HOME DEPARTMENT
"Sino bang nagpatawag sa akin? May kasalanan ba ako?" tanong ko kay Kulot na kasabay kong naglalakad patungong Home Department.
Tumingala ako sa kanya dahil may katangkaran siya.
Pogi naman talaga si Zayn. Oo, siya si Zayn Nerlens. Moreno. Mahahaba at makakapal ang pilik-mata niya. Matangos ang ilong at maganda rin ang katawan. Hindi ako sigurado kung anong lahi ang mayroon siya dahil napakatahimik niya at ayon sa mga naririnig ko ay ayaw ni Zayn na tinatanong ang tungkol sa pamilya niya, lalong-lalo na ang tungkol sa kanyang ama.
Napapaisip tuloy ako na baka may galit siya sa ama niya?
Palagi din siyang binubuyo ng mga kababaihan na sumali sa modeling sa tuwing mayroon kaming events pero ewan ko ba sa kanya kung bakit ayaw niya. Napaka-isnabero kasi niya.
Inaasar ko lang naman si Chelle kanina dahil deads na deads siya sa lalaking ito.
"Anak daw ng may-ari ng store eh," sagot niya habang nakatuon lang ang paningin niya sa aming nilalakaran.
Napakunot naman ang noo ko at napaisip. Kung may-ari ng store 'yon, bakit ako ang hinahanap niya? Anong kailangan niya sa akin? Hindi kaya nagkamali lang ng ipinatawag o kaya ay nabingi lang itong si Kulot?
"Teka, babae ba o lalaki 'yong anak ng may-ari? B-Bakit ako? Sigurado ka bang ako ang ipinapatawag? B-Baka nagkamali ka lang," sunod-sunod kong tanong sa kanya. Ngunit sa dami ng tanong ko ay tanging kibit-balikat lang ang isinagot niya sa akin.
Tsk. Ang sarap mong kasama.
Dalawang escalator ang aming sinakyan paitaas dahil nasa fourth floor ang Home Department. Nasa third floor naman ang Ladies Wear at Kids Wear. Nasa second floor naman ang Men's Wear at sa first floor naman matatagpuan ang mga skincare products, cosmetics at mga kung ano-ano pa.
Pagsampa namin sa fourth floor ay madadaanan muna namin ang curtains section at hindi nakaligtas sa akin ang paghabol ng tingin ni Kulot kay Mia na kapwa din namin salesclerk. Si Mia din naman ay nakatingin sa kanya at sabay silang nagngitian sa isa't isa.
Hmmnn...fishy-fishy. Kawawa naman si salagubang Chelle ko.
Maganda din naman si Mia. Actually lahat naman talaga dito ay may mga hitsura dahil nga sa propesyon namin. Hehehe. Propesyon. Pinaganda ko lang ang term para naman sosyal.
"Ayon si Sir." Biglang tumuro si Zayn sa lugar kung saan naroroon ang cashier.
Isang matangkad na lalaki ang nakita kong nakatayo doon ngunit nakatalikod sa gawi namin at nakaharap naman siya sa dalawang manager ng Home Department. Halatang kinikilig at nangungutitap ang mga mata ng dalawang manager sa lalaking kausap nila, gano'n din ang mga cashier na nasa counter.
Napakunot-noo naman ako dahil parang pamilyar sa akin ang likod ng lalaki.
"Okay, sige. Thanks," sabi ko naman kay Zayn na kaagad ding tumango sa akin at nagtungo na sa assigned area niya. Sa living room section siya kung saan mga sofa at kung ano-ano pang mga gamit sa living room ang hawak nila.
Nasa tabi naman nila ang bedroom section kung saan naririto sa malapit ang cashier at naririto rin ang nagpatawag sa akin.
Kaagad na akong naglakad palapit sa kanila.
"Good morning, Ma'am," nakangiti kong bati sa mga manager na kaagad ding lumingon sa akin at nagsitanguan. Mga bata pa din naman ang mga manager dito. Mga nasa edad thirty pataas.
"Narito na po siya, Sir," sabi ni ma'am manager na may halong pagpapa-cute kay Sir na nakatalikod pa rin sa akin at anak daw nitong Mall na pinagtatrabahuhan namin.
"Good morning po, Si--" Naputol ang pagbati ko nang bigla siyang humarap sa akin.
Dahan-dahang nawala ang ngiti sa mga labi ko hanggang sa mapatulala na ako sa pagtitig sa lalaking anak daw ng may-ari nitong Mall ngunit...bakit nagnanakaw siya ng phone sa taong ipinanganak na mahirap?
Baka naman nagkakamali lang sila.
"Bibili si Sir ng bed para sa condo niya. Ang gusto niya ay 'yong magaling pumili kaya huwag mo kaming ipapahiya kay Sir, ha? Ibigay mo sa kanya 'yong pinaka-the best sa lahat," sabi ni ma'am manager sa akin ngunit maya't maya ang pagsulyap niya kay kuyang pogi na magnanakaw ng phone ko, na anak daw ng may-ari nitong Mall.
Eh bakit ako? Anong alam ko sa pagpili ng mga kama, eh katre nga lang na matigas pa ang higaan namin ni Mama eh. At saka, sapatos ang hawak ko na malayong-malayo sa kama! Mayroon namang salesclerk na talagang naka-assign dito.
Gusto ko sanang magreklamo at tumanggi ngunit 'yon ang number one na hindi namin pwedeng gawin lalo na sa customer at customer din ang nag-request. Baka ipatawag ako nito sa H.R at ipatanggal ako sa trabaho!
Tumango na lang ako dahil wala din naman akong magagawa. "Sige po, Ma'am."
Nilingon ko si kuyang poging magnanakaw ng phone ko at naka-plaster ang nakakaloko niyang ngiti sa mga labi niyang minsan ko nang natikman.
Teka, natikman? Natikman ko na ang labi ng anak ng may-ari nitong Mall. Samakatuwid, boss ko siya. My God! Bigla akong napaiwas ng tingin kasabay nang pag-iinit ng pisngi ko.
Narinig ko naman ang mahinang tunog nang pagtawa niya. Kung wala lang dito ang mga manager na ito ay malamang kanina ko pa siya binigyan ng matalim na tingin. Kahit pa ba boss siya, wala akong pakialam!
"Siya na po ang bahala sa inyo, Sir. Maiwan na po namin kayo. If you still need anything, we're just here at the cashier counter," magalang na sabi ng mga manager sa magnanakaw ng phone na ito.
"Thanks," sagot naman ni kuyang pogi ngunit nasa akin lamang ang paningin niya.
Tumalikod na ang dalawang manager kaya't kaming dalawa na lamang ang naiwan.
Gusto kong bumuga ng malakas na hangin dahil sa malakas na kabog ng dibdib ko. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Makakasama ko na naman siya at hindi ko alam kung paano ang tamang pagpili ng kama!
Ano ba namang kamalasan ng buhay kong ito? Baka kapag hindi siya na-satisfy sa pag-assist ko sa kanya ay bigla siyang mag-complain sa customers service! Sasapakin ko na talaga siya!
"Ahm...okay, Sir. A-Ano po bang klaseng bed ang gusto niyo? Anong style po and anong size?" Sinimulan ko nang magtanong sa kanya kahit parang may mga kabayong nagkakarerahan sa dibdib ko.
Ngunit nanatili lamang siyang nakatitig sa akin ng matagal at nararamdaman ko rin ang mga mata ng mga kapwa ko salesclerk sa buong Home Department.
Ano ba?! Para akong maiihi!
Lumipas ang ilang sandali bago siya nagsalita.
"I like King size. 'Yong kahit gumulong kami ng partner ko, siguradong hindi kami mahuhulog," sabi niya habang taimtim na nakatitig sa akin.
Pwede naman sigurong sa kama na lang siya tumingin no?! Para makapili siya ng maayos!
"Ahm...sige po. Dito po tayo, Sir." Nauna ko nang pinuntahan ang isang napakalaking kama na nasa may dulong bahagi. Ramdam ko naman ang pagsunod niya sa aking likuran.
Naririto ang mga salesclerk na siyang naka-assign sa mga kama na ito at mga nakatunghay lang sa amin habang hindi magkaintindihan kung paano titigan ang lalaking nasa likuran ko. Mga kinikilig at namumula ang mga pisngi nila bukod pa sa mga blush on nilang makakapal.
Bakit kasi ako pa ang tinawag niya? Wala naman akong alam dito eh. Hindi kaya nananadya ang lalaking ito?
"Heto po, Sir ang king size. Gusto niyo po ba 'yong makapal or manipis lang na foam? Uratex po ito. Pang matagalan po talaga siya." Nabasa ko lang sa papel na nasa loob ng plastic na nakabalot sa foam ang pangalang Uratex. Pinilit kong maging kalmado upang maging maayos ang pagde-demo ko sa kanya.
"Can you sit there para makita ko kung gaano siya kaganda at kung babagay? At kung gaano siya lulubog kapag kaming dalawa na ang nakahiga dyan," sabi niya habang nasa akin pa rin ang paningin niya at ni hindi man lang niya sinulyapan ang kama!
Pero teka, bakit ako pa ang uupo? Pwede naman siya para ma-try niya!
"A-Ako po, Sir?" nakatangang tanong ko pa rin sa kanya.
"Yes."
Lihim akong nagngitngit ngunit wala din naman akong choice kundi ang sundin siya. Customers are always right. Naririnig ko ang mga mahihinang bulungan sa paligid ngunit hindi ko sila pinansin.
Dahan-dahan akong umupo sa gilid ng kama. Paano ba umupo dito ng tama, eh matigas na katre nga lang ang higaan ko kaya wala pa akong experience sa ganito!
Pang-dalagang Pilipina ang upo ko dahil naka-pencil skirt ako. Alangan naman bumukaka ako dito?! Hindi naman gaanong lumubog ang pang-upo ko sa foam. Bakit kaya? Foam ba talaga ito? Bakit parang ang tigas?
"Okay na po ba, Sir? Matigas po siya. Hindi po basta lulubog...kayo ng partner niyo," nakangiti ko pa ring sabi sa kanya.
Tila amused naman siyang nakatitig sa akin kasabay nang pagpwesto niya sa dulong bahagi ng kama kung saan ang paahan. Naririnig ko sa paligid ang mga mahihinang tili ng mga kerengkeng kong ka-trabaho at pagtaguktok ng mga takong nila sa sahig.
"Can you sit in the middle?"
Muli na naman akong napatanga sa sinabi niya. "S-Sa g-gitna po?"
"Yeah."
What the hell? Ano bang gusto ng lalaking ito? Baka makitaan ako. Naka-skirt nga lang ako!
"Last na. I just want to see the view." Muling sumilay ang nakakaloko niyang ngiti. Siguro ay napansin na niya ang pag-aalinlangan ko.
Malapit na akong manggigil pero sinunod ko pa rin siya. Mahaba naman ang pasensiya ko sa mga ganitong customer na makukulit.
Dahan-dahan akong umusod patungo sa gitna. Hindi ko alam kung paano ang style nang pag-upo ko doon. Tinakpan ko ang laylayang gitna ng skirt ko. Sheyt! Ang sarap humiga sa ganitong kama. Mag-iipon nga ako para mabilhan ko si mama ng ganito para hindi na sasakit ang likod niya sa higaan namin.
Kunsabagay, sanay na kami pero bibilhan ko pa rin siya.
"O-Okay na po ba, Sir?" alanganin ko nang tanong sa kanya.
Hiyang-hiya na ako dito! Nakatingin na silang lahat sa akin. Nasa gitna lang naman ako ng King size bed! Sana kainin na lang ako dito ng kama at ilubog sa ilalim at hindi na ilabas kahit kailan!
"See? The bed is even better," sabi niya kasabay nang pagtukod ng mga palad niya sa dulong bahagi ng kama at nakangiting nakatitig sa akin."Lalo na siguro kung ang gagamit niyan...ay tayong dalawa," bulong niya sa huli na ikinatulala ko.
K-Kaming dalawa?
Nagwala ng sobra ang dibdib ko at pakiramdam ko ay sasabog na ang pisngi ko dahil sa sobrang pamumula nito.