Chapter 1

2028 Words
Ilang araw na siyang nakaluluwas ng Maynila ang dalaga ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin maibsan ang lungkot na kanyang nadarama. Sa bawat gabi na lang kasi, palagi siyang umiiyak dahil sa sobrang pangungulila niya sa kanyang pamilya. Oo, mahirap lang sila pero masaya naman sila. Dahil sa homesick kaya pinanghihinaan na siya ng loob at makailang beses niyang naisip na bumalik na lang ng Masbate. Ngunit kapag naaalala ang kalagayan nila sa probinsya, doon siya nabubuhayan ng loob kasabay ng panalangin na sana gabayan siya ni Lord dahil wala naman siyang ibang hangad kundi mapabuti ang kalagayan ng kanyang pamilya. Katulad ng mga nagdaang gabi, nakatulugan na lang niya ang pag-iyak. Nagising siya mga bandang alas tres dahil kailangan pa niyang maghanda para sa trabaho. Alas kwatro kasi ang bukas ng bakeshop na kanyang pinapasukan. Tulad ng nakagawian niya, isang taimtim na dasal muna ang kanyang inusal bago gumawa ng kung anuman. Pagkatapos noon ay niligpit niya ang kanyang tinulugan. Kasama niya roon si Jona na kasabayan niyang nag-umpisang magtrabaho roon. Galing naman ito ng Cagayan kung saan ang amo nilang babae ang nagsama rito papuntang Maynila. Madali niya itong nakagaanan ng loob dahil katulad niya, nagtratrabaho ito para sa pamilya nito. Marahil ay nauna na itong gumising sa kanya, maayos na kasi ang hinigaan nito nang silipin niya. Ito ang nasa bandang itaas ng double deck bed na tinutulugan nila. Buong akala niya ay naliligo na ang kaibigan ngunit naabutan niya ito sa labas ng banyo, panay ang hagikhik habang may kausap sa cellphone. Nagulat pa ito nang bahagya niyang tampalin ang pang-upo nito bago siya pumasok ng banyo upang umihi. "Sobra aga naman niyang katawagan mo!" bulong niya rito pagkalabas niya ng banyo. Pagkuwan ay nilagpasan niya ito at nagtungo sa kusina upang magkape. Naabutan niya roon si Manang Linda, ang mayordoma at katiwala ng amo nila. "Good morning, Manang Linda!" bati niya rito. "Good morning din, Ineng," tugon nitong may ngiti sa labi. "Magkape na kayo riyan. Aalis muna kami ni Larry para mamalengke." "Sige po, Manang. Mag-iingat po kayo." Pagkaalis ni Manang Fe,maya-maya, nakita niyang sumunod sa kanya si Jona saka nagtimpla rin ng kape nito. Umupo ito sa katapat niyang silya. "Ara, ibibigay ko ang number mo doon sa kaibigan ko, ha? Nakita niya kasi sa latest post ko na kasama kita-" "Tigilan mo 'ko, Jona, ha? Mahahampas talaga kita kapag ginawa mo 'yon," tutol niya sa gusto nito. Nagpalaman siya ng tinapay saka isinubo iyon sa bibig nito. "Kumain ka nga lang! Ang aga-aga kung ano-ano na agad ang pinaggagagawa mo! Teka nga lang, bagong gising ka ba o hindi ka talaga natulog?" Mukhang nasukol niya ito. Nagkunwari itong abala sa cellhone nito habang nagkakape. "Hindi maganda 'yang ginagawa mo, Jona," malumanay niyang sabi. "Akala ko ba para sa pamilya ang ginawa mong pagluwas at pagtratrabaho rito? Anong nangyayari sa'yo ngayon? Sa tingin mo, kapag nagkasakit ka at hindi makapagtrabaho, may maipadadala ka sa pamilya mo?" Hindi ito umimik ngunit nakita niya ang biglang paglungkot ng mukha nito. "Pwede kang magalit sa akin at sabihin mong wala akong pakialam sa buhay mo, pero ano pa't naging magkaibigan na tayo? Pareho ang intensyon natin ng pagluwas dito sa Maynila, 'yon ay ang makapagtrabaho at matulungan ang pamilya natin sa probinsya," pagpapatuloy pa niya. "Sori," pabulong nitong sambit saka inilagay na nito ang cellphone nito sa ibabaw ng mesa. Ginagap niya ang kamay nitong nakapatong sa ibaba ng mesa saka sa malumanay na boses ay nagsalita siya, "Wala kang dapat na ihingi ng sori, ang sa akin lang, pagpapaalala ng mga rason kung bakit tayo nandito. Hindi mo ba naiisip ang nanay at tatay mo? Ang mga kapatid mo?" Nakita niyang lalo itong nalungkot, naroon din ang pagsisisi sa mga mata nito. Tumayo ito pagkatapos ay tumabi sa kanya. "Mabuti na lang, naging friend kita," sambit nito saka humilig sa balikat niya. Siya naman ay ipinagpatuloy ang pag-inom ng kape. "Ngayon ka nakakaramdam ng antok, ano?" sambit niya nang makitang inaantok na si Jona habang nakahilig sa kanyang balikat. Bigla naman itong napatayo saka nagtuloy ng banyo. "Huwag ka ng maligo," pahabol niyang bilin dito. Naiwan siya roon habang inuubos ang kanyang kape. Hindi naman niya maiwasang magbalik tanaw noong mga panahong nasa Masbate pa siya. "Arabella Mercado Sandejas, Valedictorian!" ang masaya at puno nang pagmamalaking tawag ng kanilang punong-guro na si Gng. Teresita Porsia sa kanyang pangalan. Masigla siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuan ng banggitin ang kanyang pangalan. Hindi rin niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha lalo na at nakikita niya ang kasiyahan at pagmamalaki sa mukha ng kanyang nanay at tatay na sa wakas, may anak ding napatapos ang mga ito kahit na high school lamang. Pareho kasing elementary lang ang naabot ng kanyang mga magulang kaya alam niyang masaya ang mga ito sa kung anuman ang narating niya ngayon. Marahas niyang pinahid ang mga luha sa kanyang pisngi. Pilit pinapayapa ang sarili sa pamamagitan ng paghinga nang malalim, baka sakaling mabawasan ang bigat sa kanyang dibdib. Dahil kaakibat ng saya niya ngayon ay ang lungkot na sa kabila ng mataas na karangalang kanyang nakamit ay ang kaalamang hindi na niya maipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Determinado at buo ang loob niyang harapin ang anumang balakid makapag-kolehiyo lamang siya, pero hindi naman niya kayang makita na umiiyak at nagugutom ang kanyang mga nakababatang kapatid. Kaya siya na ang nagkusa na magsabi sa kanyang mga magulang na titigil muna siya sa pag-aaral upang magtrabaho. Tutal naman, uuwi ang kanyang Auntie Myra dahil naghahanap ito ng tao para sa bakeshop ng kaibigan nito sa Maynila kaya siya na ang nagprisenta. Alam niya nalungkot ang kanyang mga magulang pero buo na ang desisyon niyang magtrabaho sa Maynila. Lalo na at nahihirapan na ang kanyang tatay sa pagtratrabaho sa bukid. Nagkaka-edad na rin kasi ito. Katulad ng mga magulang niya, nalulungkot din siya dahil marami siyang mga pangarap sa buhay ngunit dahil sa kahirapan, nahihirapan siyang abutin ito. Naramdaman niya ang pagpisil ng kanyang nanay sa kanyang kamay. Kung saan-saan na pala napunta ang kanyang isipan. Nasa magkabila niyang gilid ang kanyang nanay at tatay nang umakyat siya ng entablado. Kung kanina ay may lungkot siyang nararamdaman, nawala lahat ng iyon ng makita niya ang kagalakan sa mukha ng kanyang tatay. Ang maningning nitong mga mata habang nakatingin sa kanya, na kahit may bahid ng mga luha ay nababanaag niyang ipinagmamalaki siya nito. Nang lingunin niya ang ina, ganoon din ang nakikita niya sa mga mata nito. Kaya ang lungkot na nasa kanyang dibdib kanina, nagkaroon ng determinasyon dahil sa nakikita niya sa mukha ng mga magulang. Kung hindi man niya maipagpatuloy ang pag-aaral ngayon, sisiguraduhin niyang gagawa siya ng paraan upang makabalik sa pag-aaral. Pero ngayon, nais muna niyang makatulong sa mga ito. "Congrats, anak! Proud na proud kami sa'yo," masiglang bati ng kanyang ina pagkababa nila ng stage. Niyakap naman siya ng kanyang tatay, sabay bumulong sa kanya, "Mahal na mahal kita, 'nak. Proud si Tatay sa'yo." Tuluyan na siyang napaiyak. Madalang niyang marinig ang mga salitang iyon sa tatay niya kaya walang pasidlan ang kanyang kasiyahan. Nang mga oras ding iyon, napagtanto niyang makakaya niyang gawin ang lahat para sa kanyang pamilya. Na nakahanda siyang gawin ang lahat maski isuko pa niya ang kanyang mga pangarap. May isang partikular na eksena sa buhay nila ang paulit-ulit ding bumabalik sa kanyang isipan habang narito na siya sa Maynila. Tandang-tanda niya ang araw na iyon. At hanggang ngayon, ang pait at lungkot na naramdaman niya noong mga oars na iyon, gano'n pa rin hanggang ngayon. "Ate, gutom na ako," ungot ng isa sa mga nakababata niyang kapatid na si Ashley. Parang hinahalukay ang sikmura niya ng marinig ang mga salitang iyon. Naglugaw lang kasi ang nanay niya kaninang umaga bago ito umalis. Pinaghati-hati niya iyon sa kanilang pitong magkakapatid. Lampas na kasi ng alas onse kaya malamang gutom na ang mga ito. Nang tingnan niya ang iba pa niyang kapatid, hindi man magsalita, alam niyang gutom na rin ang mga ito. Mamaya pang hapon pa kasi ang uwi ng kanilang mga magulang. Ang kanyang tatay, malamang pilit nitong tinatapos ang pakyaw nito sa pagtatanim ng palay para makakubra na ito samantalang ang kanyang nanay, nagpunta ng kabilang bayan upang ipagbili ang mga inani nitong gulayin sa kanilang likuran. "Ate, gutom na rin ako," sambit ni John. Ito ang sinundan ni Ashley. Parang gusto na niyang umiyak subalit alam niyang hindi siya dapat panghinaan ng loob. Ngayong wala ang kanilang mga magulang, sa kanya nakaatang ang responsiblidad bilang nakatatandang kapatid ng mga ito. "Sandali lang, ha? Gagawa ng paraan si Ate. Huwag na kayong umiyak, ha?" Pag-aalo niya sa mga ito. Pagkuwan ay nilingon niya si Marie, ang sumunod sa kanya. "Ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid natin, ha? Maghahanap lang ako ng pwede nating makain sa likod. "Oo, Ate," tugon nito. "Saan ka naman maghahanap ng makakain natin?" "Bahala na, Marie. Basta bantayan mo sila, ha?" Paalala niyang muli bago nagtungo sa kusina para kunin ang gulok ng kanyang tatay. Kahit natatakot ay tinungo niya ang taniman ng kanyang nanay. Kahit masukal ay naglakas-loob siyang pumunta. Balak niya kasing maghukay ng kamote na pwede niyang mailaga. Pagkarating niya, agad siyang naghukay. Nang masigurong kasya na sa kanila ang kanyang nahukay, namitas naman siya ng talbos na balak niyang gulayin, ka-partner ng nilagang kamote. Mga ilang metro na lang ang layo niya sa bahay nila nang mapahinto siya, sabay tanaw sa bahay nila na yari sa nipa at kawayan. Wala silang linya ng kuryente at ang pinagkukunan nila ng tubig ay sa balon. Isa sila roon sa mga itinuturing na indigent family dahil sa kahirapan ng pamumuhay. Gayon pa man, ni minsan hindi siya nahiya sa kalagayan nila. Oo, kinakapos minsan pero nakakaraos naman. Pero nitong nagkaisip na siya at nakapag-aral sa sekundarya, doon niya napagtanto ang paghihirap ng kanyang mga magulang. Doon siya natutong mangarap hindi lang para sa kanya kundi para na rin sa kanyang mga magulang at kapatid. "Ate! Ate!" pasigaw na tawag sa kanya ni Ashley. Napangiti na lang siya nang matanawan niya ang mga kapatid na nag-aabang sa kanilang tarangkahan. Kung alam lang ng mga ito kung ano ang kaya niyang gawin makita lang na busog at masaya ang mga ito. "Ay siya! Maligo muna kayo habang nagluluto ako," bilin niya sa mga ito. "Marie, asikasuhin mo si Ashley at Angelo, ha? Ayusin mo ang pagpapaligo sa dalawa." "Eh, Ate, wala nga tayong shampoo," ungot ni Marie. "Basta! Gamitin mo na lang 'yong safeguard na sabon diyan," tugon niya habang inihahanda naman ang ilalaga niyang kamote. "Bilisan niyo na. Saka 'yong mga marurumi nating damit, pagsama-samahin mo na rin para malabhan ko mamaya." "Sige, 'te." "Daniel! Roex!" tawag niya sa dalawang sumunod kay Marie. "Makikisuyo naman sa panggatong na sinibak ni Tatay. Pakisalansan na lang nang maayos sa ilalim ng abuhan, mukhang uulan na naman kasi, eh." "Oo, 'te," magkapanabay na sambit ng dalawa. Pagkatapos niyang magluto, inihanda niya ang nilagang kamote at pinakuluang talbos nito sa kanilang hapag-kainan. Salo-salo nilang kinain iyon. Nakakatuwa lang na makitang masaya ang kanyang kapatid sa pagkain na meron sa kanila. Lampas alas singko na nang hapon ng dumating ang kanilang nanay at tatay. Tuwang-tuwa sila dahil may bitbit ng isang sakong bigas ang kanyang tatay habang hindi naman makumahog ang kanyang ina sa bitbit nito. "Hoy! 'Yong imagination mo, kung saan-saan na nakakarating!" Panggugulat sa kanya ni Jona. Muntik na tuloy siyang mabilaukan. Bago pa man niya ito mahampas, nakatakbo na ito pabalik sa kwarto nila. Emote na emote pa naman siya tapos bigla siya nitong gugulatin? Nakakainis! Naligo na rin siya pagkatapos niyang magkape. Pagkatapos ay nagbihis na siya at naghanda para sa pagtratrabaho. Ngunit bago 'yon, saglit muna niyang pinasadahan ang cellphone na ibinigay ng amo nilang babae na si Ma'am Susan. Hindi naman literal na ibinigay dahil kahit second hand na iyon, nangako siyang huhulug-hulugan iyon. "Magandang umaga, binibini. Sana maging masaya at magaan ang araw mo ngayon. Nakuha ko nga pala ang number mo sa kaibigan kong si Jona. I'm Jace by the way." Mga katagang nabasa niya pagkatingin niya sa cellphone niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD