Chapter 5

1892 Words
Lampas nang alas dose nang madaling araw ng makatulog siya pero awtomatiko pa rin siyang nagising ng alas tres. Nasanay lang siguro ang kanyang mga mata na gumising ng ganoong oras. Agad siyang umusal ng panalangin bilang pasasalamat sa Panginoon na binigyan pa siya ng panibagong araw para mabuhay. Pagkatapos ay inayos at itinupi niya ang kanyang pinaghigaan. Dahan-dahan siyang bumaba sa kama niya saka nagtuloy na sa banyo upang magbawas. Pagkalabas niya, agad siyang nagtimpla ng kape. Maya-maya ay nakita niyang lumabas na rin si Jona mula sa kwarto nila. Papikit-pikit pa itong naglalakad patungong banyo. "M-morning," pabulong nitong bati sa kanya pagkalabas nito. Umupo ito sa katapat niyang silya at tulad niya, nagtimpla na rin ito ng kape nito. "Ang sakit ng katawan ko," anito. "Kaya mo bang pumasok? Kung hindi, sasabihin ko na lang kay Ma'am Susan na masama ang pakiramdam mo," aniya. Nilapitan pa niya ito, sinalat ang leeg at noo nito. Good thing, hindi naman ito mainit. "Ano bang ginawa mo kahapon at nanakit ang katawan mo?" Nang mag-angat siya ng paningin, kita niya ang pamumula ng buomng mukha nito. Maya-maya ay nag-peace sign ito sa kanya. "Jona!" Hindi niya alam kung maiinis ba o matatawa sa itsura nito, eh! Hindi man kasi nito sabihin kung ano ang dahilan kung bakit nanakit ang katawan nito, alam na niya. Wala naman kasi itong inilihim sa kanya, eh. Kahit pa ang mga ginagawa nito at ng boyfriend nito to the point na siya na ang nahihiya. "Try mo na kasi," sambit nito, may pagkindat pa iyong kasama. Mabilis siyang umiling. "Ayoko!" "Masarap. Hahanap-hanapin mo lalo na kung magaling 'yong lalake-" "Jona! Diyos ko! Ang aga-aga, eh!" reklamo niya. Umirap ito sa kanya. "Bahala ka diyan! Baka pagka-isang araw, malaman kong ginagawa mo rin 'yon, ha?" "Hindi! Ayoko," mariin niyang tanggi. Kahit ano mang isip niya, parang hindi niya talaga kayang ibigay ang sarili sa isang lalake ng gano'n-gano'n na lamang. Pero palagi pa rin siyang nagdadasal na sana hindi siya subukin ng Panginoon. Paano kung dumating ang puntong magmahal siya at hindi niya makayanang paglabanan ang tukso ng makamundong pagnanasa? Nakakatakot. Pero sana nga ay huwang siyang subukin dahil bukod sa marami pa siyang plano para sa pamilya niya, gusto niyang ang lalakeng pakakasalan ang pag-aalayan niya ng kanyang sarili. "Sige, friend. Ikaw na si Santa Arabella." Inirapan niya lang ito bilang tugon. Maya-maya pa ay sabay silang napatingin nang umilaw ang cellphone niyang nasa ibabaw ng mesa. At dahil magkalapit lang sila ni Jona, kitang-kita nito kung sino ang nag-chat sa kanya. Agad niyang dinakma ang cellphone niya. "Ano?" sita niya sa kaibigan nang makita ang mapaglarong ngiti sa labi nito. "Kung maka-ano naman 'to! Saka bakit mukhang may itinatago ka diyan sa cellphone mo?" Naroon ang mapanuksong tingin ni Jona sa kanya. "Si Jace 'yong nag-chat 'di ba?" Panay ang iling niya. "Hindi! Namamalikmata ka lang." "Okey...sabi mo. Pero kita ko naman ang pangalan at profile pic no'ng nag-chat sa'yo, eh. Deny pa more!" Tukso ulit nito sa kanya. "Ewan ko sa'yo!" sambit niya sabay tayo saka nagbalik sa kwarto nila bitbit ang tasa niyang may lamang kape. Pagkaupo niya sa kanyang kama, bahagya niyang sinilip ang kanyang cellphone. Alas tres kinse, ang sabi ng oras. Pero alam naman niyang hindi talaga ang oras ang tinitingnan niya roon kundi ang chat na natanggap niya mula kay Jace. Excited lang? Oo, pero naroon din ang kaba na hindi niya alam kung bakit nararamdaman niya. Dinala pa niya ang isang palad sa tapat ng kanyang puso, God! Ramdam niya ang malakas at mabilis na pagtibok noon. "Good morning, love!" basa niya sa text nito. May nakakindat na emoji sa dulo ng message nito. "Hoy!" Mabilisan siyang nag-type ng reply dito. Tuluyang nagising ang kanyang diwa dahil sa chat nito, eh. Napapailing siya na natatawa pero aaminin niyang kinabahan siya. Kaba in a different way. Kilig ba ang tawag doon? "Try lang naman kung lulusot, love," reply nito. "My God, Jace! Agang-aga, lumalandi ka agad!" sagot naman niya. "Ikaw lang naman ang nilalandi ko." "Ewan ko sa'yo," sagot niya ulit. "Sige na. Kailangan ko nang maghanda para sa trabaho." "Sige...mag-iingat ka para sa 'kin, ha? Mamahalin pa kasi kita." "Buset!" mabilisan niyang tipa sa kanyang cellphone sabay send. Pagkatapos noon ay kinuha na niya ang kanyang tuwalya at maliit na basket kung saan nakalagay ang mga personal niyang gamit. Saka siya nagtungo ng banyo upang maligo na. Kailangan din niyang kalmahin ang sarili dahil sa mga panlalandi ni Jace sa kanya. God! Kakikilala lang nila pero kung makapagsalita ito, grabe! Ni hindi pa nga sila nagkikita ng personal pero parang madali lang para dito ang magsalita ng ganoon sa kanya. O, baka nama ganoon lang talaga ito sa lahat ng mga babae? Nang matapos siyang maligo, hindi na niya binuksan ang reply ni Jace sa kanya. Baka ma-temp pa siya na sagutin ang mga chat nito gayong hindi na nga niya mapigilan ang excitement habang ka-text ito, eh! Hinanap na lang niya ang numero ng kanyang nanay saka tinawagan iyon. "Hello, 'nay?" bati niya agad dito. "Hello? Hello 'nay?" "Hello 'nak? O?" sagot ng kanyang nanay. "Kumusta ka na diyan? Maayos ka lang ba, ha?" Napangiti siya. Sa tuwing tatawagan kasi niya ang kanyang nanay, palaging ganoon ang mga linyahan nito. Nai-imagine pa nga niya nag itsura nito habang nagsasalita. "Nanay, okey lang ho ako," sagot niya. Hawak naman ng kaliwang kamay niya ang isang tuwalya, pinatutuyo ang kanyang buhok. "Kayo ho ang kumusta diyan? Ang tatay ho?" "Ano ka ba namang bata ka! Bakit kami ang kukumustahin mo rito, eh, marami kami rito na nagtutulong-tulong samantalang ikaw ang mag-isa diyan! Papasok ka na ba?" "Maya-maya pa ho nang kaunti." "Lamnan mo naman ang sikmura mo bago ka pumasok, ha? Huwag mong masyadong tinitipid ang sarili mo." Isang malalim na buntung-hininga ang kanyang pinakawalan. Sa tuwing tatawag siya sa kanila, hindi talaga maaaring hindi siya umiyak. Miss na niya ang kanyang pamilya. Madalas niyang nakaka-usap ang kanyang nanay pero aminado siyang mas malapit talaga ang loob niya sa kanyang tatay. Sa totoo lang, malaking factor ang tatay niya kung bakit mas ginusto muna niyang makatulong sa pamilya. Bilang panganay sa kanilang magkakapatid, naging responsibilidad niyang alagaan ang kanyang mga nakababatang kapatid sa tuwing maghahanapbuhay ang kanilang mga magulang. Pati na rin sa mga gawaing bahay siya na ang gumagawa. Alam niya ang hirap at pagod ng kanyang nanay at tatay sa pagtratrabaho pero iba pa rin pala 'yong experience kapag nakita mo mismo kung paano maghanapbuhay ang mga magulang mo. Tandang-tanda niya ang araw na iyon, nasaksihan niya kung paano magtrabaho ang kanyang tatay sa palayan. Inulan na ito at inaraw ngunit hindi pa rin ito humihinto sa pagtatanim. Siguro nasa labing-limang taong gulang lang siya noon pero hanggang ngayon, tandang-tanda pa rin niya ang eksenang iyon. Bente sais na siya ngayon pero 'yong habag na naramdaman niya noong araw na iyon, siya pa rin niyan nararamdaman ngayon kapag naaalala ang eksenang iyon. Kahit pagod at hirap, hindi niya nakitaan ng pagrereklamo ang kanyang tatay bagkus palaging maaliwalas ang bukas ng mukha nito. Palagi rin itong nakangiti sa kanya. Kaya simula noon, ipinangako niyang gagawin niya ang lahat upang makatulong sa kanyang mga magulang. Batid naman ng Panginoon kung paano nag-uumapaw sa pagmamahal ang puso niya para sa kanyang pamilya. "Hello 'nak? Arabella, nandiyan ka pa ba?" Kung saan-saan na naman pala nakarating ang kanyang isipan. "Wala na yata," sambit ulit ng kanyang ina. "Nay..." "Akala ko wala ka na...okey ka lang ba?" Nahimigan niya ang pag-aalala sa boses nito. "Teka lang, bakita panay ang singhot mo? Umiiyak ka ba? Napano ka, ha? Arabella!" "Nanay naman!" reklamo niya. Sunod-sunod kasi ang mga tanong nito, hindi tuloy siya makasingit para sumagot. "Ano bang kasing nangyayari sa'yo? Naiyak ka ba?" "Wala ho...na-miss ko lang kayo," bulong niya. "Ang tatay ho pala?" "Para namang hindi mo kilala ang tatay mo!" ani ng kanyang ina. "Ilang minuto pa lang sigurong nakakaalis iyon nang tumawag ka. Malamang, pupuntahan na naman noon ang palayan. Lalo na ngayon na maliwanag ang buwan? Mas gusto noong magtrabaho kapag mga ganitong oras di ba? Mga alas siyete na rin ang balik noon pagkatapos magpastol ng kalabaw." Napangiti na lang siya. Noon pa man kasi, ganoon na ang routine ng tatay niya. Kahit anong oras na ito makatulog sa gabi, maaga pa rin itong nagigising. Tapos diretso na agad ng palayan o kaya sa taniman nila ng gulay sa likod bahay. Not like her na tulog is life. Kaya niyang hindi kumain kung ang kapalit naman noon ay mahaba at payapang tulog. "Ay siya, sabihin niyo na lang ho na tumawag ako. Huwag na ho kamong magpakapagod sa pagtratrabaho. Hinay-hinay lang ho." "Oo, 'nak, sasabihin ko. Ikaw din naman, huwag kang masyadong magpapakapagod sa trabaho. At kung hindi mo na kaya at gusto mo nang mag-aral, pwede ka ng umuwi rito sa atin." "Okey lang ako 'nay," sagot niya. "Saka na lang ho ang pag-aaral ko. Makapaghihintay naman ho iyon." Pero sa loob-loob niya, ilang beses na niyang gustong umuwi at samantalahin ang pag-aaral na sinasabi ng kanyang nanay at tatay. Ngunit kapag naaalala niya ang paghihirap nila noon na kahit ang pagkain nila sa araw-araw ay walang kasiguraduhan, parang hindi niya kayang iparanas ulit ang ganoong paghihirap sa kanyang mga kapatid. Oo, aaminin niyang may mga pagkakataong nahihiya siya at naiinggit doon sa mga kaklase niyang nagsisipag-aral na sa kolehiyo. Naturingan pa namang valedictorian siya pero heto lang ang inabot niya, tindera sa isang bakeshop. Oo nga at marangal ang kanyang trabaho pero hindi niya maiwasang mag-self pity minsan. Lalo na kapag nakikita niya ang iba't ibang school uniforms ng mga kaklase niya noong high school na naka-post sa Tikbook ng mga ito. Hindi niya mapigilang tanungin ang sarili kung ano kaya ang pakiramdam habang nakasuot ng uniform na 'yon at araw-araw pumapasok sa school. Kung mayaman lang siguro sila, hindi niya pro-problemahin ang kalagayan nila. Sa ngayon kasi, okey lang na mai-sakripisyo ang pangarap niya kung ang kapalit naman noon ay ang hindi pagkalam ng sikmura ng kanyang mga kapatid. "Hello 'nak? Nandiyan ka pa ba?" "Opo, 'nay," sagot niya. "Pero kailangan ko na rin pong magpaalam. Paki-kumusta na lamng po ako sa mga kapatid ko. Saka ang tatay ho..." "Sige 'nak. Mag-iingat ka palagi, ha? Ba-bye na." Natapos ang pag-uusap nilang mag-ina na halo ang emosyong kanyang nadarama. Masaya dahil nakausap niya ang kanyang nanay ngunit may lungkot din. Bigla niyang na-miss ang mga ito. Lalo na ang kanyang tatay. Dahil imbes na tulog pa ito sa mga oras na iyon, naroon na agad ito sa palayan. Nararamdaman niyang marahil ay nahihiya ito o nasasaktan na hindi nito maibigay sa kanilang magkakapatid ang buhay na pinangarap ng mga ito para sa kanila. Batid niyang hindi rin nito nagustuhan ang pagtigil niya ng pag-aaral ngunit wala naman itong magawa dahil hirap nga sila sa buhay. Kakausapin niya ito minsan, 'yong masinsinang usapan. Gusto niyang sabihin at iparamdam dito kung gaano niya ito kamahal. At hindi iyon magbabago. Gumuho man ang mundo o kung dumating man ang sandali na tuluyan na siyang kunin ng Panginoon, mananatili ang pagmamahal niya sa kanyang tatay. Kung pakiramdam man nito ay nagkulang ito sa kanilang magkakapatid, sa mga mata niya, sa kanyang puso at isipan, ang Tatay Mario niya ang pinakadakila sa lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD