chapter 7

2117 Words
Pagkatapos nang tatlong bisita kahapon ay nasundan na naman ito ngayon. Ibang batch ng mga babae naman ang dumating. Pare-pareho lang kahapon na halatang gustong makuha ang atensiyon ni Tyron. Pati sa ganda ay parehong hindi pahuhuli sa bawat isa. Ewan ko kung bakit nagtitiyaga pa rin sila gayong napakagaspang nang pakikitungo sa kanila ni Tyron. Ni hindi nga ito nagpasalamat sa mga dala nilang pagkain at kung anu-ano pa para dito. "Nay, ganyan ba talaga ang ugali ni Sir Tyron?" tanong ko kay Nanay nang tumambay ako sa kusina habang kausap ni Tyron ang mga bisita nito. "Anong ugali?" natatawang sabat ni Manang Sol. "Siguro narinig mo siyang tinawag na pangit iyong mga bisita niya, 'no?" tanong naman no'ng medyo bata-bata pang katulong na pamangkin ni Manang Sol. Mukhang gawain nga talaga ni Tyron ang gano'n dahil halatang hindi na bago iyon sa mga tao rito sa bahay. "Ganyan talaga iyang si Tyron, pero mabait iyan," wika ni Nanay habang nagpatuloy sa ginagawa nila ni Ate Sol. Naglilista kasi sila ng mga kulang sa bahay dahil bukas na iyong araw ng panggo-grocery. Tinutulungan sila ni Ate Lucy na pamangkin ni Manang Sol, ito ang taga-check ng mga stock para malaman kung alin ang malapit nang ma-expire. Ako naman ay nakikigulo lang dahil tinakasan ko iyong amo namin. Ayokong maging audience sa kanila ng mga bisita niya kaya nag-excuse akong mag-CR pero babalik ako kapag makaalis na ang mga bisita. "Ikaw, Akira, hindi ka ba sasama bukas?" tanong sa'kin ni Ate Lucy. "Saan po, Ate?" balik-tanong ko. Magaan ang loob ko rito dahil kaedad ito ni Ate Mira. Kahit mabunganga ang kapatid kong iyon ay nami-miss ko na ito pati iyong mga pamangkin ko kahit ilang araw pa lang ako rito. Lagi nga akong nagbi-video call sa kanila tuwing gabi para kahit papaano ay mababawasan ang pangungulila ko. Noon ay si Nanay ang lagi kong nami-miss ngayon ay sila naman. Kailan kaya darating ang araw na magkasama-sama na kaming lahat? Iyong hindi na namin mami-miss ang bawat isa. "Sa mall, doon kami maggo-grocery," sagot ni Ate Lucy sa tanong. "Hindi riyan sa loob ng compound ha, dahil wala namang tindang gulay riyan at isda riyan." "Ano naman po ang gagawin ko roon?" nalilito kong tanong. "Bibili ng damit," anito. Sumulyap muna ako kay Nanay at Manang Sol na abala sa ginagawa bago binalingan ulit si Ate Lucy. "Hindi ko naman po kailangan bumili ng damit, marami pa ako niyon," sagot ko. "Pero wala na tayo sa probinsya ni'yo." Pumasada sa ayos ang tingin niya. "Huwag kang magagalit ha pero kung pagtatabihin tayo ay magmukha kang tiyahin ko kahit hamak na mas bata ka pa sa'kin. Manang na manang ang datingan mo." Mahina akong napahagikhik sa sinabi niya. Ganito ang suot ko dahil conservative si Ate Mira na siyang tagabili ng mga damit ko. Komportable naman kaya walang problema sa'kin. Kung nakita lang ni Ate Lucy ang suot ko tuwing may laban ang team namin sa volleyball ay tiyak hindi nito iisiping pang-probinsya pa iyon. "Tsaka, may deperensya ba ang mga mata mo?" tanong niya. "Wala ka namang suot na salamin kahapon pero bakit ngayon meron na?" "Fashion po ito sa probinsya namin!" nakangiti kong sagot. "Ang weird naman ng fashion ni'yo," nakangiwi niyang usal. "Dinagdagan iyong totoo mong edad." "Style po ito para magmukhang genius," nakangisi kong sagot. "Kapag suot ko ito, pakiramdam ko ang tali-talino ko, hindi halatang muntikan nang hindi maka-graduate." Napatawa na lang si Ate Lucy sa sinabi ko. Natigil kami sa pag-uusap nang tawagin kami ni Nanay at may pinaayos sa amin. Masaya naman pala ang pagtatrabaho rito sa bahay ng mga Ramirez dahil parang magkapamilya ang mga magkakasama sa trabaho. Magaan din iyong trabaho dahil nagtutulungan ang lahat. Masaya ako dahil napagtanto kong hindi naging gano'n kahirap para kay Nanay ang pagtatrabaho rito, at least kahit papaano ay naging mabuti naman ang kalagayan niya rito habang malayo sa amin. "Akira!" Nanigas ako at napalingon sa pintuan ng kusina nang marinig ang pagtawag sa'kin ni Tyron. "Puntahan mo na iyong amo mo, Neng," pabirong sabi sa'kin ni Ate Lucy. "Akira, may dinaramdam iyong tao, intindihin mo na lang iyong ugali," makahulugang bilin sa'kin ni Nanay. "Opo, Nay," masunurin kong sabi. Kung hindi lang araw-araw na pinapaalala sa'kin ni Nanay iyon ay malamang lumabas na iyong dugong mandirigma ko dahil hindi ko maintindihang ugali ni Tyron. Siguro ay kaya rin ako naging ganito ka-behave dahil nalilito ako sa sarili ko kapag kaharap ko na si Tyron, lagi akong kinakabahan na hindi ko maintindihan! "Akira!" Nang muli kong marinig ang pagtawag ni Tyron ay mabilis na akong tumayo at nagmamadaling nagpaalam sa kanila ni Nanay upang puntahan na ito. Sinundan ko lang kung saan nanggaling ang boses ni Tyron. Pagkarating ko sa porch kung nasaan siya ay naabutan ko siyang may kausap na babae na siguro ay kaedad lang niya. Hindi ito kasama roon sa mga bisita kanina kaya hula ko ay bago na naman ito. Napapansin ko ring hindi ito katulad no'ng iba na kuntodo pa-cute sa harapan ni Tyron dahil kasalukuyan itong nakasimangot at matalim ang tingin sa kanya. Pagkarating ko ay agad na dumako sa'kin ang tingin nito, at awtomatikong gumuhit ang totoong ngiti sa mga labi ng babae. "Hello, Akira," magiliw nitong bati sa'kin. Para akong namatanda sa ganda nito at idagdag pa ang maganda nitong ugali ay masasabi kong perfect choice ito kung sakaling pipili nang mapapangasawa si Tyron. Pero sa kabilang banda ay hindi nito deserve ang ugali ni Tyron kaya mas mabuting makahanap na lang ito ng iba. "Totoo ba ang sinasabi ni Tyron na hindi siya umalis ng bahay simula no'ng nakaraang araw?" malumanay na tanong sa'kin ng babae kabaliktaran sa matalim nitong sulyap kay Tyron. Hindi ko na ngang nagawang tumugon sa pagbati nito dahil na-starstruck ako sa ganda nito. Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang dalawa ni Tyron. Mukhang mali ang una kong inakala na kasama ang babaeng ito sa mga babaeng pagpipilian ni Tyron. Ngayon ko lang din napansin ang kulay ng mga mata nitong katulad na katulad kay Tyron. "Hapon na po no'ng dumating ako no'ng nakaraang araw," kumurap-kurap kong sagot. "Hindi po ako sigurado kung hindi ba siya umalis bago ako dumating pero kahapon po ay nandito lang po siya sa bahay." "Thank you, Akira," matamis ang pagkakangiting pasasalamat sa'kin ng babae. Biglang tumalim ang tingin nito nang bumaling ito kay Tyron. "Sinasabi ko na nga ba," nagtatagis ang bagang nitong usal. "Ibalik mo na sa'kin iyon! Wala ka namang mapapala roon! Diary ko iyon!" "Wala nga sa'kin," hindi tumitinag na sagot ni Tyron. "Anong wala?" singhal ng babae rito. "Ikaw lang iyong bukod-tanging walang hiyang nakikialam sa mga personal kong gamit! Pwede ba, medical books ang basahin mo at huwag ang diary ko!" Ewan ko pero biglang sumagi sa isip ko iyong librong binabasa kahapon ni Tyron. Ngayon ko lang naalalang kulay pink ang leather na pabalat nito. Sa kulay pa lang ay halatang hindi sa kanya iyon dahil kakaiba iyon sa mga librong nasa library niya. Iyon kaya ang tinutukoy ng babae? Nakakatuwa rin dahil hindi ito takot na sagot-sagutin si Tyron at pinagtaasan pa talaga nito ng boses. "Ang pangit mo talaga," panlalait ni Tyron dito. "At ang pangit ng sulat mo! Hindi ko nga naintindihan karamihan doon kaya kunin mo na iyon!" "Kita mo na! Umamin ka ring bulati ka!" nanggigigil na pahayag ng babae. "Saan mo nilagay?" Nagdadabog itong tumayo habang nanatili ang matalim na tingin kay Tyron. "Si Akira ang kukuha baka may pakikialaman ka pa roon," sagot ni Tyron. "Ganyan talaga ang hindi mapagkatiwalaan, wala ring tiwala," pasaring ng babae sa kanya. "Akira, kunin mo sa ibabaw ng mesa ko sa library iyong kulay pink na parang libro," utos sa'kin ni Tyron at hindi man lang pinansin ang sinabi ng babae. "Pagkatapos ay ibigay mo sa pangit na ito upang makalayas na ito rito sa bahay." "Naku! Kung hindi ka lang injured ay tinamaan ka na sa'kin!" nagtitimping saad ng babae. Inamba pa nito ang nakakuyom na kamao sa direksiyon ni Tyron. Papaalis na ako upang sunduin ang utos ni Tyron nang mahagip ng tingin ko ang mapang-asar niyang ngisi sa kaharap. Iniisip ko pa rin kung ano ang relasyon ng dalawa habang paakyat ako sa itaas. Hindi naman ito iyong kapatid na babae ni Tyron, siguro ay pinsan niya ito. Pagkarating ko sa loob ng silid na pakay ay agad kong nakita ang iniutos sa'kin. Kinuha ko ito at bumaba na agad. Nagsasagutan pa rin ang dalawa nang madatnan ko. Nakapamaywang na iyong babae sa harapan ni Tyron habang prenteng nakaupo ang huli at walang katinag-tinag na sinalubong ang galit na tingin ng kaharap. "Kapag ito talaga maulit, ubos iyang pinakamamahal mong mga chocolates!" "Iyan ang huwag na huwag mong gagawin, ipapa-photocopy ko iyang diary mo at ipamimigay sa mga pinsan natin," banta ni Tyron sa kaharap. "Isusumbong kita kay Ate Julie!" "Magsama-sama pa kayong mga pangit!" "N-nandito na po iyong inutos ni'yo," singit ko sa bangayan nila. Mabilis na lumapit sa'kin iyong babae kaya agad kong inabot dito ang dalang libro. Agad naman niya itong tinanggap at niyakap na para bang pinprotekrahan mula kay Tyron. "Pangit ka pa rin," sabi ni Tyron dito. Katakot-takot na irap ang iniwanan dito ng babae bago walang paalam na umalis. Hinatid ko pa ito nang tanaw hanggang sa makasakay ito sa sasakyan nitong nakaparada malapit sa malaking fountain sa gitna ng bakuran. "Hindi naman siya pangit," wala sa sarili kong usal habang nakatanaw sa papalayong sasakyan ng babae. "Maganda ba iyon?" tanong sa'kin ni Tyron. Tsaka ko lang napagtantong naisaboses ko pala iyong dapat ay sa isip ko lang sasabihin. "Hindi maganda pakinggan na sinasabihan mong pangit ang kahit na sino," hindi bakatiis kong pahayag. Hindi rason na injured siya para maging magaspang ang ugali niya. "Eh iyon ang tingin ko sa kanila," kibit-balikat niyang sagot. "Hindi ka rin naman kagwapuhan," bigla kong pahayag. Nalukot ang mukha niya at dumiin ang pagkakatitig sa'kin. "Paano mo nasabi iyan?" malamig niyang tanong. "Kaya nga ako napapangitan sa iba dahil alam ko sa sarili ko na gwapo ako." Seryosong-seryoso siya habang nagsasalita kaya hindi ko tuloy masabi kung nagyayabang lang ba siya o nagpapaliwanag. Habang naghihintay sa sagot ko ay hindi niya hinihiwalay sa'kin ang kanyang mga mata kaya hindi tuloy ako mapakali sa pagkakatayo. Talo ko pa ang kailangang idepensa ang kasinungalingan kong sinabi. Hindi naman kasi totoo na hindi siya kagwapuhan dahil siya talaga iyong literal na definition ng salitang iyon! Napilitan tuloy akong hanapan ng kapintasan ang mukha niya. Pero ang problema ay wala akong makita, kahit sana maliit na pimple ay wala, o 'di kaya kahit muta na lang! Dahil napakaperpekto ng mukha ay bumaba nag tingin ko sa katawan niya. Hanggang ngayon ay nasa isip ko pa rin kung gaano katigas iyong muscles niya no'ng bumagsak siya sa ibabaw ko. Pasimple kong kinurap ang mga mata upang maalis ang alaalang iyon sa isip ko. Bigla kasi ay bumibigat ang paghinga ko tuwing naalala ang pangyayaring iyon. Samu't saring mga emosyon ang agad kong nararamdaman tuwing bumabalik sa isip ko ang eksenang iyon! "Ano na?" untag sa'kin ni Tyron. Halatang nababagot na ito sa kakahintay sa sagot ko. Bakit ba kasi siya naghintay? Wala namang nag-utos sa kanya! "M-maputi ka lang naman!" kunwari ay balewala kong sabi. "At matangkad! Pero hindi ka gano'n kagwapo." Paninindigan ko na ang una kong pahayag, baka sakaling pati sarili ko ay makukumbinsi ko. Napaawang ang bibig niya habang hindi makapaniwalang nakatingin sa'kin. "Ayaw mo sa maputi." Hindi iyon tanong kundi ay statement na base sa sinabi ko ay iyon ang nabuo niyang konklusyon. "Hindi naman sa ayaw," mabilis kong paliwanag. "Kapag maputi kasi parang ang linis-linis tingnan no'ng lalaki." "Ano naman ang mali roon?" salubong ang kilay niyang tanong sa'kin. "Iyon nga ang mali, talo pa niya ang babae. Parang nakakaduda 'di ba?" medyo pabulong pa ang pagkakaranong ko. Ilang sandali pa muna bago niya na-gets ang ibig kong sabihin dahil biglang umasim ang hitsura niya. "You're being judgemental!" turan niya. "I'm not gay!" "Wala akong sinabing ganyan ka," maagap kong tugon. "Ang sabi ko lang ay parang nakakaduda. Hindi ko nilahat at lalong hindi ikaw iyon!" Nagtunog defensive iyong pagpapaliwanag ko kaya lalong sumama ang tingin niya sa'kin. "At hindi ka magagalit kung talagang hindi ka naman gano'n," mabilis kong dugtong. "Hindi na kita bibigyan ng chocolate," nandidilat niyang wika habang hindi nagbabago ang masamang tingin sa'kin. Gusto ko pa sanang sumagot pero pinili ko na lang manahimik at baka ano pa ang masabi ko na lalong ikagagalit niya. Hindi raw bakla pero halatang nanggigigil sa inis. Sayang naman kung magiging gano'n siya! Tiyak na ang daming babaeng iiyak!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD