KABANATA 4

1139 Words
KABANATA 4 Nakagat ko ang aking labi. Nag-aalangan ako. Ngunit bago pa man ako makasagot ay bigla na lamang niya akong hinila papunta sa barkong sinasabi niya. Siya pa mismo ang nagbayad at hanggang ngayon ay hawak niya pa rin ang aking kaliwang kamay. At ayaw mawala ang tingin ko rito hanggang sa makasakay kami. Nang mapuna niya ang pagtitig ko sa aming magkadaop na kamay ay para siyang napasong binitiwan ako. "Matutuwa ka rito," aniya pa at muli akong nginitian. Tumango lamang ako. Nang magsimula nang umandar ang sinasakyan naming barko at napahiyaw pa ito sa sobrang sabik. Palakas nang palakas ang pagduyan ng barko at hindi ko maintindihan ang aking sarili. Aminado akong masaya ang sinasakyan namin ngunit parang mas umaalpas pa ang kasiyahan ko dahil sa nakikita kong sigla sa mukha ni Shanty. Buong pagduyan ng barko ay nakatuon lamang ang mga mata ko sa kanya. Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ako. Masayahin siyang tao at 'yon ang nakikita ko. NANG matapos ang pag-ugoy ng malaking duyan ay agad din naman kaming bumaba. Pasumandali pa akong tinitigan ni Shanty at bakas sa mukha niya ang biglang pag-aalala. "Bakit?" taka kong tanong. "Hindi ka ba masaya sa sinakyan natin?" Nagulat ako sa kanyang naging tanong. "M-masaya," hindi makatingin kong sagot sa kanya. "Ganoon ba? Nagtataka kasi ako, hindi ka man lang humiyaw at malalim ang iniisip mo." Namilog at napaatras ako sa sunod niyang ginawa nang salatin niya ang aking noo at leeg. Mariin akong napalunok. "Hindi ka naman nilalagnat at saka napakalamig mo Cereina," aniya. Tumikhim ako at agad itong tinalikuran. Kung alam lang nito, likas sa amin ang mukhang malamig na bangkay. "Lamigin talaga ako," sagot ko at humakbang ngunit bigla naman niyang hinila ang aking kamay dahilan para dumikit ako sa kanyang matipunong dibdib at mapakapit sa kuwelyo ng kanyang damit. Napakurap ako. Dinig na dinig ko ang malakas na pagtibok ng kanyang puso. Bigla niya naman akong nginitian at inalis ang ilang hibla ng aking buhok na humaharang sa aking paningin. "Mas lalo kang gumanda sa malapitan," utas niya dahilan para mapabitiw ako at mapaatras muli. "Kailangan ko na ang umuwi," wika ko at agad na humakbang palayo sa kanya. "Sandali Cereina!" habol nito sa akin. Mariin akong napapikit at nilingon ito. Tatlong dipa ang layo ko sa kanya. "Kailan kita ulit makikita rito?" sigaw nito upang marinig ko siya dahil sa maingay naming paligid. Ngunit kahit ibulong man niya sa hangin ay maririnig ko pa rin ang kanyang mga hinaing. "Hindi ko alam!" sigaw ko pabalik at lumakad na. Mabilis akong humakbang habang sapo ang aking dibdib. Bigla akong nakaramdam nang panghihina sa hindi mawaring kadahilanan. Mas binilisan ko pa ang aking mga hakbang hanggang sa marating ko ang kalesang pagmamay- ari namin. Agad kong nadatnan si inang Catherine na humihikab pa habang nagbabasa ng isang nobela. "Ina..." tawag ko at agad na sumakay. Umupo ako sa kanyang tabi. "Patawarin mo ako ina kung natagalan ako, hindi ko natingnan man lang ang suot kong relo," paumanhin ko kay ina. Bakas naman sa mukha nito ang pagtataka. Tumingin ito sa kanyang suot na relo. "Hindi pa naman lagpas sa taning ang ibinigay kong pamamasyal sa iyo anak," sagot nito dahilan para matigilan ako. "Po?" Hinaplos naman niya ang aking kanang pisngi. "Namumula ang iyong mga pisngi mahal ko.May nangyari bang maganda sa iyong pamamasyal sa perya?" nakangiting ani ni ina sa akin. Napangiti ako nang pumasok sa utak ko ang masayahing mukha ni Shanty. "Hmm, sa tingin ko'y mayroon nga. Hindi kita pipiliting magkuwento anak." Tipid lamang akong ngumiti kay ina. NANG makabalik kami sa aming tahanan ay agad ko rin namang tinulungan si ina sa kanyang mga pinamili. "Namasyal ka?" salubong sa akin ni ama. Muntik ko nang mabitiwan ang mga bayong. Tiningnan ko sa mata si ama. Alam niya ang aking ginagawa. Napayuko ako. "Steffano..." may tono nang pagbara sa boses ni ina. Laglag naman ang balikat ni ama at hinapit sa baywang si ina. "Huwag mong kinukunsinte ang anak natin," anito at inakay na ni ama si ina papasok sa loob ng bahay. Nasapo ko ang aking dibdib at nakagat ang aking labi. Malungkot akong napatungo. Kahit pa sabihing may konting kalaayan ako'y hindi pa rin ako makakatakas sa poder ni ama. Alam niya ang mga kilos ko. Kahit isipin ko pang hindi ko kasama si ama, alam kong nakatanaw siya sa akin mula sa malayo. Bumuntong-hininga ako at pumasok na sa loob. Diretso ako agad sa kusina upang ibigay kay inay Nely ang dala kong bayong. "'Nak? Malungkot ka yata," wika ni inay Nely. Agad akong napailing. "Inay, ang tagal niyo nang naninilbihan kay ama. Talaga bang alam niya ang lahat?" tanong ko at naghila ng upuan. Umupo ako rito. Tumabi naman sa akin si inay Nely. "Alam mo 'nak, hindi ko rin alam ang sagot. Ngunit sabihin na nating alam nga ng iyong ama ang lahat ngunit kahit pa alam niya'y hindi niya puwedeng suwayin si Luna. Matutupad ang lahat nang mangyayari sa hinaharap at walang sinuman ang makapipigil nito." Pinaglaruan ko ang aking mga daliri. "Tama kayo inay," sang-ayon ko na lamang. "Bukas darating ang mga tiyahin mo, kailangan huwag mong ipakita sa kanila na malungkot ka. Alam mo naman ang mga iyon," anito at hinaplos ang aking buhok. "Si Arthyseuos po ba?" pag-iiba ko ng aming usapan. "Abala pa iyon sa kanyang tungkulin. Huwag ka nang malungkot Cereina dahil habang nandito pa ako sa poder ng ama mo'y magiging karamay mo ako sa lahat. Sa susunod na buwan ay uuwi rin naman ako sa poder ng anak kong si Yana kaya habang malayo pa ang araw na iyon ay ikaw muna ang aalagaan ko ng husto," anito at pinisil ang tungki ng aking ilong. Agad naman akong napangiti sa kanyang sinabi. Tumayo ako at nagpaalam kay inay Nely. Umakyat ako sa aking silid at agad na humarap sa harapan ng salamin. Sinalat ng dalawa kong palad ang aking magkabilang pisngi. Namumula ang mga ito sa tuwing rumirehistro sa aking utak ang nakangiting mukha ni Shanty. Natampal ko ang aking noo at sinampal ang aking sarili upang mabalik ako sa aking katinuan. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Sa loob ng ilang daang taon ay hindi ko naranasan ang ganito. Nakagat ko ang aking labi. Hindi ako puwedeng umakto ng ganito. Malalagot ako kay ama kapag nagpatuloy ito. Hindi ko man alam kung anong nangyayari sa akin ngunit dapat ko itong iwaksi sa aking isipan. Tinanggal ko ang tali ng aking buhok ngunit ang payneta ang aking nahawakan. "Shanty..." sambit ko at nang matauhan ako'y agad kong natakpan ang aking bibig. Agad kong naitabi ang asul na payneta at umalis sa harapan ng salamin. "Ugh! Hibang ka na Cereina! Magtigil ka!" kastigo ko sa aking sarili. "Hindi ito maganda..." utas ko sa kawalan at napatitig sa kawalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD