Chapter 9

2373 Words
TRISHA NAGMAMADALI na akong lumabas ng apartment ko dahil late na ako sa trabaho ko. Pangalawang gabi ko pa lamang ay mukhang mababa-badshot na ako nito kay Madam Lucy. Masyado kasi kaming nalibang ni Marco sa mga inilatag nitong plano. At dahilan iyon para makalingat ako sa oras, maging si Marco ay hindi na rin namalayan ang pagdaan ng mga oras sa apartment ko. "Sana may dumaan kaagad na jeep o taxi para hindi ako mas'yadong ma-late." Naisatinig ko habang nag-aabang sa tabing daan. Haist, hindi naman sana ako mali-late kung hindi ko na kailangang mag-ayos sa sarili eh. Sa dami ng peke sa mukha ko, doon ako natatagalan talaga. Sa pagsusuot pa lamang ng mahabang wig ay matagal na dahil kailangan ko pang siguraduhing hindi iyon maaalis kahit anong gaslaw ng galaw ko. Maging ang hightech bracelet na suot ko ay hindi maaaring mawala sa akin at ang hightech piercing na nasa tainga ko. Nang may nakita akong paparating na jeep ay kaagad kong pinara iyon. Tumigil iyon sa mismong harapan ko, isang paa ko pa lamang ang nakasakay nang paandarin na iyon ng hudas na driver dahilan para muntik na akong mahulog. Mabuti na lamang at palagi akong alisto, kung 'di ay baka nabagok na ang ulo ko dahilan ng kamatayan ko. "Manong, dahan-dahan lang po hindi pa nakakasakay nang ayos iyong babae," mabait na sabi ng isang matandang babae mula sa may likuran ng driver. "Oo nga ho, Manong, muntik na ho siyang malaglag eh," anang katabi nitong medyo kaedaran kong babae. "Eh, ang bagal niyang sumakay eh. Kita niyang nagmamadali ako," mayabang pang sagot nito. Ni hindi na nga nag-sorry, nagyabang pa talaga. Pasalamat ka, malayo ang inuupuan ko sa iyo dahil kung hindi makakatikim ka talaga sa akin. Piping usal ko sa isip ko. "Grabe naman kayo, Manong, mahuhulog na ho ang pasareho niyo pero wala man lang kayong malasakit. Paano ho kung matanda iyong sumakay at nahulog? Pananagutan niyo ba iyon kapag nadisgrasya?" Hindi nakatiis sa sabat ng isang lalaki, na sa hinuha ko'y kaedad lang ni Daddy. Tumingin pa ito sa akin na animo'y humihingi ng despensya. Tipid ko siyang nginitian at saka tinanguan bilang pasasalamat sa concern nito para sa akin. Bigla ko tuloy na-miss ang Daddy ko at ang walang humpay nitong sermon, at paalala sa akin. "Mabuti na lang alisto siya, kung hindi nahulog sana siya sa ginawa mo." Hindi pa rin tumitigil na sabi ni Tatay sa driver. Nakita kong tumingin sa front mirror ang driver at masama niya akong tinapunan ng tingin. Nakipagtitigan ako rito, at kung masama ang tingin niya sa akin ay mas masama ang akin. Tiningnan ko siya sa paraang makukuha niya ang ibig kong sabihin, at hindi nga ako nagkamali dahil mayamaya lamang ay pakumbaba na itong humingi ng sorry sa akin. Nang makarating sa tapat ng bababaan ko ay isang sulyap pa ang ibinigay ko rito bago ako tuluyang bumaba. At siyempre, hindi ko naman nakalimutang magpasalamat sa mga pasaherong nagpakita ng malasakit sa akin. "Snow, two men are following you," dinig kong sabi ni Wind sa kabilang linya. Hindi na ako nagulat sa sinabi nito dahil bago pa man ako sumakay sa jeep ay ramdam ko nang may nakasunod sa akin. Pinagpatay-malisya ko na lamang iyon dahil alam kong bawat galaw ko ay nakaantabay si Marco sa akin. At isa pa, hindi ko puwedeng ipahalata sa mga sumusunod sa akin na alam kong nakasunod sila. "Careful, Snow. Hindi puwedeng mabulilyaso ang misyong ito." Isang tikhim naman ang ginawa ko para iparating sa kanya na naiintindihan ko siya. Hindi naman na ito nagsalita pa kaya pumasok na ako sa loob ng club na iyon. Pagpasok ko pa lamang sa kuwartong sadya ko, ang matalim na tingin ni Madame Lucy ang kaagad na sumalubong sa akin. Well, expected ko na iyon dahil late na ako ng mahigit kalahating oras. "Good evening po, Madame Lucy," magalang na bati ko. Lihim akong napangiwi nang lalong tumalim ang tingin nito sa akin. "Anong maganda sa gabi kung pangalawang gabi mo pa lamang dito ay ganiyan na ang inuugali mo, Shana?" Humakbang ito ng dalawa palapit sa akin. "Madame, pasensya na ho kayo kung na-late ako ng pasok. May inasikaso po kasi ak--" "At sa tingin mo, may pakialam ako sa mga pinagkakaabalahan mo?" Asik nito sa akin. Sabi ko nga, wala. Kahit ako, walang paki sa iyo dahil kapag nakakuha ako ng tiyempo ikaw ang uunahin ko. Piping usal ko sa isip ko. Gigil nitong hinaklit ang braso ko. Bahagya akong napangiwi sa ginawa nito ngunit hindi ako pumalag. "Kakaumpisa mo pa lamang dito ginagalit mo na ang Boss ko! Hindi mo ba alam na sinabon niya ako kanina dahil ikaw ang unang sasalang pero wala ka pa!" "Madame Lucy, pasensya na ho kayo. Huwag ho kayong mag-alala, ako ho mismo ang hihingi ng paumanhin sa Boss niyo." "Aba! Dapat lang!" Singhal nito sa akin dahilan para mapaatras ako, tumatalsik kasi ang laway nito sa mukha ko. "O-Oho, pasensya na ho talaga, Madame Lucy. Babawi po ako, tatlong sayaw po ang gagawin ko ngayong gabi para iyong isa bayad sa damage na ginawa ko dahil na-late po ako." Bigla namang umaliwalas ang mukha nito at saka binitawan na ang braso ko. "Gagawin mo iyon?" "O-Oho, para po hindi na kayo mapagalitan ng Boss natin." Napairap ako nang mas lumawak ang ngisi ng bruhang ito. "Salamat kung ganoon. Bilisan mo na at magpalit ka na ng damit mo." Halos ipagtulakan na ako nito papasok sa dressing room. At para hindi na siya tuluyang mabuwisit sa akin ay binilisan ko na ang kilos ko. Pagkatapos ng ilang sandali ay lumabas na rin ako mula sa dressing room. Kaagad na akong isinama ni Madam Lucy sa labas dahil malapit na raw akong sumalang. At kagaya kagabi, naging mas mapagmatyag ako sa paligid ko. Nang matapos si Barrey ay kaagad na akong lumabas mula sa backstage para ako naman ang magbigay aliw sa mga lalaking naghahanap ng aliw mula sa ibang babae. At para matuwa kahit papaano si Madame Lucy ay mas ginalingan ko ang performance ko. At nang matapos nga ako ay masigabong palakpakan ang ibinigay ng mga lalaking iyon para sa akin. Hindi ko maintindihan ang sarili ko pero may partikular na taong hinahanap ang mga mata ko. Tiningnan ko sila sa puwesto nila kagabi ngunit wala roon ang dalawang lalaking iyon. Baka hindi naman sila talaga madalas magawi rito, baka napadaan lang talaga kagabi. Piping usal ko sa isip ko. Bumalik ako sa backstage at nagpahinga para sa susunod kong number. Kakwentuhan ko si Barrey habang naghihintay ulit sa pagsalang ko. Makalipas ang ilang sandali ay ako na ulit, hanggang sa matapos ko na rin ang huling sayaw na ipinangako ko kay Madame Lucy. "Shana." Napalingon ako sa likuran ko nang marinig ko ang boses ni Madame Lucy. "Po?" "Alam kong sasabihin mo na namang dancer ang ipinasok mo rito pero may gustong mag-table sa iyo. Hep!" Pigil nito nang makitang kokontra na naman ako. "Bago ka umayaw, gusto ko lang sabihin sa iyo na malaki ang alok niyang bayad sa iyo kung papayag kang magpa-table sa kanya." Halatang-halata na gusto niya akong silawin sa perang sinasabi nito. Ngunit may munting kudlit sa utak ko nang marinig ang perang sinasabi nito. "Pinapasabi rin niya sa iyo na wala siyang ibang gagawin sa iyo. Gusto ka lang daw nilang makausap at makakwentuhan." Kumunot ang noo ko. "Nila?" "Oo, nila. Dalawa silang naghihintay sa iyo sa VIP room kung papayag kang magpa-table sa kanila. Huwag kang mag-aalala, mukha naman silang matitinong tao." Pangungumbinsi pa nito. Nang maalala ko si Abby na kailangan ng pera ay hindi na ako tumanggi. Gusto ko siyang tulungan kaya bahala na. "Sige ho." Kitang-kita ko kung paano umaliwalas ang mukha ni Madame Lucy sa pagpayag ko. Of course, malaki rin ang makukuha niya dahil sa pagpayag ko. "Good." Nakangiting sabi nito, saka nagpatiuna nang lumabas. Sumunod ako rito bagama't may pag-aalinlangan pa rin sa dibdib ko. Malay ko bang matino nga ang mga lalaking iyon na gusto raw akong maka-table. Haist! Bahala na nga! Tahimik na sumunod ako kay Madame Lucy. At habang nakasunod dito ay hindi mapakali ang mga mata ko. Hindi ako lumilingon sa paligid ko ngunit umiikot naman ang mga mata ko ng mga sandaling iyon. "Dito ang VIP room, Shana." Anito nang tumigil sa nakasarang pinto. Alam kong mula sa loob ay nakikita ako ng mga tao roon. "Sure po ba kayong hindi nila ako pipilitin sa ano mang ayaw ko, Madame?" Paniniguro ko. "Siniguro nila iyon sa akin." "Mabuti po kung ganoon. At least hindi kami magkakaproblema." Ako na lamang ang nakaintindi sa huli kong sinabi. Dahil kung may balak man silang masama sa akin, titiyakin kong hindi sila magtatagumpay na gawin iyon. "Pumasok ka na sa loob, naghihintay na sila sa iyo." Binuksan nito ang pinto. "Pasok ka na, Shana." Niluwagan nito ang bukas ng pinto. "Sige po, Madame." Kinakabahan ma'y pumasok na ako sa loob. Ito na rin ang nagsara ng pinto. Medyo may kadiliman sa loob ng VIP room na iyon kaya hindi ko kaagad kung nasaang banda ang dalawang lalaki raw na iyon. "Mas'yado ba silang nagtitipid sa kuryente at madilim dito?" Wala sa loob na naisatinig ko. Kaagad akong napalingon sa gawing kanan ko nang may marinig akong mahinang tawa. Malamang iyon iyong gusto mag-table sa akin. Mayamaya nama'y lumiwanag na ang kabuuan ng VIP room na iyon at nakita ko na ang dalawang lalaking tinutukoy ni Madame Lucy. "Hi, Sisi!" Nakangiting bati ng isa sa mga lalaki. "Kayo?" Napakurap ako, totoong nagulat ako na sila ang gustong mag-table sa akin dahil bukod sa hindi ko sila nakita sa tatlong labas ko ay hindi naman sila ang tipo ng lalaki na kailangan pang magbayad para lang sipingan ng babae. Palitan ko silang tiningnan, pagkuwa'y napatitig ako sa guwapong mukha ng lalaking tinutukso ni Marco sa akin. Ang guwapo nito, kaylapad ng dibdib, at aaminin kong nakadagdag sa angking kaguwapuhan nito ang maliliit na buhok sa may panga nito. Ang lakas makalalaki ng dating at sa tangkad at tikas nito ay parang kaya niya akong ihagis sa kama. Maghunos-dili ka, Shana! Biglang paalala ng kabilang bahagi ng isip ko. Bakit ba? Grabe kasi iyong muscles niya, hapit na hapit ang damit sa magkabilang braso nito. Isang tikhim ang tuluyang nagpagising sa talindi kong isip. Nakalimutan ko yatang nasa harap ko pa silang dalawa ng kasama nitong hindi rin naman pahuhuli kung kaguwapuhan ang pag-uusapan. Gusto kong pagalitan ang sarili ko dahil sandali akong nawala sa sarili ko dahil sa isang lalaki. "Baka gusto mong kumurap, Sisi." Tukso nito at saka tumayo. Nilapitan ako nito. "Sit down, Sisi." Hindi ako umupo. "Anong kailangan ninyo sa akin?" "Relax, wala kaming masamang gagawin sa iyo. By the way, I'm Ralph," anito at humarap sa kasama. "And this is my best friend, best buddy, si Ivan." Pagpapakilala nito sa kasama. Kiming ngumiti ako rito habang sa kasama nito ay hindi ko magawang tumingin. Naiilang ako sa kung paano siya tumingin sa akin, para bang tumatagos sa kaluluwa ko ang mapanuring tingin nito. "Upo ka, Sisi--" "Shana." Putol ko sa sasabihin nito. "Shana ang pangalan ko." "Yown, sa wakas nalaman din naman ang pangalan mo. Gustong-gusto kasing malaman nitong kaibigan ko ang pangalan mo eh." Napangiwi ito nang batukan ng kasama nito. "Totoo naman, ah. 'To naman denial pa." Masamang tingin lamang ang ibinigay nito sa kaibigan nito. Muli akong hinarap ni Ralph, nakaupo na ako sa couch sa katapat nito. "Gusto mong uminom?" Alok ni Ralph sa akin. "No, thanks. Sasamahan ko na lamang kayong uminom." Ngumiti ito. "Natatakot ka ba sa amin?" "Hindi naman." Sabay silang napatingin sa akin. "Well, kung ikukumpara ko naman kayo sa mga taong nasa labas kanina, 'di-hamak namang mas mukha kayong matino kaysa sa kanila." Napangiti ako nang masamid si Ivan. "Unless, nasa ilalim din ang kulo ninyo." "What do you mean?" Si Ralph. Nagkibit-balikat ako. "Well, baka mamaya guwapo lang pala kayo pero mga halang din ang kaluluwa--" malakas na tawa ni Ralph ang nagpatigil sa akin. Nakitawa rin ako dahil kailangan kong panindigan na ganito ang klase ng trabaho ko. "Hindi kami masamang tao, Shana. Ang totoo niyan isa kaming alagad--" hindi nito natapos ang sasabihin nang mabilis na kumuha ng tissue si Ivan at isalpak iyon sa bibig ni Ralph. Napangiti ako sa kanilang dalawa. Para silang mga bata gayong puwede na silang gumawa ng sarili nilang bata. "Bakit ba?" Asik ni Ralph nang matanggal ang pasak na tissue sa bibig nito. Isang makahulugang tingin ang nakuha nito mula sa kaibigan. Mata sa mata ang naging pag-uusap nilang dalawa. Hinayaan ko silang dalawa, tahimik lamang ako sa kinauupuan ko. Mayamaya ay napagsolo kami ni Ivan dahil nagpaalam na iihi lamang daw ito. Wala kaming kibuan pero ramdam ko ang mga mata nitong nakatitig sa akin. "Anong dahilan mo at bakit napasok ka sa ganitong klaseng trabaho?" Manghang napatingin ako kay Ivan nang magsalita din ito sa wakas. "Nagsasalita ka pala?" Tumaas ang sulok ng bibig nito. "Anong akala mo sa akin pipe?" Nagkibit-balikat lamang ako at hindi na muling nagsalita. Ewan ko ba, may pakiramdam kasi ako na parang kaya niyang basahin ang pagkatao ko. "So, bakit napasok ka sa ganitong klaseng trabaho?" Ulit nitong tanong. Tiningnan ko siya. "Dahil kailangan ko ng pera." "Kapalit ang katawan mo?" Hindi nakaligtas sa akin ang pagtiim-bagang nito habang sinusuyod ng tingin ang kabuuan ko. Hindi ako sumagot. "Maganda ka naman at matangkad, so hindi naman siguro mahirap para sa iyo ang humanap ng disenteng trabaho, hindi ba?" "Or baka gusto mo iyong instant money kaya mas pinili mo rito kaysa ang maghanap ng disenteng trabaho." Ito na rin ang sumagot sa sarili nitong tanong. Hinayaan ko siyang magsalita. Hindi naman affected sa sinasabi niya dahil unang-una hindi niya ako kilala. "Masisira lang ang buhay mo rito, Shana. Try to find a new job. Iyong hindi ka babastusin ng kung sino-sinong lalaki. Maraming disenteng trabaho na puwede mong pasukan. I'm willing to help you, if you want." Manghang napatitig ako sa guwapong mukha nito. Hindi ko alam kung bakit niya ako inalok ng tulong gayong hindi ko naman siya kilala at gano'n din siya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD