KATULAD ng inaasahan ay nagalit nga si Nanay Maring nang malaman nito na nakabuntis nga si Kit. Pero siyempre ay wala naman na itong magagawa at naroon na iyon.
Kasama sina Papa at Mama, ay kinausap nila, through video call ang mga magulang ni Marga upang sabihin dito ang kalagayan ng kanilang anak. Galit na galit ang tatay nito, habang panay naman ang iyak ng kanyang ina.
Sino nga ba namang magulang ang masisiyahan kung mabubuntis ang anak nito, hindi pa man nakakatapos ng senior high school?
Pero bilang mga magulang ay nagkasundo ang mga ito na suportahan na lamang ang kanilang mga anak.
Ngunit dahil nga masyado pang bata si Marga ay hindi pa maaaring magpakasal ang mga ito. Hihintayin daw munang tumuntong ito sa wastong edad.
Ngunit dahil nga nasa ibang bansa ang mga magulang ni Marga at tanging kasambahay lamang ang kasama sa bahay ay napagpasyahan na pumisan muna si Marga sa tinutuluyan nina Nanay Maring, upang may mag-alaga rito at sumubaybay sa ipinagbubuntis nito.
Wala namang naging problema iyon sa mga magulang ko. Nakabukod naman ng tirahan sa amin sina Kit. Mayroon silang sariling tinutuluyang katamtaman ang laking bungalow house sa likod ng mansyon. Mayroon iyong dalawang kwarto. Tig-isa ang mag-ina.
Kahit naman papaano ay naging maayos din ang kinalabasan ng nangyaring pag-uusap ng magkabilang panig.
"BABAE ang anak ko, Pre!" Abot hanggang tainga ang ngiting balita sa akin ni Kit nang gabing iyon.
Sabado naman, kaya't pinagbigyan ko na ito nang yayain akong uminom. Wala naman kaming balak na maglasing, lalo na siya, na tiyak na hinihintay nang pumasok sa kanilang bahay ng buntis niyang asawa. Nais lamang daw nitong mag-celebrate dahil nalaman na nito nang araw na iyon ang gender ng anak nito.
Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon na may asawa na, at magkaka-anak na ang kaibigan ko.
Hindi naman pumayag si Papa na tumigil ito sa pag-aaral. Anito, ay sayang naman ang talino ni Kit kung hihinto ito.
Nais sana ni Kit na magtrabaho na lang upang may maisuporta sa kanyang bagong pamilya. Ang ginawa ni Papa ay binigyan na lamang nito ng trabaho ang kababata ko sa aming kompanya. Hindi naman daw mabigat ang trabaho niya, ayon na rin kay Kit.
Proud na ipinakita pa sa akin nito ang sonogram photo ng anak daw nito.
"Tingnan mo, Pre..." anitong abot hanggang tainga ang ngiti na inabot sa akin ang litrato. "Ang cute ng anak ko, 'di ba?"
Inabot ko naman iyon at tiningnan. Ilang sandali ko pa iyong tinitigan ngunit ko talaga makita kung nasaan ang cute doon. Hindi naman kasi masyadong kita ang mukha ng baby. Tingin ko pa nga ay mukha iyong alien.
Lihim akong nangiwi. Pero siyempre, hindi ko naman binasag ang trip ng kaibigan ko. Doon siya masaya, eh. Pagbigyan.
"Oo nga, ang cute." Sabi ko na lang, kahit pa labas naman sa ilong.
Nang abutin nitong muli ang larawan ay muli nito iyong sinipat habang tinutungga ang laman ng bote ng beer. Walang pagsidlan ng kaligayahan ang mga mata nito sa pagkakatingin sa anak na hindi niya naman mawawaan ang hitsura.
Kahit na papaano ay masaya rin naman ako para sa kaibigan ko. Oo nga, at napakabata pa nito para balikatin ang buhay ng pagiging isang ama, ngunit sa nakikita ko ay masaya naman ito sa piling ni Marga at sa kaisipang malapit na itong maging ama.
Habang pinagmamasdan ko ang kaligayahan sa kanyang mga mata ay hindi ko maiwasang isipin kung ganito rin ba ang magiging hitsura ko kung ako naman ang magkakaroon ng sarili kong pamilya. Kung ganito rin ba ang magiging kislap ng mga mata ko habang tinitingnan ko ang first sonogram photo ng magiging anak ko?
Napailing na lamang ako.
Ayoko pang isipin. Sigurado naman ako na matagal pa ang araw na iyon.
"PRE..." tawag sa akin ni Kit. Nanghahaba pa ang leeg nito upang maabot ako ng tingin.
BINYAG ng anak nito nang araw na iyon.
Katulad ng inaasahan, ay isa ako sa mga kinuha nitong ninong ng bata. Sa una pa lang naman na nakompirma niyang buntis nga si Marge ay sinabi niya na sa akin iyon. Hindi naman na ako kumibo dahil sa tingin ko ay normal naman iyon, bilang mula pagkabata ay magkaibigan na kami. Natural na ako ang una nitong maiisip upang maging pangalawang magulang ng anak nito.
Bilang regalo ko sa unang inaanak ko ay sinagot ko ang lahat ng gastusin para sa binyag nito. Sa una ay ayaw pa ngang pumayag ni Kit dahil may naipon naman daw siya kahit na papaano, para sa binyag ng anak niya. Sinabi ko na lang na itago niya na lamang iyon at magagamit niya iyon para sa iba pang pangangailangan ng kanyang anak. Sa bandang huli ay napahinuhod ko rin naman ito.
"'Lika rito, ikaw naman pa-picture kasama 'tong inaanak mo." Yaya nito sa akin sabay umang ng hawak nitong cute na cute na sanggol na babae."
Yes. Cute na cute na siya ngayon. Hindi na siya mukhang alien, katulad ng unang tingin ko sa kanya sa sonogram picture niya. Lalo siyang naging cute sa suot niyang pink na ruffled dress, sa ilalim ng puting pambinyag niya. Mayroon ding pink na turban na nakapaikot sa ulo nito.
Nag-aalangan man ay lumapit ako sa kinaroroonan nina Kit, Marga at iba pang mga ninong at ninang na naroon. Paglapit ko ay buong ingat na inilipat ni Kit sa mga bisig ko ang anak niya.
Sa una ay medyo natakot akong hawakan ito dahil parang masyado siyang maliit at malambot. Natatakot ako na baka mapisa ko siya, o aksidenteng maihulog. Nag-aalangan na tumingin ako kay Marga na noon ay nakangiting nakatingin sa akin. Marahan niya akong tinanguan na parang pinalalakas ang loob ko.
Ingat na ingat ako na pumunta sa gitna ng altar upang doon makunan ng larawan, kasama ng inaanak ko. Para namang pinagtiyap, kasabay ng paguhit ng aking ngiti, at pag-flash ng camera, ay ngumiti rin ang inaanak ko. Bale ba, parang kami lang yata ang may kuha na natyempong nakangiti siya.
Tuwang-tuwa si Kit pati na rin si Marga.
"Mukhang alam na alam ng anak ko kung saan mas malaki ang bigayan sa Pasko, ah." Natatawang komento pa ni Kit na ikinatawa ng iba pang naroon.
Natapos ang pagdiriwang ng masaya at wala namang nangyaring aberya. Abot-abot ang pasasalamat sa akin nina Kit at Marga, pati na rin si Nanay Maring. Ang mga magulang ni Marga ay hindi pa rin nakadalo sapagkat nasa ibang bansa pa rin ang mga ito at nagtatrabaho. Tanging ang kapatid lamang nito ang nakadalo at ilang malalapit na kaibigan na kinuha rin nitong mga ninang. Saglit na lamang na nag-video call si Marga sa mga ito upang kahit na papaano ay makasali pa rin ang mga ito sa pagdiriwang. Kahit na papaano ay humupa na ang galit at sama ng loob ng mga ito sa nangyari sa kanilang panganay. Lalo na ng lumabas ang kanilang unang apo. Wiling-wili ang mag-asawa sa bata.
Kahit naman ako ay tuwang-tuwa rin kay Brianna.
Yes, that's our little angel's name. Brianna.
Amelie Brianna Corteza.