Chapter 7

2188 Words
“MORNING,” inaantok pa na bati ni Lia sa mga kapatid pagbaba niya sa dining area. Humalik siya sa pisngi ng ama bago umupo sa kanyang puwesto. “Nasaan si Yumi?” tanong niya nang hindi mapansin ang isa sa kakambal niya. “Maagang umalis,” sagot ni Aya. “Anak, tumawag ang asawa mo kanina sa akin, pati rin sa Kuya Migs at Ate Amihan mo, niyayaya kami na mag-dinner. Importante daw kaya huwag daw na hindi kami pupunta,” bunga sa kanya ng ama. “Dad, first and foremost, he’s not my husband anymore,” pagtatama niya. “At tungkol sa dinner, basta pumunta kayo. I’ll be there as well.” Tumawa lang ito at umiling. “Hangga’t hindi pa kayo legal na naghihiwalay, asawa mo pa rin siya.” Bumuntong-hininga si Lia at hindi na nakipagtalo. Totoo naman din kasi ang sinasabi ng daddy niya. Tahimik na naglagay siya ng pagkain sa pinggan at kumain. “Bakit si Migs lang? Kuya mo rin naman ako,” protesta ni Aya. “Ang dami natin magkakapatid eh may pag-uusapan lang naman kami. Malalaman n’yo rin naman ‘yon,” sagot niya. “Tungkol saan ba ‘yon, anak?” Bumuntong-hininga siya. “Basta Dad, mamaya malalaman n’yo rin. Just trust me, okay?” Napailing na lang ang ama saka pinagpatuloy ang pagkain. Her Dad, Armando Santillan is a retired Liutenant Colonel of the Armed Forces of the Philippines. Nang mamatay ang asawa sa plane crash na isang pure Dutch na si Estelle Van de-Berg Santillan, naiwan nito ang nag-iisang anak at noon ay sampung taon gulang na si Maria Amihan Van de-Berg Santillan. Dahil sa labis na kalungkutan, nag-desisyon si Armando na bigyan ng kapatid si Amihan sa pamamagitan ng traditional surrogate. Kung saan binigay nito ang egg cells nito sa surrogate mother na matalik na kaibigan ng mag-asawa, na siya rin biological mother ng kambal at quadruplets. Nang mabuntis, dumating sa buhay ng mag-ama ang kambal. Si Himig at Hiraya. Makalipas ang dalawang taon, nadagdagan ang pamilya. Sa pagkakataon na iyon ay quadruplets ang pinagbuntis ng surrogate mother na inupahan ni Armando. Naging mas masigla ang bahay ng mga Santillan sa pagdating nila Malaya, Mahalia, Musika at Mayumi. Lumaki ang kambal at quadruplets na ang kinikilalang ina ay si Estelle kahit na hindi nila ito nakilala ng personal. Samantala ang kanilang biological mother ay ilang beses na rin nilang nakilala. Sa katunayan, ang mga property nila sa Netherlands at Switzerland na sa kanila nakapangalan ay pamana nito. Dati, umaga pa lang ay maingay na doon sa bahay nila. Pito silang magkakapatid, kaya naman parang laging may fiesta sa dami ng pagkain at sa ingay nila. Pero nang mag-asawa isa-isa ang mga kapatid ay unti-unti nang natatahimik ang bahay na iyon. Ang tanging natitira na lang doon ay si Hiraya, siya at si Yumi. Si Amihan at Himig ay nakabukod na kasama ang pamilya nito. Si Malaya naman, ang panganay sa quadruplets ay sa Switzerland na naka-based kasama ang mag-ama nito. Si Musika ay minsan na lang umuwi doon dahil nagsasama na ito at ang fiancé nito, pero sa loob lang ng ilang buwan ay tuluyan na rin magpapakasal ang dalawa. “Ang tahimik naman dito, samantalang dati ganitong oras pa lang maingay na tayo,” puna ni Aya. Tatlo na lang kasi sila ng nakakatandang kapatid ang kumakain doon. Ang mga kapatid niya ay may mga asawa na at may kanya-kanya na rin tinutuluyan. “Bukas makalawa, kayo naman tatlo ang lalagay sa tahimik at maiiwan na ako dito sa bahay. Kung buhay lang sana ang Mommy Estelle n’yo,” malungkot na sabi ng ama sabay buntong-hininga. “Dad, nagsesenti ka na naman,” natatawang komento niya. “Dad, sabi ko naman sa’yo eh, mag-asawa man ako, dito ko ititira ang pamilya ko para may kasama ka. Hindi ka namin pababayaan,” sagot naman ni Aya. “Iyon naman pala eh, don’t be sad na. Besides, every weekend naman may family lunch tayo,” sabi pa niya. “Saka, itong si Lia may asawa na ‘to.” “Ex-husband, FYI.” “Anong oras ba ‘yan dinner na ‘yan?” tanong ng kanyang ama. “Around six pm you should be there.” Lihim siyang humugot ng malalim na hininga. Tiyak naman si Lia na matutuwa ang mga ito kapag nalaman ng mga ito ang kalagayan niya. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang alam sa mga plano ni Michael. Kagabi nang magkausap sila sa phone ay tinanong niya ang plano nito. Ang tanging naging sagot lang nito ay sa family dinner na lang daw niya malalaman. Kinakabahan si Lia. Hindi niya mahulaan ang iniisip ni Michael. Unlike before, when they were still together, kaya niyang malaman ang iniisip nito base pa lang sa kilos. Pero marahil dahil matagal na silang hiwalay kaya parang naninibago na naman siya. “Bahala na…” ISANG matamis na ngiti ang sinalubong ni Lia sa Mommy ni Michael at kay Lola Martha pagdating nito, kasunod ng dalawa si Michael. Agad kumabog ng malakas ang dibdib niya nang salubungin siya ng ngiti nito. Ilang sandali pa, magkakasunod na dumating ang Daddy niya, ang nakakatandang kapatid na si Amihan at ang Kuya Himig niya. “Great, everyone is here,” sabi pa ni Michael. Magkatabi silang naupo nito. Nagkumustahan muna ang pamilya nila, habang silang dalawa ay panaka-nakang nakikisali sa usapan, ngunit kadalasan ay tahimik at nakikiramdam. Alam ni Lia, gaya niya ay kabado rin ito. Ilang sandali pa ay pina- serve na nila ang pagkain. Nang magsimula sila sa pagkain ay saka nagsalita ang kanyang ama. “Aba, kayo ba eh magsasalita? Kanina pa kayo tahimik ah, Michael...” Nagkatinginan silang dalawa ng katabi. “Oo nga pare, para saan ba ‘to?” tanong din ni Himig. Tumikhim ito at tumingin sa pamilya nila. “Uhm… Dad, Mom, Lola…” pagsisimula nito. “Lia is pregnant.” And then, there was silence. Ang sumunod nilang narinig ay ang pagbagsak ng kutsara na hawak ni Amihan. Pumihit ito paharap sa kanya. “You… you’re what?!” “Nabuntis mo siya?!” gulat na bulalas ni Amihan. “May nangyari sa inyo?!” segunda naman ni Migs. Napabuntong-hininga si Lia at pumikit saka tumango. “Buntis ako.” Napasinghap ito ng malakas. “O.M.G!” “H-hijo, totoo ba ang sinabi mo?” Nilabas ni Lia ang pregnancy test at ang ultrasound result. “Seven weeks po,” sagot niya. Matagal bago nakapag-adjust ang mga ito sa shocking revelation nilang dalawa. “Anong plano mo sa mag-ina mo, Michael?” tanong ng Daddy niya. “Oo nga anak, anong plano mo? Ikaw ang lalaki, at kahit na matagal na kayong hiwalay, sa mata ng Diyos at sa batas natin, mag-asawa pa rin kayo. You should take responsibility,” sabi ng Mommy nito. “Kung ano man ang mapagkakasunduan n’yo, igagalang namin,” sabi naman ni Lola Martha. “Wala pa po kaming napagpaplanuhan ni Michael. Ang gusto namin po kasi ay sabihin muna sa inyo,” sagot ni Lia. Napalingon siya nang biglang hawakan ni Michael ng mahigpit ang kamay niya. “Actually, no. I already have a plan,” sabad nito. Napakunot noo siya. “Plano? Bakit wala kang sinasabi sa akin?” nagtatakang tanong niya. “Habang buntis si Lia, gusto ko po sana na magsama kami sa iisang bubong. I want to personally take care of her. Kung ano man po ang magiging set-up namin kapag nanganak siya, sasabihin namin agad sa inyo. And we will see from there, kung magkakasundo pa kami.” Mabilis na nagrigodon ang kanyang damdamin. Hindi siya makapagsalita dahil sa gulat. Hindi iyon ang inaasahan ni Lia mula dito. Ang totoo, hindi talaga siya umaasa. She’s expecting to talk about co-parenting when she gives birth, kung paano ang magiging set-up nila sa bata. Pero kahit kailan ay hindi sumagi sa kanyang isipan na magsasama sila sa iisang bubong. “But that is if it’s okay with Lia,” dugtong nito. Bigla ay napunta sa kanya ang tingin ng mga kasama. Alanganin siyang napangiti. “We’ll talk about it.” “Kung iyan ang magiging desisyon ninyong dalawa, hindi ako tututol. Nasa tamang edad na kayong dalawa, Michael, Lia. Hindi na namin kayo papakialaman, pero ayoko na sanang dumating ulit ang oras na mababalitaan ko na nag-away kayo at mag-aalsa balutan na naman ang isa diyan,” pangaral ng Daddy niya. “I agree with your dad, Lia. Pero sana, kung talagang magsasama kayo ulit sa iisang bahay. Sana’y maayos n’yo na rin nga ang relasyon n’yo. Sana’y kalimutan na ninyo ang nangyari sa nakaraan at magsimula muli,” dagdag ni Lola Martha. “And I agree with Lola,” segunda ni Amihan. “Subukan n’yo lang, alang-alang na lang kay Avery at sa magiging baby n’yo. Ngayon kung sa paglipas ng mga araw ng pagsasama n’yo at hindi kayo magkakasundo. Saka kayo mag-hiwalay ng tuluyan,” sabi naman ni Himig. “But I’m sure you can fix it, nakabuo nga kayo kahit hiwalay na kayo eh, akalain mo ‘yon, hindi rin kayo nakapagpigil eh,” pabirong sabi pa ulit nito. Nagtawanan ang mga ito, habang sila ni Michael at napatungo at namumula ang mukha sa pagkapahiya. “Kuya, stop!” saway ni Lia sa kapatid. “But seriously, pag-uusapan po namin mabuti,” sagot ni Lia. “Saan n’yo pala planong tumira?” tanong ni Amihan. “Doon pa rin siguro sa dati namin bahay. Nandoon din kasi ang mga gamit at memories ni Avery. But I’ll have it renovated as soon as possible,” sagot ni Michael. “It’s settled then, just promise us to take care of your baby,” sabi ng Mommy nito. “At utang ng loob, iwasan n’yong dalawa ang mag-away baka kung mapaano ang baby,” pakiusap naman ni Lola Martha. “We promise,” nakangiting sagot ni Lia. MULA doon sa dinner ay nagpunta silang dalawa sa coffee shop doon sa Hotel na matatagpuan sa fifth-floor ng hotel. May privacy kasi doon dahil kokonti na lang ang tao kapag ganitong pasado alas-nuwebe ng gabi dahil karaniwan ay mga guest ng hotel ang nagpupunta doon. Pumuwesto sila sa isang long table na nakaharap sa glass wall kung saan kitang-kita nila ang buong siyudad. “Bakit hindi mo ako sinabihan na ganoon pala ang plano mo? Binigla mo ako kanina,” sita ni Lia kay Michael pagbalik nito matapos mag-order ng drinks nila. “Huwag kang mag-aalala, lahat naman kayo nagulat eh.” Huminga ng malalim. “Pero sigurado ka na ba?” Sumeryoso ang mukha nito at sinalubong siya ng tingin. “Oo,” walang gatol na sagot nito. “Bakit? Ayaw mo?” “Hindi sa ayaw, Michael. Pero aaminin ko na nagdadalawang isip ako, natatakot ako dahil baka—” “Na baka maulit ang nangyari dati?” Hindi siya nakasagot at umiwas ng tingin. “Masisisi mo ba ako? Because everytime I think about what happened, nasasaktan pa rin ako.” Huminga ng malalim si Michael. “I understand. I feel the same to be honest. Hindi ko alam kung talagang nakalimutan ko na ba ang lahat, pero paano kung hindi pa pala? But I don’t want to think about that for now, ang importante sa akin ngayon ay ang kalagayan n’yo ng baby natin.” Muling napalingon si Lia kay Michael nang kunin nito ang kamay niya. “I want to be there for you, just like I was there when you’re pregnant with Avery. Gusto kitang alagaan. Gusto ko na ako ang magbigay ng mga pagkain na ike-crave mo. Gusto ko ako ang kasama mo sa bawat check-up mo. I want to be there every step of the away until you gave birth. I want to make sure you’re safe. Please, Lia, let me take care of you. Hayaan mong gampanan ko ang responsibilidad ko sa’yo bilang ama ng magiging anak natin.” Hindi agad siya sumagot, tinitigan niya itong mabuti at pinag-aralan kung totoo at sincere ito sa mga sinabi. Pero wala siyang nakitang pagkukunwari, naramdaman niya na walang kasinungalingan sa mga sinabi nito. “Fine, papayag ako na magsama ulit tayo habang buntis ako. Pero sa isang kondisyon.” “Sure, ano ‘yon?” “Kapag sinabihan ako ng doctor na puwede akong magtrabaho, hindi mo ako pipigilan.” “Sige, payag ako. Pero ako ang susundo sa’yo palagi pagkatapos ng trabaho mo, unless hindi ako puwede dahil sa trabaho.” “Okay, wala naman problema sa akin,” sagot niya. “Pero may isa pa pala akong kondisyon,” dugtong ni Lia. “What is it?” Lumingon siya sa may estante ng coffee shop kung saan nakalagay ang mga cakes. “Ibili mo ako ng cherry cheesecake.” Natawa si Michael pagkatapos at kinurot siya sa pisngi. “Sige, sandali lang.” Nakangiti na sinundan ng tingin ni Lia si Michael pagkatapos ay tumungo at nilapat ang palad sa puson n’ya. “We will take care of you, anak. Diyan ka lang sa tummy ni Mommy ah,” pagkausap pa niya dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD