Chapter 2

1961 Words
"Friend, nag-text na ba sa'yo si Jace?" tanong ni Jona. "Nag-reply ka na ba?" Alas sais na nang umaga kaya abala sila sa bakeshop. Maya-maya't mayang may bumibili ka mula sa pandesal hanggang sa sa kung ano-anong mga tinapay na itinitinda nila. "Busy pa ako, Jona," sagot niya. Pagkuwan ay binalingan niya ang isang ale na bumibili ng pandesal. "Ate, ilan po?' "Fifty pesos 'neng," tugon nito sabay abot ng singkwenta sa kanya. "Saglit lang po, ate, ha?" Nagtungo siya sa kaliwang bahagi ng shop kung saan naroon ang isang malaking styro na naglalaman ng mga pandesal. Binuksan niya iyon saka naglagay ng bente singko pirasong pandesal sa supot na hawak-hawak niya. Isinarado niya ulit iyon nang maigi pagkatapos ay nilapitan ang ale na bumili sa kanya. "Ate, ito na po ang pandesal niyo," sambit niya saka abot ng supot sa ale. "Bili po kayo ulit," pahabol niyang sabi. Kaliwa't kanan ang naging customer nila hanggang alas otso ng umaga. Umaga pa lang ay lapot na lapot na siya. Hinila niya ang towel na nasa kanyang likod saka ipinamunas iyon sa kanyang mukha at leeg. Pagkatapos ay inilagay niya ulit iyon sa kanyang likod. "Sorry na, friend." Panay naman ang ungot ni Jona sa kanyang tabi. "Gusto lang naman kasing makipagkaibigan no'ng tao, eh." Inirapan niya ito. "Sabihin mo sa kanya, marami na akong kaibigan!" "Arte naman nito!" sambit nito sabay irap sa kanya. "Friend, hindi ka naman aasawahin agad noong tao, eh! Text-text lang naman kayo! O kaya, add mo na rin siya sa Tikbook para doon na lang kayo mag-usap. Sayang pa kasi pang-load mo kung sa text kayo mag-uusap." "Ayoko nga!" tanggi niya. "Bakit ko naman i-add 'yon sa Tikbook, eh, hindi naman kami magkakilala?" "Kaya mo nga i-add para magkakilala kayo di ba?" Talagang kahit kailan ay ayaw magpatalo ni Jona. "Ewan ko sa'yo!" sikmat niya rito. Inirapan lang siya nito. Pagkuwan ay binalingan nito ang isang customer nila. "Anong sa'yo, Kuya?" Narinig niyang tanong nito. "Kwarenta ngang Japanese bread," sagot ng lalake. "Wala ho kaming Japanesa bread." Nakita niya ang sinusupil na ngiti ng kaibigan. Itinuro ng lalake ang isang tinapay sabay sabi, "Ayan ang Japanese bread, o! Naturingang tindera ng tinapay pero hindi kilala kung ano ang Japanese bread! Walang hiya naman!" Kita niya ang pamumula ng mukha ni Jona ngunit pilit pa rin itong nagpakahinahon. Bahagya nitong inilapit ang mukha sa lalake saka pabulong ngunit madiing nagsalita, "Kuya, wala nga kaming Japanese bread! Kasi 'yang itinuturo mo, spanish bread 'yan! S-P-A-N-I-S-H bread, Kuya!" Napakamot sa ulo ang lalake sabay ngiti nang alanganin. "Sori, spanish bread nga pala 'yan." "Oo, Kuya. Matagal nang spanish bread ang tawag dito." Naroon pa rin ang gigil sa tinig ng kanyang kaibigan habang inilalagay sa isang supot ang biniling tinapay noong lalake. "Ayan, Kuya. Ito na ang Japanese bread mo," sambit nito sabay abot ng supot doon sa lalake. "Kaloka si kuya, ha! Gumagawa ng sarili niyang tawag sa tinapay." Naiiling na wika nito habang nakatanaw sa papalayong bulto ng lalakeng bumili. Dagli namang nagbago ang ekspresyon nito ng mukha ng bumaling sa kanya. Kunot-noo siya nitong tinitigan pagkuwan ay ngumiti ito nang nakakaloko. "Ngayon alam ko na kung bakit kinukulit ako ni Jace tungkol sa'yo," anito. "Ang ganda mo pala talaga. Parang pati ako nagiging pusong lalake na sa'yo, eh!" "Tigilan mo nga ako, Jona! May kasalanan ka pa nga sa 'kin, eh." Nilapitan niya ito saka pabirong kinurot sa tagiliran. "Bakit mo naman ibinigay ang number ko sa Jace na 'yon?" "Diyos ko naman, friend! Gusto ka lang namang makilala no'ng tao, eh," paliwanag nito. "Saka, hindi ko naman ipakikilala 'yong tao sa'yo kung alam kong masamang tao 'yon no!" "Ano pa nga ba ang magagawa ko kung naibigay mo na? Kita mong alas kwatro pa lang nang umaga noong mag-text sa akin kanina?" Napatalon si Jona sa tabi niya, abot tainga ang ngiti nito. "Anong text sa'yo? Nag-reply ka na ba? Ano? Ara, ano?" Bago pa man niya masagot ang mga tanong ni Jona, narinig niyang tumunog ulit ang cellphone niyang nasa kanyang bulsa. Pagtingin niya, number lang ang nakarehistro. Tanda niyang iyon din ang number na nag-text sa kanya kanina madaling araw. Binuksan niya ang text galing dito. "Binibini, isang reply naman diyan, o!" Mariin siyang napapikit nang malakas na tumili si Jona sa kanyang tabi. "Jona naman, eh!" sita niya rito. Pero sa totoo lang, kinakabahan siya na hindi niya mawari. Ang lakas nang kabog ng kanyang dibdib. "Nakakakilig lang kasi," anito. "Nai-imagine ko lang ang itsura ni Jace habang tinatawag ka niyang binibini. Ang sweet di ba?" "Sweet agad? Parang hindi naman," tanggi niya kunwari. "Sige, tanggi pa more! Baka sa isang araw makita kitang kilig na kilig, ha? Makikita mo..." Inirapan niya lang ito bilang tugon. Agad naman niyang hinarap ang ilang mamimili. Natutuwa siya dahil mukhang mabenta sila ngayong araw. Ilang cake rin ang naka-reserve ngayong araw tapos madami ulit nagpa-reserve kanina. Sa totoo lang naman kasi, masasarap at talagang mga bago ang itinitinda nilang mga tinapay. Bukod doon, kita naman sa buong paligid kung gaano kalinis. Maski nga sila may uniform na isinusuot. Naka-pants silang itim tapos ang pang-itaas ay polo shirt na puti na may tatlong pahalang na stripes nula sa kaliwang balikat hanggang sa kanang laylayan nito. Kulay berde iyon, kaparehas ng kulay ng logo ng bakeshop. May apron din silang suot at siyempre ang pinaka-importante sa lahat ay ang hairnet nila. Medyo nakahinga sila nang maluwag bandang alas onse na. Medyo walang gaanong bumubili sa mga oras na iyon hanggang mga ala una. Pero pagdating nang alas dos hanggang gabi na ulit ang pagdagsa ng mga mamimili. "Kain muna tayo," yaya ni Jona. "Wala namang gaanong tao, eh." "Anong ulam mo?" "Eh, 'di kung ano ang ulam mo!" Nagkatawanan na lang sila. Dahil sa totoo lang, magkapareho lang naman ang ulam nila. Hinati nila ang isang meatloaf! Ang walang kamatayang meatloaf...kung hindi man ay itlog o kaya ay hotdog minsan naman ay bologna. Kung may isa man silang pinakakasunduan, iyon ay ang pagiging matipid nila. Pero paminsan-minsan naman ay pinasasaya nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagbili ng mga pagkain na gusto nila. Pero kadalasan tuwing sahod lang nila. At iyon ay dalawang beses sa isang buwan lang kung mangyari! "Ako na," sambit niya nang marinig na may bumibili. Pagkabalik niya, agad siyang naupo upang tapusin na ang kanyang pagkain. Si Jona, nakita niyang patapos na kaya sa mga sumunod na bumili ay ito naman ang nagbenta. Pagkatapos niyang kumain, agad niyang inilagay ang kanyang baunan sa paper na lagayan noon saka nagpaalam sioya saglit kay Jona na iihi lag siya. Saktong kauupo lang niya sa trono nang marinig na tumunog ulit ang kanyang cellphone. Nang silipan niya kung kanino galing ang mensahe, kay Jace ulit. "Binibini," ang laman ng text nito. Nag-type siya ng sagot dito. Makulit na kasi, eh. "Busy pa po ako, eh. Mamayang four o'clock pa ang out ko," reply niya. Bago pa siya tuluyang makabalik sa trabaho, nakapag-reply ulit ito. "Salamat, binibini. Text na lang kita mamaya, ha? Ingat!" "Feeling close agad?" sambit niya sa sarili. Kinahapunan, agad siyang dumiretso sa apartment na tinutuluyan nila. Parang pagod na pagod kasi siya ngayong araw. Kinukulit nga siya ni Jona na sumama rito na magpunta ng mall pero tumanggi siya. Mas gusto niyang mahiga na lang at matulog. Kaya iyon ang ginawa niya pagkarating niya. Nagbihis lang siya pagkuwan ay dumiretso na siya ng higa. Nagising na lang siya dahil sa patuloy na pag-iingay ng kanyang cellphone. Basta na lang niyang hinagilap iyon sa kanyang tabi pagkatapos ay pilit sinisipat kung saan banda ang pipindutin niya para masagot ang tawag. Kagigising niya lang kasi kaya silaw pa siya sa liwanag na nanggagaling sa kanyang cellphone. Agad niyang itinapat ang cellphone sa kanyang tainga nang masigurong nasagot na niya ang tawag. "Hmm, hello? Sino 'to?" pabulong niyang tanong. Nanatili siyang nakapikit, hinihintay na sumagot kung sino man ang nasa kabilang linya. "Hello?" "Binibini." Siya naman ang hindi makasagot nang mapagtanto kung sino ang nasa kabilang linya. Biglang nagising ang kanyang diwa. Kasabay noon ay bigla siyang nahiya...kinabahan. Ewan! Bakit ba kasi hindi muna niya tiningnan kung sino ang tumatawag bago niya sinagot? "Please, huwag mong patayin ang tawag. Gusto lang naman kitang makilala, eh." Nanatili siyang walang imik. Pati nga yata ang huminga, nakalimutan na niya. Parang biglang nanlamig ang buo niyang katawan na hindi niya mawari. tapos ang t***k ng kanyang puso, malakas at mabilis. "Binibini," sambit ulit nito. "Bakit?" usal niya, na ewan niya kung umabot sa pandinig nito. Pero ito naman ang hindi nagsalita pagkatapos. Pero maya-maya lamang ay narinig niya ulit ang boses nito. "Galit ka ba?" Mababa ang boses nito ng magtanong, halatang nag-aalangan ang boses. "Bakit naman ako magagalit?" Mabuti na lang at nagawa niyang magsalita. Sa totoo lang kasi, sa sobrang kaba niya, hindi na niya alam kung ano ba ang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig. Para siyang lutang! Ramdam niya rin kasi ang malakas na pagtambol sa kanyang dibdib. "Dahil ibinigay ni Jona 'yong number mo sa akin," anito. "Hindi naman ako galit, eh," tugon niya. "Pero hindi mo sinasagot ang mga text ko." Siya lang ba pero pakiramdam niya nagtatampo ito base sa naririnig niya sa boses nito. "Busy nga ako." Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Pero naririnig niyang inaasar ito ng kung sinumang kasama nito. "Miss, I love you raw sabi ni Jace!" Narinig niyang sigaw ng kasama nito. "Kinikilig ang gago!" sambit naman ng isa, ibang boses naman. "Mga siraulong 'to! Tantanan niyo nga ako!" Narinig niyang reklamo nito. Pagkuwan ay narinig niya ang parang paglalakad nito kasunod noon ay ang pagsara ng pinto. "Pagpasensyahan mo na ang mga kaibigan ko, maloloko talaga ang mga 'yon," anito. Siya naman ay hindi makapagsalita. dahil sa totoo lang, hindi rin naman niya alam kung ano ang sasabihin. Dumapa siya sa maliit na papag na tinutulugan. May manipis na kutson iyon kaya kahit paano ay komportable ang higa kumpara noong nasa kanila pa sila. At ipinapangako niyang ibibili niya ang mga kapatid niya. Pasasaan ba at makakaipon din siya. Hinayaan niyang nakalubog ang kanyang kaliwang pisngi sa unan pagkatapos ay idinikit niya ang kanyang cellphone sa kanyang tainga. Hindi pa rin nagsasalita si jace sa kabilang linya, gano'n din naman siya. Mukhang nagpapakiramdam silang dalawa. "Binibini," "Hmm," tangi niyang sambit. Nagsisimula na naman kasing mamigat ang talukap ng kanyang mga mata. "Okey lang ba kung i-add din kita sa Tikbook?" Hindi na niya alam kung ano ang sumunod na nangyari dahil tuluyan na ulit siyang nakatulog. Nagising na lang siya nang dumating si Jona galing sa pamamasyal. Saka lang din niya naalala na tinulugan pala niya si Jace habang kausap niya ito kanina. Agad niyang hinanap ang kanyang cellphone at tiningnan kung may text ba o tawag siyang natanggap. Una niyang nabasa ay text galing sa kanyang nanay. Nangungumusta ito at pinaalalahanan siyang mag-ingat palagi. Ang mga sumunod na text ay galing na lahat kay Jace. “Add kita sa Tikbook, ha?” “Masaya akong nakausap kita kanina. Ang ganda ng boses mo.” “Tatawag ulit ako, ha?” Hindi niya maiwasang mapangiti. Bigla naman niyang nabitiwan ang kanyang cellphone nang makitang tumatawag ulit ito. Kinakabahan siya na nai-excite. Kung bakit, hindi rin niya alam. Basta may gano'ng epekto ang Jace na 'yon sa kanya. Maya-maya ay narinig niyang may pumasok na text. Nang tingnan niya, galing ulit dito ang mensahe. In fairness, madaming load pang-text. O, baka naka-unli text or call? “Kain tayo, binibini.” Lalo tuloy siyang hindi mapakali. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib ng bisitahin niya ang Tikbook account nito at makita ang mga mata nitong tila nakikipagtitigan sa kanya. Lord, why naman gano'n?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD