KABANATA 2
MATAPOS ang pakikipag-usap ko ng masinsinan kay ama ay agad din naman akong bumalik sa aking silid. Binuksan ko ang bintana at tinalon ang bubungan upang doon pumuwesto.
Maganda kasing pagmasdan ang bilog na buwan dito sa aking kinaroroonan.
Marahan akong pumikit at nang magdilat ako'y alam kong nagbago na ang kulay ng aking mga mata. Mas lalong lumapit sa aking paningin ang bilog ng buwan.
Habang ninanamnam ko ang simoy ng hangin at ang liwanag ng buwan ay bigla naman akong nakarinig ng malakas na busina mula sa labas ng aming matayog na koral na gawa sa bakal.
Sinilip ko ang pinto sa ibaba at nakita kong lumabas si ama, kasunod nito si ina.
Pasimpleng ikinumpas ni ama ang kanyang mga daliri at nagawa niyang buksan ang tarangkahan nang hindi ito hinahawakan.
"Senyorito Steffano, magandang gabi po." "Memphis, anong sadya mo at gabing-gabi na'y naparito ka," wika ni ama.
Agad namang kumunot ang aking noo nang makilala ang kausap ni ama. Si ginoong Memphis, ang nag-iisang utusan ni ama na nagdadala ng mga dayuhan dito sa isla Bakunawa. Ano kaya ang ginagawa niya rito gayong nasa laot naman ito palagi at nagagawi lang dito kung may bago na naman siyang hatid na dayuhan.
"Pasensiya ka na senyorito Steffano. Gusto ko lang humingi ng despensa sa ginawang pagpasok ng anak ko sa bakuran ninyo," anang ginoong Memphis kay ama.
"Ang tinutukoy mo ba'y ang dalawang dayuhan na napadpad dito? Sino ang anak mo sa dalawa? Iyong matangkad ba?" wika naman ni ama.
Naghintay ako sa magiging sagot ni ginoong Memphis nang bigla na lamang may isa pang lalaking humarap kay ama.
"Papa, pumutok yata ang gulong sa likurang bahagi ng sasakyan natin," anito.
Umawang ang aking bibig. Siya ang lalaking nasugatan kanina sa burol.
"Bumati ka kay senyorito Steffano, Shanty," wika ni ginoong Memphis.
"Magandang gabi po," bati naman nito kay ama. Nakagat ko ang aking labi. Magandang lalaki ang anak ni ginoong Memphis at sa totoo lang ay ngayon ko lang nalaman na may anak pala ito.
"Magandang gabi rin," bati naman ni ama sa mga ito. Bahagya namang pumaling si ama.
Napaatras ako. Alam niyang nasa itaas ako. Diretso ako agad na umikot sa likod ng bahay at tumalon. Inayos ko pa ang aking suot na bestida. Lumakad ako at lumapit kay ina.
"May anak at asawa po pala si ginoong Memphis, ina?" tanong ko agad.
"Oo anak. Hindi lang ito talaga nagku- kuwento sa ilan niyang mga kakilala. Ang alam ko'y hiwalay na ito sa asawa at ang anak niyang si Shanty ay laking Maynila anak," paliwanag ni ina dahilan para mapatango naman ako.
Bumaling ako kay ama ngunit laking tigil ko nang magkasalubong ang mga mata namin ni Shanty. Tipid niya akong nginitian at nahihiya rin naman akong tumugon ng simple ngiti rito.
"Mukhang interesado ang dayuhan sa iyo anak ko," wika pa ni ina at biglang sinundot ang aking tagiliran.
"Nagkakamali ka ina," sagot ko pa kasabay nang pag-iling ng aking ulo.
Muli akong tumingin kina ama. Nakatitig pa rin ang binata sa akin at hindi ko maiwasang mailang.
"Tara na anak," wika ni ginoong Memphis. "Maraming salamat po senyorito Steffano,"
habol pa nito.
Ayaw naman akong lubuyan ng pagkakatitig ng anak ni ginoong Memphis. Hinila pa siya ng kanyang ama at tinapik ang kanyang kanang pisngi dahil sa pagkatulala. Natawa ako at nakagat ang aking labi.
Kumaway pa ito sa akin bago tuluyang nawala ang sasakyan nito. Bigla naman akong nilingon ni ama. Agad akong napatalikod at napangiwi. Lihim akong napatawa sa aking sarili.
Nang makapasok ako sa bahay namin ay biglang lumitaw si ama sa aking harapan. "A-ama?" utas ko.
"Hindi ko gusto ang pagtitig mo sa lalaking iyon," wika nito na agad din namang ikinayuko ng aking ulo.
"Lumayo ka sa kanya," anito at agad na sumunod kay ama. Laglag ang aking mga balikat at napabuga ng hangin.
Diresto ko na tinalon ang ika'lawang palapag kung saan naroon ang aking silid. Diretso ako agad na dumapa sa aking kama at napatihaya. Iniisip ko kung bakit kaya biglang nasabi ni ama sa akin iyon gayong kapag may lalaki naman akong nakakaharap ay hindi naman ganoon ang kanyang pagtrato.
Nakagat ko ang aking labi at inabala na lamang ang aking sarili sa pagbabasa ng mga nobela.
Kinabukasan, agad akong napababa sa aking kama nang marinig ko ang katok ni ina sa pinto ng aking silid, imbes na lumitaw sa harapan ni ina. Magugulatin kasi ito at ayaw ko namang mapagalitan ni ama.
"Anak ko, magandang umaga sa iyo," masiglang bati ni inang Catherine sa akin.
"Magandang umaga rin naman ina," bati ko pabalik. Agad kong nakita ang dala niyang mga bayong.
"Para saan po ang mga iyan?" tanong ko. "Maari bang samahan mo ako sa labas ng malaking bakod anak? Mamamalengke kasi ako ngayon. Darating ang ate Yana mo, pati na ang ate Angelika mo."
Napakurap ako. Hindi pa ako nakalalabas ng malaking bakod, kahit isang beses. Ngayon lang ito mangyayari.
"Pero hindi ako papayagan ni ama," sagot ko kay ina.
"Pumayag siya anak. Nagpaalam naman na ako sa kanya," sagot nito dahilan para mawala ang lungkot sa aking mukha.
"Totoo po!? Hindi po kayo nagbibiro?"
Agad naman itong umiling. Mabilis kong nayakap si ina.
"Sandaling bihis lang ito ina, teka..." Isang mabilis na pagkilos agad ang aking ginawa at sa isang iglap lang ay bumalik muli ako kay ina na nakabihis na.
"Ang ganda talaga ng anak ko," wika ni ina. "Binobola ninyo ako ina," sagot ko naman at kinuha ang dalang mga bayong ni ina.
Bumaba na kami at si ama agad ang sumalubong sa aming dalawa ni ina.
"Ingat ka mahal ko," wika ni ama at hinagkan si ina. Napangiti ako. Napakalambing talaga ni ama pagdating kay ina.
Ako naman ang hinagkan ni ama sa aking noo.
"Huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo ang iyong ina, Cereina..."
Napatango ako. Kinayag na ako ni ina pasakay sa aming antigong kalesa. Habang nasa biyahe ay sabik na sabik ako sa aking makikita at mararanasan ngayong araw.
"Anong mayroon sa labas ng bakod ina?" tanong ko habang may kislap sa aking mga mata.
"Magulo pero masaya. Maingay ang mga taga nayon, hindi katulad dito sa looban anak. At saka may perya," kuwento ni ina.
"Perya?"
"Oo," sagot nito.
"Ano po ang perya?" Bigla namang nawala ang ngiti ni ina sa kanyang mga labi at biglang nanubig ang kanyang mga mata. Nang mapansin niya ito'y agad din naman siya tumingala at suminghot. Kahit hindi sabihin ni ina sa akin ay ramdam ko ang matinding awa niya sa akin. Hindi ko rin naman siya mapipigilang makaramdam ng ganoon. Sa halos apat na daang taon kong nakakulong sa malaking bahay namin ay talagang hindi ko malalaman ang ganoong klaseng mga bagay. Alam ko ang mga salita. Hindi ako ganoon ka mangmang ngunit sa libro ko lamang nababasa ang mga iyon at kahit kailan ay hindi ko man lang naranasan. Ngayon pa lang ako magsisimula.
"Patawarin mo ako anak," wika ni ina. Agad kong hinaplos ang kanyang kanang kamay.
"Ayos lang ina, nasanay naman na ako." Maluha-luha naman siyang napatango.
Napangiti ako. Walang kupas ang ganda ni ina kahit ilang daang taon na ang lumipas. Para ko lang siyang kapatid kung ang pagbabasehan ang mga mata ng isang mortal.
"Hayaan mo't makikita mo mamaya ang perya," wika ni ina. Sabik na sabik din naman akong napatango.