Ngiting Nakagagamot Ng LBM

2267 Words
By Michael Juha getmybox@hotmail. com   fb: Michael Juha Full ---------------------------- Maulan ang hapon na iyon. Alas-5:30 nang maisipan ni Abel na ikutin ang lupain na nakapaligid sa rest house. Nang binaybay niya ang pampang ng ilog, napansin niyang medyo tumaas na ang tubig. Babalik na sana siya nang makita niya ang dampa ni Hector na nasa kabilang pampang. Naisipan niyang silipin ito. Tinawid niya ang bakis-bakis na tulay na yari lamang sa kawayan. Bakas sa mukha ni Hector ang pagkagulat nang makita si Abel sa harap ng kanyang dampa. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Mistulang isang tuod siya na nakatayo na lang sa harap ni Abel. Nang nagkatitigan sila, doon napagmasdang maigi ni Abel ang anyo ni Hector na hindi niya napansin sa una nilang tagpo. Katamtaman ang pangangatawan ni Hector, may mahaba at kulot na buhok. Kung hindi lang siya nakadamit panlalaki ay masasabing kambal sila ng kapatid niyang si Victoria. Guwapo si Hector. Makinis ang mukha, matangos ang ilong bagamat ang kanyang suot na damit at pantalon ay luma, puno ng mantsa na normal lang para sa mga taong-bukit. Halatang hindi rin siya maasikaso sa kanyang sarili. Gusot-gusot ang buhok, nakapaa lang, at marurumi ang kamay at paa. Sa pagkataranta niya ay napako rin ang tingin ni Hector kay Abel. Naglalaro sa kanyang isip ang tanong kung ano ang tunay na pakay ni Abel. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin. Ang nasa isip lang ni Hector ay naroon kay Abel ang kanyang ibon at ang galit niya rito dahil sa puwersahang pagkuha niya sa kanyang alaga. At masama pa rin ang loob niya. "Puwede bang pumasok sa dampa mo?" ang tanong ni Abel. "B-bakit po? Wala na po akong ibon na itinatago sa aking dampa," ang patutsada ni Hector. Nagpanting ang tainga ni Abel nang marinig ang sagot ni Hector. "Mag-ingat ka sa salita mo. Baka mamaya ay sabihin ko sa may-ari na palayasin kayo rito. Gusto mo iyon?" "Ganyang naman kayo. Kapag mahihirap, kayang-kaya ninyong takutin. Kayang-kaya ninyong sirain o paiikutiin ang buhay," ang pagmamaktol ni Hector, hindi maiwasang iparamdam ang galit lalo na sa mga taong may kaya sa buhay. "Anong sabi mo?" Medyo tumaas na boses ni Abel. "Wala po..." ang sarkastiko namang sagot ni Hector. Inikot ni Abel ang paligid ng dampa. Nakita niya ang mga pananim na gulay, dalawang inahing manok at isang tandang. May inis na nakatingin lang si Hector sa kanya. Si Abel naman ay patango-tango lang habang tinitingnan ang paligid. Pagkatapos ay umakyat na si Abel sa kawayang hagdanan patungo sa dampa. Hindi na niya hinintay pa ang pagpayag ni Hector. Sa isip niya ay nasa kanya ang lahat ng karapatan. "Sino ang natutulog dito?" turo ni Abel sa papag na kawayan na may banig pa at lumang kumot na nakatupi. "S-si Victoria..." Iyon lang. Tapos sinilip pa niya ang iba pang sulok sa loob ng dampa. Nang walang ibang napansin ay naisipan na niyang umalis. Kahit lampas alas sais lang iyon ng gabi ngunit dahil sa makulimlim na langit, halos nababalot na sa dilim ang paligid, dagdagan pa sa malakas na ulan. Nagpumilit pa rin si Abel na umalis. Sa isip niya ay maliligo naman siya pagdating ng rest house at hindi kalayuan iyon. Hinatid siya ni Hector sa pampang. Ngunit nang nasa pampang na sila, doon nila naaninag na tumaas na ang tubig at halos umapaw na ito sa pampang. Wala na rin ang improbisadong tulay na kawayan. Tinangay ng malakas na agos ng tubig! "s**t!" ang bulong ni Abel sa kanyang sarili. "Mahirap tumawid kapag ganyan kalakas ang agos," ang sambit ni Hector. "Wala bang ibang maaaring madadaanan?" "W-wala. Kasi sobrang lakas ng agos. Lahat ng parte ng kahabaan ng ilog ay malakas ang agos. D-delikado. Lalo na't gumagabi na." Binitiwan na lang ni Abel ang isang malalim na buntong-hininga. Tanggap niya na wala na siyang magagawa pa. Inikot niya ang kanyang paningin sa paligid. Madilim na, dagdagan pa sa patuloy na pagbuhos ng malakas na pag-ulan. Bumalik si Abel sa sa dampa. Binuntutan naman siya ni Hector. "D-dito ka na lang magpalipas ng gabi..." ang sambit ni Hector bagamat sa kaloob-looban niya ay ayaw niya sanang doon matulog si Abel. Ayaw ni Hector na may ibang tao sa kanyang dampa. Lalo na kung si Abel iyon, ang taong kinaiinisan niya. "Sa tingin ko nga. Wala akong choice," ang sagot ni Abel na nanatiling nakatayo sa may bintana at inaninag ang ilog na tila nanggalaiti sa lakas ng agos nito. Kahit madilim na ang paligid, naririnig pa ni Abel ang ingay ng rumaragasang ilog. Walang nagawa si Hector kundi tanggapin na doon na talaga matutulog si Abel. Nang nasa loob na sila ng dampa, tinumbok ni Hector ang lagayan ng dalawang lampara at sinindihan niya ang mga ito. Pagkatapos ay tinungo naman niya ang lagayan ng kanyang damit at pumili ng pantalon at T-shirt. Iniabot niya ang mga ito kay Abel. "Magbihis ka. Pagtyagaan mo na lang itong mga luma at tagpi-tagping damit ng mahihirap," ang sambit ni Hector. "Mukhang mabigat sa iyong kalooban ang pagpapahiram niyan sa akin, ah..." ang sambit ni Abel. "Hindi po..." ang sagot naman ni Hector. "Bakit kailangan mo pang i-emphasize iyang damit ng mahihirap?" "Iyan naman ang totoo, 'di ba?" "Iyan nga ang punto. Bakit, akala mo bang nakarehistro sa utak kong mayaman ka? Kaya dapat mong sabihin na damit ng mahirap ang damit mo?" Hindi na umimik si Hector. Alam niyang galit na si Abel. At ayaw niyang darating sa puntong tuparin niya ang kanyang sinabing isusumbong siya sa may-ari ng lupa at tuluyan paalisin. "Ayaw kong suutin iyan!" ang malakas na sambit ni Abel. "Suuotin mo iyan! Pag hindi mo isusuot iyan, ako ang maghubad ng T-shirt at pantalon mo," ang pananakot ni Hector. Mahiyaing tao si Hector. Ngunit desperado siyang huwag galitin si Abel. Kaya nagawa niyang sabihin ang ganoon. Napatingin si Abel kay Hector, binitiwan ang isang ngiti. Noon lang nakita ni Hector ang ngiti ng isang Abel. Ang ngiti na nagpapaturete ng mga puso ng kababaihan, kabaklaan, at kahit kalalakihan. Ang ngiti na nakakalusaw ng galit, nakapagpahinahon ng mga taong nakakaranas ng stress, nakakalimot ng problema, nakakapawi ng gutom at uhaw, at nakapahihinto kahit sa pinakamalakas na bugso ng pagtae. "At sa tingin mo ay kaya mo naman?" ang hamon ni Abel. "Bakit hindi?" ang sagot ni Hector. "'Di subukan mo!" Agad na sinugod ni Hector si Abel. Ngunit dahil may alam si Abel sa Martial Arts kaya mabilis itong nakailag. Ngunit hindi rin nagpadaig si Hector. Dahil may training sa self defense, hindi siya na madaig-daig ni Abel. Tila masisira ang kawayang sahig sa kanilang ginagawa. Hanggang sa si Abel na mismo ang nag give up. "Okay, okay... isusuot ko na..." Huminto si Hector sa pakikipagsambuno kay Abel. Tumungo si Abel sa isang sulok upang magbihis habang si Hector naman ay kumuha rin ng isang T-shirt upang palitan ang kanyang basang T-shirt. Pagkatapos ay tumungo siya sa likuran ng kanyang dampa, kumuha ng itlog mula sa pugaran. Nang nakapasok na siya sa dampa, bigla siyang nahinto nang makita si Abel na suot ang kanyang damit. Kahit pangmahirap na damit ang suot ni Abel, kaht tagpi-tagpi at kupas na ito, lutang na lutang pa rin ang kapogian ni Abel. "Pogi pa rin ako, ano?" ang sambit ni Abel habang tumatawa nang mapansin niyang nakatitig lang sa kanya si Hector. "Type mo yata ako eh," dugtong niya. Doon na tila natauhan si Hector. "Ulol!" ang bulong niya sa sarili habang dali-daling tinumbok ang kusina, hindi pinansin si Abel. Habang naghahanda ng pagkain si Hector, nakatingin naman sa kanya si Abel. Pinagmasdan ni Abel ang mga kilos ni Hector, mula sa paglagay niya ng panggatong sa ilalim ng pugon at paggawa ng apoy, sa paghanda sa palayok, hanggang sa pagsasaing, pagprito ng itlog, at pagluto sa malunggay na nauna na niyang pinitas at nakalatag lang sa ibabaw ng mesa. Iyon lang sana ang ulam niya sa gabing iyon ngunit dinagdagan niya ng itlog dahil kay Abel. Sinahugan ng daing. Kahit trabahong babae ang ginagawa ni Hector, lalaking-lalaki pa rin itong tingnan sa kanyang kilos. Napansin din ni Abel ang magandang pangagatawan ni Hector. Nang natapos na ni Hector ang kanyang paghahanda. Inilagay niya ang mga pagkain sa platong sartin atsaka inilatag ang mga ito sahig na kawayan. "Kain na," ang pag-anyaya ni Hector habang kinuna niya ang isang lampara at inilagay iyon sa gitna ng sahig na kanilang kainan. "Pasensya na, walang upuan, wala ring kutsara at tinidor. Pagpasensyahan niyo na lang din itong nakayanan kong ulam," dugtong niya habang umupo sa sahig. Binitiwan lang ni Abel ang isang hilaw na ngiti. "Mabuti naman at walang nang 'ulam para sa mahirap' na karugtong," ang sambit ni Abel. Binitiwan lang ni Hector ang isang sulyap na matulis sabay sandok ng pagkain gamit ang kanyang kamay. Hindi pa rin nawala ang galit niya. Gustong sungitan ni Abel si Hector sa kanyang inasta. Ngunit hindi niya magawa. Sa nakita niyang kahirapan sa buhay ni Hector, mistulang may kung anong klaseng pagkaawa siyang nadarama. Naintindihan niya si Hector. "Kumakain naman ako ng gulay, at itlog, kahit anong klaseng luto," ang sagot ni Abel sabay upo sa sahig sa harap ni Hector. Hindi na umimik si Hector. Nilagyan niya ng kanin at ulam ang plato ni Abel atsaka iniabot iyon kay Abel. Tinanggap ni Abel ang plato. "Hindi ba uuwi si Victoria? Hindi ko yata siya napansin sa rest house kanina," ang tanong niya. Hindi pa rin umimik si Hector. Patuloy lang siyang kumakain. "Magaling ka sa Martial Arts ah. Saan ka nag-aral noon." Saglit na nahinto si Hector sa pagkain. Nag-isip ng malalim. "Sariling pagpapraktis lang," ang sagot ni Hector. "Sarili lang? Maniwala ako." "Bahala ka kung ayaw mong maniwala." "Bakit kailangang mong magpraktis niyan?" "Ikaw ba bakit nag-aral ka ng self-defense. Magaling ka eh. Alam ko nag-aral ka." "Eh syempre, para kapag may masasamang-loob..." hindi nya niya itinuloy pa ang sasabihin. Tila nahulaan na niya ang nasa isip ni Hector. Napangiti lang ng hilaw si Hector. Napailing-iling na tila sinasabi sa isip na, "Alam mo naman pala eh! Ba't ka pa nagtanong!" Hindi na nagsalita pa si Abel. Sa isip niya ay may pagka-antipatiko si Hector. Nakakayamot. Tahimik. Wala na silang imikan habang kumakain. At imbes na kuwentuhan, nakawan na lang ng tingin. Kapag tinitingnan ni Abel si Hector ay yuyuko ang huli. At kapag si Abel naman tinitingnan ni Hector, si Hector naman ang yuyuko. Si Hector ay may galit kay Abel at si Abel naman ay gustong gumanti sa pagkaantipatiko ni Hector. "K-kumusta ang ibon?" ang pagbasag ni Hector sa katahimikan. "Hayun... malapit nang ipa-euthanize." "Euthanize? Ano iyon?" "Mercy killing. Iyong ipapatay nang dahil sa awa. iyong upang tuldukan ang pagdurusa niya gawa ng walang-awa mong pambibitag kaya naputulan siya ng isang pakpak." Doon na tumaas ang boses ni Hector. "Papatayin kita kapag ipapatay mo iyon!" Natawa si Abel. "Ang cute mo palang magalit no?" ang papuri ni Abel. Ngunit sinundan din niya iyon ng, "Ungas! Inaalagaang maigi ni Sir Estong ang ibon mo! Para ngang isang taong anak-mayaman eh. May dalawang taga-alaga. May sariling kuwarto, may tagapakain..." "Mabuti naman." "Bakit ba masyado kang concerned sa ibon na iyon?" "Siya ang nagligtas ng buhay ko..." Napatitig si Abel kay Hector. "We??? P-paano nangyari?" Yumuko lang si Hector. "Kung ayaw mong maniwala, 'di huwag. Basta... Alagaan niyo siya. Magkarugtong ang buhay namin ng ibong iyan." "Okay... Kung ayaw mong magkuwento, walang problema..." ang sagot ni Abel. Bago sila natulog ay may mga itinanong pa si Abel tungkol sa buhay-buhay nilang magkakapatid. Bagamat matipid ang mga sagot ni Hector, nabuo sa isip ni Abel na may mas malalim na dahilan kung bakit sila napadpad ng kapatid niya sa bukid na iyon. Halos hating-gabi na iyon at nasa kalagitnaan ng tulog si Abel nang bigla siyang nagising dahil sa malakas na sigaw ni Hector. "Huwag po! Huwag po ninyo silang patayin! Huwaaagggggg!!!" ang paulit ulit na sigaw niya. Agad na bumalikwas si Abel at tinumbok ang papag kung saan nakahiga si Hector. Ginising niya ito. Ngunit bigla siyang niyakap ni Hector. Patuloy na humihikbi si Hector, pawis na pawis, at nanginginig. "Huwag mo akong iwan, huwag mo akong iwan..." ang pagmamakaawa niya. "Anong nangyari sa iyo?" ang tarantang tanong ni Abel. Hindi sumagot si Hector. Bakas pa rin sa kanyang mukha ang ibayong takot at panginginig. Niyakap na lang ni Abel si Hector. Hinaplos niya ang likod nito. "Huwag kang mag-alala. Hindi kita iiwan..." Nanatili silang nagyakapan hanggang sa dahan-dahang inilatag muli ni Abel si Hector sa higaan. Tinabihan niya siya sa kanyang tinutulugan. At maya-maya lang ay muli silang nakatulog. Alas kuwatro ng madaling araw nang muling binangungot si Hector. Ganoon pa rin ang kanyang isinisigaw. "Huwag po! Huwag po ninyo silang patayin! Huwaaagggggg!!!" Muling ginising ni Abel si Hector. Nang magising ay muling niyakap niya si Abel. Humahagulgol si Hector, matinding awa ang naramdaman ni Abel para sa kanya kahit hindi niya alam kung ano ang nangyari kay Hector at kung ano ang napanaginipan nito. Ang tanging nagawa na lang niya ay ang yakapin si Hector at pahiran ang mga luha nito sa mukha gamit ang kanyang palad. Nasa ganoong pang-aamo si Abel kay Hector nang tila pinaglaruan siya ng kanyang isip. Mukha ni Victoria ang kanyang nakita sa yakap-yakap na si Hector. Biglang lumakas ang kalampag ng kanyang dibdib. Pakiwari niya ay may malakas na puwersang nag-udyok sa kanya na gawin ang isang bagay. Unti-unting inilapit niya ang kanyang mukha sa mukha ni Hector. Hanggang sa namalayan na lang niya ang sarili na siniil niya ng halik ang mga labi ni Hector. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD