Sa awa ng guro ko at pakiusap ni Kuya John ay nagawan ng paraan upang maipasa ko ang bagsak kong subject.
Nag-submit ako ng mga special project at nag-take ng ilang mga pasulit. Kahit na pasang awa iyong mga nakuha kong marka ay nakatulong pa rin iyon para sa wakas ay naipasa ko ang grade 12.
"Congratulations, Akira!" masayang bati sa'kin ni Ate Mira at Kuya Hiro nang salubungin nila kami ni Nanay pagkakuha ko ng diploma.
"Thank you, Ate, Kuya!"
"Akala ko ay babawi na naman tayo next year," biro ni Kuya Hiro na sabay-sabay naming ikinatawa.
"Uwi na tayo, tiyak na nakapagluto na si John," yaya ni Ate Mira sa'min.
Ilang mga kaklase ang bumati sa'kin na nakangiti kong pinasalamatan at binati pabalik.
Kung may mami-miss man ako sa paaralang ito ay iyon ang volleyball court nila na humasa sa'kin at syempre ang mga kasama ko sa team.
"Akira!"
Huminto ako sa paglalakad nang marinig ang pagtawag sa'kin ng matalik kong kaibigan na si Jen.
"Congratulations sa'tin!" Inunahan ko na siyang batiin.
Masaya kaming nagyakap at tumalon-talon.
"Heto, regalo ko sa'yo." Isang box ng chocolate at inabot niya sa'kin nang bitiwan niya ako.
Nangingislap ang mga mata ko at parang nanunubig ang bagang ko habang nakatingin sa paborito kong dark chocolate.
"Thank you!" pasalamat ko sa kanya. "Jen, Nanay ko nga pala."
Kilala na niya sina Kuya at Ate, si Nanay lang iyong ngayon lang niya nakita sa personal.
"Kumusta po kayo, Tita?" bati niya kay Nanay. "Mabuti at nakadalo po kayo sa graduation ceremony namin."
"Isang taon na itong naantala, iha, kaya ngayong makakaakyat na ako sa entablado ay hindi ko na pinalampas," pabirong tugon ni Nanay.
Hindi lingid sa kaalaman ni Jen na ikalawang taon ko na ito sa grade 12. Dapat ay mauuna akong ga-graduate sa kanya pero dahil sa mga pangyayaring hindi maiiwasan ay heto, magkasabay na kami.
"Jen, baka gusto mong pumunta sa bahay," anyaya ni Ate rito. "May maliit kaming salu-salo lalo na at luluwas na rin papuntang city itong si Akira para doon mag-aral."
"Hindi po ako pwede dahil may handaan din po sa bahay namin," kiming tanggi ni Jen. "Pupunta na lang po ako bukas. Sasama ako sa paghahatid kay Akira sa pier."
"Aasahan kita ha," sabat ko.
"Oo, darating ako," nakangiti niyang pangako. "Sige po, mauuna na po ako," paalam niya kay Nanay.
Nakangiti siyang tumango sa kanila ni Ate at Kuya bago kumaway sa'kin na agad ko rin namang tinugon.
"Mabuti pa ang kaibigan mo may regalo sa'yo, samantalang ikaw ay wala man lang ibinigay," komento ni Ate Mira.
"Matic na iyon, Ate, prayers ang regalo ko sa kanya," sagot ko.
"Prayers," nakaismid niyang sagot. "Ewan ko lang, Akira, kung alam mo kung paano magdasal."
"Grabe ka naman sa'kin!" mulagat kong usal. "Syempre marunong ako niyon. Hindi mo ba alam na dinaan ko sa dasal lahat ng mga exams ko?"
"Kaya ka bumabagsak, eh! Inaasa mo lahat sa dasal," naasar na pahayag ni Ate.
"Tama na iyan," awat ni Nanay sa aming dalawa. "Ang mahalaga ay magkokolehiyo na si Akira next year."
"At sasama na ako sa'yo, Nay, magkakasamana tayo!" malaki ang ngiti kong pahayag.
"Ayusin mo na ang pag-aaral mo, Akira, para hindi nakakahiya sa kanila ni Ma'am Flor at Sir Raffy," saad ni Kuya Hiro.
"Opo, Kuya," seryoso kong sagot. "Sisipsip po ako sa instructor ko kung kinakailangan," pabiro kong dugtong.
Kung hindi ako nakailag ay siguro nahagip ako nang pamemektus ni Kuya Hiro. Parang lambingan na namin iyan kaya alam na alam ko kung kailan niya gagawin.
Nakatikim tuloy ito nang pananaway mula kay Nanay at paninita mula kay Ate Mira.
"Baka maalog lalo ang utak niyan," nandidilat kay Kuya na saad ni Ate Mira.
"Eh iyon kung meron," tugon naman ni Kuya habang nang-aasar na nakatingin sa'kin.
Kahit anong gawin niyang pang-aasar ay hindi mababawasan ang sayang nararamdaman ko ngayon. Graduation ko ngayon at magkakasama na kami ni Nanay pagkatapos nito kaya balewala na ang ibang mga bagay.
=====
Kinabukasan ay magkasama kami ni Nanay na inihatid nina Ate at Kuya sa pier. At tulad nga nang pangako niya kahapon ay nakihatid din ang best friend kong si Jen.
"Mag-iingat ka roon ha, huwag magpapasaway kay Nanay," bilin ni Kuya Hiro habang hinihintay naming makabili ng ticket si Nanay para sa sasakyan naming ferry paluwas ng siyudad.
"Tumawag ka sa amin kapag may problema," dagdag naman ni Ate Mira. "Kahit pinapasakit mo ang ulo ko ay mami-miss namin ang kakulitan mo. Parang panganay ka na namin ni Kuya John mo."
"Huwag kang iiyak," mabilis kong babala sa kapatid kong babae nang bahagyang naging emosyonal ang boses nito. "Mag-aaral lang naman ako. Kapag nagtapos na ako ay babalik na kami ni Nanay rito. Iuuwi ko na si Nanay rito sa atin."
Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Ate Mira bago ako binigyan nang mahigpit na yakap.
"Alagaan mo roon si Nanay," saad niya habang marahang tinapik-tapik ang likod ko.
"Opo, Ate, akong bahala kay Nanay," nangangako kong tugon.
Nang bitiwan ako ni Ate Mira ay iyong kaibigan ko naman ang hinarap ko.
"Baka matatagalan bago tayo magkita ulit." Hindi naman puro saya ang nararamdaman ko sa pag-alis kong ito. Medyo nalulungkot din ako dahil malalayo rin ako sa mga taong malalapit sa'kin.
"Pagbalik mo ay engineer na ako," nakangiti niyang pahayag.
Gumuhit ang proud na ngiti sa mga labi ko. Matalino si Jen, at noon pa man ay alam na niya ang kursong kukunin kaya alam kong magtatagumpay siya.
"Ako tamang degree holder lang," pahayag ko. "Magtatapos kahit sa hindi pang-matalinong kurso," nakangisi kong dagdag.
"Huwag mong nila-lang dahil walang madaling kurso, lahat ay kailangan talagang tiyagain at paghirapan." Nanenermon ang tono niya na lalong nagpalaki sa ngiti ko. "Hindi na pwedeng iasa lahat sa dasal. Mag-aral lang mabuti, at umiwas sa gulo."
"Opo, Madam!" sumasaludo kong sagot.
Pinaningkitan niya ako ng mga mata bago niyakap.
"Huwag mo akong kakalimutan ha," mahina niyang wika. "Baka pagtapak mo sa siyudad ay agad kang makakita ng mga bagong kaibigan doon at bigla mo akong makalimutan."
Kumawala ako mula sa yakap niya upang magkatagpo ang mga mata namin.
"Hindi iyon mangyayari, nag-iisa ka lang best friend ko!"
Pareho kaming nagkangitian nang tawagin ni Nanay ang pangalan ko.
"Aalis na kami, mag-cha-chat ako sa'yo," pagpapaalam ko sa kanya.
"Ingat sila sa'yo," kumakaway niyang tugon.
Kumaway rin ako bago tuluyang lumapit kay Nanay na kausap ang dalawa kong kapatid.
Matapos makapagpaalam ay sumakay na kami ni Nanay sa ferry. Sa edad na labing-walo ay unang beses luluwas papunta sa malaking siyudad. Umiikot lang naman ang buhay ko rito sa probinsya namin. Minsan ay nakakarating din ako sa karatig probinsya at maliliit na siyudad na malapit lang din dahil sa volleyball competitions na sinasalihan ng school namin.
Ayon sa naririnig kong usap-usapan ng mga nakakapunta na sa main city ay walang-wala ang mga maliliit na siyudad kumpara doon. Mas malalaki raw iyong mga mall at mas maraming mga nagtatasang building.
Naghahalo ang nararamdaman kong excitement at kaba. May ideya naman ako kung ano ang
maaari kong madatnan ng pupuntahan namin ni Nanay pero iba pa rin talaga sa pakiramdam kapag ganitong makikita ko na sa personal ang hitsura ng siyudad.
Halos dalawang oras ang biyahe sa ferry papunta sa pier tapos ay sasakay kami ng bus at tatlong oras ulit ang gugugulin namin upang makarating sa sakayan papunta sa bahay ng mga amo ni Nanay.
Magta-taxi raw kami papunta roon at mga kalahating oras na lang iyon kung hindi raw traffic. Parang hinahalukay ang tiyan ko sa nararamdaman kong kaba habang papalapit na kami sa pier na dadaungan nitong sinasakyan namin.
Pagkababa namin rito ay makakatapak na ako sa city. Kalimitan sa mga kadalgahang taga-probinsya na nakarating sa malaking siyudad, pagkabalik ay pumuputi at kumikinis, tapos nagiging fashionista kaya hindi ko maiwasang maging curious kung ano nga ba ang hitsura ng mga tao sa siyudad.
Tuwing maalala ko naman si Ma'am Flor ay hindi ko maiwasang gawin itong batayan ng mga taga-city dahil kung kagandahan at kakinisan lang ang pag-uusapan ay palong-palo ito! Ilang taon na rin no'ng huli ko itong nakita kaya hindi ko rin masabi kung makikilala pa namin ang isa't isa.
"Nay, talaga bang mababait ang mga anak ng amo ninyo?" pagbubukas ko nang usapan habang magkatabi kami ni Nanay.
Alam ko kasing mababait ang mag-asawang amo ni Nanay pero hindi ako sigurado sa mga anak ng mga ito. Iyong kapitbahay kasi namin, nakaluwag-luwag lang nang konti ay biglang nagbago ang ugali ng mga anak.
"Oo naman. Manang-mana sa mga magulang," nakangiting sagot ni Nanay. "Malaki ang utang na loob natin sa kanila. At sa tagal nang paninilbihan ko sa pamilya nila ay ni minsan hindi nila ako tinuring na iba."
"Mabuti naman po," nakahinga nang maluwag kong usal.
Ang balita ko ay may tatlong anak ang mag-asawa, dalawang lalaki at isang babae.
Pareho nang may kanya-kanyang pamilya iyong dalawa habang single pa iyong panganay na isang doktor.
"Ako ang nag-aalaga sa mga batang iyon kaya lumaki silang mababait," pagpapatuloy ni Nanay. "Medyo sumpungin lang iyong panganay pero marami iyong tinutulungan."
May konting kirot akong nararamdaman habang nakikita ang masayang ngiti sa mga labi ni Nanay nang banggitin ang tungkol sa mga ito. Agad ko naman iyong isinantabi dahil ayoko sa nararamdaman kong inggit sa mga anak ng amo ni Nanay dahil mas naalagaan sila ng sarili kong ina kaysa akin.
"Kahit may asawa na sina Maezy at Renzo ay regular silang dumadalaw sa mansion. Si Tyron naman dahil wala pang asawa ay inoobliga talaga ni Flor na umuwi. Magkamali lang ang batang iyon na hindi makauwi ng bahay kahit nandito sa bansa ay papaliguan na ito ng sermon ng ina."
Habang nagkukwento si Nanay ay kitang-kita ang saya siya niya. Nakakagaan sa loob ang kaalamang masaya naman siya sa trabaho niya.
"Tiyak na matutuwa si Maezy kapag makita ka," pagpapatuloy ni Nanay. "No'ng bata ka pa ay muntik ka nang ampunin ni Flor dahil gustong-gusto ka ni Maezy na maging kapatid."
Tanging ngiti ang sagot ko dahil bata pa ako noon kaya hindi ko na maalala.
Hindi rin ako sigurado kung gano'n pa rin ang mararamdaman ni Ma'am Maezy kapag magkita ulit kami. Hindi na ako ang dating Akira ba sobrang taba kaya ang cute panggigigilan. Para kasi akong bola-bola no'ng bata pa ako, bilog lahat. Paglaki ko ay tsaka lang ako medyo pumayat at dahil varsity ako no'ng highschool ay lalong nawala lahat ng extra fats ko sa katawan pero iyon nga, hindi rin nadagdagan ang height ko na 5'3".
Pero wala naman akong balak na magpaampon kaya hindi ko na poproblemahin kung magugustuhan niya ba ako o hindi, basta magpakabait lang ako upang hindi maapektuhan ang trabaho ni Nanay.
Ayoko namang mapapasama si Nanay dahil sa'kin. Iiwanan ko muna sa probinsya ang katigasan ng ulo ko. Para kay Ate Mira lang naman kasi ito dahil nami-miss ko iyong panenermon niya kapag wala akong kalokohang ginagawa noon.
At hindi rin naman maituturing na kalokohan iyong pag-kidnap ko sa alagang pusa ng kapitbahay namin dahil inaway ng kapatid niya ang mga pamangkin ko. Hindi ko naman pinabayaan iyong pusa, iyon nga lang hinayaan ko muna silang magkagulo sa kakahanap bago ko ito pinakawalan.
Tsaka hindi ko naman alam na may nagmamay-ari pala roon sa tutang naligaw sa bakuran namin. Pagbintangan ba naman akong ninakaw ito gayong kung tutuusin ay trespassing ito sa bakuran namin. Tsaka maingay iyong mga alagang panabong ng kapitbahay ko, lage akong naiisturbo sa tulog ko kaya nilagyan ko ng scotch tape ang tuka ng mga ito. Hindi naman ikinamatay ng mga ito ang isang umagang hindi pagtilaok.
Si Ate Mira lang talaga ang masyadong affected dahil siya raw ang nahihiya sa mga kapitbahay dahil sa pinaggagawa ko. Tsismosa at tsismoso naman ang mga ito kaya bakit pa siya mahihiya?
Kahit naman gano'n ay mami-miss ko rin ang buhay-probinsya at mga kapitbahay naming palaging may tsismis session sa mismong harapan ng bakuran namin.
Kaya ako updated sa latest na mga balita sa barangay namin dahil sa lakas ng mga boses nila. Pakiramdam ko tuloy ay secret member ako ng samahan nila.