chapter 6

2236 Words
Unang araw ng trabaho ko kay Tyron at naibigay na niya sa'kin ang schedule nang pag-inom niya ng gamot. Wala naman akong ibang ginagawa pero hindi ako makaalis sa tabi niya. Nakasunod lang ako kung saan siya pupunta rito sa loob ng malaki nilang mansion. Sana pala kumuha na lang ng aso si Ma'am Flor para bubuntot-buntot dito sa anak niya. Wala naman siyang iniutos sa akin pero tuwing tatangkain kong umalis ay ang sama na agad ng tingin niya sa'kin na para bang hindi niya iyon nagugustuhan. Mukhang binabantayan din niya ako dahil mabilis niyang napapansin tuwing nagbabalak akong umiskapo. Mapapanisan na ako ng laway nito dahil hindi naman siya nagsasalita kaya tahimik lang din ako. Natatakot din akong kausapin siya dahil mukhang manininghal. "Akira..." Napatuwid ako sa pagkakaupo nang bigla niyang tawagin ang pangalan ko. Kasalukuyan kaming nandito sa malawak na garden ng mansion. Talo ko pa ang nasa park dahil sa punong-puno ng mga halamang namumulaklak pero hindi ko ma-enjoy dahil iyong kasama ko ay aburido ang hitsura. Nagbabasa siya ng makapal na libro na hindi ko alam kung tungkol saan dahil wala namang nakasulat sa leather na pabalat nito. "Anong oras na?" tanong niya nang makitang naghihintay ako sa sasabihin niya. "Wala po akong orasan," hindi kumukurap kong sagot. Bahagyang tumaas iyong kilay niya kaya napagtanto kong hindi iyon ang sagot na gusto niyang marinig. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot dahil hindi ko naman talaga alam. "Kayo po ang may suot na relos," nakanguso kong wika. Mukha pa namang mamahalin ang suot niya tapos sa'kin pa talaga magtatanong ng oras. "Halika ka rito," utos niya sa'kin. Napatayo naman ako mula sa kinauupuan at kiming lumapit sa kinaroroonan niya. Tahimik kong pinanood ang ginawa niyang paghubad sa suot niyang relos. Bago ko pa mahulaan kung bakit niya ginawa iyon ay inabot niya ang kaliwa kong pulsuhan at walang pasintabing sinuot doon ang hinubad niyang relos. Maluwag ito sa'kin kaya in-adjust niya pa para sumakto. "Ayan, sa'yo na iyan para mabantayan mo iyong oras nang pag-inom ko ng gamot," pahayag niya nang maayos ang pagkakasuot ng relos sa'kin. Kumibot-kibot ang nguso ko habang napamaang sa suot na panlalaking wristwatch. May gusto akong sabihin pero hindi ko mabuo-buo ang mga salita. "Medyo malaki para sa'yo pero iyan na muna ngayon," aniya. "Bibilhan na lang kita ng bago online." "Tyron, hindi ko po kailangan ito," bigla kong bulalas nang matagpuan ko na ang boses ko. "Kailangan mo iyan," kunot-noo niyang kontra. "Ang hindi mo kailangan ay ang laging nagp-po kapag kausap ako." "Pero amo ko po kayo," saad ko. "Hindi mo ako amo," hindi kumukurap niyang wika. "Si Mommy iyong may kagustuha n na magtrabaho ka sa'kin." "So, siya po ang magbibigay ng sweldo ko?" curious kong tanong. Hindi ko naitanong kay Nanay ang tungkol sa sahod dahil naisip ko na baka pabor lang ito na hiniling ni Ma'am Flor kapalit no'ng offer nitong pag-aralin ako sa kolehiyo. Pero nag-offer din naman si Tyron na pag-aralin ako, iyon nga lang nursing ang gusto nitong kukunin ko. Kaya siguro nursing dahil doktor siya! "Magkano ba ang gusto mong sahod?" tanong sa'kin ni Tyron na nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan. "Hindi ko po alam," totoo kong sagot. "Sa gusto lang pong ibigay ng mommy ninyo." "Kung ako ang magbibigay sa'yo, magkano ang gusto mo?" tanong niya sa'kin habang mataman akong tinitigan. "Magkano po ba ang kaya ni'yo?" balik-tanong ko. "Wala po kasi akong ideya tungkol diyan," kimi kong dugtong. Bakit ba siya iyong magbibigay, eh hindi naman siya ang amo ko. Sa kanya mismo nanggaling iyon. Bago pa siya makasagot ay may dumating na katulong. "Sir Tyron, nandiyan po si Miss Melissa," magalang nitong kausap kay Tyron. Nagtataka akong napatingin sa katulong dahil sa paggamit nito ng po habang kausap si Tyron at pagtawag nito ng sir sa kanya. May edad na si Ate pero hindi man lang siya pinagsabihan ni Tyron at mukhang okay lang sa kanya na tawaging gano'n at i-po. Ako lang ba ang hindi pwedeng gawin iyon sa kanya? May favoritism yata itong si Tyron at ako ang least favorite niya kaya daming pinagbabawal. "Sabihin mo, Manang Sol, na wala si Mommy ngayon," tugon ni Tyron sa katulong. Kababakasan nang bahagyang pagkairita ang mukha niya at hula ko ay dahil iyon sa nabanggit na bisitang dumating. "Sir, kayo po ang hinahanap at hindi si Ma'am Flor," sagot ng katulong. Hindi sumagot si Tyron sa halip ay bumaling sa'kin ang tingin niya kaya bigla tuloy akong napatuwid sa pagkakatayo. Mabilis kong iniwas ang mga mata mula sa kanya at kunwari ay sa katulong ako nakatingin, baka mamaya kasi niyan ay ako pa ang utusang magpalayas ng unwanted visitor na dumating. Nang tumuon din sa'kin ang tingin ni Manang Sol ay bigla akong nakaramdam nang pagkaasiwa kahit wala namang mali rito. Siguro ay nahuhulaan nito ang nasa isip ko. "Sabihin mo, Manang, na wala ako." Sabay kaming napalingon ni Manang kay Tyron dahil sa sinabi niya. Hindi pa man nakasagot si Manang Sol ay may panibagong katulong ang humagangos na dumating. "Sir Tyron, dumating po si Miss Gwen," anunsiyo nito. "Pati po si Miss Cecil!" Nagpalipat-lipat ako ng tingin kay Manang Sol at sa bagong dating na katulong dahil halata ang biglang pagiging tensiyunado ng mga ito. Bigla tuloy akong na-curios kung sino ang mga dumating na bisita. "Paano ba nila nalamang nandito ako?" tanong ni Tyron. Bahagya akong napapiksi dahil sa malinaw na iritasyon sa tono niya habang nagsasalita. "Never mind," napabuga ng hangin na pahayag ni Tyron nang walang makuhang sagot mula sa mga katulong. Hula ko ay may ideya na siya kung sino ang sagot sa sarili niyang tanong. "Papuntahin ni'yo rito," utos niya sa mga kausap. Agad namang umalis ang dalawang katulong upang sundin ang sinabi ni Tyron. Nang kaming dalawa na lang iyong naiwan ay hindi ko alam kung uupo ba ako o aalis na lang dahil may bisita siya. Nahigit ko ang hininga nang ang mga tingin namin. Makahulugan niya akong tiningnan at sinenyasang maupo sa katabi niyang upuan. "Doon na lang po ako," turo ko sa kinauupuan ko kanina na nasa kabilang mesa. May dalawang table set kasi rito sa garden at kanina ay roon ako nakaupo sa kabila bago niya ako pinalapit sa kanya. Mas malaki itong mesang kinaroroonan niya at may anim na upuan habang may kaliitan iyong isa pero mas komportable ako roon dahil malayo sa kanya. Pakiramdam ko kasi ay nay mali sa paghinga ko kapag nasa malapit siya. "Dito ka sa tabi ko," mahina pero pinal niyang pahayag na para bang wala akong karapatang tumanggi. Malapit na talagang bumingo sa'kin itong pagiging bossy niya pero dahil nga boss ko naman talaga siya—este, ang mommy niya pala ay nirendahan ko pa rin ang mataray kong pagkatao. Ito iyong natutunan ko sa training ko no'ng nagba-varsity pa ako, patience and self-control. Manatiling kalmado kahit na gustong-gusto ko nang manapak. Iniisip ko si Nanay at ang pagsasakripisyo nito. Hindi ko pwedeng sirain ang maganda niyang imahe sa mata ng kanyang mga amo kahit na nagpanting na ang tainga ko sa kaarogantehan nitong kaharap ko. Napilitan akong sundin ang kagustuhan ni Tyron at naupo sa tabi niya habang hinihintay namin ang mga dumating niyang bisita. "Gusto ni Mommy na mag-asawa na ako, at ang tatlong dumating na mga bisita ay iilan lang sa pwede kong pagpipilian." Maang akong napamulagat sa mukha niya matapos marinig ang kanyang sinabi. Ang dami niya palang choices! "May napili ka na ba?" wala sa sarili kong tanong. Parang gusto kong bawiin ang sinabi nang nilingon niya ako at muling naging sentro ng matiim niyang mga titig. Nagtunog tsismosa pa ako dahil sa pagtatanong ko gayong labas na naman ako sa kung anong nangyayari sa buhay niya. Kung gusto ng mommy niya na mag-asawa na siyavay sa pagitan nilang dalawa ang usaping iyon. Huwag na niya akong tingnan na para bang kailangan ko ring problemahin ang tungkol doon. Pero bakit habang sinasalubong ko ang mga titig niya ay nararamdaman ko ang palakas na palakas na pagkabog ng puso ko? Gustuhin ko man ay hindi ko mabawi-bawi ang sariling mga mata mula sa kanya. Parang may magnet na humihigop sa'kin papunta sa kanya. Sa sobrang kalituhan ko sa sariling nararamdaman ay napahigpit ang kapit ko sa gilid ng upuan. Nang bahagyang pumasada sa'kin ang nanunuot na tingin ni Tyron ay para akong kakapusin nang hininga. Wala naman siyang ginagawa pero natitilihan na ako deep inside. Wala na nga akong kagalaw-galaw mula sa kinauupuan dahil pakiramdam ko ay ipagkakanulo ko ang sarili kapag gagawin ko iyon, baka bigla ay may gagawin akong pareho naming ikagugulat. Bigla akong nagising mula sa parang pagkahipnotismo nang marinig ko ang papalapit na mga yabag mula sa mga hinihintay namin—siya lang pala iyong naghintay dahil mga bisita niya ang mga ito. Umayos ako sa pagkakaupo nang matanaw ko ang tatlong mga babaeng parang mga modelong hinugot sa isang fashion magazine na papalapit sa amin. Umawang ang bibig kong napatitig sa mga ito. Walang itulak-kabigin sa ganda ng tatlo. Parehong sopistikada at eleganteng kumilos. Ang gaganda, ang kikinis at halatang mayayaman. Pasimple kong pinasadahan ng tingin ang mga ayos nila. Ganitong mga babae siguro ang type ni Tyron. Sa totoo lang ay bagay nga sa kanya ang alin man sa mga ito. Nang pasimple kong sulyapan si Tyron ay mabilis akong nag-iwas ng tingin dahil nakasalubong ko ang mga mata nitong nakatitig sa'kin. Talo ko pa iyong magnanakaw na nahuli sa akto! Ibinalik ko na lang sa tatlong babae ang tingin ko nang tuluyang makalapit ang mga ito. Parehong may nakapaskil na matamis na ngiti sa labing mga ito habang diretsong nakatingin kay Tyron. "Tyron, narinig namin kay Tita Flor ang tungkol sa nangyari," nag-alalang bungad ng babaeng parang barbie ang ganda. Mestiza ito at halatang may lahi dahil sa tangos ng ilong nito at kulay ng mga mata. "Okay ka lang ba?" tanong naman no'ng pangalawa na hindi rin pahuhuli sa ka-sexy-han. Ang ganda ng hubog ng katawan nito, para sa'kin ay perfect ten ito! "I'm so worried about you, Tyron," sabat naman nang pangatlo. Para itong model sa shampoo, walang sabit ang tuwid na tuwid nitong buhok na parang sumasabay sa bawat galaw nito. Kung sakaling naging lalaki ako at ako ang nasa katayuan ni Tyron ay mahihirapan akong pumili kung sino sa tatlo ang papakasalan ko, lalo na kung ganda lang ang pagbabasehan. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ako babae kapag itatabi sa kanilang tatlo. "I'm okay, no need for your concerns." Naputol ang paglalakbay ng imahenasyon ko dahil sa malamig na tugon ni Tyron sa mga pag-aalala ng tatlong kaharap. Kung ako naman iyong isa sa mga babae ay matu-turn-off ako nang big time sa ugali ni Tyron. Hindi man lang nagpasalamat, sa halip ay nagtunog indifferent pa iyong naging sagot. Ako tuloy iyong parang nahiya para sa tatlong babae. Pero ang mas nakakagulat ay parang hindi man lang napansin ng mga ito ang kawalan nang gana ni Tyron na kausapin sila. Hindi nagbago ang matamis na pagkakangiti nila sa kanya. Ang gagandang mga manhid naman ng mga ito! "May kailangan ba kayo?" untag sa kanila ni Tyron dahil mukhang balak yata nilang tutunganga na lang sa kanyang harapan na parang nangangarap. Kahit magaganda sila ay parang ang creepy nga nang gano'n. Tutok na tutok lang sila kay Tyron na para bang wala silang ibang nakikita, pupusta ako na hindi napapansin ng mga ito ang presensya ko. Pwede pala akong maging invisible kapag katabi ko itong si Tyron. "Napadalaw lang ako dahil nag-alala ako sa'yo," malambing na sagot no'ng babaeng parang barbie. "Ewan ko lang sa iba riyan." Medyo nakaramdam ako nang pagkadismaya dahil minus points ito sa ugali nang umirap ito sa dalawang kasama. "Syempre nag-alala rin ako kay Tyron, kaya nga ako napasugod," sagot no'ng may coca-cola body. Kahit mahinhin ang pagsasalita nito ay bakas ang pagiging mataray. Paraan pa lang nito nang pagkakatingin doon sa mukhang barbie ay halatang palaban na ito. "Ako nga, kagagaling ko lang sa isang commitment ko pero dumiretso na agad ako rito dahil nag-alala ako," hindi nagpapatalong sagot no'ng isang may sunod sa galaw na buhok. "Baka pagod ka, dapat ay hindi ka na lang nag-abala," mapanuyang sabi rito no'ng mukhang barbie. Tuluyan na akong napangitan sa ugali nito kaya para sa akin ay erase na ito sa candidates na maging asawa ni Tyron. Sana ay mapansin din ni Tyron ang napapansin ko at hindi niya pagbabasehan ang hitsura nito. "As you can see, I'm doing okay," malamig na sansalan ni Tyron kaya hindi na naka-resbak iyong isa. "Pwede na kayong umalis." Napakurap-kurap ako dahil sa pasimple niyang pagtataboy sa tatlo. Maging ang mga ito ay mukhang nagulat din sa narinig. "At huwag nang bumalik," dugtong pa ni Tyron. Akmang aapila pa ang mga babae nang itaas ni Tyron ang kanang kamay upang pigilin ang mga ito. "Ayoko sa inyo," direktang pahayag ni Tyron. "Huwag ni'yo nang hintayin pang iisa-isahin ko ang mga dahilan." Walang nagawa ang tatlo kundi ay bagsak ang balikat na tumalikod at umalis habang ako naman ay naiwang windang sa pinakitang kagaspangan sa ugali ni Tyron. "Ayoko talaga sa mga pangit," bigla niyang bulalas nang tuluyang makaalis ang tatlong babae. Napalunok akong dahan-dahang lumingon sa kanya para lang makitang nakatingin siya sa'kin. Ako ba ang tinutukoy niyang pangit? Grabe naman! Nakaupo lang ako rito, nadamay pa sa panlalait niya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD