"Akiraaaaa!"
Napatakip ako sa ng tainga nang marinig ang matinis na boses ni Ate Mira habang tinatawag ang pangalan ko.
Tiyak na nakita na nito ang bagsak kong grado kaya mistulang naka- megaphone na naman ang bunganga nito.
"Mira, kausapin mo lang nang mahinahon." Narinig ko ang payo rito ng bayaw kong si Kuya John.
"Papaano ako hihinahon nito, John?" Mataas pa rin ang tono ni Ate Mira.
Hindi ko mapigilang mapangiwi dahil mukhang pati ang mabait kong bayaw ay madadamay sa kasalan ko.
"Tingnan mo nga ang grades ng batang iyon! Ano na lang ang iisipin ni Nanay Saling nito?"
"Hindi ka naman sisisihin ni Nanay dahil diyan," mahinahong kausap ni Kuya John sa kapatid ko. "Alam naman niyang hindi ka nagkulang sa pag-aalaga at payo sa bunso ni'yo."
Tama naman si Kuya, hindi nagkulang si Ate, sumobra pa nga kakasermon sa'kin kaya siguro naaapektuhan na ang retention ng mga tinuturo sa klase kaya pagdating ng exam ay palagi akong nami-mental block.
"Nangako ako kay Nanay na papasa ngayong taon iyang si Akira eh!" nayayamot na pahayag ni Ate Mira. "Paano siya magka-college nito gayong bagsak na naman siya sa isang subject?"
"Makabubuti siguro iyong suhestiyon ni Hiro na ilipat ng school si Akira," tukoy ni Kuya John sa panganay naming kapatid ni Ate Akira.
Tatlo kaming magkakapatid at si Kuya Hiro ang panganay tapos ako iyong bunso. Malaki ang agwat ng edad ko kay Ate Mira mga 15 years dahil matagal siyang nasundan nina Nanay at Tatay. Bata pa ako nang pumanaw ang ama ko dahil sa sakit sa puso at lumaki akong si Ate Mira ang nag-aalaga sa'kin dahil nagtatrabaho sa siyudad si Nanay bilang mayordoma sa isang mayamang pamilya roon.
Noon ay dalawa sila ni Tatay na nagtatrabaho sa mga Ramirez pero nang namatay ang huli ay si Nanay na lang iyong naiwan.
Pareho nang nakapagtapos sa pag-aaral ang dalawa kong mga kapatid at pareho nang may kanya-kanyang pamilya. Gusto nga nilang umuwi na lang si Nanay pero napamahal na yata sa ina namin ang pinagsisilbihang pamilya kaya hindi maiwan-iwan. Isa pa ay may mga utang pa kaming binabayaran hanggang ngayon.
Wala naman akong hinanakit kay Nanay dahil alam ko naman kung gaano nito ako kamahal at isa pa, malaki ang utang na loob ng pamilya ko sa mga Ramirez. Hindi ko na isa-isahin dahil tiyak na magkaka-book two ang listahan sa rami.
"John, baka maiimpluwensyahan lang iyan ng mga taga-siyudad kapag doon na iyan papaaralin," protesta ni Ate Mira.
"Hindi naman ganyan si Akira," pagtatanggol sa'kin ng bayaw ko.
Minsan talaga ay naiisip ko na baka si Kuya John ang totoo kong kapatid at hindi si Ate Mira. Mas may tiwala pa kasi sa'kin ang bayaw ko kaysa kanya na sarili kong kapatid.
"Oo nga naman dahil siya itong dakilang bad influence sa mga kaibigan niya," sarkastikong tugon ni Ate Mira.
"Mira, huwag mo naman kasi tatalakan agad, kausapin mo nang mahinahon baka may problema iyong bata."
Gusto kong ma-touch sa sinabi ni Kuya John kaso nagkamali siya nang akalang may problema ako, wala naman akong problema sadyang hindi lang pumapasok sa utak ko iyong tinuturo ng teacher ko sa subject na bumagsak ko.
Hindi ko na nga pinuproblema ang tungkol sa bagay na iyon dahil gano'n talaga ang buhay, sometimes we fail sometimes we pass! Pero naniniwala ako na hindi naman basehan ng mga natutunan ko iyong nakukuha kong grades. Numero lang iyon, pero kalimitan ding dahilan nang panenermon sa'kin ni Ate Mira.
Hindi ko pwedeng ikatwiran sa kapatid ko ang paniniwala kong iyon dahil tiyak na lalo akong masasabon.
"Paanong hindi ko tatalakan? Uuwi si Nanay ngayong linggo dahil inaakala niyang ga-graduate na iyang si Akira," narinig kong himutok ni Ate Mira. Agad nitong nakuha ang buo kong atensiyon. "Tiyak madi-disappoint iyon—"
"Talaga, Ate? Uuwi si Nanay?" excited kong putol sa pagsasalita nito. Lumantad na ako mula sa aking pinagkukublian.
Mabilis akong sinibat nang masamang tingin ni Ate Mira. Hindi naman iyon nakakabawas sa nararamdaman kong excitement. Uuwi si Nanay eh!
"Oo, at ito iyong isasalubong natin sa kanya!" nanunumbat na sagot sa'kin ni Ate Mira sabay lahad ng report card ko.
Hindi ko na ito kailangang tingnan dahil saulo ko na ang laman nito.
"Ate, pwede pang papakiusapan iyan," pangungumbinsi ko sa kanya.
"Paanong pakiusap?" singhal niya sa akin. Kulang na lang ay ihampas sa'kin iyong report card.
Mabuti na lang talaga ay hindi mahilig manakit si Ate Mira. Mabunganga lang talaga siya pero ni minsan ay hindi ako pinagbuhatan ng kamay kahit na ang dami kong kalokohang nagawa.
"Mira, iyong sabi ko sa'yo, mahinahon lang dapat," malumanay na saway ni Kuya John sa pagtaas ng boses ng kapatid ko.
Wala naman akong kakurap-kurap dahil sanay na sanay na ako sa high volume na boses ni Ate Mira. Kinalakihan ko na ito, kaya immune na ako. In short, ubos na iyong takot ko. Pero hindi na niya kailangang malaman iyon dahil baka sasama pa lalo ang loob niya.
Nanggigigil na napabuga ng hangin si Ate Mira at lumipat ang masama niyang tingin kay Kuya John.
"Ewan ko sa inyo!" mataray niyang pahayag. "Ikaw ang makiusap sa teacher niyan!" Nagdadabog niya kaming iniwan matapos pabagsak na inilapag ang mesa ang report card ko.
Nagkatinginan kami ni Kuya John bago sabay na napabungisngis. Silang dalawa ni Ate Mira ang halos nagpalaki na sa'kin dahil dito na ako tumira sa kanila kaya kalimitan ay kasangga ko siya sa kalokohan.
"Sa tingin mo ay kakayanin pa ng floor wax ang bagsag mong grade?" maya-maya ay tanong sa'kin ni Kuya John. Kinuha nito ang report card ko na iniwan ni Ate Mira.
Bigla tuloy akong nakonsensya dahil siya pa itong haharap sa teacher ko upang makiusap. Ako naman iyong hindi makuha-kuha ang tinuturo sa subject na iyon.
"Kuya, initial grade pa naman iyan," sagot ko. "Masyado lang talagang over acting si Ate Mira. Papasa naman ako for sure, kapit nga lang."
Iyong mga mababa kong kuha sa exam ay binabawi ko naman sa pagsisipag sa mga project at ibang group activity kahit nga kadalasan ay pabigat lang din ako sa grupo. Hindi naman ako bobo pero sadyang hindi lang kaya ng utak ko iyong sa subject kung saan ay parang reincarnation ng dragon iyong teacher.
"Nag-aalala lang iyong Ate mo at baka mahihirapan kang maghanap ng university na tatanggap ng pasang-awang grado," tugon niya.
Kung pwede nga lang na hindi na ako mag-college. Gusto ko na lang magtrabaho tutal ay iyon lang din naman ang gagawin ko kapag nakapagtapos na ako nang pag-aaral.
"Doon na lang ako papasok sa university na pag-aari ng mga amo ni Nanay," suhestiyon ko.
Naalala ko, nabanggit sa'kin ni Nanay na iyong mga amo niya ang nagmamay-ari ng isa sa kilalang university sa buong bansa.
"Ikaw talaga! Pang-matalino ang entrance exam doon," natatawa niyang sabi.
Problema nga ang gano'n.
"Makikiusap ako sa mga amo ni Nanay," determinado kong tugon. "Pwede naman siguro iyon. Mababait naman ang mga Ramirez at isa pa ay malapit ako kay Ma'am Flor. Sobrang bait niyon kaya tiyak na papayag iyon kapag pakiusapan ko." Ang tinutukoy ko ay ang babaeng amo ni Nanay.
Minsan na itong nagpunta rito sa probinsya at personal kong nakilala. Maliban sa napakaganda nito at malumanay magsalita ay mapagbigay rin ito. Ito nga ang nagbigay ng scholarship sa mga kapatid ko kaya nakapagtapos sila. Ako lang iyong hindi nito natustusan ang pag-aaral dahil scholar ako sa pinapasukang school. Kahit mahina ako sa academics ay magaling ako sa sports, varsity ako sa school namin at nakarating na ako kung saan-saan upang makipag-compete. Pero sabi nga ng teacher ko ay hindi pwedeng puro volleyball lang ako dahil kailangan ko ring mag-aral talaga.
"Sige na, ako na ang kakausap sa Ate mo para humupa na ang init ng ulo niya," pahayag ni Kuya John. "Ako na rin ang pupunta sa school ni'yo upang humarap sa teacher mo."
Kailangan kasing pumunta sa school ng mga guardian ng estudyante na graduating at may mga bagsak kaya nga ibinigay sa'min ang initial naming grades. Sa kasamaang palad ay kasali ako sa mga ipapatawag ang mga guardian.
Sila ni Ate ang nakatalang guardian ko kaya isa sa kanila ang kailangang pumunta roon bukas.
"Pasensya ka na, Kuya, ha," napakamot kong wika. "Liliban ka pa tuloy sa trabaho mo dahil sa'kin."
"Aysus! Maliit na bagay," natatawang tugon ni Kuya John at ginulo na naman ang buhok ko. "Sige na pahinga ka na dahil may pasok ka pa bukas."
"Sige po, salamat po ulit, Kuya."
Isang ngiti ang naging tugon niya sa'kin bago ako tuluyang umakyat sa silid ko.
Pagkapasok ko ay agad kong binagsak ang katawan sa kama ko. Kinuha ko ang cellphone ko at nag-chat kay Nanay.
'Nay, ang baba na naman ng grades ko. Sorry po.'
Matapos ma-send ang mensahe ko ay pumikit ako at itinakip ang braso sa mga mata ko.
Kahit hindi ako lumaki sa pangangalaga ni Nanay at hindi ko na maalala ang Tatay ko dahil bata pa ako nang mamatay ito ay masaya at maayos naman ang buhay ko sa poder ni Ate Mira at Kuya John. Nakakasama ko pa nga dati si Kuya Hiro no'ng hindi pa ito nakapag-asawa.
Kahit malayo si Nanay ay naiparamdam naman niya ang kanyang pagmamahal para sa aming magkakapatid. Mahal ko rin si Nanay at kung may pangarap man ako ay iyon ang makasama ito.
Matanda na si Nanay sa edad na fifty-four pero hindi pa rin siya tumigil sa pagtatrabaho dahil malaki iyong binabayaran naming utang bago namatay si Tatay. Kahit nga tumulong na sina Kuya Hiro at Ate Mira sa pagbabayad ay malaki pa rin iyong balance.
Mabuti na nga lang at libre ang tuition ko sa pinapasukang paaralan dahil sa scholarship ko bilang varsity.
Gusto kong mag-aral sa siyudad, hindi dahil mas marami ang oportunidad doon o dahil mas kilala ang mga university roon kundi ay dahil nandoon si Nanay. Kung pwede nga lang na papasok akong katulong sa mga amo niya para magkasama na kami kahit sa trabaho man lang.
Mula sa pagmuni-muni ay naagaw ang pansin ko nang pagtunog ng cellphone ko.
Dali-dali akong bumangon nang makitang si Nanay iyong tumatawag.
"Hello, 'Nay," agad kong bati rito nang sagutin ang tawag.
"Nak, kumain ka na ba?" bungad niya sa kabilang linya.
"Opo, 'Nay. Kayo po?"
"Kanina pa ako tapos kumain," tugon niya. "Tungkol sa mababa mong grades, huwag mo nang damdamin iyan. Ang importante ay may natutunan ka pa rin kahit papaano at masaya ka sa experience mo. Balita ko ay nanalo ang team ni'yo laban sa ibang school. Congratulations, Akira, proud na proud ako sa'yo! Ang galing-galing ng anak ko!"
"Salamat po, 'Nay." Ang sarap sa pakiramdam na proud iyong nanay ko sa achievement ko. Ni hindi nga niya binigyang pansin iyong pangungulilat ko sa academics dahil mas importante sa kanya iyong mga narating ko.
"Uuwi ako sa graduation mo, kukunin na rin kita."
"Po?" gulat kong bulalas.
"Naikwento ko kay Ma'am Flor iyong tungkol sa pagkokolehiyo mo next year," wika ni Nanay. "Nag-alok siya na rito ka na paaaralin sa siyudad at doon ka papasok sa universitiy ng mga Ramirez."
Ang lakas ng t***k ng puso! Pakiramdam ko ay napaaga ang pasko dahil napagandang regalo ng hatid na balita ni Nanay.
"Magkakasama na po tayo, 'Nay!" emosyonal kong pahayag.
"Oo, Akira, maaalagaan na kita."
Isang masayang ngiti ang sumilay sa mga labi ko habang pinagpatuloy ang pakikipag-usap kay nanay. Hanggang sa pagtulog ko ay dala-dala ko ang sayang hatid nang napag-usapan namin. Bukas ko na ulit iisipin iyong continuation ng sermon ni Ate Mira.