KABANATA 3
NANG marating namin ang malaking bakod ay napatingala ako at sinukat ng aking mga mata kung gaano ito ka tayog. Sa kakayahan ko'y kaya ko itong talunin. Binuksan naman ang tarangkahan at agad din namang tumakbo ang kalesang sinasakyan namin. Natakpan ko ang aking mukha nang tumama sa aking mga mata ang sinag ng araw. Bahagya akong napapikit. Hindi naman masakit sa akin ang maarawan ngunit masakit ito sa aking mga mata.
Agad akong napayuko.
"Hindi ka ba nasanay sa matinding sikat ng araw anak ko?"
Bumaling ako kay ina.
"Medyo ina," sagot ko.
Nang mag-angat muli ako ng aking ulo ay ganoon na lang ang aking tuwa nang masaksihan ng aking mga mata ang mga taong abala sa kani- kanilang mga gawain. May nagbebenta ng mga kung ano-ano. Ni hindi ko alam kung ano ang tawag sa ilan sa mga ito.
"Sa palengke po tayo, 'di ba ina?" muling tanong ko.
"Oo anak, madadaanan natin ang perya." Isang masiglang ngiti lamang ang naging tugon ko kay ina.
Nang umabot kami malapit sa palengke ay agad nahagip ng mata ko ang isang kakaibang lugar. Maraming kulay at palamuti sa buong paligid.
Marami pang mga sasakyang gawa sa bakal ang gumagalaw at umiikot sa ere. May korteng bilog pa na para kang dadalhin sa itaas gamit ang sasakyang ito.
"Iyan ang perya anak," wika ni ina. Nakagat ko lamang ang aking labi dahil sa sobrang kasabikan ko. Tama si ina. Magulo at maraming tao ngunit sa nakikita ko naman ay masaya ang buong paligid.
"Gusto mo bang mamasyal?" tanong sa akin ni ina.
"Mamaya na lang po pagkatapos nating mamili ina. Walang magdadala ng mga bayong at isa pa'y mabigat na ang mga ito kapag nagkalaman na," sagot ko.
Muli ay matamis na ngiti ang itinugon ni ina sa akin.
Tinulungan ko si ina na mamili ng mga kailangan niyang sangkap sa mga putaheng lulutuin niya. Tuwang-tuwa ako sa nakikita kong makukulay na bagay at ganito pala kaingay ang palengke.
"Hindi ba mabigat anak?" baling ni ina sa akin.
"Po? Alin po ang mabigat?" taka kong tanong sabay pakita ng mga bayong kong hawak na punong-puno na. Bigla pa kaming pinagtinginan ng mga tao.
Narinig ko ang pinong pagtawa ni ina. "Minsan talaga ay nakakalimutan kong hindi ka pala normal," wika ni ina. Nginitian ko lang si ina.
"Dalhin mo na ang mga iyan sa kalesa anak at puwede ka nang pumunta sa perya. Heto ang pera. Magsaya ka habang nandito tayo, ngunit isang oras lang ang ibibigay ko sa iyo," anang ina. Agad na kumislap ang aking mga mata dahil sa aking narinig. Hinagkan ko si ina sa kanyang pisngi at kinuha ang perang nakalahad sa kanyang palad.
Agad na tinungo ko ang kalesa namin at agad na inilagay ang mga bayong na bitbit ko. Nang mailagay kong lahat ay sabik na sabik pa akong tumawid sa kalsada at tinungo ang hindi kalayuang perya. Kahit sabik na sabik akong subukan ang perya ay umakto pa rin akong isang normal na nilalang dahil kapag tinakbo ko ito'y baka magulat ko ang mga taong nakapalibot sa akin.
Nang umabot ako sa bukana ng perya ay nakagat ko ang aking labi at napatingala sa makukulay nitong mga palamuti.
"Papasok po ba kayo?" Agad na bumaba ang aking ulo sa isang matandang unanong kumausap sa akin.
"May babayaran po ba para makapasok?" tanong ko.
"Bente," sagot naman nito.
Agad kong ibinigay sa kanya ang bente at may itinatak naman siya sa aking kamay na hugis bilog na marka.
"Puwede ka nang pumasok," aniya.
Sa pagkasabik ko'y walang alinlangan din naman akong pumasok. Maraming tao kahit na maaga pa lamang. Lahat ng mga taong narito ay abala sa paglalaro ng kung ano-ano. May nakita rin akong mga nagsusugal. Pero isang laro ang umagaw sa aking atensyon. Ang paghagis ng bilog na bakal sa ulo ng mga bote. At agad kong naibigan ang kulay asul na paynetang magiging premyo kapag ako'y nanalo ng tatlong beses.
Agad akong lumapit at humugot ng pera sa aking bulsa ngunit agad akong natigilan nang may isa pang kamay ang biglang nag-abot sa lalaking nakatoka sa laro.
"Isa nga manong," wika nito. Agad na gumalaw ang aking leeg upang lingonin kung sino ang lalaking nakipag-unahan sa akin.
"Shanty," utas ko ngunit walang lumalabas na mga letra sa aking bibig.
Matamis niya akong nginitian at halos nawawala na ang kanyang mga mata. Umawang ang aking bibig ngunit agad ko rin naman itong itinikom at umatras ng konti upang makapagsimula na itong makapaglaro.
Hagis lamang siya nang hagis sa bilog na bakal na kanyang hawak at tyempong sa tatlong huling hagis niya'y napasok itong lahat. Nasabik ako sa aking nakita ngunit hindi ko ito ipinahalata.
"Iyong asul na payneta manong," ani Shanty. Nanlumo ako sa aking narinig. Iyon pa naman ang gusto kong premyo. Ngunit napangiti na lang din naman ako sa kawalan. Marahil ay ibibigay niya ito sa babaeng gusto niya. Nakatutuwa ang isang gaya niyang nilalang.
"Heto," aniya nang humarap sa akin.
Nagulat ako sa aking narinig.
"Para sa akin?" ulit ko pa dahil hindi ako makapaniwala sa aking narinig.
"Para talaga sa iyo iyan," aniya pa at matamis muli akong nginitian at nawala uli ang kanyang mapupungay na mga mata.
"Pero..."
Bigla niyang kinuha ang aking kanang kamay at inilagay sa aking palad ang asul na payneta.
"Bagay sa iyo ang payneta," aniya pa. "Ngunit paano ang babaeng pagbibigyan mo nito?" wika ko pa. Pino naman siyang tumawa, dahilan para kumunot ang aking noo.
"Wala akong ibang babaeng pagbibigyan Cereina, maliban sa iyo."
Umawang ang aking bibig sa pagkamangha. "Paano mo nalaman ang aking pangalan?"
taka kong tanong.
"Kay Papa, anak ka ng amo ni Papa, 'di ba? At nasabi niya rin sa akin na hindi ka lumalabas sa malaking bakod na 'yan. Sobrang tuwa ko nga nang makita kita rito."
Sobra niyang prangka. Iyon agad ang napansin ko. Masiyadong bukal sa loob niya ang magsabi ng kanyang mga nararamdaman.
"Ganyan ba kayong mga taga Maynila?
Masiyadong malahad pagdating sa totoong damdamin?" Ito naman ang nagsalubong ang mga kilay.
"Depende sa kaharap namin. At hindi ako nagsisinungaling Cereina. Paano mo nga pala nalaman na taga Maynila ako?"
"Nasabi lang din sa akin ni ina," sagot ko.
Tumango lamang din naman siya.
"Salamat sa payneta," wika ko at tipid siyang nginitian. Bigla naman siyang kinuha ang payneta sa akin at isinuksok sa nakapusod kong buhok. Pakiramdam ko'y biglang uminit ang aking mukha. Nakapagtataka.
Nang bumalik ito sa aking harapan ay bigla naman itong natigilan at para bang namangha ito.
"Namumula ang mga pisngi mo Cereina," aniya. Agad kong nasapo ang aking mukha.
"Nainitan lang ako," alanganin ko pang sagot dahil hindi ko alam kung bakit ako namumula. Kumikit-balikat naman ito.
"Gusto mo bang sumakay sa malaking barkong idinuduyan?" alok niya.