Chapter 4 BIPR

2521 Words
AMBER POV Matapos ang nangyari sa opisina kanina ay nagdesisyon akong umuwi na lang muna. Hindi rin naman ako makakapagtrabaho nang maayos kaya nag-half day na lang ako. Habang nakahiga sa kama ay sobrang sakit ng nararamdaman ko. Hindi ako makapaniwala na sa ganitong paraan kami muling magkikita ni Zeus. Mugtong-mugto na ang mga mata ko sa kakaiyak, pero tila may sariling isip ang aking mga luha dahil kahit anong pigil ko ay kusa pa rin iyong umaagos sa pisngi ko. Basang-basa na rin ang unan ko dahil sa walang tigil na pag-iyak.. At habang binabalikan sa isip ang naging pag-uusap namin ni Zeus kanina, hindi ko maiwasang bumalik at alalahanin ang nakaraan kung paano kami nagsimula at nagtapos. "Ate, sasama na lang ako kay Tatay pauwi," paalam ko kay Ate Alma. Narito kasi kami sa bahay ng pinsan naming si Ate Jessa. Ikakasal kasi ito bukas at dahil probinsya ay uso ang sayawan bago ang kasal kinabukasan. "Anong sasama ka? Ngayon ka pa ba aatras narito na tayo oh," sagot nito sa akin. Mahilig kasi sa sayawan si Ate Alma kaya pati ako ay dinadamay nito. Hindi kasi papayag ang mga magulang namin kapag hindi ako kasama. "Ate, sige na pumayag ka nang sumama ako kay Tatay. May maghahatid naman sa'yo mamaya eh," pangungumbinsi ko pa. Napasimangot naman ako nang ilang ulit itong umiling. "Halika ka na, tinatawag na tayo ni Ate Jessa eh," sa halip ay sabi nito at iginaya ako papasok sa loob ng bahay. Maraming tao kaya naman sobrang naiilang ako, idagdag pang halos hindi na ako makahinga sa dress na suot ko. Isang black fitted dress ang suot ko na halos hindi man lang umabot hanggang sa tuhod ko. Si Ate Jessa ang nagpumilit na ito raw ang isuot ko. Na tenernohan ng isang 2 inches heels ni Ate Alma. Habang naglalakad papasok sa loob ng bahay ni Ate Jessa ay kapit na kapit ako sa braso ng kapatid ko. Ramdam ko kasi iyong mga matang nakatutok sa amin ni Ate. Kanina pa ako nakakaramdam ng pagkailang dahil batid kong maraming mga mata ang nakahabol sa amin. Hanggang sa makapasok kami sa sala nila Ate Jessa ay ramdam ko pa rin na may mga matang nakamasid sa amin. Hindi ko alam, pero naging mas uncomfortable ako dahil sa pakiramdam na iyon. Para bang nanunuot sa kaluluwa ko ang pakiramdam na iyon. Nang makita kami ni Ate Jessa ay agad itong lumapit sa amin. Bakas ang tuwa sa mukha nito nang makita ako, at alam kong dahil iyon sa suot ko. Kikay kasi si Ate Jessa at trip nitong pagbihisin ako ng mga sexy na kasuotan. "You look great, Amber. Hindi ako nagkamali sa pagpili sa damit na iyan," walang prenong sabi nito nang makalapit sa amin ni Ate Alma. Beneso kami nito at sinipat-sipat pa akong lalo. Nanggigigil na pinisil nito ang pisngi ko. "Ang ganda-ganda mo talaga, manang-mana ka sa akin,"anito at humagikhik pa. Sabay naman kaming natawa ni Ate Alma sa sinabi nito. "Ikaw rin Alma, feeling ko tuloy ako ang Ate n'yo, tingnan ninyo halos iisa ang ganda natin," dugtong pa nito. "Siyempre nasa lahi natin iyan, Agustin tayo eh," sagot naman ni Ate Alma. Lalo namang lumawak ang pagkakangiti ni Ate Jessa. "Yes, lahi na natin iyan, kaso bukas hindi na ako Agustin," anito at nagkunwaring naiiyak na. Kung anu-anong kadramahan ang sinabi nito habang kami ni Ate Alma ay tatawa-tawa lang sa tabi nito. Ganito kaming tatlo, kapag magkakasama ay talaga namang kagulo na sa sobrang kakulitan, lalo na si Ate Jessa. Nang matapos na ito sa kadramahan nito ay niyaya na kami nito palabas ng bulwagan kung saan magaganap ang sayawan. Naglalakad na kami nang muli itong bumulong sa amin ni Ate Alma. "Maraming kasamang guwapo ang Kuya Jeff ninyo, mamaya ipapakilala ko kayo sa kanila nasa kitchen pa sila eh. Doon sila kumakain, kanina lang kasi sila dumating galing Manila," sabi nito. Napapagitnaan namin ito ng kapatid ko. "Ay talaga ba? Naku parang excited na ako diyan Ate Jessa," sagot naman ng kapatid ko. Ngumiti lang naman ito kay Ate at saka ako naman ang binalingan. "Ikaw Amber, excited ka na rin ba?" tanong nito sabay kindat. Nagkibit-balikat lang naman ako dahil hindi ako interesado. Sa pagpunta na nga lang dito hindi ako interesado, sa mga lalaking iyon pa kaya. Nang tuluyan na kaming paupuin ni Ate Jessa sa bangko ay lalo akong nakaramdam ng pagkailang. Naroon pa rin kasi ang pakiramdam na may mga matang nakamasid sa akin. Sinubukan kong tumingin sa paligid pero kahit ilang ulit kong ginawa ay wala akong nakita na kakaiba. Natigil lang ako sa kakalingon nang bahagya akong sikuhin ni Ate sa tagiliran ko. "Anong hinahanap mo?" bulong nito sa akin. "Para kasing may nakatingin sa atin eh, hindi ako kumportable, Ate," sagot ko rito. Natawa naman ito nang bahagya sa sinabi ko at pabirong pinisil ang pisngi ko dahilan para mapangiwi ako. "Ang cute mo talaga, Amber, malamang may nakatingin sa atin ang dami kayang tao rito." "Hindi, basta parang may iba, kanina ko pa nararamdaman eh." Ngumiti naman ito. "Huwag mo na lang pansinin, baka may nagagandahan lang sa'yo rito." Hindi naman na ako sumagot bagkus ay pinilit ko na lang na balewalain ang kakaibang pakiramdam na iyon. Hanggang sa magsimula na ang sayawan at palaging kami ni Ate Alma ang nauunang maisayaw ng mga kabinataan. Katatapos lang ng tugtog nang magsalita ang Kapitan ng Barangay dito sa lugar nila Ate Jessa. Sabay-sabay kaming napatingin sa puwesto nito at nakita kong katabi nito si Kuya Jeff, na ngayon ay malawak ang pagkakangiti habang kausap si Kapitan. "Okay, ang susunod pong kanta ay request ng ating guwapong-guwapong groom. At ang kantang ito raw ay para sa kaniyang mga groomsmen na nahihiyang makisali sa ating kasiyahan. Hindi raw sanay sa ganitong kasiyahan ang mga binata n'ya, kaya gusto ng ating groom na maranasan nila ang ganitong sayawan. At sa mga groomsmen ni Jeff, na nariyan sa gilid ng bahay ni Jessa. Inaanyayahan namin kayong makiisa sa kasiyahang ito," umalingaw-ngaw na sabi ni Kapitan. Sabay-sabay kaming napatingin sa gilid ng bahay ni Ate Jessa, doon ko nakita na may ilang kalalakihan na ubod ng guguwapo. Hindi ko pa sila nakikita sa malapitan pero base sa pananamit ng mga ito ay talagang mahahalata na mayayaman sila. "Nasaan na ang mga kabinataan diyan sa gilid ng bahay ni Jessa, kayo po ay inaanyayahan para makiisa rito," muling sabi ni Kapitan. Nakita kong nagtulakan ang mga ito at may sumigaw pa. "Halika na kayo rito, at ayon sa ating groom ang unang pipili ay ang isa sa childhood friend niyang si Zeus San Diego." Malakas na nagsigawan ang mga lalaking iyon at nakita kong may isang particular na tao silang tinutulak. Walang nagawa ang lalaking tinutulak nila kun'di ang tumayo habang nagkakamot sa ulo nito. "Come on, Bro, pagkakataon mo na 'to." Rinig kong sabi ni Kuya Jeff sa tabi ni Kapitan. Walang nagawa ang lalaking iyon kun'di ang lumapit kay Kuya Jeff at bigyan ng batok ang groom ni Ate Jessa. Nakita kong tawang-tawa lang naman si Kuya Jeff at pinagtulakan ang lalaking nagngangalang Zeus. "Ayan! Lalapit na siya sa kaniyang napupusuan---, isayaw," pabitin pang sabi ni Kapitan dahilan para magkantiyawan ang mga bisita. "Music Maestro...!" anunsiyo pa ni Kapitan. Nagsimula nang tumugtog ang isang malamyos na musika. Nakita ko namang naglakad na ang Zeus na iyon papunta sa puwesto naming mga kadalagahan. Habang papalapit ito sa amin ay mas lalo kung napatunayan na guwapo ito. Hindi lang basta guwapo, naghuhumiyaw ang s*x appeal nito at bagay na bagay rito ang suot nitong v-neck t-shirt na kulay white na tenernuhan ng pantalong itim. Ilang hakbang na lang ang layo nito nang ma-realized kong parang nakita ko na ito somewhere. Hindi ko sure kung saan, basta nakita ko na siya. Tila naman ako nagising sa pag-iisip nang marinig ko ang malakas na hiyawan sa paligid. Agad akong napalingon sa mga iyon para lang makita ko kung ano ang dahilan ng pagsisigawan nila. Nakatayo ang guwapong lalaki sa harapan ko. Sa harapan ko mismo habang nakalahad ang kanang kamay nito. Tila ako nabato-balani na hindi magawang makakilos. Nilalamon nang kaba at hiya ang buong pagkatao ko. Paano ba naman siya pa lang ang lalaking nasa gitna para kumuha ng isasayaw. Isang mahinang pagsiko mula kay Ate Alma ang nagpagising sa akin at saka sinundan ng bulong. "Abutin mo na iyong kamay niya, bilis!" ani Ate na parang kilig na kilig. Muli akong tumingala sa lalaking nakatayo sa harapan ko. Sumalubong sa akin ang nakangiti nitong mukha. "May I have this dance?" baritonong tanong nito. Hindi lang pala ito guwapo ang ganda rin ng boses. Nanginginig ang mga kamay na inabot ko ang kamay nito at saka tumayo. Habang akay ako nito papunta sa gitna ay hindi ko alam kung kaninong kamay ang malamig, akin ba o kaniya. Nang nasa gitna na kami ay saka pa lang nito pinakawalan ang kamay ko. Nagkatitigan kami habang hindi nito malaman kung saan ako puwedeng hawakan. Pinigil ko ang matawa dahil mukhang kagaya ko naiilang din ito. Ako na ang kusang nagtaas ng kamay ko at inilagay iyon sa magkabilang balikat nito. Saka pa lang nito hinawakan ang beywang ko. Muling naghiyawan ang mga tao nang magsimula na kaming sumayaw ng lalaki. Hindi ko alam kung bakit parang tuwang-tuwa silang lahat. "I'm nervous," mahinang sabi nito ngunit narinig ko. Hanggang leeg lang ako nito kaya't kailangan ko pang tumingala kapag titingnan ito. Habang nakatingin dito ay muling nagsalita si Kapitan dahilan para ako naman yata ang panlamigan. "Ayan! Nagsimula na silang sumayaw! Sige lang mga Nene at Totoy umindak lang kayo sa saliw ng ating tugtugin," umalingawngaw ang boses nito. "Sa ating mga kabinataang bisita, halina na kayo't samahan ang inyong kaibigan na ngayon ay nagsisimula na yatang lumigaw!" dugtong pa nito dahilan para lalong hindi magkamayaw sa pagsigaw ang mga tao. Ramdam ko ang pag-iinit ng mukha ko nang walang sabi-sabi ay hapitin nito ang beywang ko. Halos magdikit na ang mga katawan namin nito. Sa kabila ng nararamdamang kaba ay nagawa kong salubungin ang kulay tsokolate nitong mga mata. Tila nagrigodon ang puso ko dahil nakatingin din pala ito sa akin. Nagtama ang aming mga mata. "I think we met somewhere," pahayag nito matapos akong titigan nang sobrang lagkit. "Sa palengke ng Tagaytay po," sabi ko naman. Natatandaan ko na kasi kung saan ko ito nakita. Ito ang guwapong lalaki na nakabanggaan ko sa Palengke kung saan kami nagtitinda ni Nanay. Magpapa-cute pa sana ako rito kaso hinila na ako ni Nanay dahil amoy isda pa raw ako. Parang bigla akong nahiya dahil naalala ko ang amoy ko ng mga oras na iyon. Baka naalala rin nito ang amoy ko. Shucks, Amber nakakahiya! "Now, I remembered." Rinig kong sabi nito. Nagbaba ako ng tingin dahil nakita ko ang pagsilay ng mga ngiti nito. "Small world, isn't it?" anas nito sa may tainga ko. Tila may paru-parong nagliparan sa tiyan ko dahil sa mainit nitong hininga na tumatama sa pisngi ko. Bahagya kasi itong nakatungo. "Pagkakita ko pa lang sa'yo kanina nang dumating ka, alam ko na agad na nakita na kita. Alam mo bang hindi ako nakakain ng maayos kasi hindi ko magawang ibaling sa iba ang mga mata ko?" Tatawa na sana ako sa mga pinagsasasabi nito nang mag-sink in sa isip ko ang sinabi nito. Kung tama ang hinala ko ito ang may-ari ng mga matang kanina ko pa nararamdaman na nakatingin sa akin? Piping tanong ko sa isip ko. Natigil ako sa pag-iisip nang muli itong magsalita. "Ilang araw na akong hina-hunting ng amoy mong hindi ko magawang kalimutan," pilyong sabi nito. Gusto ko na lang lumubog sa kinatatayuan ko dahil sa labis na hiya. "Your smell is like a roses--" Hindi nito natapos ang sasabihin dahil hinampas ko ang mga balikat nito. Tila naman musika sa pandinig ko ang tawa nito dahil sa ginawa ko. "Buwisit ka!" ingos ko na lalong ikinatawa nito. "Kidding aside, ilang beses akong bumalik sa Palengke, hoping na makikita kita ulit. Na-missed ko kasi ang amoy mo--" "Buwisit!" hiyang-hiya na sabi ko. Muli kong hinampas ang balikat nito. Tawa lang naman ito nang tawa. Hinuli nito ang kamay kong humahampas pa rin sa balikat nito. Hindi ko maiwasang kabahan dahil bumilis ang t***k ng aking puso dahil sa paraan ng pagkakatingin nito sa akin. Marahan nitong pinisil ang isang kamay kong hawak pa rin nito. "Kaninong kamay ang malamig, akin o sa'yo?" malambing na tanong nito habang titig na titig sa akin. Wala naman akong mahapuhap na sasabihin. "B-Bitawan m-mo ang kamay ko," kulang sa diin na utos ko. "Later, gusto ko munang malaman ang pangalan ng babaeng ilang araw ng hindi nagpapatulog sa akin." Hindi ko naman alam kung kikiligin ba ako o maiinis sa mga padali nitong iyon. "I want to know your nam--" "Amber!" sansala ko sa sasabihin nito. "Amber, hmm, nice name bagay sa'yo." "Alam ko," sabi ko naman na ikinasipol nito. "Whoa! I think I'm going to like you." Hindi ko naman pinansin ang sinabi nito, patuloy lang kaming sumayaw. Nag-iwas na rin ako ng tingin dito. "Amber." Muli akong napa-angat ng tingin nang bigkasin nito ang pangalan ko. "Bakit?" "Puwede ko bang ipakilala sa'yo nang pormal ang sarili ko?" "Okay lang." "I'm Zeus San Diego, taga Manila ako. Single and ready to mingle. But I think nakita ko na iyong babaeng dadalhin ko sa altar." Hindi naman ako nag-react sa sinabi nito. Ang mga ganitong klase ng lalaki ang siguradong kaliwa't kanan ang babae sa Manila, lalo na kung ganito kaguwapo at kabango. "Hey," untag nito sa akin. "Ano na naman?" "Sabi ko I'm single and ready to mingle." "Oh tapos?" "I think nakita ko na ang babaeng dadalhin ko sa altar, soon," muling sabi nito. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa birada nitong iyon. Halatang nagpapa-cute, hindi naman cute. "Hey." "Bakit ba kasi?" kunwari ay inis na tanong ko. Pigil-pigil ko ang tawanin nang makita kong napasimangot ito sa pambabalewala ko. "Ang sabi ko nakita ko na ang babaeng dadalhin ko sa alta--" "Good for you," putol ko sa dapat ay sasabihin nito. Kitang-kita ko ang pagkamangha sa mga mata nito matapos marinig ang sinabi ko. Parang hindi ito makapaniwala na hindi ako tinablan sa mga pa-cute nito. Ilang sandali itong nakatingin lang sa akin habang nakanganga pa. Tila may sariling isip ang kamay ko dahil kusang tumaas iyon para ilagay sa bibig nito. Pabirong isinara ko ang bibig nito at gano'n na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang dilaan nito ang kamay kong nakatakip sa bibig nito. Tila napapasong binawi ko ang kamay ko pero mabilis nitong hinawakan iyon at saka maitim na tumingin sa akin. "You're going to be mine," bulong nito sa akin. Bahagya akong napalunok nang maramdaman kong pinisil nito ang kamay kong hawak pa rin nito. Bakit parang may kuryente? Piping usal ko sa isip ko. Tila nakahinga naman ako nang maluwag nang matapos ang tugtog, indikasyon na makakalayo na ako sa katawan ng lalaking ito. Sa lalaking kayang pabilisin ang kabog ng dibdib ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD