Yenah
Gagawa raw kami ng kwentas na bulaklak sa araw na iyon sabi ng lola ko. Darating ang mga mayayamang tao sa lugar namin at kasama na roon ang mayor at ibang politiko ng bayan. Binibili ng aming kapitan ang mga ginawang bulaklak na kwentas para naman daw may pagkakakitaan kahit kaunti ang ibang mga taga-rito.
Anim na taong gulang pa ako. Matagal-tagal pa bago ako magsampu. Gusto ko na rin kasi sana na matulongan si Lola sa ibang trabaho kaya lang sabi niya bata pa ako. Hindi ko pa raw kaya ang mga gawain ng mga matatanda.
"Yenah, 'wag ka lumayo, ha. Baka pag tinawag kita para sa pananghalian 'di ka na naman makasagot dahil lumalayo ka na."
Tumango lang ako at ngumiti. Hawak-hawak ko sa kabilang kamay ko ang maliit kong aso na natagpuan ni Lola sa gilid ng kalsada. Baka raw inabandona ng may-ari sa hindi namin alam na dahilan. May tali sa leeg si Sham-sham dahil minsan mas kabisado niya pa ang daan kaysa sa'kin kaya lang madalas akong mapahamak kapag kasama ko siya.
Ibinaba ko si Sham-sham at agad itong nauna sa paglalakad habang hawak ko ang tali niya. Sumusunod lang ako sa kaniya. Sana lang alam ko kung saan pwede kumuha ng bulaklak para hindi lang si Lola ang mangunguha. At para rin sana mas marami ang maiipon naming bulaklak at nang makagawa ng mas maraming kwentas.
Kaya lang hindi kasi ako nakakakita. Dahil isa akong bulag. Simula pa raw noong isilang ako, bulag na raw talaga ako. Patay na ang mama ko, namatay siya dahil nag-bleeding noong manganak at sa kapabayaan daw ng nagpaanak. Nakakalungkot pero tapos na, sabi ni Lola hindi na raw maibabalik pa si Mama.
"Sham? Patungo na naman ba tayo sa batis?"tinatanong ko ang aso kahit alam kong hindi naman talaga nasagot. Siguro nakagawian ko na, wala kasi akong ibang makausap maliban kay Lola kaya pati aso kinakausap ko na.
"Di ba sabi ni Lola 'wag daw tayo roon? Sakop iyon ng ari-arian ng mga Rojo baka raw pagalitan tayo pag nahuli tayo doon."
Kaya lang hindi naman talaga siya nakikinig panay lang siya lakad na parang hindi ko siya kinakausap. Mukhang doon nga siya papunta dahil mukhang sumusukal ang damo sa banda doon. Dati na kaming nakarating doon at naaalala kong mataas ang mga damo madadaanan mo papunta doon. Hindi ko naman siya pwedeng bitiwan dahil baka hindi ko na siya mahanap at pareho kaming maligaw.
Nagpatianod lang ako sa paghila niya.
Miminsan lang naman daw ang mga Rojo diyan. Malaki raw ang bahay sa gitna ng malawak na hacienda pero mukha raw parating walang tao. Hindi ko pa nakikita talaga nakabase lang ako sa mga kwento ni Lola kung gaano raw kaganda ang malaking harden sa likuran ng Mansiyon. Napakalawak daw ng garden ng mga rosas. At iyong tinawag ni Lola na water Lily, iyong bulaklak na nakalutang sa tubig. Napakaganda raw niyon.
"Sana Sham, wala diyan ang mga Rojo. Patay talaga tayo."
Gustong-gusto kasi ni Sham-sham doon dahil iyong sapa napakaraming ibon doon iyong nangingitlog sa damo. Kinakain niya kasi ang itlog, pinipigilan ko siyang gawin iyon pero matigas talaga ang ulo.
"Sham!" Napasigaw ako nang bigla siyang bumwelo sa pagtakbo at nabitiwan ko siya.
Ang masama pa ay nahulog ako sa tubig. Mababaw lang naman pero maraming bato at matutulis ang mga bato roon.
Naramdaman kong kumirot ang kamay ko. Naituko ko kasi agad iyon sa mga bato.
"Sham!" Naiiyak kong tawag. Iniwan niya kasi ako agad doon. Ni hindi ko alam kung saan ako hahawak.
Basa na rin ang mahaba kong palda at ganoon rin ang damit ko. Nagsisi tuloy ako na sumunod ako kay Sham. Sana hindi na lang kami umalis. Sana doon na lang kami sa tabi ni Lola at sinamahan na lang siya sa pamimitas ng ligaw na bulaklak. Kung bakit kasi mas ginusto ko pang libangin si Sham. Kung bakit kasi mahal na mahal ko iyong aso ko.
Napasinghap ako nang may humawak na kamay sa braso ko at walang imik na tinulungan niya akong tumayo.
"Lola? Ikaw ba 'yan?" Agad kong kinapa ang hulma ng mukha niya. Kabisado ko kasi ang hulma ng mukha niya.
Magpapaliwanag sana ako kaya lang hindi kay Lola ang mukha na nakakapa ko ngayon. At isa pa ay mukhang matangkad rin siya, dapat doon pa lang nalaman ko nang hindi siya si Lola.
"S-Sino ka?"
Agad akong umatras. Sa totoo lang hindi ako sanay makihalubilo sa ibang tao. Wala naman silang sinabi na masasama ang mga nakatira sa labas ng kagubatan. Kaya lang inilayo ako ni Lola sa kanila para raw maiwasan ang pangungutya sa kapansanan ko.
Naalala kong lupa nga pala ito ng mga Rojo.
"I-Isa ka bang Rojo?"
"Bakit ka nandito?" Imbes na sagot ay ito ang ganti niyang sabi.
"D-Dinala ako ng aso ko dito. I-Iniwan niya ako. Hindi ko naman talaga balak na pumunta sa lupain ninyo,"nanginginig kong paliwanag. Pangalawang beses pa naman kaming nagpunta dito, at nagkataon na ito ang pinaka-malas.
"Kukuha ka ng mga prutas?"
Namilog ang mga mata ko sa narinig. Iniisip niya bang nandoon kami para magnakaw ng prutas? Naalala kong sinabi rin ni Lola na maraming prutas na tanim sa unahan ng harden ng mga rosas. Kung sana nakakakita ako, gusto ko sanang makita 'yon.
"H-Hindi 'yon ang pinunta namin dito!"depensa ko.
"Pero gusto mo?"
Natulala ako at napaisip. Tama naman siya. Gusto ko rin niyon kahit hindi naman talaga iyon ang sadya namin. Sabi ni Lola may apple, may mangga, at marami pang prutas mayroon ang taniman nila.
"O-Oo,"nahihiya na sagot ko.
Nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang braso ko at walang sabi na iginiya sa daan. Nagkakandarapa ako sa pagsunod sa kaniya, at may naalala.
"Si Sham!"
Huminto siya at narinig ko ang buntong hininga niya. "Ipapahanap ko siya sa mga tauhan namin."
"T-Talaga?!" Namamangha ako, lalo pa at may pwede siyang utusan. Ako sa bahay wala akong inuutusan, kumikilos ako ng sarili ko para hindi maabala si Lola.
"Let's go."
At mabilis na naman ang mga hakbang niya. Nagkandarapa na naman ako sa pagsunod sa kaniya. Mabilis ang mga hakbang niya at 'di ko masundan.
"S-Sa harden niyo ba tayo pupunta?"
Hindi siya nagsalita pero ayos lang sa'kin baka hindi lang niya narinig. Sumusunod lang ako sa kaniya pero hindi ako mapakali kaya nagtanong ako ulit.
"Ilang taon ka na po?"
"Eleven."
Namilog ang mata ko.
"Ako, sais pa lang ako! Gusto ko rin maging eleven,"excited kong sabi samantalang hindi pa rin siya nagmiminor sa paghakbang.
Dati kasi gusto ko maging sampu pero ngayon naisip ko mas maganda dagdagan na rin para siguradong hahayaan na ako ni Lola sa mga gawaing bahay. Bata pa raw ako bawal pa ako sa mga gawaing bahay na madalas niyang ginagawa.
"Maliban sa maging eleven ano pa ang gusto mo?"
Napaisip ako sa tanong niya.
"Iyong kalaro,"sagot ko. Kaya lang napansin ko na humigpit ang hawak niya sa kamay ko.
"Kalaro?"
"Oo!" Ngumiti ako.
Ngayon huminto na siya at naramdaman ko ang titig niya.
"Ako, gusto mo ba akong maging kalaro?"
Napangiti ako. Mukhang mabait naman siya dahil tinulongan niya ako sa batis kanina. Pero sigurado ba talaga siya diyan?
"O-Oo." Nahihiya kong sagot.
Sabi niya dadalhin niya raw ako sa kwarto niya. Sabi niya marami raw siyang mga laruan doon. Hindi ko alam kung bakit pero parang may pinagtataguan ang mga kilos namin dahil panay siya tago at takbo. Nalilito na rin ako kung saan kami dumaan.
Tapos tumigil lang kami sa pagtakbo at pagtatago nang makarating kami sa sinasabi niya.
"Ito na ba iyon?"nagtataka kong tanong. Ang lamig ng kwarto niya tapos sobrang tahimik.
Narinig kong nagsara ang pintuan. Mukhang sinara niya iyon.
"W-Wala ka bang kasama dito?"
Panay ang kapa ko sa paligid. Hindi ko mapigilan na hindi mamangha sa mga nahahawakan ko. Iyong mga gamit dito, walang ganito sa amin.
"Wala."
Nagulat ako nang malaman na malapit na siya sa likuran ko nang magsalita siya.
"Hindi na ako mag-iisa ngayon,"aniya.
Napangiti ako at bumaling sa kaniya. Tumango ako.
"Nandito na ako." Proud kong sabi.
"Oo..." Mahina ang pagkakasabi niya.
Hindi kami naglaro lang totoong nagluto talaga siya. Namangha ako na napakarami niyang nalalaman samantalang ako halos hindi ako pinapayagan ng Lola ko na magsaing kasi baka raw matutong o masunog iyong kusina.
Kaya lang sana nakikita ko ang mga ginagawa niya. Hanggang tikim lang ako at hawak, hindi ko makita kung anong kulay at hugis ang mga niluluto niya. Pero masarap, at iyon pa lang ang unang beses na nakatikim ako ng ganoon.
"Syrup,"aniya at dumaiti ang daliri niya sa gilid ng bibig ko at tila may pinapahid doon.
"Madalas ka ba gumawa po nito?"
"Yes."
Napangiti ako. "Gusto ko rin matuto!"
"Ituturo ko sa'yo,"aniya sa kalmadong boses hindi tulad ko na hyper.
Napagod kami kalaunan at nakatulog kaming dalawa sa malambot niyang higaan.
"Malamig,"reklamo ko. Hinawakan ko ang kamay niya dahil doon ko lang nararamdaman ang init na gusto ko.
Ilang saglit ay naramdaman ko ang katawan niyang nakalapit na sa akin niyayakap ako mga braso niya. Doon lamang ako naging komportable.
"Hindi ka na uuwi."
Narinig ko 'yon sa kaniya bago ako gupuin ng antok. Kaya lang wala na sa akin iyon dahil mas importante sa'kin ang makatulog ngayon.
...
Naalimpungatan ako nang may marinig na pag-uusap. Hindi na malimig ang paligid, hindi na rin malambot ang hinihigaan ko.
"Pasensya na po Mrs. Rojo."
"Hanggang ngayon nagwawala pa rin si Asmodeus nang kuhanin namin ang apo niyo sa tabi niya. Hindi niya matanggap na iuuwi namin ang batang iyan dito."
"H-Hindi ko po alam ang mga nangyari, Ma'am. Naghanap din po kami, nababaliw na rin ako kakaisip kung nasaan ang apo ko. At salamat at naibalik ninyo."
"Sana hindi na ito maulit pa, hindi niyo alam kung ano ang pwedeng gawin ng anak kong iyon,"aning boses ng babae na hindi pamilyar sa akin.
"Pasensya na po sa abala."
....
Kinaumagahan ay tila isang panaginip lang ang nangyari. Kung 'di ko lang naamoy sa kamay ko ang cake na niluto ng batang iyon ay sasabihin ko na talagang nanaginip lang ako.
Ang nakakalungkot lang ay ang sinabi ni Lola kinaumagahan.
"Hindi ka na lalabas ng bahay simula ngayon."
Napaisip ako. Naalala ko na naman ang batang lalaki na nagdala sa'kin sa silid niya. Hindi na mauulit iyon? Hindi niya na ako matuturuang gumawa ng cake. Sayang.