti sa mga labi na sumagot ako. "Promise, Pa, hinding-hindi mangyayari 'yon. Gusto ko po talagang mag-aral sa Maynila." Ungot ko pa. Huminga muna si papa ng malalim bago ulit nagsalita. "Bweno, papayagan kita Brianna, pero mangako ka sa akin... aayusin mo ang pag-aaral mo, at huwag puro kalokohan ang paggagawin mo r'on. Baka mamaya magaya ka sa ibang kabataan na puro party at bar lang ang inaatupag sa Maynila." Mahabang litanya ni papa. Mabilis naman akong umiling. Tila nakapaknit na ang matamis na ngiti sa mga labi. Wala yatang kahit na ano'ng bagay ngayong araw na ito, ang magpapawala ng mga ngiting ito. "Promise, Pa, pagbubutihin ko ang pag-aaral ko, at hindi ako magbubulakbol sa Maynila." May ekstrang sigla kong sabi. Tuwang-tuwa na tumayo ako at lumapit kay papa, saka mahigpit na yumakap sa leeg nito. Tinapik-tapik naman ni papa ang braso ko na nakayakap sa kanya. "Aasahan ko 'yan." Mahinang sabi niya pa. "At, oo nga pala..." wika niya maya-maya, nang tila may maalala. "...doon ka titira sa ninong mo, ha. Mas mapapanatag ako kung magkasama kayo sa bahay. Kahit na papaano ay may gagabay sa iyo doon, kahit wala kami ng mama mo." Dagdag ni papa, sabay tingin kay ninong. "Tutal suhestiyon mo iyan, ikaw ang mag-alaga sa makulit na 'to..." malapad ang ngiting sabi niya kay ninong. "Tingnan ko lang kung hindi mo ibalik 'to agad dito, kapag nakunsumi ka na." Tila pagbabanta pa nito. "Papa!" Nakasimangot na ani ko rito, bagaman nakayakap pa rin ako sa leeg niya. Malakas namang tumawa si ninong sa sinabi ni papa. "Subukan niya lang, at itatali ko talaga siya." Ganting-biro naman ninong sa papa ko, at tiningnan pa ako na parang nagbabanta, na malakas ding tinawanan ni papa. Nang tumingin ako kay mama ay nakangiti rin itong nakatingin sa amin ni papa. "O, sige na, maligo ka na Brianna, at mag-a-alas otso na. May pasok ka pa ng nine, 'di ba?" Ani niya sa akin. Matunog ko munang hinalikan si papa sa pisngi bago ako umunat ng tayo. "Thank you, papa." Nang mapatingin ako kay ninong at makita kong sa akin din ito nakatingin ay nginitian ko ito. "Thank you po, ninong." "It's okay, Bri. Basta huwag mo lang akong kukunsumihin doon, ha." Natatawang sagot naman nito. "Nako, kapag natikman mo ang kunsumisyon d'yan sa inaanak mo, palagay ko lalo kang matatakot na mag-asawa." Natatawang sabad naman ni papa. "Pa!" Reklamo ko na tinawanan lang nilang tatlo. "Sige na, Brianna, maligo ka na, at baka ma-late ka pa." Muling paalala ni mama. Lukot ang ilong na naglakad na ako paakyat ng aking silid upang maligo, at maghanda sa pagpasok. Pero deep inside, ang saya-saya ko. Excited na akong pumasok at ibalita kina Aria ang pagpayag ni papa. At na, mayroon na rin akong pwedeng tirahan doon. Yes! Sa Maynila na rin ako mag-aaral.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD