PIO'S POV
Isang malakas na palakpakan ang maririnig sa buong function hall matapos ilahad ng anak kong si Daphne ang mga plataporma n’ya para sa gaganaping SBO Election ngayong taon. Ngiting-ngiti ako at nakahalukipkip habang nakatingin sa mini stage ng function hall kung saan nandoon si Daph at nakangiti sa mga tao. Sino ba namang hindi magiging proud kung ganyan katalino ang anak mo? Ni hindi namin s’ya pinalaki sa pressure dahil lang pareho kaming teacher ng Mommy n’ya. Kaya sobrang proud ako na lumaki s’yang achiever. Wala na yata akong ibang mahihiling pa sa anak ko kung hindi ang makita s’yang maabot ang pangarap n’ya. At sa talino ni Daph, imposibleng hindi n’ya makamit ang lahat ng gusto n’ya.
“Pre, ang talino talaga ng anak mo! Buti na lang talaga hindi nagmana sa’yo!” Narinig kong kantyaw ni Fred sa akin at saka dali-daling nagtago sa likod ng asawa n’ya.
Nakita kong sinamaan kaagad s’ya ng tingin ng asawang si Robie pero nag-pout lang s’ya at saka nagpa-cute. Tsk! Parang bata talaga! Agad na binelatan ko s’ya nang mahinang sermonan s’ya ni Robie dahil sa ginawa n’yang pagtatago at pagdikit dito.
Tumingin ako sa paligid para masigurong wala si Quin sa paligid bago binalik ang tingin kay Fred. “Under!” kantyaw ko at ngumisi para asarin s’ya dahil paniguradong hindi s’ya makakaganti sa akin dahil nasa tabi n’ya lang si Robie. Dahan-dahang lumayo s’ya kay Robie at tahimik na nagmasid sa paligid bago lumapit sa akin.
“Bakit ikaw? Hindi under?” mahinang resbak naman n’ya.
“Under din! Alam mo namang tropa tayo kaya di kita iiwan pagdating d’yan, Pre— Aray!” napahawak agad ako sa tenga ko dahil napalakas yata ang pagkakasabi ko kaya nakarating agad kay Quin! Napalingon ako sa babaeng pumingot sa tenga ko at saka agad na nagreklamo. “Ano na namang ginawa ko, Mahal?!” kakamot-kamot sa batok na tanong ko sa kanya. Pinandilatan n’ya ako at saka sinenyasan na tumahimik.
“Manahimik ka d’yan at makinig sa nagsasalita. Mahiya ka naman sa mga estudyanteng nakakarinig sa ingay mo!” mariin pero mahinang sita n’ya sa akin sabay balik n’ya ng tingin sa stage.
Humarap din ako doon at agad na napasimangot nang makita ko kung sino ang susunod na magsasalita. Mariing napatingin ako sa kanya at pinanood s’yang umaakyat sa mini stage. Kahit ang paglalakad n’ya ay kuhang-kuha n’ya talaga sa Tatay n’yang tinamaan ng lintik sa kayabangan!
Sino pa nga ba? Edi si Yabang II. Anak ni Marco Yabang! Nakahalukipkip akong tiningnan s’yang ngumingiti ng bahagya sa mga nanonood. Narinig kong nagsigawan ang ilang grupo ng mga babaeng estudyante sa gilid kaya agad na napatingin ako sa mga ‘yon at sinipat ng mabuti kung may mga estudyante ba ako na kasama sa mga nagsisigawan.
Kapag may estudyante akong nahuling sumisigaw at kinikilig sa anak ni Yabang, tatawagin ko ng tatawagin sa recitation hanggang sa maubusan ng alam!
“Daddy, pwede pong pahiram ng phone?” Nawala saglit ang tingin ko sa anak ni Yabang nang marinig ko ang boses ng anak kong si Zeth sa gilid ko. Agad na dinukot ko ang phone sa bulsa ko at inabot sa kanya.
“Here. Pasahan mo muna ng load bago ka makitext ha?” pabirong bilin ko pa nang abutin n’ya ‘yon. Napangisi ako nang makitang sumimangot s’ya. Sobrang kamukhang-kamukha ko s’ya pero mas kamukha ko ang bunso kong anak na si Eros. Kahit gustuhin ko silang isunod sa pangalan ko dahil sobra ko silang kamukha ay takot din akong itakwil nila ako nang dahil lang sa pangalan nila kaya hindi ko na tinuloy ang balak ko. Ayaw ko namang mabuhay sila ng katulad ko na sobrang gwapo nga pero sobra rin namang bantot ng pangalan hanggang apelyido! Nakakakilabot na magpadami ng lahi kung gano’n din lang ang mangyayari hindi ba?
“Daddy naman!” narinig kong maktol n’ya dahil sa sinabi ko. Natatawang ginulo ko ang buhok n’ya.
“Joke lang, anak kong ubod ng gwapo na manang-mana sa akin!” nakangising sambit ko habang tinititigan ang mukha n’ya. “Haayy! Kung bakit naman kasi sobrang lakas at ganda ng genes ko. Tingnan mo, nag-uumapaw ka tuloy sa kagwapuhan—”
“Kung ayaw mong makinig, Procopio, lumayas-layas ka sa tabi ko at baka hindi kita matantsa!”
Napatigil ako sa pamumuri sa anak ko nang marinig ko ang mahinang sita sa akin ni Quin. Kumunot ang noo ko nang mapatitig sa mukha n’yang mukhang iritadong-iritado sa akin.
Ano na naman ba ang problema ng asawa ko at napakasungit?
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang may naisip.
“Mahal?” agad na tawag ko sa kanya. Iritadong kumunot ang noo n’ya na hindi ako nililingon.
“Ano na naman ba, Procopio?” mariin ngunit mahinang sagot n’ya.
“Don't tell me, may kasunod na agad si baby Eros ko at naglilihi ka na ulit?” namimilog ang mga matang tanong ko at agad na dinikitan s’ya para bulungan. “Sabi ko naman kasi sa’yo na ayaw ko ng gabi-gabi mo akong pinipilit at kinakalabit—Aw!”
Napahimas ako sa batok ko at agad na umatras palayo sa kanya nang batukan n’ya ako. Sinamaan n’ya ako ng tingin habang nakanguso ako sa kanya.
“Hindi ka talaga mananahimik d’yan, Procopio?” pigil na pigil ang inis na sita n’ya sa akin. Agad na lumapit ako sa kanya at nagpapaawang tiningnan s’ya. Baka mamaya ay sa sobrang irita n’ya ay sa labas ng bahay na naman ako pulutin!
“Tatahimik na nga po. I love you…” bulong ko at nag sumiksik pa sa kanya. Hindi makapaniwalang napatitig naman s’ya sa gwapong mukha ko kaya agad na kumunot ang noo ko at tinaasan s’ya ng kilay. “Ano na namang tingin ‘yan, Mahal? Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin nakakaget-over sa kagwapuhan ng asawa mo? Yieee! Maliit na bagay! Sanay na ako! Ano ka ba?” ngiting-ngiting pang-aasar ko sa kanya at lalong isiniksik ko pa ang katawan ko sa kanya. Nakita ko kung paano s’ya bumuntonghininga at pinakalma ang sarili bago nagsalita.
"Isa pa, Pio. Sa labas ka na talaga matutulog mamaya,” seryosong banta na n’ya kaya agad na tumikhim ako at agad na napaayos ng tayo at seryosong tumingin sa stage para makinig na sa sinasabi ng anak ng mayabang na si Marco.
Kapag sinabi pa naman ni Quin na sa labas ako matutulog ay literal na hindi lang sa labas ng kwarto kundi sa labas talaga ng bahay!
“Kapag ako po ang nahalal bilang presidente ng Student Council, ang unang-una ko pong ipapatupad ay ang disciplinary action para sa ating lahat.”
Tumaas ng todo-todo ang kilay ko dahil sa sinabi ng anak ni Marco na mayabang. Diniinan n’ya pa talaga ang pagkakabanggit sa disciplinary action kaya agad na napalingon sa akin si Fred at ngumisi. Nakita ko rin kung paanong napangiti si Quin matapos n’yang marinig ‘yon.
Tss! Bakit ba gustong-gusto n’ya ‘yang anak ng mayabang na Marco na ‘yon?
“Napapansin ko po kasi na marami sa ating mga estudyante—hindi lang po pala mga estudyante kundi pati na rin po sa ating mga teachers ay madalas na ma-late sa kani-kanilang mga klase,” pagpapatuloy n’ya. Malakas na napa-ubo ako dahil sa sinabi n’ya.
Ano daw? Aba't? Nagpaparinig ba s’ya? Talaga pa lang manang-mana sa kanya ang anak n’ya!
Narinig kong napatawa ng mahina si Quin. Hindi makapaniwala na hinarap ko s’ya.
“Pati ba naman ikaw, Mahal?!” hindi makapaniwalang bulalas ko. Sasagot na sana s’ya pero magsalita ulit ang anak ni yabang kaya sinenyasan n’ya muna akong tumahimik kaya nakasimangot na napatingin ulit ako sa harapan.
“So, my first project is to have a detention room para sa mga tatamad-tamad pumasok ng maaga at mga lumalabag na rin sa mga school rules. Hindi naman po pwedeng may rules lang pero wala pong actions na gagawin kapag nilabag na ang mga iyon, hindi po ba?” confident na confident at seryosong-seryosong sabi n’ya pa habang iginagala ang tingin sa mga nanonood. Tumaas ang kilay ko nang magawi ang tingin n’ya sa gawi namin. “And if our dear principal will consider my request, pati po sana mga teachers ay kasama sa disciplinary action na ipapatupad ko kung sakaling magkaroon ako ng pagkakataon na mamuno sa Student Council ngayong taon,” narinig kong sabi pa nito na nakatingin kay Quin.
Agad na napaharap naman ako sa kanya at pinakita ang panliliit ko ng mga mata habang hinihintay ang response n’ya sa suggestion ng anak ni Yabang. Nakita kong tumaas ang kamay ni Quin at… nag-approved sign.
Anak ng! Tinamaan ng lintek naman talaga!
Napatampal ako sa noo ko at tiningnan ng masama si Marco na ngayon ay nakahawak sa baba habang titig na titig sa anak n’ya. Kumunot ang noo ko. Nagtataka ako dahil mukha siyang hindi proud sa kayabangan ng anak n’ya ngayon. Hmmm.
Bahala sila. Nananalaytay pa rin sa mga dugo ng batang ‘yan ang dugo ng mayabang na si Marco kaya hindi talaga dapat siya ang mapangasawa ng anak ko! Nevah! Over my dead, yummy body!