Chapter 2 – Best Friend

1294 Words
After 13 years… “Pa, Ma, alis na po ako!” nagmamadali nang lumabas si Angie sa maliit nilang bahay para pumasok sa trabaho. Isa na siyang sales lady sa malapit na mall at simula makagraduate siya sa 2 years course na natapos niya ay doon na siya nagtrabaho. Suwerte na rin kahit papaano dahil nakahanap siya ng trabaho na malapit lang sa bahay nila. Isang sakay lang sa tricycle o kung minsan ay jeep ay agad na siyang nasa pinagtatrabahuhan niya. Yon ng lang ay wala yatang pag-asang aangat ang posisyon niya dahil dalawang taon lang ang natapos niya. “Ingat ka anak!” pahabol na sigaw pa ng Papa niya habang nakangiti sa kanya samantalang ang Mama niya ay kumaway lang sa kanya. “Babae ka na naman ngayon Angie!” natatawang bati sa kanya ng kaibigang si Romel nang masalubong niya itong naglalakad. “Ulöl!” aniya sabay hampas sa braso nito. Nakasuot na naman kasi siya ng skirt dahil kailangan sa trabaho niya. Pag nasa bahay lang kasi siya ay panlalaking shorts at malalaking tshirts ang palagi niyang suot at madalas ay nakasumbrero pa siya pag tumatambay sila. Siyempre, mas astig kung ganon ang mga porma niya pag kasama niya ang mga tropa niyang sina Romel, Rina na tomboy at ang kikay na si Ella na minsan lang nilang makasama. May isang close friend pa sana sila, si Oscar. Ngunit sa ibang lugar na ito nag-aral at nanirahan. At si Mory rin pala, ngunit matagal na ring panahon nang huli nila itong nakasama dahil nangibang bansa na ito, isa pa ay siya lang ang pinakamalapit dito sa kanilang magkakaibigan. “Mamayang gabi ha, kita tayo sa basketball court!” malakas na sabi ni Romel sa kanya dahil mabilis na siyang naglakad palayo rito. “May laro ka pala? Oh sige, sige! Kitakits!” nilingon niya lang ito at maangas na tinanguan sabay lakad muli ng mabilis papunta sa sakayan ng jeep. Hindi pa naman siya mali-late kaya pwede pa siyang maghintay ng ilang minuto pero pag talagang male-late na siya ay nagtatricycle na siya, mas mahal nga lang ang bayad. Di nagtagal ay nakapasok na siya sa mall na pinagtatrabahuhan niya. “Angelo!” agad siyang napalingon nang marinig niya ang tumawag sa kanya habang inaayos niya ang mga damit pambata. Sa kids’ section kasi siya naassign. “Mory!” agad siyang napangiti nang maluwag pagkakita ritong ngiting-ngiti sa kanya na nasa likod na pala niya. Sa lahat ng tao ay ito lang ang tumatawag sa kanya ng Angelo. Babae pa rin naman siya kahit lalaki siyang pumorma pero sa tingin yata nito ay tomboy talaga siya. “Maganda ka sana kung babae ka. Tssk!” sabi pa nito sa kanya kaya biglang nagsalubong ang kilay niya. “Babae naman talaga ako! Kelan ka pala nakauwi?” Sanay na siyang inaasar nito kaya madalas ay binabalewala na lang niya ang mga pang-aasar nito sa kanya. “Kanina lang! Na-miss kita kaya ikaw agad ang pinuntahan ko!” anito sabay kurot sa magkabilang pisngi niya. “Hintayin kita ha, na-miss ko nang kumain ng turo-turo.” Nakangiting dagdag nito nang pakawalan na ang mga pisngi niya. Tiningnan niya ito ng masama sabay himas sa mga pisngi niya. “6pm pa ang out ko Mauricio.” Aniya. Tiningnan naman nito ang suot na wristwatch at namulsa habang tila nag-iisip na nakatitig sa kanya at nakakunot-noo. Alas tres pa lang ng hapon kaya kung magpupumilit ito ay maghihintay pa ito ng tatlong oras. “Ok, I’ll just wait for you. Hintayin na lang kita sa labas. Mag iikot-ikot lang din muna ako sa mall.” Nakangiting sabi nito sa kanya at mahinang hinampas ang isang braso niya bago ito tumalikod. “Magpalipat ka na lang kaya sa men’s section para mas makarelate ka sa items na hawak mo. Sabihin mo na lang na lalaki ka talaga.” Lumingon at tumawa pa ito sa kanya bago muling naglakad palayo. Pinaningkitan na lang niya ito ng mga mata kahit hindi na ito nakatingin sa kanya. “Ang tagal mo naman. Gutom na ‘ko!” reklamo agad ni Mory sa kanya paglabas niya sa mall at maabutan itong nakasandal sa magarang kotse nito. “Eh di sana kumain ka na lang mag-isa! Nasa akin ba ang mga pagkain? Ako ba ang tindera, ha?” inambaan niya ito ng suntok ngunit inakbayan lang siya nito sabay bukas sa passenger seat at marahan siyang itinulak pasakay doon. “Ang daldal.” Balewalang sabi lang nito at umikot na agad sa driver seat. “Mabuti at nakauwi ka. Bakit ka nga pala biglang umuwi? Akala ko next year pa ang uwi mo.” Tanong niya kay Mory habang bumibyahe siya. “May pinapatayong resort si Dad sa Bulacan, ako ang pinapaasikaso niya.” Anito at tumangu-tango na lang siya. “I told you, sa’kin ka na lang magtrabaho kaysa sa mall. Mas malaki ang ipapasahod ko sayo.” Sinulyapan pa siya nito ng tingin at maya-maya pa ay ipinarada na nito ang kotse nito. Nang makalabas sila sa kotse nito ay saka lang siya sumagot rito. “Ayaw ko nga! Baka kung ano pa ang sabihin ng mga tao.” “Tss! Tara na nga! Basta pag-isipan mo.” Inakbayan na siya nito ulit habang naglalakad na sila papunta sa tindahan ng mga street foods. Napatitig siya kay Mory habang kumakain ito ng isaw at betamax at siya naman ay chicken skin. Best friend lang ang tingin nito sa kanya pero hindi para sa kanya. May gusto siya kay Mory. Isa iyon sa mga dahilan kaya ayaw niyang makatrabaho ito dahil natatakot siyang lalo pang lumalim ang nararamdaman niya para rito. Tingin yata nito ay magkumpare sila. Pero ang hindi marahil nito napapansin ay babae naman talaga ang puso niya. At sa tuwing inaakbayan siya nito ay lihim siyang kinikilig, at lihim ding nasasaktan dahil alam niyang hanggang doon lang sila pwedeng maging magkalapit. Biglang tumunog ang cellphone nito at kunot-noong tinitigan muna nito iyon bago sinagot. “Kate.” Seryosong sabi nito nang sagutin ang tawag. Si Kate, ang una at naging huling girlfriend ni Mory. Nagkahiwalay ang mga ito dahil hindi raw gaanong mahal ni Kate si Mory. Pero ngayong hiwalay na ang dalawa ay pilit nakikipagbalikan si Kate sa kaibigan niya ngunit ayaw naman na ni Mory na makipagbalikan rito kahit panay ang pangungulit ng ex nito. “Paano mo nalamang umuwi ako? I’m busy, I cannot go there tonight.” “Kate, we’re over. Ikaw mismo ang nakipaghiwalay sa’kin, diba? Why do you keep on calling me and demanding for my time?” “I can’t go.” Bumuntong-hininga si Mory habang nakikinig sa kabilang linya. “Fine. Wait for me there.” Anito at muling bumuntong hininga pagkababa sa tawag. “Anj, sorry pero—” “Sige na. Puntahan mo na ang ex mo.” Kunwari ay balewalang sabi niya kahit ang totoo ay nasasaktan siya. Gusto niya si Mory. Mahal niya ito higit pa bilang kaibigan pero walang pag-asang maging sila nito. “Babawi ako sa’yo. Pasensiya na hindi na kita maihahatid-“ “Sige na, sige na at baka magwala na naman ang ex mo kakahintay sa’yo.” “Ingat ka pauwi. I’ll call you later.” Sabi pa nito sa kanya bago nagmamadaling umalis. Sa tuwing kasama niya si Mory ay madalas ganoon ang nangyayari. Single nga ito pero lihim pa rin niyang karibal sa oras nito ang ex nito. Malalim na lang siyang napabuntong-hininga bago naglakad papunta sa sakayan ng jeep. Imposible talaga. Imposibleng mapansin siya ni Mory bilang isang babae dahil tropa lang ang tingin nito sa kanya, barkada at kabaro nito. Hindi pa man nito nalalaman ang damdamin niya para rito ay na-best-friend-zone na siya nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD