chapter 5

2381 Words
Kinabukasan ay isinama ako ni Nanay sa loob ng mansion. Kung maganda sa labas ay lalong nakakalula iyong karangyaan sa loob. Manghang-mangha ako lalo na sa mga nakabiting chandelier sa kisame. Sa probinsya kasi namin sa simbahan lang ako nakakita ng chandelier tapos antigo pang tingnan, hindi katulad dito sa mansion ng mga Ramirez na parang kumikinang na mga diamond partida hindi pa nakasindi iyong maliliit nitong bombilya. Nakakakaba ngang tumayo malapit sa mga mamahaling gamit na nasa paligid at baka makasagi ako at magasgasan ko pa. Wala pa naman akong pambayad kaya nanatili lang akong nakatayo habang hinihintay si Tyron sa pinag-iwanang silid sa'kin ni Nanay na tinawag niyang study room. Siguro kung may ganitong study room kami ay matalinong-matalino ako. May malaking portrait ng pamilya nina Tyron na naka-display sa isang bahagi ng pader kaya tumayo ako sa tapat niyon. Halatang bago pa lang ito dahil wala namang pinagkaiba ang hitsura ni Tyron sa larawan at sa nakita ko kahapon. Mas gwapo nga lang siya sa personal at mas mabango. Tama, halos dumikit nga sa'kin ang amoy niya kahapon at hanggang ngayon ay parang naaamoy ko pa rin siya. "Ang bango," hindi ko napigilang bulalas. "Are you referring to me?" Mabilis akong napapihit paharap sa biglang nagsalita sa likuran ko. Muntik na akong napasinghap nang mapagtanto kong sobrang lapit sa'kin ni Tyron kaya pala amoy na amoy ko iyong pabango niya. Akala ko ay sa nasa isip ko lang ito, nasa likuran ko na pala siya! "Good morning po," magalang kong bati kulang na lang ay yumuko ako. Pabuntong-hininga niya akong inilingan, senyales na may nagawa na naman akong hindi niya nagugustuhan. "Sabi ni Mommy ay ikaw raw ang mag-aalaga sa'kin," wika niya. Pinigilan kong magreklamo dahil sa hindi niya pagbati sa'kin pabalik. Common courtesy lang naman iyon na kapag may mag-good morning sa'yo ay tutugunin mo rin ng good morning, kahit morning na lang sana ay okay na, pero mukhang walang nagturo sa kanya nang gano'n. O baka naturuan nga siya pero masakit sa loob niyang batiin ako. "Sabi po ni Nanay ay titingnan-tingnan lang kita at gagawin iyong mga utos ni'yo," sagot ko. "Wala naman sinabing kailangan kitang alagaan, hindi ka na po baby." Agad kong naitikom ang bibig nang mapansin kong napasobra yata iyong sinabi ko. "Kung ano po ang sinabi ng Mommy ni'yo ay iyon na po," mabilis kong bawi sa naunang pahayag. "Kailangan ko pong malaman ang schedule nang pag-inom ninyo ng gamot upang mapaalalahanan ko po kayo." Medyo naaasiwa ako sa paraan nang pagkakatitig niya sa mukha ko na para bang sinasaulo niya ito. Ewan ko ba, kakaiba iyong hatid sa'kin ng abuhin niyang mga mata. Para kasing nanunuot ang mga ito hanggang sa kaluluwa ko at nababasa ang laman ng isip ko. "Anong kukunin mong course?" Saglit akong napakurap-kurap dahil sa bigla niyang pag-iiba sa usapan. Hindi ko alam na may question and answer portion pala kapag magtatrabaho sa kanya. Ito ba iyong tinatawag na job interview? "Hindi ko pa po alam," totoo kong sabi. "Pinagpipilian ko pa iyong Business Ad or Hotel Management." "Mag-nursing ka," hindi kumukurap niyang sabi na para bang inuutusan ako. "Mahal po iyon," bigla kong sagot. "At mahirap." "Ako ang bahala sa pag-aaral mo, at tuturuan kita sa alinmang part na nahihirapan ka," pahayag niya. "Pagkatapos mong mag-aral ay magtatrabaho ka sa'kin." Awang ang bibig kong napatingin sa kanya. Naghahanap ako ng indikasyon sa mukha niya na baka nagbibiro lang siya. "Mababa po ang grades ko, hindi po ako papasang nursing student," paanas kong sabi. Parang gusto kong pektusan ang sarili dahil naisip ko pa talaga iyon na para bang kung sakali ay magna-nursing talaga ako! Kahit sa panaginip ay hindi pumasok ang kursong iyon sa isip ko. Mas naisip ko pa ngang maging piloto kaysa maging nurse! Ang tinutukoy kong piloto ay iyong walang kinalaman sa eroplano kundi ay iyong trabaho ng iilan sa probinsya namin na umaakyat sa matataas na puno ng niyog upang manguha ng dagta na gagawing tuba na isang sikat na inumin ng mga karpintero at magsasaka. Tinatawag na piloto iyong taga-harvest ng tuba dahil matatayog iyong inaakyat nilang puno ng niyog. Sisiw lang sa'kin ang gawaing iyon pero nang malaman ni Ate ay muntik na akong itali sa punong inakyat ko kaya binago ko na iyong pangarap ko. "Ako ang bahala sa lahat," seryosong sabi ni Tyron na nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan. "Ang gagawin mo lang ay sundin ako." Pakiramdam ko kapag sinabi niyang tumalon ako ay inaasahan niyang walang pagdadalawang-isip ko siyang susundin. Si Ate Mira nga sinusuway ko, siya pa kaya? Pero hindi na niya kailangang malaman pa iyon, syempre bait-baitan muna ako. "Dalawang taon akong bumalik sa grade 12," pagbibigay-alam ko sa kanya. Baka kasi iniisip niyang matalino ako. Hindi ko alam kung mukha ba akong matalino sa paningin niya pero kailangan niyang magising sa katotohanang imposible ang gusto niyang mangyari. "Magiging personal tutor mo ako," sagot niya. "Kaya sisiguraduhin kong magiging nurse ka." "Parang lalo tuloy nakakatakot maging nurse!" hindi ko napigilang bulalas. Wala pa nga pero nap-pressure na ako. "Why?" nakataas ang kilay niyang tanong. "Dahil ikaw ang magtuturo sa'kin," namimilog ang mga mata kong sagot. "Ang sungit mo kaya," nakanguso kong dugtong. Sa unang pagkakataon ay nakita ko ang unti-unting pagsilay ng ngiti sa mga labi niya. Para tuloy akong namamalikmatang napatitig sa kanyang mukha. "Pag-iisipan mong mabuti ang sinabi ko," malumanay niyang kausap sa'kin. "Habang nag-aaral ka ay magsisimula rin ang training mo kasama ako." "Baka hindi ko kayanin, nakakahiya sa'yo." Iyong simpleng subject ko nga sa senior high ay muntik ko nang binagsak sa ikalawang pagkakataon, paano na kaya ang pangmatalinong course katulad ng nursing? "Magsisimula ang lahat sa tiwala mo sa sarili," nakahalukipkip niyang sabi. "Ako na ang bahala sa ibang mga bagay. Trust me." Tiwala raw sa sarili tapos may pa 'trust me' sa dulo. Kanino ba talaga ako dapat magtitiwala, sa sarili ko o sa kanya? Pakiramdam ko ay wala akong tiwala sa sarili ko kapag nasa malapit siya. Bigla kasing nagkakagulo ang imahenasyon ko! Nadi-distract ako sa gwapo niyang mukha. Nahigit ko ang hininga nang tumaas ang kamay niya. Pinakiramdaman ko ito nang hawakan nito ang ilang hibla ng buhok kong tumabing sa mukha ko at pasimple niyang inipit sa likod ng tainga ko. "You want some chocolates?" tanong niya sa'kin. Hindi pa nga ako nakahuma sa ginawa niya ay panibagong panggugulat na naman itong tanong niya. Akala ko ba ay malinaw niyang kabilin-bilinan na huwag kong pakialaman ang mga chocolate niya. Pero bakit nag-offer siya ngayon? Isa ba itong patibong para sa katulad kong patay-gutom sa chocolate? "Marami akong chocolates," parang nang-aakit niyang pagpapatuloy. Takam na takam na ako. Talo ko pa iyong batang paslit na inuuto ng candy. "Busog ako." Pagkalabas ng mga katagang iyon sa bibig ko ay parang gusto kong magsisi at bawiin ang sinabi. Umiiyak ako deep inside dahil gusto ko ng chocolate! Hindi bukal sa loob ko ang ginawa kong pagtanggi. Char-char lang iyon at sana ay huwag niyang paniwalaan. "Sayang naman, marami kasing naibigay sa'kin iyong pinsan ko galing abroad." "Pero kung mapilit ka ay pwede ko namang tikman," mabilis kong tugon. "Konti lang," pahabol ko pa nang mapansing masyadong mabilis ang pagbabago ng isip ko baka mahalata rin niya. "Come with me," nakangiti niyang aya sa'kin. Nakatingin ako sa nakalahad niyang kamay. No'ng huling inabot ko ang kamay niya ay sa lupa ang bagsak naming dalawa. Wala sa sariling napatingin ako sa bahagi ng balikat niya kung saan ko nakita kahapon iyong dugo. "Kumusta ang sugat mo?" tanong ko. "Dudugo ulit ito kapag patuloy na nakalahad ang kamay ko." Sa sinabi niyang iyon ay agad kong inabot ang nakalahad niyang palad. Parang may pumitlag sa loob ng puso ko nang tuluyang maglapat ang mga palad namin. Napatitig tuloy ako sa magkahawak naming kamay bago ako nag-angat ng tingin sa mukha niya. Hindi ko mabasa ang ekspresyo niyang nakalarawan doon pero nahagip ng tingin ko ang munting ngiting pinakawalan niya. Napasunod ako sa kanya nang hilahin niya ako palabas ng study room. Pareho kaming walang imik habang binaybay ang tahimik na hallway ng mansion. Kahit sobrang tahimik ng kabahayan at napakalaki nito at hindi naman nakakatakot dahil sobrang liwanag ng pagilid, kahit umaga ay nakasindi ang mga ilaw. Natigilan ako nang mapansing paakyat kami sa itaas ng third floor kung nasaan ang kanya-kanyang silid tulugan ng mga amo sa bahay na ito. "Bakit?" nagtataka niyang tanong sa'kin nang tumigil ako sa paghakbang. "Bawal na yata kami riyan," sagot ko. Iyon kasi ang sabi ni Nanay kanina na piling mga katulong lang ang nakakaakyat sa palapag na iyon. "Walang magbabawal sa'yo kahit saang parte ka ng bagay na ito pupunta," hindi tumitinag niyang sabi. Nang muli siyang nagpatuloy sa paghakbang ay inaasahan niyang susunod ako na ginawa ko naman. Bakit pakiramdam ko ay hindi magandang tingnan na sasama ako rito sa anak na lalaki ng amo ni Nanay? Nang panakaw kong sulyapan ang kasama ko ay napagtanto kong ako lang iyong nagbibigay ng malisya sa mga bagay-bagay. Mukha naman siyang hindi apektado sa magkahawak naming kamay. Imposible rin namang may ibang dahilan itong pagyaya niya sa'kin sa taas. Parang gusto kong matawa nang sumagi sa isip ko na baka may gusto sa'kin itong si Tyron. Sa hitsura nito at katayuan sa buhay ay napaka-imposible ng naisip ko. Kung pwede lang sanang pagkakitaan itong mga nai-imagine ko ay tiyak hindi ko na kailangang mag-aral. Mayaman kasi ako sa imahenasyon at heto nga at umabot pa sa puntong ini-imagine kong may gusto sa'kin itong anak ng amo ni Nanay. Nahinto ang paglalakbay ng diwa ko nang pumasok kami sa isang silid. Mukha itong library dahil ang punong-puno ng mga aklat ang nagtatayugang bookshelves sa paligid. May malaking mesa sa pinakagitna ng silid at mga upuang nakapaikot dito. Hinila ako ni Tyron at tumuloy kami sa likurang bahagi ng isang malaking bookshelves. Ang bookshelf ang nagsisilbing divided at sa likod nito ay karugtong ng silid. Namangha pa ako dahil salamin ang isang bahagi ng pader kung saan ay matatanaw mula rito ang bahagi ng compound sa harapan nito. "Nakikita ko iyong mukhang peryahan!" hindi ko napigilang bulalas. "Peryahan?" kunot-noong pag-uulit ni Tyron bago dumako ang tingin niya sa tinutukoy ko. "Tiara wouldn't like it if she heard you calling that 'peryahan'," napapalatak niyang wika. Binitiwan na niya ang kamay ko bago humakbang palapit sa malaking refrigerator na hindi ko alam kung bakit nandito gayong malinaw na library ito at hindi kusina. Ganito siguro kapag mayayaman, kahit saan na lang ilalagay ang refrigerator. Kung doon sa kabilang side ng silid ay may mesa at mga upuan, sa bahaging ito ay komportableng mga sofa naman ang nandito. Sa halip na maupo ako ay pinili kong sumunod sa kanya. Napasinghap ako at nanlaki ang mga mata nang makitang punong-puno ng chocolates ang malaking double-door refrigerator na binuksan niya. "Nagbebenta ka ba ng chocolate?" wala sa sarili kong tanong habang hindi maalis-alis ang tingin sa mga chocolate. "No, these are all mine," mapag-angkin niyang sagot na para bang aagawin ko sa kanya. "Ang dami!" gilalas kong sabi. "Mauubos mo lahat iyan?" Tantiya ko ay pang-ilang buwang consumption na ito ng isang buong pamilya kahit araw-araw pa silang pumapapak ng chocolate. Tiyak na buong pamilya rin ang biglang magmi-maintenance dahil sa pagtaas ng sugar. "Of course," tugon niya. "Tataas ang sugar mo niyan! Sa dami niyan ay tiyak hindi na paa ang puputulin sa'yo kundi ay leeg na!" "I'm a doctor, Akira." "And then? Hindi ibig sabihin na doktor ka ay excuse ka na sa mga komplikasyon nang sobrang pagkain ng matatamis." "I know my limit," nakangiti niyang wika. "Sa halip na sermunan ako, ay kumuha ka ng gusto mo." Pumasada ang tingin ko sa iba't ibang brand ng chocolate na nasa harapan namin. Bahagya pa akong lumapit upang mabistahang maigi ang mga ito. "Just choose the biggest one, Akira." Natigilan ako dahil halos nasa tapat ng tainga ko ang bibig niya habang nagsasalita siya. "Isa lang iyong ibibigay ko sa'yo," dugtong pa niya. "Ang damot mo naman! Marami naman ito ah!" hindi ko napigilang reklamo. "Sa'yo rin naman nanggaling na hindi maganda sa kalusugan ang too much sweet," usal niya. Nararamdaman ko na iyong hininga niya na tumatama sa gilid ng mukha ko. Ayaw ko tuloy pumihit palingon dahil baka maglamali ako at magkabanggaan pa ang mga mukha namin. Bakit kasi masyado siyang malapit sa'kin at halos nasa likod ko na siya mismo. Nararamdaman ko na nga iyong init na nanggagaling sa katawan niya dahil sa sobrang lapit namin. Konting galaw ko lang at tuluyan nang didikit ang likod ko sa harapan niya. Lalo akong nawala sa focus nang maramdaman ko ang pagpatong ng baba niya sabalikat ko. "This one is my favorite," wika niya sabay abot ng isang bar ng chocolate na hindi ko alam ang pangalan dahil iba iyong sulat. Medyo may kalakihan iyon kaya kinuha ko iyon sa kamay niya. "Ito na lang iyong titikman ko," saad ko. "Good choice," aniya bago lumayo sa'kin. Pasimple kong hinaplos ang tapat ng puso ko upang pakalmahin ang paghuhurumintado nito. Agad akong umalis sa kinatatayuan ko upang bigyang distansya ang pagitan naming dalawa. Parang naghihingalo kasi iyong puso ko tuwing nagkakalapit kami ni Tyron. "That's a connecting door to my room." Napatingin ako sa kanya nang ituro niya ang isang saradong pintuan sa katapat na bahagi na kinaroroonan ng chocolate-filled refrigerator niya. "You'll be staying on the room next to mine," hindi kumukurap niyang dugtong. "Hindi ba ako pwede sa baba?" nag-aalangan kong tanong. "Ayokong bumaba pa upang tawagin ka kapag may iuutos ako," walang gatol niyang sagot. "May intercom naman," saad ko. Nabanggit sa'kin ni Nanay ang tungkol doon, at maging doon sa tinutuluyan ng mga katulong ay may gano'n din upang mabilis na makontak ng mga amo rito sa malaking bahay. "I want you closer," hindi kumukurap niyang pahayag. Iba ang dating sa'kin nang sinabi niya pero dahil wala naman akong nakikitang kakaiba sa ekspresyon niya ay palihim kong pinagsasabihan ang sarili ko dahil ako lang talaga itong tangang ginagawang kumplikado ang sitwasyon. Hindi ako artista kaya hindi bagay sa'kin ang magtanong kung gaano ka-close ang gusto niya, kaya quite na lang ako. Iisipin ko na lang na 'the closer, the better' ang motto nitong amo ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD