chapter 3

2284 Words
Pagkatapos nang napakahabang biyahe ay sa wakas narating na namin ang Ramirez Compound kung saan nakatira ang mga amo ni Nanay. Latang-lata ang katawan ko kahit na nakaupo lang naman ako buong biyahe. Pakiramdam ko nga ay napasukan ng hangin ang ulo ko dahil para akong nahihilo sa haba ng biyahe namin at sari- saring amoy na nalalanghap ko. "Ang lalaki ng mga bahay rito, Nay!" bulalas ko habang binabaybay nang sinasakyan naming taxi ang kalsada sa loob ng compound. Sa kabila nang nararamdaman kong pagod ay hindi ko mapigilang mapatingin-tingin sa paligid. "Lahat ng mga bahay na nakikita mo ay pagmamay-ari ng mga Ramirez," pahayag ni Nanay. "Ang yaman pala talaga nila," namamangha kong usal. "Ano iyon, Nay? Peryahan?" gulat kong tanong nang matanaw sa isang napakalaking slide na nadadaanan namin. Medyo may kalayuan sa amin kaya hindi ko gaanong nabistahan pero masyadong agaw-pansin iyong kulay nito na parang sa mga napapanood kong peryahan sa TV. "Malaking swimming pool lang iyan na pinalagyan ng malalaking slides," natatawang sagot ni Nanay. "Isa sa mga kapritso ng ilang Ramirez na hindi naman nila ginagamit—" "May mall pala rito?" bigla kong bulalas. Hindi ko na nga napatapos sa pagsasalita si Nanay dahil naroon na sa malaking mall ang tingin ko. "Sa mga Ramirez pa rin iyan," sagot ni Nanay. "Katuwaan ng ilang mga magpipinsan. Imported lahat ng mga paninda riyan." Ilang sandali pa at narating na namin iyong bahay ng amo ni Nanay. Katulad no'ng ibang mga nadadaanan namin kanina ay napakalaki nito, at tama lang na tawagin itong mansion. Napapansin ko, walang matataas na bakod ang mga bahay rito at iyong iba ay mga halaman ang nagsisilbing bakod. Pero wala naman sigurong ibang nakakapasok dito dahil ang higpit ng security kanina sa gate papasok pa lang ng compound. Ang daming pinagdaanang verification ni Nanay bago kami pinayagang tumuloy. Nang huminto na ang sinasakyan naming taxi ay agad na nagbayad si Nanay at nagpasalamat. May humintong motorsiklo sa tabi ng taxi na binabaan namin ni Nanay sakay ang isang unipormadong security guard at sinabihan ni Nanay ang driver ng taxi na sundan palabas iyong motorsiklo. Hindi ko mapigilang lingunin iyong magkasunod na sasakyan nang umalis na ang mga ito. Ganito pala kahigpit dito, may taga-hatid-sundo iyong mga public utility vehicle na nakakapasok. May malaking fountain sa pinakagitna ng malawak na bakuran ng tirahan ng mga amo ni Nanay. First time kong makakita sa personal ng bahay na parang palasyo. Sa kaliwang bahagi ng bahay ay naroon ang isang garahe na gawa sa salamin ang buong dingding kung saan ay natatanaw ko iyong mga nakahelirang mga mamahaling mga sasakyan sa loob. Muntik ko nang isipin na nagbebenta sila ng iba't ibang uri ng mga sasakyan. Sa halip na dumiretso sa front door ay sa gilid ng mansion kami dumaan papunta sa likurang bahagi ng bahay. Doon ay matatagpuan ang apartment style na magkadikit-dikit na mga bahay pero mas cute nga lang iyong pagkakagawa at bumagay sa karangyaan ng paligid. "Dito tumutuloy ang mga kasambahay," wika ni Nanay. "Ito iyong magiging bahay natin habang nandito tayo." Binuksan ni Nanay iyong isang pintuan at tumambad sa akin ang may kalakihan nitong loob na may dalawa pang silid. "Iyan ang magiging silid mo at iyong kabila ang sa'kin," wika ni Nanay habang tinuturo ang magkatabing silid. Agad kong nilibot ang paningin sa paligid, may sarili kaming kusina at sala, meron din kaming malaking flat screen TV. "Ang gara pala ng mga kasambahay rito, Nay," saad ko habang binubuksan ang magiging silid ko. Sumilip lang ako saglit sa loob bago tumuloy at nakikiusyuso sa maliit na kusina kung saan ay napansin ko iyong CR. "Mas malaki pa 'to sa bahay natin sa probinsya," pahayag ko. Ang tinutukoy kong bahay ay iyong bahay talaga namin at hindi iyong tinitirhan kong bahay nina Ate Mira at Kuya John. Habang walang nakatira doon sa mismong bahay namin ay pinapaupahan namin iyon dahil malapit lang ito sa isang university at may iilang mga estudyante na nagmula sa kabilang baryo na naghahanap ng matutuluyan habang nag-aaral. "Tingnan mo oh, may sarili pa tayong ref!" Nang buksan ko ito ay puro yelo ang laman kaya napabungisngis ako. "Hindi pa ako nakakuha ng allowance grocery sa mansion kaya wala iyang laman," saad ni Nanay. "May free grocery kayo rito?" mulagat kong tanong. "Oo, worth five thousand per month," sagot ni Nanay. Namimilog ang mga mata ko at napaawang ang bibig dahil sa pinaghalong gulat at pagkamangha. "Tapos kapag may mga handaan ay pinapadala sa'min ang mga sobrang pagkain," wika ni Nanay. "Minsan ay hindi na magkakasya riyan sa ref kaya pinapamigay namin doon sa ibang mga katulong sa ibang bahay." "Kaya pala tumataba ka, Nay," pabiro kong sabi. "Ikaw talagang bata ka!" naiiling na wika ni Nanay. "Nagsu-zumba na nga kami kapag day off para kahit papaano ay mababawasan ang bilbil ko. "Uy, 'Nay, huwag kayong magpa-sexy at baka bigla ay may manligaw pa sa inyo riyan," nakanguso kong sabi. "Kung anu-ano na lang ang naiisip mo, magbihis ka na roon habang kukuha muna ako ng grocery sa mansion para makapagluto na ako at makakain ka na." "Iyong dala natin pasalubong na lang ang lutuin mo, Nay," suhestiyon ko. May dala kaming mga tuyong isda, pusit, at bagoong galing sa kalapit na isla namin sa probinsya. "Kailangan mo ng sabaw," aniya. "At ipamimigay natin iyang mga dala ko, pasalubong natin iyan sa mga kasamahan ko. Dito ka muna ha, sasaglit ako sa mansion." "Opo, Nay," sagot ko. Nang umalis si Nanay ay pumasok naman ako sa magiging silid ko upang ayusin ang mga gamit ko. Halos kasing laki lang ito ng dati kong silid sa bahay nina Ate Mira, ang kaibahan lang ay sobrang lambot no'ng kama at may aircon ako. Pakiramdam ko tuloy ay ang yaman-yaman ko bigla! May study table pa talaga ako! Bigla ay nawala iyong nararamdaman kong pagod dahil sa biyahe. Agad akong nagbihis at lumabas ulit. Wala pa si Nanay kaya naisipan kong maglakad-lakad sa labas, hindi naman ako lalayo at doon ko na aabangan si Nanay. Sabi ni Nanay ay day off daw niya ngayon kaya alam kong hindi siya magtatagal sa loob ng mansion. Nanghahaba ang leeg ko sa pagbabakasakaling may mamataang ibang tao pero wala talaga. Mula sa pasimpleng pagtayo sa harapan ng pintuan nang tinutuluyan namin ni Nanay ay sinimulan ko nang maglakad-lakad. Tinatanaw ko iyong pinakamalapit na kapitbahay nitong mansion na nasa harapan ko. Medyo may kalayuan ang kasunod na bahay pero abot naman ng tingin. Papalubog na iyong araw kaya nagsisindihan na iyong mga ilaw. Sobrang peaceful sa pakiramdam ko habang nakatingin sa mga ilaw na nasa malayo. Akala ko noon ay maingay ang siyudad, pero may mga lugar pala na katulad nang kinaroroonan ko ngayon, sobrang payapa. Naaliw ako sa ginagawa kong paglalakad nang may mamataan akong bench sa tabi ng hindi ko kilalang halaman pero sigurado akong mamahalin dahil walang katulad nito sa probinsya namin! Hindi naman siguro basta-basta hahayaang yumabong nang ganito ang ganitong halaman kung simpleng damo lang ito. Kahit nga iyong mga damo nila rito ay pantay-pantay iyong taas, parang ginamitan ng panukat. Naisip kong mas masarap magmuni-muni kung nakaupo kaya agad akong lumapit sa natatanaw kong bench upang maupo. Mula rito ay tanaw ko pa naman ang pinanggalingan ko kaya kampanti ako na mabilis kong makikita kung paparating na si Nanay. Pagkaupo na pagkaupo ko ay agad kong napansin ang dalawang piraso ng chocolate na nakapatong sa kinauupuan ko. Mabilis akong nagpalinga-linga sa paligid at baka nasa tabi-tabi lang iyong may-ari. Wala akong makitang ibang tao kaya pasimple akong umusog nang konti upang dinikitan ang chocolate. "Para sa akin ka ba?" mahina kong kausap dito. "Baka expire ka na." Hindi mapakaling muling nanghahaba ang leeg ko. Binibigyan ko pa ng chance ang may-ari nito na iligtas mula sa'kin ang dalawang chocolate. Muli ay walang bakas ng may-ari nito. Pasimple kong sinusukat ang chocolate gamit ang daliri ko, tantiya ko ay kaya kong silang isubo nang magkasabay sabay sabi ng 'yum'! Sa commercial ko pa lang nakikita ang ganitong brand ng chocolate at hindi pa ako nakakatikim nang ganito kaya lalo tuloy akong natatakam. Pabuntong-hininga akong tumingala sa papadilim nang kalangitan habang lihim na umuusal ng panalangin na sana ay walang may-ari ang mga ito. Nang muli kong tingnan ang chocolate ay pakiramdam ko kinakawayan ako ng mga ito at inimbitahang kainin sila. "Baka mabitin ako sa inyo. Bakit kasi dalawa lang kayo? Sana isang box man lang 'no!" napapalunok kong kausap ulit sa mga ito. Kapag ito sumagot ay isusubo ko talaga ito kasama ang packaging! Mukha namang wala talagang may-ari ang mga ito kaya kinuha ko na iyong isa. Magaan ito, dahil maliit nga lang pero lamang-tiyan pa rin ito. Bago ko pa mapigilan ang sarili ko ay mabilis ko na itong inalisan ng balot sabay shoot sa bibig ko. "Ang sarap..." paungol kong usal sabay sandal sa kinauupuang bench. Natutunaw ito sa bibig at hindi masyadong matamis, kaya bet na bet ko. Napapikit pa ako sarap at kinapa-kapa ko iyong isa. Habang ninamnam ko ang pagkatunaw no'ng nasa bibig ko ay hindi nagdilat ng mga matang binuksan ko iyong isa pa at agad itong isinunod doon sa nauna. Muli akong napaungol sa sarap. Ganito pala ang lasa ng mamahaling chocolate, isang subo heaven agad. Wala nang kagatang nangyayari dahil kayang-kaya ko naman sila sa isahang subo. Hindi na kailangang nguyain dahil parang marshmallow sa bibig. Ngayon lang ako nakatikim nang ganito, hindi naman lasang expire. "Masarap ba?" "Sobrang sarap," wala sa sarili kong sagot sa nagtanong sa'kin. Ilang sandali pa bago rumihestro sa utak ko na may iba na akong kasama rito at ito ang nagtatanong. Mabilis akong nagmulat ng mga mata at para akong tinulos sa kinauupuan nang sumalubong sa'kin ang mga mata ng isang lalaking matalim na nakatingin sa'kin. Halos dumikit na sa mukha ko ang mukha niya sa sobrang lapit kaya pasimple kong iniatras ang ulo ko. Hindi ako makaalis mula sa kinauupuan dahil nakatukod sa magkabilaang gilid nang kinasasandalan ko ang mga kamay niya. Sa bawat pag-atras ko ay inilalapit naman niya ang mukha sa'kin. "Kinain mo ang chocolate ko," matigas niyang usal. Biglang kumabog nang malakas ang puso ko. Hindi ko masabi kung dahil ba ito sa nagawa kong kasalanan o dahil sa paghampas sa mukha ko ng mabango niyang hininga habang nagsasalita siya. "S-sa'yo pala iyon?" Halos hindi ko binubuka ang bibig habang kinakausap siya dahil natakot ako na baka maamoy niya iyong hininga ko. Ang bango nung sa kanya pero hindi ako sigurado sa sarili kong hininga. Baka amoy panis na laway na ako! "Bakit? Akala mo ba ay hulog ng langit?" mahina pero nang-uuyam niyang tanong. "Sorry," paumanhin ko. "Nakain ko na eh." Unang araw ko pero nakagawa na agad ako ng kasalanan. "Open your mouth," utos niya sa'kin. "B-bakit?" nagtataka kong tanong. May balak ba siyang kunin iyong chocolate? Natunaw na iyon at naroon na sa tiyan ko! Sinamaan niya ako ng tingin kaya sinunod ko na lang iyong utos niya. "Wider..." nandidilat niyang sabi. Nag-aatubili akong sundin siya dahil tiyak na makikita niya pati ngala-ngala ko kung gagawin ko iyon lalo na at sobrang lapit ng mukha niya sa'kin. "Dalawa lang naman iyon—" Agad akong natigil sa akma kong pagpapaliwanag dahil dumilim ang mukha niya at lalong tumalim ang tingin sa'kin. Nilakihan ko na lang iyong pagkanganga ko. Natunaw na iyong kinain kong chocolate kaya wala na siyang makikitang ebidensya roon. "Wala kang bulok na bagang," usal niya. Agad kong itinikom ang bibig at baka ano na naman ang mapapansin niya. "Syempre nagto-toothbrush ako!" sagot ko. "Next time ay huwag mo nang pakialaman ang mga chocolate ko," masungit niyang sabi. "Akala ko naman kasi walang may-ari." "Kaya kinain mo? Paano kung may lason pala iyon?" "Eh, 'di patay ako." Halatang hindi niya nagustuhan ang sagot ko dahil naningkit ang mga mata niya. Ngayon ko lang nabistahang maigi ang mukha niya. Talagang makikinis nga ang mga taga-city! Mukha siyang artista pero mas gwapo pa siya roon sa mga nakikita ko sa TV. Ang ganda ng mga mata niya kahit ang talim nang pagkakatitig ng mga ito sa'kin. Matangos din ang ilong niya at bumagay sa hugis ng kanyang mukha. Ngayon lang ako nakakita ng lalaking likas na mapula iyong mga labi dahil kalimitan sa probinsya kapag mapula ang labi ng lalaki ay lalaki rin ang hanap. Kapag ganitong mukha ang maliligaw sa probinsya namin ay tiyak pagkakaguluhan ng lahat. Sobrang gwapo, nakakabakla— ay lintik, babae naman pala ako! Minsan talaga ay nakakalimutan ko ang tungkol doon dahil maliban kay Jen at sa mga kasamahan ko sa volleyball team na pawang titibo-tibo ay puro lalaki ang nakakahalubilo ko dahil sa pagiging varsity ko. "Anong pangalan mo?" Nabalik ako sa kasalukuyan dahil sa pagtatanong ng kaharap ko. "Akira po," sagot ko. "Po ang apelyido mo?" nakataas ang kilay niyang tanong. "Hindi po, Akira ang pangalan ko," pagtatama ko. "Mukha ba akong matandang tingnan?" masungit niyang tanong. "Opo— este hindi po!" Kumpara sa'kin ay matanda naman talaga siya. Mas matanda pa nga yata siya kay Kuya Hiro na twenty-eight. "Bakit ka nagp-po sa'kin?" nakasimangot niyang tanong. "Paggalang po iyon," sagot ko. "Kung gusto mo akong galangin ay huwag mong galawin ang mga chocolate ko!" nandidilat niyang sabi. "At huwag kang mag-po!" Napakurap-kurap lang akong tumango-tango. Ngayon lang ako nakakilala nang katulad niyang ayaw pinu-po. Bigla akong naasiwa sa posisyon naming dalawa dahil mukhang wala siyang balak na lumayo sa'kin. Nag-aalangan naman akong pagsabihan siyang alisin ang pagkakatukod ng mga kamay niya dahil may kasalanan pa ako sa kanya. Ang sakit na rin ng leeg ko sa kakaliyad upang bigyang space ang pagitan ng mga mukha namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD