chapter 4

2407 Words
Napapiksi ako nang marahas siyang napabuga ng hangin at muling sumama ang tingin sa akin. Wala naman akong ginawa kundi ay ang simpleng paghinga lang pero mukhang ikinasasama pa iyon ng loob niya! Hindi ba siya maka-move-on sa pagkain ko sa kanyang chocolate? Kasalanan din naman niya kung bakit kasi iniwan-iwan niya pa! Kung alam ko lang na ganito iyong mangyayari ay sana mas binilisan ko iyong pagkain at umalis na agad ako upang hindi niya maabutan! "Pwede na po ba akong umalis?" maingat kong tanong dahil baka bigla akong bulyawan. "Baka hinahanap na po ako ng Nanay ko." Bahagya munang dumiin ang titig niya sa mukha ko bago siya umayos nang tayo kaya nakahinga ako nang maluwag. "Halika, ihahatid ba kita sa Nanay mo." At bakit? Balak niya bang isumbong kay Nanay iyong ginawa ko? "Huwag na po!" maagap kong tanggi. "Kaya ko naman pong mag-isa, nandiyan lang naman iyong sa'min..." Medyo nabitin ang pagkakabigkas ko huling salita dahil unti-unting sumama ang timpla ng mukha niya. My nasabi yata akong mali! "Sabi ko nga, pwede mo akong ihatid! Malapit lang naman, tanaw ko na nga eh." Agad kong binawi ang ginawang pagtanggi at kasama na roon ang pag-alis ng 'po'. Nang maglahad siya ng kamay ay napakurap-kurap akong nagpalipat-lipat ng tingin dito at sa mukha niya. Hindi ko alam kung aabutin ko ba ang palad niya o hindi. Napansin niya yata ang pagdadalawang isip ko dahil makahulugang tumalim ang tingin niya sa'kin. Mahirap palang kumontra sa gusto niya kaya taranta kong inabot ang nakalahad niyang palad. Sa sobrang taranta ko ay nawalan pa ako ng balanse pagkatayo ko. Mabuti na lang at maagap niya akong nakabig bago pa ako tuluyang matumba. Hindi ako bumagsak sa lupa kundi ay sa matigas niyang katawan ako napasubsob. Ngayong nakatayo na ako ay napagtanto kong sobrang tangkad niya pala at hanggang dibdib niya lang ako. In fairness, matigas iyong dibdib niya dahil ang sakit ng noo kong nauntog sa muscles niya roon. "Sorry po!" natitilihan kong paumanhin nang mapagtanto ang nangyari at nagmanadaling umatras mula sa kanya. Nagkakagulo ang sistema ko dahil nanunuot sa ilong ko ang kaaya-aya niyang amoy! Ang bango-bango niya samantalang ako ay tiyak nangangamoy na dahil sa haba ng biyahe papunta rito! Athlete ako, batak sa training kaya hindi ko alam kung bakit sobrang clumsy ko at nang tinangka kong lumayo sa kanya ay bigla dumulas ang isang paa ko. Parang slow motion ang nangyaring unti-unti kong patihayang pagbagsak sa lupa at dahil nakahawak ang kamay niya sa'kin ay aksidente ko siyang nahila kasama ko. Bago pa ako tuluyang tumama sa matigas na lupa ay nagawa niyang ipaikot ang mga braso sa ulo ko upang protektahan ito. Kahit na nababalot ng mga alagang damo ang lupa nila rito ay hindi pa rin iyon malambot na babagsakan lalo na no'ng dumagan din sa'kin ang malaking katawan ng lalaking hindi ko pa naitanong ang pangalan. Ang hirap ma-fall lalo na at sa lupa ang bagsak tapos may dumagan pa sa ibabaw ko! Talo ko pa ang natamaan ng ini-spike na bola sa dibdib. Mariin akong napapikit at pinakiramdaman ang sarili. Mukha namang maliban sa puwit ko at pride ay walang ibang napuruhan sa'kin dahil naaalalayan ng mga braso niya ang ulo ko at likod. Iyong dibdib ko nga lang ang medyo masakit dahil tinamaan ng matigas niyang dibdib. Para akong nakipag-chest bump sa pader, lintik! "Buhay pa ako!" hindi ko mapigilang bulalas. "Ako ang mauunang mamatay sa'yo," paungol na tugon ng taong nakadagan sa'kin. Bigla akong nag-alala at baka napano siya lalo na at hindi agad siya kumilos upang umalis mula sa pagkakadagan sa'kin. "Okay ka lang ba?" nahihirapan kong tanong dahil pakiramdam ko ay mapipisa ako dahil sa bigat niya. Sa halip na sumagot ay gumulong siya pahiga kasama ako kaya ako na ngayon iyong nasa ibabaw niya. Nang maramdaman ko ang pagluwag nang pagkakayapos ng braso niya sa'kin ay agad kong tinangkang bumangon mula sa pagkakapatong sa kanya. Hindi ko naituloy ang pagtay9 at sa halip ay natigilan akong napaupo na lang sa tiyan niya dahil narinig ko ang nasasaktan niyang ungol. "May masakit ba sa'yo?" nag-alala kong tanong at kinapa-kapa ko pa iyong dibdib niya. "Watch out where you are touching me," paos niyang wika habang naninita ang tinging pinukol sa'kin. Mabilis niyang hinuli ang kamay ko upang pigilin ito. Sorry naman, concern lang! Magpapaliwanag na sana ako pero bigla akong may nakitang dugo sa damit niya. Batay sa dami nito ay masasabi kong malaki iyong sugat. "May sugat ka!" gimbal kong bulalas. Ako naman iyong napailalim pagkabagsak namin kaya papaano siya nagkasugat? Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kaya nagmamadali akong tumayo. Naupo ako sa ulunan niya at mabilis na inilalayan ang ulo niya pahiga sa mga hita ko. Kabadong-kabado ako dahil baka unang araw ko rito ay makapatay na agad ako! "Nay!" malakas kong sigaw. Wala na akong pakialam kong makakabulahaw ako ng ibang mga tao. "Nay! Nay!" "Don't shout," istriktong saway sa'kin ng kasama kong duguan. "N-nay! Nay—" Agad ako napahinto sa pabulong kong pagtawag kay Nanay dahil sinibat ako ng matalim na tingin ng lalaking kalong-kalong ko iyong ulo. Hindi na naman ako sumisigaw pero galit pa rin siya! Ang hirap niyang intindihin! Maya-maya ay humahangos nang dumating si Nanay. "Anong nangyayari?" tanong nito. "Diyos ko! Tyron, iho, anong nangyari sa'yo?" Mukhang kilala ni Nanay itong lalaking kasama ko batay na rin sa pag-alalang lumarawan sa mukha niya nang makita ito. "Nay, hindi po ako ang salarin," mabilis kong tanggi kahit hindi pa naman ako pinagbintangan. Hindi na ako nasagot ni Nanay dahil may iba pang nagsidatingan upang alamin kung ano ang sanhi nang kumusyon. Tiyak na nabulabog sila sa sigaw ko. "The f*ck, Tyron!" bigla ay bulalas ng isang lalaking kasama ng mga dumating. "Bagong trip mo na ba ngayon ang hihiga sa damuhan habang dudugo-dugo?" "Just help me up, Kuya Igop," kalmadong utos dito ni Tyron. "Kakakain mo 'to ng chocolate, eh!" panenermon pa nung tinawag na Kuya Igop dito sa lalaking kasama ko na Tyron pala ang pangalan."Hindi ko tuloy masabi kung dugo pa ito o melted chocolate," tukoy nito sa mantsa ng dugo sa damit ng kausap. Ngayong medyo nababawasan na iyong kaba ko dahil mukha namang mabubuhay siya ay tsaka ko lang naalala na Tyron ang pangalan ng panganay na anak ni Ma'am Flor. So, itong lalaki na may-ari ng chocolate na kinain ko ay anak pala ng amo ni Nanay. Nang makatayo na si Tyron ay pasimple akong nagtago sa likuran ni Nanay. Baka bigla ay ituro ako nitong may kagagawan kaya siya nagkasugat. "Tawagan ni'yo si Dr. De Guzman, sabihin ni'yo na iyong pasyente niyang matigas ang ulo ay dumugo iyong sugat," utos nung Kuya Igop. "Pero hindi pa naman critical kaya huwag siya masyadong magmadali," pahabol pa nito. Hindi ko tuloy masabi kung nagbibiro ba ito o ano. Agad namang may sumunod sa utos nito kaya mukhang normal na sa mga nandito ang ganitong ugali ng bagong dating. Nagsialisan na rin iyong ibang mga nakiusyuso hanggang sa kami na lang ni Nanay iyong naiwan kasama sila. "Nay Saling, iyan na po ba iyong anak na sinasabi ninyo?" kausap ni Tyron kay Nanay. Kabado akong napasulyap sa kanya dahil baka isumbong niya kay Nanay iyong ginawa kong pagkain doon sa chocolates niya. "Oo, iho, ito si Akira," nakangiting tugon ni Nanay. "Akira, siya si Sir Tyron mo." "Tyron na lang po," malumanay niyang pagtatama kay Nanay. "Nagkakilala na kami ni Akira." Bakit gano'n? Ang bait-bait niya habang kausap si Nanay pero sa'kin ay laging nakasiring ang mga mata. "Tyron? Walang kuya— sabi ko nga wala," bubulong-bulong na sabat no'ng Kuya Igop. "Nas-stress ang kagwapuhan ko sa'yo!" himutok pa nito. "Akira, siya naman si Sir Igop," pakilala ni Nanay sa kasama ni Tyron. "Pinakagwapong Ramirez, Kuya Igop at your service," magiliw nitong pakilala sa'kin. Ako lang ba pero pinagdidiinan nito iyong kuya na para bang may pinariringgan? "Hello po, Kuya Igop," kimi kong bati rito. Narinig kong pumalatak si Tyron kaya natuon sa kanya ang tingin ko at gusto kong magsisi dahil sinalubong ako ng masungit niyang mga mata na para bang may nagawa na naman akong mali. May nagawa naman talaga ako pero nag-sorry na ako sa pagkain ko ng chocolate niya at aksidente iyong nangyaring pagkatumba naming dalawa, pero pinaparamdam niya sa'kin na bawat ginagawa ko ay mali! "Mag-hi ka rin kay Tyron, Akira," nakangiting utos sa'kin ni Kuya Igop. "Hindi ibig sabihin na ako iyong pinaka-pogi ay sa'kin ka lang babati. Kahit nagkakilala na kayo ay batiin mo pa rin siya." Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang dalawa. Nanatili ang masungit na pagkakatingin sa'kin ni Tyron habang sinesenyasan nan ako ni Kuya Igop na gawin ang sinabi niya. "H-hi po," nag-aalangan kong bati kay Tyron. Nag-po ako kaya awtomatiko ang pagtalim ng tingin nito sa'kin. "Sige po, Nay Saling, ipapasok ko muna itong si Tyron dahil mukhang may sumpong," paalam ni Kuya Igop kay Nanay. "Sige-sige, at nang matingnan na ng doktor ang sugat niya." Umayos lang iyong paghinga ko nang tuluyang makaalis ang mga ito. "Nay, mukhang nakakatakot po iyong Tyron," pabulong kong sabi kay Nanay. "Mabait iyon," natatawang sagot ni Nanay. "Gano'n lang talaga iyon." "Ano po ang nangyari sa kanya? Bakit po siya may sugat?" curious kong tanong. "Nagkaroon ng aksidente sa trabaho niya," sagot ni Nanay. Nagsimula na siyang maglakad pabalik sa tinutuluyan namin kaya agad naman akong sumunod. "Hindi po ba doktor iyon?" tanong ko. "Sa hospital po ba siya naaksidente?" "Sa huling medical mission na sinamahan niya," sagot ni Nanay. "Medyo magulo ang pinuntahan nilang lugar kaya aksidente siyang nasugatan." Hindi na ako nag-usisa pa tungkol sa nangyari baka mahalata ni Nanay na masyado akong naging interesado sa anak ng amo niya. "Akira, kinausap pala ako ni Flor sa telepono kanina kaya ako natagalan," pag-iiba ng usapan ni Nanay nang makapasok kami sa tinutuluyan namin. "Wala po si Ma'am Flor sa mansion?" tanong ko. "Nasa business trip sila ni Raffy kaya mag-isa lang sa mansion si Tyron," sagot ni Nanay. "Mabuti nga ngayon at napadaan si Igop. Tinitingnan-tingnan kasi nito ang pinsan lalo na sa kalagayan nito ngayon." Magpinsan pala iyong dalawa, kaya pala parehong gwapo. Pasimple akong tumalikod kay Nanay upang hindi nito makita ang pilya kong ngiti nang maalala ang hitsura ng mga nakilala ko kanina. "Nakikiusap pala si Flor, na habang wala ka pang pasok ay ikaw na muna ang tumingin-tingin kay Tyron." Mabilis akong napalingon kay Nanay dahil sa sunod nitong sinabi. "Po? Paanong tumingin-tingin?" tanong ko. "Injured ngayon si Tyron at may katigasan ang ulo nito kaya kailangan nito nang taga-paalala sa oras nang pag-inom ng gamot. Magiging assistant ka muna ni Tyron habang hindi pa siya magaling." "Wala ba siyang ibang assistant, Nay?" "Meron naman pero abala ito sa pag-aayos ng mga naiwang trabaho ni Tyron ." Napasunod ako kay Nanay nang dumiretso siya sa kusina habang kinakausap ako. "Temporary ka munang titira sa mansion kasama si Tyron at nang mas madali ka niyang mautusan." "Baka po hindi papayag si Sir Tyron," saad ko. Hindi ko maatim na tawagin ito sa pangalan kapag kaharap si Nanay dahil parang masyadong intimate. "Kapag si Flor na ang may sabi ay walang nagagawa ang kahit na anong pagrereklamo ng mga anak niya," natatawang tugon ni Nanay. "Tiyak na bukas ay tapos nang naipaliwanag ni Flor ang lahat kay Tyron. Sa nangyari ngayon ay tiyak masesermonan ng ina niya ang batang iyon." "Nanay, hindi na po iyon bata," lukot ang mukha kong sabi. Naalala ko pa ang matigas nitong katawan na malayong-malayo sa pagiging bata. Pwede nga ako nitong ibitin gamit ang isang kamay lang, tapos bata? "Nasubaybayan ko ang paglaki ng mga batang iyon kaya kahit na tumatanda na sila at nagkapamilya na iyong iba ay mananatili silang bata sa paningin ko." Nahagip ng tingin ko ang mga larawan naming magkakapatid na nakadikit sa isang bahagi ng kusina. Kahit sa ref ay may nakadikit na family picture namin. "Ako rin po ba,'Nay?" Malambing akong yumakap kay Nanay habang naghihiwa siya ng pansahog sa lulutuin niya. "Ikaw ang bunso ko kaya baby kita," natatawa niyang sagot. Bumitiw ako mula sa kanya at pumuwesto sa harapan niya. "Kahit na magkaka-baby na ako?" hamon ko sa kanya. "Timigil ka, Akira! Ang bata-bata mo pa!" mabilis nitong kontra. Bumunghalit ako nang tawa dahil sa reaksiyon niya. Kahit kailan talaga ay hindi na mabiro si Nanay! "Mag-aaral ka muna, bago mo ako bibigyan ng apo!" "Pagkatapos ko pong mag-aral ay pwede na?" patuloy kong panunukso. "Magtatrabaho ka pa!" Pinandilatan niya ako bago pinagpatuloy ang ginagawa. "Tapos magkaka-baby na!" makulit kong tugon. "Hindi ba dapat ay mag-boyfriend muna tapos mag-asawa bago magka-baby?" "Ayokong mag-boyfriend," nakanguso kong sabi. Naalala ko na maliban sa kapatid ko, bayaw, at tatay ay sakit sa ulo lang ang mga lalaki. "Paano ka makapag-asawa at magka-baby niyan?" nagtatakang tanong ni Nanay. Ngayon ay biglang nabaliktad at halatang ako na iyong tinutukso niya. "Baka mamaya niyan anak ay hindi pala boyfriend ang hanap mo," pagpapatuloy ni Nanay. "At baka iyang sinasabi mong baby ay bebe girl pala." Malakas akong napatawa dahil sa narinig. "Nanay naman oh!" tawang-tawa kong bulalas. "Para kayong si Kuya Hiro, lage akong tinutuksong tibo!" "Hindi nga ba?" curious niyang tanong at bahagya pang pinasadahan ang ayos ko. "Hindi naman halata sa ayos mo pero..." "Babae po ako, Nay," humagikhik kong wika. "Tatanggapin naman kita kahit na ano ka pa," aniya. "Ang swerte po namin sa inyo, Nay," sinsero kong wika. "Kaya mahal na mahal ka po namin nina Ate at Kuya." "Mahal ko rin kayo," nakangiti niyang sagot. "Tawagan mo nga ang Ate Mira mo at nang makausap natin iyong mga pamangkin mo." Excited kong sinunod ang utos niya. Medyo nagulat pa ako dahil free wi-fi pala ang mga katulong dito. Pwede rin akong maki-connect. Ilang saglit pa ay masaya naming kausap ni Nanay sa video call ang makukulit kong mga pamangkin habang magkatulong kamimg naghahanda para sa una naming hapunan na magkasama. Kinwento ko sa mga pamangkin ko ang mga nakita ko kanina habang nasa biyahe. Pagkatapos ay sila naman iyong nagkukwento ng araw nila. Nagsumbong pa nga iyong isa ma inaway na naman siya no'ng kapitbahay naming bata, kaya kahit hindi maganda ay tinuruan ko itong lumaban at huwag papaapi. Kung naroon ako ay ako na ang gaganti para sa kanila. Pumapatol din kasi ako sa bata kapag iyong mga pamangkin ko na ang naagrabyado.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD