Chapter 6

2858 Words
AMBER POV PAGPASOK NA pagpasok ko sa kuwarto ko ay dali-dali kong isinara ang pintuan at saka patakbong sumampa sa kama ko. Parang hindi maihing pusa na nagpagulong-gulong ako sa aking manipis na kutson. Kinuha ko ang unan at itinakip sa mukha ko saka ako impit na tumili. Habang impit na tumitili ay muling akong nagpagulong-gulong with matching pagpadyak pa. Hindi ko kasi kinaya iyong kilig na nararamdaman ko kanina pa. Yes, kilig na kilig ako habang binabalikan sa isip ang mga nangyari. Hindi ako ilusyuda, pero hindi ko talaga mapigilan iyong kilig na nararamdaman ko. Sinong mag-aakala na ang simpleng probinsyana ay makakakuha ng atensyon ng isang guwapo at mayamang lalaki? At jusko, may pa-jacket pa siya, parang si Kuya Will lang ng Wowowin. Nang mapagod ako sa kakapadyak ay tumihaya ako sa kama habang nasa bubong ng bahay ang mga mata ko. Alas tres na ng madaling araw pero gising na gising pa rin ang diwa ko. Kung kanina ay inaantok na ako, nawala iyon lahat ng magpresintang sumama sa paghatid si Zeus. Jusko po! Alam kong mali pero hindi ko talaga mapigilan. Kinikilig kasi talaga ako. Ilang sandali ko pang binalikan sa isip ko ang mga nangyari kanina, at saka lang ako umayos ng higa nang makaramdam na ako ng antok. Binalot ko ng kumot ang katawan ko saka pumikit na. At bago tuluyang lamunin ng kamalayan ang diwa ko ay mukha ni Zeus ang laman ng isip ko. Ang guwapo nitong mukha at ang maganda nitong mga ngiti. ___________ KINABUKASAN NAGISING AKONG sobrang sakit ng ulo ko. Babangon na sana ako ng sumigid na naman ang kirot sa bandang sentido ko. Wala akong nagawa kun'di ang bumalik sa pagkakahiga. Marahan kong hinilot-hilot ang noo at sentido ko para kahit paano ay mapawi ang kirot niyon. Nang medyo humupa ang sakit ay kinuha ko ang cellphone ko sa paanan ko para tingnan kung anong oras na. At halos manlaki ang mga mata ko nang makita kong alas dose na ng tanghali. Kahit masakit pa rin ang ulo ay bumalikwas na talaga ako ng bangon. "s**t! Tanghali na!" Hilot-hilot pa rin ang sentido na lumabas ako ng kuwarto ko. Paglabas ko ay dumiretso ako sa kusina para mag-toothbrush at maghilamos na rin. Matapos kong gawin iyon ay lumabas ako ng aming munting sala. Pero halos malaglag ang panga ko nang makita ko si Ate na parang kinikilig habang may tinitingnan sa labas. Sinundan ko ang tinitingnan nito at nakita ko si Zeus na kausap si Tatay. Si Zeus?! Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Nasa kubo sila ni Tatay at mukhang nag-uusap. At ang mas nakakamangha ay naghahasa ng itak si Tatay sa harap ni Zeus pero hindi man lang mababakasan ng takot o pagka-ilang ang mukha ng lalaki. Bagkus ay ngiting-ngiti ito habang nakikinig sa sinasabi ni Tatay. "Anong ginagawa n'ya rito?" Pakiramdam ko lalong sumakit ang ulo ko. Sinundot naman ni Ate Alma ang tagiliran ko at saka tumingin sa akin nang nakakaloko. "Sa tingin mo, anong ginagawa n'ya rito?" "Hindi ko alam, Ate," sagot ko. "Kow! Kunwari pa 'to na hindi alam," tudyo ni Ate. "Hindi nga, saka akala ko nagbibiro lang siya kagabi, I mean kaninang madaling araw," sagot ko habang nakatingin pa rin sa kinaroroonan ni Tatay at Zeus. Parang may paru-paro sa tiyan ko nang marinig ko itong humalakhak habang kausap si Tatay. "Ano bang pinag-uusapan nila? Ba't parang ang saya-saya niya?" "Malamang pumayag si Tatay, mukhang magaling mang-uto si Zeus eh. Tingnan mo nga, hindi man lang kinakabahan kahit harap-harapan si Tatay na naghahasa ng itak. Parang curious na curious pa siya sa ginagawa ni Tatay eh," sabi ni Ate. "Sa tingin mo seryoso talaga sa akin ang lalaking iyan?" tanong ko kay Ate. "That's too early to tell. Pero ikaw naman ang makakaalam n'yan kung seryoso siya o gusto ka lang isahan," sagot naman ni Ate. Napatango-tango naman ako. "Sabagay, tama ka naman d'yan, Ate. Mas'yado pang maaga," sang-ayon ko naman at saka tumingin kay Ate Alma. "Siya nga pala Ate, 'di ba mamayang alas-tres ang kasal ni Ate Jessa." "Oo, bakit?" "Anong oras tayo pupunta? At saka bakit narito pa si Tatay?" Ngumiti naman si Ate at saka muling tumingin sa kubo. "May dumating kasing bisita. Paalis na sana iyan kanina pa, kaso ang agang lumigaw ni Zeus, kaya ayan, nariyan pa si Tatay." "Eh, bakit hindi mo ako ginising agad? At anong oras iyan pumunta rito?" tanong ko habang nakaturo ang nguso kay Zeus. "Ayaw n'ya. Hihintayin ka na lang daw n'yang magising. Mukhang ang sarap pa raw ng panaginip mo eh," tudyo ni Ate sa akin. Napairap naman ako rito. "Kanina pa iyan dito, siguro mga tatlong oras na." "Ano?!" malakas na bulalas ko dahilan para sabay na mapalingon si Tatay at Zeus sa gawi namin ni Ate. Magtatago pa sana ako sa likod ng pinto pero huli na, nakita na ako ni Zeus at kitang-kita ko ang pagngiti nito sa akin. "Seryoso ka ba riyan, Ate?" hindi makapaniwalang tanong ko. Tumango-tango naman ito. "Oo nga, seryoso ako. Kahit itanong mo pa kay Tatay." "Eh, 'di ba abay iyan? Bakit narito pa iyan?" Nagkibit-balikat naman si Ate. "Hindi ko kayang sagutin iyan, Amber. Mabuti pa lapitan mo na, para makaalis na iyan. Mukhang walang balak umalis hangga't hindi ka nakikita eh. Naks, ganda eh, 'no?" "Naman!" proud na sagot ko dahilan para matawa si Ate. Pabirong kinurot nito ang beywang ko. "Conceited!" Tumawa lang naman ako sa sinabi ni Ate at saka ito iniwan sandali. Ilang metro lang naman ang layo ng kubo sa mismong bahay namin kaya mabilis akong nakalapit kay Tatay at Zeus. Sabay na tumayo ang dalawa nang makita ako. "Anak, mabuti gising ka na. Kanina pa rito itong bisita mo," ani Tatay. "Sorry ho, 'Tay, tanghali na po ako nagising masakit po kasi ang ulo ko eh," sabi ko. Hindi ko alam kung kaninong singhap ang narinig ko, kung akin ba o kay Tatay. Paano ba naman biglang hinawakan ni Zeus ang noo at leeg ko. Sinalat nito iyon. "Are you okay?" tanong pa nito na may halong pag-aalala. Napalunok naman ako nang mapatingin ako kay Tatay at nakita ko itong palipat-lipat ang tingin sa akin at kay Zeus. "Ayos ka lang ba, Amber? Medyo mainit ka nga. Ulo lang ba ang masakit sa 'yo? Gamot, uminom ka na ba ng gamot? Kumain ka muna, para maka--" Hindi ko alam kung matatawa ba ako o ano dahil hindi yata nito alam na masama na ang tingin ni Tatay. "Iho, baka nakakalimutan mong nasa harap mo ako." Tila natauhan naman si Zeus at saka mabilis na inalis ang kamay sa noo ko. Tumikhim muna ito bago nagsalita, "Pasensya na po, medyo nag-alala lang po ako kay Amber." Parang batang nagkamot naman ito sa ulo nang makitang seryoso si Tatay. "Mukha nga, mas nag-alala ka pa kaysa sa akin eh." "Sorry po," nahihiya namang sabi ni Zeus. Napatungo na lamang ako para itago ang ngiting sinusupil ko. Natatawa kasi ako sa mukha ni Zeus. Kung kanina kasi ay cool na cool ang dating nito, ngayon naman ay parang nawalan ng kumpiyansa sa sarili. "Bueno, palalampasin ko ang ginawa mo. Nagpaalam kang manliligaw sa anak ko, ligaw pa lang, iho. Kaya sana nama'y wala munang hawak-hawak at baka kung saan makarating iyang kamay mo. Hindi iyan sasantuhin ng mga itak ko." Pigil ang tawa ko nang makita kong sunod-sunod na lunok ang ginawa ni Zeus habang sinasalubong ang mga tingin ni Tatay. Aba't matapang ang loko. Nakikipagsukatan pa ng tingin kay Tatay. Bulong ko sa isip ko. "Walang hawak-hawak dahil liligaw ka pa lang," ulit ni Tatay. "Opo, Sir! Pasensya na po," buo ang boses na sabi nito. Tumango-tango lang naman si Tatay saka ito naglahad ng kamay kay Zeus. Walang pag-aalinlangan namang tinanggap nito iyon. "Makakaasa ba ako?" tanong pa ni Tatay. "Yes, Sir!" Tumango-tango naman si Tatay at saka ito tinapik sa braso. "Mabuti kung gano'n. Lilinawin ko lang din na hindi ako pumapayag na liligawan ang mga anak ko kung saan-saan. Hindi aso ang mga anak ko, kaya kung seryoso ka sa anak ko dito ka manligaw sa bahay ko. Kung tao kang darating, tao kitang haharapin, malinaw ba sa 'yo, San Diego?" "Yes, Sir!" mabilis na sagot ni Zeus. Bumalik na rin ang pagiging cool nito. "Mabuti. Siya ako'y mauuna na dahil pupuntahan ko pa ang kapatid ko," paalam ni Tatay at saka ako binalingan. "Asikasuhin mo ang bisita mo, Amber. Kung masama talaga ang pakiramdam mo, sasabihin ko na lang sa Ate Jessa mo na hindi ka makakapunta," bilin pa ni Tatay. Kiming ngumiti naman ako. "Pupunta po ako, 'Tay. Nakakahiya naman po kung hindi ako pupunta. Mamaya pa naman pong alas tres ang kasal, makakapagpahinga pa po ako." "Ikaw ang bahala. Mauuna na ako sa inyo, baka naghihintay na ang Nanay mo sa akin." "Sige po, 'Tay. Ingat po kayo," sabi ko at saka lumapit dito para magmano. Parang bata namang ginulo nito ang buhok at saka bumulong. "Mag-iingat, ha? Huwag mabilis magpabola, anak. Mukhang mabulaklak ang dila ng San Diego na iyan." Napangiti naman ako sa sinabi ni Tatay. "Promise po," sagot ko naman. "Siya, sige na, ako'y aalis na talaga." "Sige po, 'Tay." Hindi naman na ito nagsalita at tumalikod na. Nakakailang hakbang pa lang ito nang muling lumingon sa gawi namin. "Ang usapan natin, San Diego," muling paalala nito kay Zeus. Animo sundalo na sumaludo naman si Zeus sa Tatay ko. Mukhang may pinag-usapan sila na sa kanilang dalawa lang. Wala na akong balak alamin kung ano iyon dahil alam kong para sa kapakanan ko iyon. Habang nakatanaw sa Tatay kong papalayo na ay hindi ko maiwasang mapangiti. Si Tatay Jun ang The Best Tatay sa mundo. At mahal na mahal ko si Tatay dahil siya ang pinaka sa lahat. "Ang bait ng Tatay mo," pagkuwa'y sabi ni Zeus. Nilingon ko ito at nakita ko itong nakatanaw rin sa Tatay ko. Medyo nakatingala ako rito dahil matangkad talaga ito. Nagmukha tuloy akong bata sa tabi nito. "Ang sarap siguro n'yang maging Tatay, no?" Hindi ko inalis ang tingin kay Zeus at nakita ko ang pagdaan ng lungkot sa mga mata nito. Maging ang boses nito ay mababakasan ng pait at lungkot. "Sobra, hindi ko ipagpapalit si Tatay sa kahit na sino dahil the best s'ya." Puno ng pagmamayabang na sabi ko. Malungkot naman itong ngumiti at saka humarap sa akin. "Okay ka na?" pagkuwa'y tanong nito. "H-Ha?" "Kung okay ka na? 'Di ba masakit ang ulo mo?" may pag-aalala na tanong nito. Muli sana nitong hahawakan ang noo ko pero mabilis akong umatras palayo rito. "Sorry,.." napapakamot sa ulo na sabi nito. Kiming ngumiti lang naman ako. "Bakit pala narito ka?" "Tulad ng sabi ko sa 'yo kagabi, gusto kitang ligawan at nagpaalam na ako sa Tatay mo," sagot nito. "Bakit?" Nakita kong nagsalubong ang kilay nito. "Anong bakit?" Bago sumagot ay pumunta muna ako sa kubo namin. Nakakapagod namang mag-usap ng nakatayo. Sumunod naman si Zeus sa akin at umupo ito sa katapat ng kinauupuan ko. Mataman itong nakatingin sa akin. Mukhang naghihintay ito ng sagot sa tanong nito. "Anong, bakit ang tinatanong mo?" Hindi nakatiis na muling tanong nito. Sa halip na sumagot ay mataman ko rin itong tiningnan. At dahil maliwanag na ngayon, kaya kitang-kita ko na kung gaano ito kaguwapo. Kung gaano kakinis ang balat nito. Halatang-halata na galing ito sa mayamang pamilya. Hanggang sa mapadako ang tingin ko sa mga kamay nitong nakapatong sa hita nito. Napakaganda ng kamay nito, pakiramdam ko malambot pa iyon kumpara sa mukha ko. At ang suot nito, alam kong mga branded iyon. Maging ang sapatos nito. Magmumukha akong basahan kapag tumabi ako sa lalaking ito. At kahit mali, ay hindi ko maiwasang makaramdam ng panliliit dito. "Amber...." Tila naman ako natauhan nang marinig ko itong tawagin ang pangalan ko. Nahihiyang nag-angat ako ng tingin at nakita kong kunot na kunot ang noo nito. "May problema ba?" "Bakit ako?" "Anong bakit ikaw?" "Bakit ako ang gusto mong ligawan?" Napatitig naman ako kay Zeus nang mahina itong tumawa. "Seryoso ako, Zeus." Nawala naman ang ngiti sa labi nito at napilitan iyon ng kaseryusohan. "Kailangan ba may rason?" tanong nito. "Yes! Hindi mo naman ako gugustuhing ligawan kung walang dahilan eh. And yes, probinsyana ako pero hindi ako mangmang na walang alam sa totoong mundo. At nakita mo kung anong buhay ang mayro'n ako." Nanatiling seryoso ang mukha nito habang nakikinig sa sinasabi ko. "Noong araw na mabangga mo ako sa palengke, katatapos ko lang magtinda ng isda no'n. Mangingisda ang Tatay ko, at nagtitinda sa palengke ang Nanay ko. At katuwang n'ya ako habang hindi pa ako nagsisimula sa trabaho ko. Simpleng buhay lang ang mayro'n ako, kaya kung manliligaw ka huwag mo na lang ituloy dahil hindi ka bagay sa mundo namin, or I must say hindi ako babagay sa mundo mo." Mangha akong napatingin dito nang muli itong tumawa nang mahina. "Totoo ang sinasab--" "That's not true, Amber. Hindi ako tumitingin sa estado ng buhay na mayro'n ang mga babaeng nagugustuhan ko. And yes, I had a past relationships at mayayaman silang lahat. Pero hindi yaman nila ang nagustuhan ko. So, in your case nagustuhan kita kasi simple kang babae at nakikita ko kung gaano ka kabait na anak sa mga magulang mo." Natawa naman ako sinabi nito. Mukhang tama si Tatay matamis ang dila nito. "Paano mo naman nasasabi ang mga bagay na iyan, eh hindi mo pa naman ako kilala. At sa totoo lang, sa pangalan pa lang kita kilala. Ni wala akong idea sa totoong pagkatao mo," prangkang sabi ko. Na totoo naman talaga at hindi ako uto-uto para maniwala agad na malinis ang motibo nito. "Then, kilalanin mo ako. Kaya nga ako narito kasi gusto kong ipakilala sa 'yo ang sarili ko. At siguro naman sapat na iyong nagpaalam ako sa Tatay mo bilang respeto at patunay na seryoso ako. And yes, tama ka naman na hindi pa natin kilala ang isa't-isa. Pero puwede ko bang gawing assurance sa 'yo na hindi ako miyembro ng sindikato?" tanong nito at saka tumayo sabay bunot ng kung ano mula sa bulsa ng pantalon nito. Kinuha pala nito ang wallet nito at may kinuha ro'n. Pagkuwa'y inabot nito sa akin iyon. Nang hindi ko kinuha ay ito na mismo ang naglagay sa kamay ko. Driver License pala iyon at isang calling card. "Anong gagawin ko rito?" tanong ko. "Wala lang, gusto ko lang ipakita sa 'yo. Just in case na interesado kang paimbistigahan ako, at least alam mo na kung saan ako papamanmanan." Hindi ko napigilan na mapasimangot sa sinabi nito. "Baliw ka ba? Sa tingin mo, pag-aaksayahan ko ng pera ang pagpapa-imbistiga sa 'yo? Hello, adik ka ba?" Sa halip naman na ma-offend sa sinabi ko ay malakas itong tumawa. Tsk. Mukhang adik nga ang lalaking ito. "Yes, adik sa 'yo!" sabi nito sabay kindat. Napanganga naman ako sa sinabi nito. "Are you on drugs?" Lalo namang lumakas ang tawa nito. Pulang-pula na ang mukha nito habang tumatawa. "I'm not a drug user, Amber. I've never tried," sabi nito habang tumatawa. Inismiran ko naman ito, "Eh, bakit parang high na high ka pa?" inis na sabi ko. Lalo akong naasar nang hindi ito tumigil sa kakatawa. Masama ang tingin na tiningnan ko ito, at doon lang ito tumigil. "Baliw! Umalis ka na nga rito. Mag-a-alas dos na, isang oras na lang ikakasal na ang pinsan ko at kaibigan mo. Abay ka, 'di ba? Kaya lumayas ka na rito." Nang umalis ako sa kubo ay sumunod naman ito sa akin. "Matutuloy ang kasal nila kahit wala ako, Amber. Saka maiintindihan naman ni Jeff kapag hindi ako sumipot kasi alam niyang dumidiskarte ako sa babaeng pangarap kong dalhin sa simbahan para pakasalan," sabi nito sabay kindat. At oo na, kinikilig ako sa mga pakindat ng lintik na ito. Nakakahaba ng bulbol este buhok pala ang mga pagpapa-cute nito. "Tsk! Bolero, kakakilala lang natin, nasa kasal ka na agad. Mukhang high na high ka na talaga, kaya ang mabuti pa bumalik ka na kina Ate Jessa at maligo ka. Para naman mahimasmasan ka na, lakas ng tama mo, eh." "Okay, I'll go ahead, but, I'll be back for sure," sabi nito habang umaatras palayo sa akin. "See you later, Amber." Nag-init ang buong mukha ko nang mabilis itong lumapit sa akin at walang babalang hinalikan ang pisngi ko. Sandali akong hindi nakahuma sa kapangahasan nito. Nang makabawi sa pagkabigla ay ilang metro na pala ang layo nito mula sa akin. Paatras itong naglakad habang malawak ang pagkakangisi at panay ang flying kiss. Nanggigigil na tiningnan ko ito ng masama, na mukhang hindi naman umipekto dahil nakangisi pa rin ito. "See you later, my Amber!" sigaw nito bago tumalikod na. Likod na lang nito ang nakita ko hanggang sa tuluyan na itong mawala sa paningin ko. At doon ko pa lang pinakawalan ang impit na tili na kanina ko pa sana gustong gawin. Hindi naman kasi ako manhid para hindi kiligin sa mga padali ni Zeus. Hindi siya ang unang nagtangkang manligaw sa akin. Pero aaminin ko na kay Zeus ako unang nakaramdam ng kilig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD