Chapter 2: Fragments

2189 Words
"I am no earthling I am no alien I am thee bound of good and evil I am no hell nor heaven But I guarantee sufferings and everlasting life..." - Vampires **** Eve Si Prinsesa Aleyago ay ang kauna-unahang bampira o Zasek sa kasaysayan ng mundong ito. Panahon iyon ng malawakang pagbaha nang matuklasan ng isang tao ang halimaw na si Aleyago. Wala siyang ibang ninais noon kundi ang matanggap ng mga nakapaligid sa kanya. Nang lumakas ang kanyang kapangyarihan ay naghanap siya ng kanyang mga magiging kasama sa pakikidigma laban sa mga Rayka. Ang kanyang ginagawang mga bampira ay ang mga tao na hindi na maaaring mamuhay sa sibil na paraan. Naging iba ang naging pananaw ng prinsesa habang tumatagal ang panahon. Napagtanto niya ang kahalagahan ng buhay para sa mga mortal kung kaya't nabuo niya ang isang kasunduan na hindi na muling papatay o iinom ng dugo mula sa mga tao. Natutong uminom si Aleyago at ang kanyang iba pang kasamahan ng dugo ng mga hayop sa kagubatan. Hindi na niya inasam pang inumin ang dugong magsasalba lamang sa kanyang pagkauhaw at buhay, sa halip, proteksyon ang kanyang iginawad sa mga tao laban sa mga halab na mga Rayka. Limang Zasek ang umanib sa kanyang prinsipyo na sila Ariadne, Galilee, Meden, Fabian, at Matheus Ursues. Mula sila sa pagiging tao na hindi na maaaring makapamuhay sa sibil na paraan na sinalinan ng dugo ni Aleyago upang maprotektahan ang mga tao sa mundo mula sa mga Rayka. Nang mapaslang ni Aleyago si Zailo Hiroino, nagkasundo silang anim na hindi na muling papaslang at iinom ng dugo ng mga mortal ang mga tulad nila. Ginutom nila ang kanilang mga sarili at sila'y naghanap ng panibagong sisidlan na muling magpapasilang sa kanilang kaluluwa sa ibang katauhan. Ang prosesong ito ay tinatawag na Porlomolla o ang pagsasalin-silang ng mga bampira sa ibang katawan. Maisisilang silang muli sa ibang katawan ng mga mortal at magiging bampira. Sa pamamagitan nito'y maipagpapatuloy nila ang pagprotekta sa mga mortal. **** Osaka, Japan Naging tahimik ang paligid bago lumapag ang mga paa ko sa lupa nang hindi nawawalan ng balanse. Mula kasi sa helicopter ay bumulusok lang kami mula sa low altitude. Nagsisunuran naman ang mga ka-team ko na nakasuot din ng protective gears. Pasikat na ang araw nang makalapag kami. Ang helicopter ng Valkyrie ay umagat na't umalis sa lugar na iyon. Ibinaling ko ang aking leeg sa kanan at kaliwa at tumunog iyon. Seryoso akong nakatingin nang diretso sa isang bakanteng lote sa harapan ko at itinutok ang automatic gun sa kawalan. Sumilip ako gamit ang kaliwa kong mata habang inilapit ang mukha ko sa likod ng baril. Dahan-dahan kaming papasok sa isang paaralan. Dito ang unang ulat na may nawawalang estudyante na hinihinalang kinuha ng mga taga-BLA. Ang pangalan niya ay Mara Sachiwara. Isang Senior High School student sa eskwelahang ito. Mas nauna siyang nawala kaysa kay Ranny. At base sa mga lugar na naiulat sa team namin, ang BLA ay kumikilos pa-Timog-Silangan. Mukhang puntirya na talaga nilang pumunta sa border ng Red Line at Black Line para iparating ang mensahe sa mga bampira. Anong balak nilang iparating? Hanggang ngayon kasi ay malabo pa rin ang pakay ng mga Bernardine. Alam nilang hindi sapat ang dami nila upang mapuksa nilang lahat ang mga bampira. Napatunayan na iyan noong bago pa itatag ang Line Treaty na imposibleng manalo ang mga Bernardine sa populasyon ng mga bampira ngayon. Mas naging agresibo na ang lipi namin simula nang dumami ang populasyon ng mga  Vaz Dracula sa mundo. Dahil dito ay hindi magiging madali para sa mga tao ang naisin kaming lipunin. Hindi ako naniniwalang ang pagkawala lang namin ang nais nilang mangyari. Mas may malalim pa silang dahilan upang gawin ito sa mga estudyante. Sa napakamalas na pagkakataon ay ang kapatid ko pang si Ranny ang isa sa kanilang napagdiskitahan. Nauna ako sa mga tauhan namin. Nang nasa bungad na kami ng gate ng paaralan ay iniangat ko ang aking kanang kamay at sumenyas sa mga nasa likod ko. Napaharap din ako at itinuro si Zoren at Vorun. Sila ang unang pinaabante ko. Lumipat naman sa kaliwa ko si Sky. Ang dalawa pang bagong salta sa Valkyrie ay sinenyasan kong sumunod kina Zoren at Vorun. Nang magsimula na silang kumilos ay inihanda na namin ang aming mga baril. Mahina namin itong ikinasa at umabante pagkatapos ng mga nauna sa amin. Nang sumenyas sina Vorun ng clear ay dire-diretso kaming lahat sa loob ng gusali. Masikip ang loob ng eskwelahan. Sira-sira na rin ito dahil sa pinsalang sinapit dahilan ng pagkakasawi ng ilang Ordinary sa pagkawala ni Mara. Nagkanya-kanyang tingin ang bawat agent sa mga kwarto sa ground floor. Nang masigurong walang tao roon ay kanya-kanya kaming akyat sa ikalawang palapag. Maingat at walang ingay kaming nagsiyasat sa lugar. Ako ang huling nagsiyasat ng isang kwarto sa pinakadulo ng 2nd floor. Pagkapasok ko ay napatigil ako nang makitang may isang babae na nasa loob at nakaupo sa isang single-seater chair. Ang buhok niya ay mahaba at matuwid na kulay asul. Kumabog bigla ang dibdib ko. "Sky, may tao rito..." bigla ay sabi ko sa aking isipan. Iyon ay mensahe ko kay Sky na alam kong binabasa ang aming mga isipan sa mga oras na ito. "Description, Captain?" "Blue-dyed hair, Major." "Wait for me..." Ngunit imbes na makinig ako ay unti-unti pa rin akong lumapit sa direksyon ng babae. Habang papalapit ako ay mas lalong lumalakas ang tinig na naririnig ko. Humihikbi ang babae. Bigla akong kinutuban. Kaboses niya si Ranny... Nang nasa malapit na ang babae ay akmang hahawakan ko ang balikat niya. Lalapat na sana ang aking kamay ay bigla kong narinig ang sigaw ni Sky mula sa aking likuran. "Lumayo ka d'yan, Eve!" Napasinghap ako at mabilis na napalingon kay Sky na nasa bungad lang ng pinto ng kwartong pinasukan ko. Pagtingin ko sa babae ay nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Naglabas ng maitim na usok ang kanyang katawan at unti-unti itong nabubuo sa ere. Maagap akong napatalon at umatras. Sa sobrang lakas ng impact ay napatukod ang kamay ko sa sahig. Nakita ko kung paano mag-transform ang babae sa pagiging isang halimaw. Ang balat nito'y kasing-kulay ng usok at ang katawan ay malahigante na tila isang malaking kapre na may mahabang buhok. Ang mga mata ay nanlilisik at mapupula, malaki ang bunganga na nakangisi. May dalawa pa itong sungay sa magkabilang gilid ng ulo. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. "A-anong klaseng halimaw 'yan?" "Isang demonyo," sagot naman ni Sky. "Sila ang may hawak sa kapangyarihan ng mga Bernardine. Simula nang makipagkasundo si Agnes sa kanila ay malaya na silang nakakagala sa mundo na ito." "Anong nangyari sa babae kanina?" tanong ko pa. "Isa lang iyong ilusyon." "A-ano?!" Pagalit akong napatutok ng baril sa demonyo at agad na niratrat ang katawan niya ng bala. "Eve, hindi sila namamatay sa baril natin!" saway ni Sky, pero dahil likas akong matigas ang ulo ay hindi ko siya pinakinggan. Tinadtad ko pa rin ng maraming bala ang katawan ng demonyo. Nang magsawa ako ay itinapon ko ang baril sa sahig malapit kay Sky at mabilis na tumakbo papalapit sa halimaw. Pahiyaw akong papasugod sa tumatawa na demonyo. Patalon akong sumugod sa higante at akmang susuntukin siya gamit lamang ang kamao ko. Pero bago pa man ako makatama ay nahagip na ako ng malaki nitong kamay. Parang bola lang akong nasupalpal at naihagis papunta sa kabilang pader. Sa sobrang lakas ng impact niyon ay bumaon ako doon at napaungol sa sobrang sakit. Nagsayawan ang mga alikabok sa paligid. Napahiyaw ako at umalis sa pagkakadikit sa pader. Bumakat na yata ang katawan ko dahil sa lakas ng pagkakahagis niya sa akin. Ibinaling ko lang sa kanan at kaliwa ang leeg ko at habol-hiningang pinanlisikan ng mata ang halimaw. Nakita ko naman sa peripheral view ko ang pag-iling ni Sky. Mamaya ko na haharapin ang paninermon niya. Gusto ko munang makaisa sa halimaw na 'to at hanapin kung paano ko siya masasaktan. Bago lang sa akin ang makakita ng isang halimaw na galing sa kailaliman ng mundong ito. Saan kaya sila takot? May mga kahinaan kaya sila? Hindi ako relihiyosong tao. Naiisip ko na kathang-isip lang ang mga relihiyon na nag-usbungan sa red line dahil kung tunay man sila ay sana hindi ito nangyari sa mundo namin. Papasugod na naman ako sa halimaw at susubukan ko siyang sipain. Napatalon ako sa ere at akmang sisipain sa mukha ang halimaw ngunit imbes na hawiin ako tulad ng aking prediksyon ay iba ang kanyang ginawa. Nanlaki ang mga mata ko at natigilan. "A-anong—" Unti-unti ay nawala ang imahe ng nasa paligid ko at unti-unting kumalat ang dilim. Pumutok muli ang liwanag at ang imahe ng isang babae na may balingkinitang katawan ang agad na nabungaran ko. Ang buhok niya ay asul. Nasa harap siya ng isang pamilyar na lugar, sa mansyon ng mga Cariño. Pagkaharap ng babaeng ito ay agad kong nakilala kung sino siya. Biglang kumabog ang puso ko. Si Ranny. Ilang araw ko na ba siyang hindi nakikita? Ah... isang buwan ko na rin siyang hindi nakakausap o nakikita man lang. Masyado siyang naging abala sa kanyang pagiging estudyante dahil pangarap niyang tumulong sa amin ni Lurin sa kumpanya. Hindi ko aakalain na sa ganitong tagpo ko siya makikitang muli. Bilang kanyang ate, naging malapit ako kay Ranny simula nang mapadpad ako sa kanilang pamilya. Siya ang pinakakasundo ko sa lahat ng mga kapatid ko. Sa pagtanaw ko sa mukha niya, napansin kong may nagbago sa kanya bukod sa kanyang buhok. Mukhang nag-mature nang husto ang kanyang mukha. Wala nang ngiti na namumutawi sa kanyang labi. Ranny, ano ba talagang nangyari sa'yo? Hindi nagtagal ay tumalikod na si Ranny sa mansyon at nagsimulang tumakbo. Ang kanyang bilis ay higit na mas mabilis kaysa normal na bilis ng isang Ordinary. Marahil ay talagang isa na siyang ganap na Bernardine. Ipinagkasundo na niya ang kanyang sarili sa mga demonyo kapalit ang kapangyarihan na maaaring makapaminsala ng kanyang kapwa. Habang pinagmamasdan ko siya ay unti-unti na namang lumalabo ang imahe. Pagkaraan ng limang segundo ay nanumbalik ang liwanag at ingay sa paligid. Ang imahe ni Ranny pa rin ang aking nakikita. Nakasuot siya ng black shades at asul na sumbrero. Nakakalat naman sa kanyang dibdib ang kanyang matuwid at bughaw na buhok. Nakaupo siya sa isang malambot na upuan at sa kaliwa niya ay ang parisukat na bintana na walang ibang matatanawan kundi ang mga ulap at ang maputlang kulay asul na kalangitan. May hawak siyang glossy paper na tourist magazine. Nakikita ko ang kanyang binabasa. Nakatigil siya sa isang pahina kung saan ay napangisi siya sa kagalakan. California, USA. Iyon ang nakalagay sa kanyang binabasa. Dahil doon ay lalong lumabo ang kapaligiran. Ang dilim ay nanaig nang mas matagal ngayon hanggang sa nakawin nito ang aking kamalayan... **** Nagising ako na nakatanaw sa nakasisilaw na ilaw na nagmumula sa aparato sa silid na iyon. Napangiwi ako at napapikit. Hindi pangkaraniwan ang ilaw na iyon dahil isa iyong imbensyon ng mga bampira. Ito ay maaaring makabulag sa mga kagaya kong bampira. Ginagamit lang ang ilaw na iyon sa tuwing naga-attempt sila na gisingin ang isang bampira na nawalan ng malay, kagaya ko. Napabuntonghinga ako nang maalala na nasa kalagitnaan pala kami ng isang misyon at pinairal ko na naman ang pagiging reckless ko. Napabangon ako mula sa aking hinihigaan at napahilamos ng mukha gamit ang aking kaliwang kamay. "Mabuti naman at gising ka na..." tinig iyon ni Sky. Alam kong sesermunan na naman niya ako. Wala akong pakialam. Mas importante sa akin ngayon ang nalaman ko sa panaginip ko. Ranny... Napahugot ng hininga ang isa at nakahalukipkip na nakasandal sa may bintana. "Bueno, hindi na kita papagalitan. Masasayang lang ang laway ko sa'yo. Sa tigas ba naman ng ulo mo, tiyak hindi ka na naman makikinig. At paniguradong ako na naman ang sasabunin ni Senior Matheo sa kabulastugan mo," aniya. "Sabihin mo na lang kung anong nangyari bago ako hinimatay," suhestiyon ko naman. "Bago ka pa nasaktan ng halimaw, nasabuyan na siya ni Vorun ng asin. Mabuti at naglaho agad," maagap niyang kuwento. Napanganga ako't napalingon kay Sky. "Tangina? 'Yun lang pala makakapatay sa halimaw na 'yun? Bakit hindi mo sinabi?!" angil ko pa. "Hindi ka nga nagpaawat, ang makinig pa kaya sa akin?" pamimilosopo niya. Napabuga ako ng hangin at inirapan siya. "Hayaan mo na 'yun. Patay na rin naman ang halimaw. 'Nga pala, sa tingin ko makakatulong ang nakita kong vision sa imbestigasyon nating lahat sa mga Bernardine." "Habang natutulog ka?" pagtataka ni Sky. Alam ni Sky ang kakayahan kong makabasa ng nakaraan ng sinumang mahahawakan ko. Malaki ang naitutulong ng kapangyarihan ko sa halos lahat ng misyon na ginagawa ng Valkyrie, pero ito lang ang unang beses na nagkaroon ako ng past vision sa loob ng unconscious hours ko. Napatango ako at seryosong nakatingin sa kanya. "Kailangan nating mag-iba ng plano. Kailangan nating pumunta ng California." Natigilan si Sky at hinihintay akong magbigay ng iba pang mga detalye. Napangiti ako sa kanya. "Tama ka. Papunta si Ranny sa lugar na iyon. Sa unclaimed territories. -to-be-continued-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD