Abot langit ang ngiti ni Arabella ng lumapag ang eroplanong sinasakyan niya sa Ninoy Aquino International Airport. Sa wakas, natapos na naman ang dalawang taon niyang kontrata sa Dubai bilang isang domestic helper. Ramdam niya ang pananabik na makasamang muli ang kanyang mag-ama. Nai-imagine na niya ang itsura ng kanyang mag-ama ngayon pa lamang. Buong akala kasi ng mga ito ay sa susunod na taon pa siya makakauwi dahil pinag-extend siya ng kanyang amo. Mabuti na lang dahil mabait ang napuntahan niyang amo kaya pumayag itong sa susunod na lang niyang balik siya mag-i extend kaya heto siya, nasa bansang sinilangan muli.
Tanging ang matalik niyang kaibigan na si Jona ang nakakaalam na darating siya ngayon kaya ito ang napakiusapan niyang sumundo sa kanya sa airport.
"Mars, pwede bang bumili muna tayo ng pagkain? Baka wala tayong maabutang pagkain sa bahay eh," tanong niya kay Jona. Itinuro niya ang isang sikat na fast food na paborito rin ng kanyang anak.
Mabilisang sinulyapan ni Jona ang itinurong establishment ng kaibigan saka pabirong sumagot dito, "Siguraduhin mong pritong manok ang bibit mo palabas, ha? Baka mamaya, towel pala laman niyan!"
"Ikaw talaga!" Nailing na lang siya sa tinuran ng kaibigan. Niyaya niya itong samahan siya sa loob ngunit umayaw ito. O-order lang naman daw siya ng pagkain saka makiki-ihi kaya bakit daw sasama pa ito sa loob? Kanina pa rin naman nananakit ang puson niya kaya ng makapasok siya, una niyang pinuntahan ay ang comfort room ng mga babae. Nakahinga siya nang maluwag pagkatapos.
Pagkalabas niyang ng comfort room, nagtungo siya ng counter upang um-order. Habang hinihintay niyang dumating ang order niya, sinipat niya ang hawak na cellphone upang tingnan kung nag-reply na ang kanyang asawa pero hanggang ngayon wala pa rin siyang natatanggap na mensahe mula rito.
"Babe, mag-take out na lang tayo. Doon na lang tayo sa apartment ko dumiretso pagkatapos natin dito."
"Gusto mo na talagang umuwi, hmm? Pagkatapos natin dito, okey?"
Naagaw ang atensyon niya ng marinig ang pamilyar na boses na iyon. Awtomatikong napatingin siya sa magkapareha na nakapila rin sa gawing kaliwa niya.
Hindi siya pwedeng magkamali, boses ni Jace ang narinig niya. Si Jace na asawa niya.
Mataman lang siyang nakatingin sa dalawa, hindi alam kung ano ang kanyang gagawin. Basta ang alam niya, nasasaktan siya. Tila ba tinatarakan ng napakaraming punyal ang kanyang dibdib. Ang sakit na nararamdaman niya ng mga oras na iyon ay walang katumbas. Nararamdaman niyang nanginginig na ang buo niyang katawan. Hindi niya alam kung dahil sa sakit na nararamdaman o sa galit na unti-unting namumuo sa kanyang dibdib.
Gusto niyang mag-eskandalo. Gusto niyang saktan ang dalawa. Gusto niyang isumbat kay Jace ang panlolokong ginagawa nito. Gusto niyang saktan ang babaeng kasama nito. Gusto niyang hilahin ang buhok nito pagkatapos ay ilalampaso niya ang pagmumukha nito sa mga mesang naroon. Pero lahat ng iyon ay nanatili lamang sa kanyang isipan dahil hindi niya nga magawang igalaw ang katawan. Nakailang tawag pa nga ang staff sa kanya habang ini-aabot ang order niya.
Bago pa man siya tuluyang mag-break down sa loob, pinilit niya ang sariling maglakad papalabas. Muntik pa siyang mabuwal pagkalabas niya ng pinto. Kung paanong nakarating siya sa kotse ng kaibigan ay hindi niya alam.
"Mars, anong nangyari sa'yo?" tanong ni Jona sa kaibigan. Nabalot ng pag-aalala ang puso niya ng makitang hilam sa luha ang mukha ng kaibigan. Nang yakapin niya ito, ramdam niya ang panginginig ng buong katawan nito. "Mars, pinakakaba mo 'ko? Ano bang nangyayari sa'yo?"
"S-si Jace," sambit nito. Kasunod noon ay ang paghagugol nito ng iyak kasabay nang mahigpit nitong yakap sa kanya.
Hindi na nito kailangang magpaliwanag dahil ang lahat ng katanungan niya kung bakit ito umiiyak ng ganoon ay nasagot ng makitang niyang lumabas ang asawa nito sa naturang fast food habang may kasamang babae. Base sa nakikita niyang galaw ng dalawa, hindi simpleng magkakilala lang ang meron sa mga ito.
Humigpit ang yakap niya sa kaibigan at dasal niyang hindi ito lumingon para hindi na nito makita pa kung paanong naghalikan ang dalawa sa kanyang harapan. Pagkatapos noon ay sumakay na ang dalawa sa motor. Masama na kung masama ang kanyang isipan pero sino ba ang nakakaalam kung saan pwedeng humantong ang dalawang 'yon. Hindi siya ang asawa pero grabe na ang sakit at galit na nararamdamn niya, ano pa kaya para sa bestfriend niyang walang hinangad kundi mapabuti ang pamilya nito?
"Mars, huwag mong kalilimutan na nandito lang ako, ha? Kapag kailangan mo ng makakausap, alam mong narito lang ako, okey?" Pilit niyang inaalo ang kaibigan. Panay ang himas niya sa likod nito, umaasang kahit sa ganoong paraan ay mabawasan man lang ang sakit na nararamdaman nito.
"Mars, b-bakit nagawa ni J-Jace 'yon? Alam ko may mga pagkukulang ako bilang asawa niya pero sapat na ba 'yon para lokohin niya ako? Ibinigay ko naman ang lahat ng gusto niya, eh." Hindi maiwasang tanungin ni Arabella ang kanyang sarili kung saan ba siya nagkamali dahil pakiramdam niya, ginawa naman niya lahat. Pati ang halaga niya bilang babae at ina, unti-unti na niyang kinukuwestiyon ng mga oras na iyon.
"Hindi. Hindi mo pwedeng kuwestiyunin ang halaga mo dahil lang sa nagawa kang lokohin ng asawa mo." Mariing tanggi ni Jona. "Alam nating dalawa kung ano ang mga isinakripisyo mo mabigyan lang ng magandang buhay ang mag-ama mo, ngayon ka pa ba susuko? Please, Mars...magpakatatag ka. May Noah ka pa di ba?"
Pagkarinig niya sa pangalan ng anak, kahit paano ay nabuhayan siya ng loob. May anak pa nga lang siya na dapat isipin. Nang akayin siya ng kaibigan papasok sa kotse nito, hindi na siya tumanggi pa.
Habang nasa biyahe, maya't maya siyang natutulala. Ang kaninang excitement sa kanyang puso ay wala na. Ang naroon ay sakit at lungkot na. Kaya pala hindi ito nagre-reply sa kanya kanina kasi abala ito sa babae nito.
Marahas niyang pinahid ang luhang nagsimula na namang maglandas sa kanyang pisngi. Kahit kasi anong pigil niya, kusa iyong tumutulo. Subalit ng mapagtanto na malapit na siya sa bahay nila, pilit niyang inayos ang sarili. Ayaw naman niyang makita siya ng kanyang anak sa ganitong sitwasyon.
Dinukot niya ang bottled water sa kanyang bag saka uminom doon. Kahit paano ay medyo lumuwag ang kanyang dibdib. Sunod niyang inayos ay ang kanyang buhok. Sinuklay niya iyon gamit ang mga daliri saka ipinusod iyon. Kumuha siya ng tissue sa bag saka pinunasan ang luhaang mukha.
Ilang minuto ng nakahinto ang kotse ni Jona sa tapat ng bahay nila. Ilang buntung-hininga pa ang ginawa niya bago siya tuluyang lumabas ng kotse.
Kulang ang salitang gulat sa nakita niyang expression ng anak. Maya-maya pa, panay na ang iyak nito sabay salubong sa kanya.
"Mama! Mama ko!" panay ang sigaw nito kaya hindi nagtagal ay nagsilabasan na rin ang mga kapitbahay nila. Pati ang biyenan niya, napasugod sa labas ng marinig ang pagpalahaw ng apo.
Muntik pa siyang mabuwal ng dambahin siya ng anak. Isang mahigpit na yakap ang iginawad nito sa kanya kasabay ng mga hikbi nito na akala mo nagsusumbong.
"Na-miss kita, baby ko," bulong niya habang yakap ito.
"Mahal na mahal kita, Mama. Miss na miss na rin po kita, eh!" sambit ng anak habang nakayapos sa baywang niya.
"Arabella, ikaw ba talaga 'yan?" Maya-maya ay narinig niyang tanong ng kanyang biyenan. Halata rin ang katuwaan sa mukha nito. "Bakit hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka na pala?"
"Gusto ko pong surpresahin ang lahat," tugon niya. Ngunit mukhang ako ang na-surprise eh, sa loob-loob niya.
"Mabuti naman at nakarating ka ng ligtas. Salamat sa Diyos," sambit ng kanyang biyenan.
Kung may isa man siyang ipinagpapasalamat, iyon ay ang pagkakaroon niya ng biyenang kagaya ni Nanay Medy. Mabait at maalaga ito kahit noon pa man, mas lalo na ng dumating si Noah.
Halos magtatatlong-oras na siyang nasa bahay pero wala pa rin maski anino man lang ni Jace. Panay na rin ang tawag ni Nanay Medy sa numero nito ngunit hindi pa rin ito ma-contact. Nakauwi na rin ito lahat-lahat, wala pa rin ang asawa niya. Tanging si Joan na lang ang natirang kasama niya.
"Gusto mo bang samahan kita rito?" tanong ni Jona. Natatakot kasi siyang iwanan ang kaibigan eh.
"Okey lang ako, Mars," tugon ni Arabella. "Hindi mo na ako kailangang samahan pa. Saka, baka hinihintay ka na rin ng pamilya mo. Promise, okey lang ako."
Nang makaalis ang kaibigan, pinilit ni Arabella na kumilos upang ayusin ang mga gamit niya tutal hindi rin naman siya makakatulog nito. Nang matapos siya, lampas na ng alas dies. And still, hindi pa rin dumarating si Jace.
Umupo siya sa sofa, sumadal doon saka pumikit. Doon na lang niya hihintayin ang asawa. Maya-maya pa, narinig niyang may tumigil na motor sa harapan ng bahay nila. Kasunod noon ay ang pagbukas ng main door nila.
"L-love?" gulat na sambit ni Jace, bahagya pang nautal nang makita ang asawang nakaupo sa sofa.
"Saan ka galing?" tanong niya sa mababang tono.
"Nag-stroll lang," tugon nito. "Kasama ko ang mga kasamahan ko sa Riders Club."
"Sinungaling," mariing sambit niya, kasabay ng pagsilay ng mapait na ngiti sa kanyang labi.
"A-anong ibig mong sabihin? Talaga namang kasama ko ang mga tropa kong riders." Tinangkang magpaliwanag ni Jace sa asawa.
"Pwede kang magsinungaling sa ibang tao, pero hindi sa akin, Jace," naluluhang usal niya. "Kilalang-kilala kita. Bawat kurap ng mata mo, bawat kibot ng labi mo at bawat hininga mo, kilala ko kaya huwag na huwag kang magsisinungaling sa harapan ko dahil hindi ko bibilhin 'yang mga palusot mo."
"Ara-"
"Mamili ka, 'yong babaeng naka-angkas sa motor mo kanina o kaming mag-ina mo?" tanong niya kay Jace sabay hagis ng mga damit nitong basta na lang niyang inilagay sa isang eco bag.