By Michae Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-----
Kinabukasan ay dumating si Victoria sa rest house. Pinapasok siya ng attendant at sinamahan papasok sa opisina ni Abel. Umupo siya sa isang silya sa harap ng mesa. Maya-maya aysumulpot si Abel, galing sa CR ng mismong opisina. Scripted ang eksenang iyon. Kunyari ay nagulat si Abel sa pagkakita niya kay Victoria.
"Oh? Nandito ka? Huwag mong sabihing mag-apply ka rin ng trabaho?" ang sambit ni Abel habang tinumbok niya ang isang bakanteng silya na nakaharap kay Victoria.
"Ungas! Pinatatawag ako ng may-ari dahil gusto niyang magtrabaho ako rito. Hindi ako nag-aapply!" ang inis na sagot ni Victoria.
"Ah, iyon pala... Hindi mo ba alam na nagbago ang isip ng may-ari? Ako na ang pinili niya imbes na ikaw. Kaya maaari ka nang umalis," ang pang-iinis ni Abel.
"Gusto mo bang sapakin kita? Kakainis ka ah! Sobrang yabang mo! Akala ko ba ay guest ka rito? Iyon pala ay nag-aapply ka ng trabaho? Namumulubi ka na kuya? Wala ng datung?" ang pang-iinis din ni Victoria.
"Actually, guest naman talaga ako. Pero nang makita ko ang isang mahirap na kahit ibong ligaw ay uulamin, narealize ko na sobrang challenging pala ng kalagayan ng mga mahihirap. Nabo-bored na kasi ako sa pagiging mayaman, eh. Kaya heto, i-try kong magpakahirap." Inilapit niya ang kanyang bibig sa tainga ni Victoria, "Idol kasi kita, 'te. Kaya full support ako sa iyo."
Doon na umalma sa inis si Victoria. Mabilis na piningot niya ang tainga ni Abel. "Hayop sa kayabangan talaga nito! Kung nasa labas lang tayo, baka nabugbog na kita, eh!"
"Arekop! Tangina! Bitiwan mo ang tainga ko!" ang sigaw ni Abel.
Nabitiwan ni Victoria ang tainga ni Abel nang biglang pumasok si Mang Estong na umarteng may-ari ng rest house. Nakabarong Tagalog siya, itim at pormal na pantalon, terno naman ang itim na leather shoes. Nagmukha siyang matandang ipapasok na lang sa ataul para sa kanyang libing. Hindi kasi siya sanay sa ganoong kasuotan. Halata rin na hindi siya komportable sa kanyang galaw.
Halos pumutok ang isang malakas na halakhak galing kay Abel sa pagkakita niya sa porma ni Mang Estong. Ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Ibinaling na lang niya ang kanyang paningin kay Victoria na biglang nagbehave nang makita si Mang Estong.
Umupo si Mang Estong sa silya ng may-ari, paharap sa kanilang dalawa. Ngunit nang mapansin ni Victoria na si Mang Estong pala ang kaharap nila, nagulat ito. "K-kayo po pala ang may-ari ng rest house na ito?" ang tanong niya.
Nangingiming sumagot si Mang Estong, halos hindi alam ang isasagot. Tiningnan niya si Abel na tila matatawa rin sa kanyang porma at sa kanilang set-up. "Ah..." ang sagot lang niya.
"Oo, siya nga," ang pagsingit din ni Abel. "Nakita mong nakaupo siya riyan sa upuan ng may-ari, 'di ba? Ang slow mo talaga! Gumagana ba iyang isip mo? O nagugutom ka na naman?"
Napalingon si Victoria kay Abel. "Ang bastos mo. Hindi ikaw ang kinakausap ko!" ang bulyaw niya.
"Ito naman. Mainitin ang ulo. Sobrang bait lang talaga niyang si Mang... este, Sir Estong. Gusto niya, simpleng tao lang siya at ayaw ipahalata na siya ang may-ari. Pero kung ako ang may-ari ng rest house na ito at tinatanong pa ako kung ako ang may-ari? Masasampal ko talaga ang nagtanong," ang parinig ni Abel. "Wala kang tiwala kay Sir Estong 'te? 'Di mo nakita ang kasuotan niya? Barong Tagalog? Galing sa baul iyan. Di mo ba naaamoy ang naptalina? Iyan ang amoy ng mga damit kapag may-ari ka ng rest house," ang patuloy na pang-iinis pa rin ni Abel habang palihim naman na tumatawa si Mang Estong.
"O siya... huwag na kayong mag-away. Gusto ko lang ipaalam sa iyo, Victoria na kunin kitang tauhan dito. At ang assignment mo ay ang pag-aalaga kay Damsel."
Bigla namang sumingit si Abel. "Iyong ibon na uulamin mo sana, ibinigay ko Kay Sir Estong dahil hindi na rin naman ito makakalipad. At magpasalamat ka, malakas si Mang Estong sa taga DENR. Kaya walang parusang ibibigay sa nambitag. At Damsel ang ipinangalan niya sa ibon!"
"Hindi kita tinatanong!" ang bulyaw ni Victoria.
"Gusto ko lang makasiguro na alam mong Damsel ang pangalan niyan, at hindi Tinola o Barbecue!"
Binitiwan ni Victoria ang isang matulis na tingin kay Abel. Napikon. "Gusto mo, ikaw ang ibabarbecue kong tukmol ka? Napaka antipatiko mo ah!"
"Ganyan kaming mga makikisig."
"Pweh!"
"O siya... tatanggapin mo ba ang alok ko, Victoria?"
"Sir Estong, puwede po bang sa akin mo na lang ibigay ang ibon? Alagaan ko siya kahit walang suweldo po."
"Hindi maaari. Kasi po, kay Sir Estong iyan inindorso ng DENR. At nangako si Sir Estong na gagawa ng Sanctuary para sa mga animal na biktima ng pambibitag," sabay ismid kay Victoria, "...may disability, may sakit, may injury, at si Sir Estong lang ang maaaring gumawa ng ganyan dahil ang iba riyan ay wala namang pera, mahirap pa sa daga. At isa pa, bibisitahin ng taga DENR ang ibon. Paano na lang kung makikita ng taga DENR na miserable na nga ang ibon, mas miserable pa iyong nag-aalaga? At nanganganib pa ang ibon na babagsak sa kaldero?"
"Bakit ka ba sabad nang sabad d'yan! Si Sir Estong ang kinakausap ko! Ang dami mong satsat! Pisti ka!"
"Kasi po, Ma'am, nandoon din po ako nang puntahan namin ang DENR para manghingi ng payo. At may tiwala sila kay Sir Estong kasi, kilala siya rito. Ikaw? Ngayon nga lang kita nakikita eh. Sigurado ka bang hindi ka tikbalang na nag-aanyong tao lang?"
"Sir Estong, kapag hindi po tumigil itong unggoy na 'to sa kakasabad, aalis na lang po ako at hindi ko tatanggapin ang alok ninyo. Salamat na lang po."
Biglang natahimik si Abel. Napahiya. Maya-maya, "O siya... hindi na po ako magsasalita ma'am. Ang fierce pala nito!"
Biglang tumayo si Victoria at tinumbok ang pintuan upang mag walk out. Tiningnan naman ni Abel si Mang Estong na tila nanghingi ng suporta upang hindi matuloy sa paglabas si Victoria. Dali-dali niyang hinabol si Victoria bago ito makalabas ng opisina. Hinawakan niya ang braso. "Sorry na! Sorry na! Bumalik ka na!" ang pagmamakaawa niya.
Iwinaksi ni Victoria ang kamay ni Abel. Tiningnan niya si Mang Estong. "Pagpasensyahan mo na si Si..." hindi niy natuloy ang salitang "Sir" sana. "...Abel, Victoria. Ganyan talaga siya. Matalik na kaibigan ko ang kanyang pamilya at kilala ko siya simula ng bata pa. Masyado lang talaga siyang bibo at palabiro."
"Pasensya na rin po, Sir Estong. Hindi ko lang po nagustuhan ang kanyang biro."
"O, siya... kalimutan na natin iyan. At balik tayo sa alok kon para kay Damsel. Papayag ka ba?"
Wala nang nagawa pa si Victoria kundi ang tanggapin ang alok. Hindi lang dahil kailangan niyang manatili sa lupang iyon kundi upang magkaroon din siya ng suweldo. Ngunit higit sa lahat, upang mapalapit siya sa ibon at maalagaan din niya ito nang maayos. Ang hindi nga lang niya alam ay si Abel na labis na kinaiinisan niya, siya pala itong tunay niyang amo. At kasama sa plano ni Abel ang silang dalawa ni Victoria ang mag-alaga sa ibon.
"Ako ang boss sa pag-aalaga at ikaw ay mag-assist lamang sa akin. Dapat ay klaro iyan, huwag mong kalimutan kung saan ang lugar mo," ang pananakot ni Abel.
"As if naman gusto ko talagang mag-alaga niyan! Nandito lang ako para sa suweldo. At kung maaari ay ilayo mo iyan sa akin. Delikado iyan kapag ganyang gutom ako at mainit ang ulo, di ba! Palagi akong gutom! Kayong dalawa ang kakatayin ko kapag nagkataon," ang sagot din ni Victoria.
Medto maselan ang pag-aalaga kay Damsel. Dahil hindi na nga ito makakalipad at wala nang kakayahang maghanap ng pagkain, na kailangang pumunta sa ilog o kung saan mang may isda o lamang-dagat kaya kailangang sila ang maglapit sa mga isda kay Damsel.
So ang arrangement ng trabaho nila ay si Victoria ang tagahuli ng isda upang ilagay sa container o aquarium upang presko ang mga ito kapay ipakakain na sa ibon. Siya rin ang taga-linis at taga-ayos ng tulugan at pugad ni Victoria. Lahat ng pangangailangan ni Damsel ay si Victoria ang bahalang maghanap. Kahit pamamalengke. Si Victoria naman ang taga-sunod at taga-patupad sa utos at plano, si Abel ang tagaplano at taga-schedule ng routine..
Si Abel din ang personal na nagpapakain, apat na beses sa isang araw. At sinusubuan niya ang ibon. Siya rin ang tagapasyal kay Damsel dalawang beses sa isang araw. Kapag nasa paligid lang ng bukid, kinakarga niya ang ibon o kaya'y pinapalakad.
Sa pagkametikuloso ng kanilang pag-aalaga sa ibon ay naging malapit ang ibon sa kanila. Bumubuntot ito sa kanila, tatalima kapag tinatawag ang pangalan, at kabisadong-kabisado ang kanilang routine. Kagaya ng oras ng paligo, oras ng pagkain, oras ng pamamasyal, at kapag malayo-layo ang papasyalan ay bubuksan lang ni Abel ang pinto ng sasakyan at tatawagin ang pangalan ng ibon, kusa itong aakyat sa sasakyan. Kinkausap din nila ang ibon na tila nakikinig naman sa kanilang sinasabi. Sa sobrang pag-aalaga nila kay Damsel ay nagkaroon ng tiwala ang ibon na ang turing sa kanila ay tila mga magulang. Hindi takot si Damsel kay Abel o kay Victoria. Kapag nakita sila ng ibon ay kusang lalapitan sila nito.
Alas 6 ng gabi iyon nang iginala ni Abel si Damsel sa palayan. Hinayaan ni Abel si Damsel na bumuntot sa kanya sa paglalakad. Subalit nang muli niyang lingunin ito, wala na si Damsel. Tarantang hinanap ito ni Abel. Ngunit hindi nila mahagilap ang ibon. Nang halos mag-hating gabi na ay ipinagpaliban nila ang paghahanap.
Halos hindi makatulog si Abel sa gabing iyon. Syempre, ganoon din si Victoria. Alam nila na hindi mabubuhay si Damsel na mag-isa dahil wala itong kakayahang lumipad o tumakbo nang mabilis. Si victoria naman, nag-alala na baka hindi na mahanap pa ang ibon.
Sinisi ni Abel si Victoria.
"Bakit ako?" ang sagot naman ni Victoria. "Di ba sabi mo, ikaw ang boss? Susunod lang ako sa mga iuutos mo, SIR?" at inemphasize niya talaga ang salitang "Sir".
"Eh nakabuntot ka kay Damsel, 'di ba? Nasa harap mo siya! Hindi mo nakita? Saan ka ba nakatingin, Ma'am? Sa langit?"
"Gago to ah! Ano naman ang titingnan ko sa langit? Di nabulag ako niyan!"
"E, malay ko ba. Ibon iyan 'di ba? Kaya baka sa langit mo nga tinitingnan!"
"E kung ganoon, 'di hanapin mo siya sa langit. Bobo nito. Putol ang isang pakpak, tapos sa langit ako nakatingin? Nakakalipad ba iyong ibon na isa lang ang pakpak? Ganyan ba ako ka tanga?"
"E bakit nga hindi mo nakita kung saan nagtungo si Damsel? Saan ka ba nakatingin?"
"Sa umbok ng puwet mo! Masyadong malaki!"
Halos pumutok sa tawa si Abel sa pagkarinig ng sinabi ni Victoria. Nilinong niya siya. "Uy... type mo puwet ko, no?"
"Oo, type kong saksakin!"
"Tsk! Tsk! Karamihan pa naman sa mga babae, kahit nakakausap lang ako ng ilang beses, nagkaroon na agad ng 'feelings' sa akin."
"Baka feeling mo lang iyon. O baka feeling nila, ang sarap mong sakalin. Atsaka, bakit napunta ang issue sa iyo? Ang ibon ang problema rito, hindi ikaw!"
"Di ba ikaw ang unang nagbanggit sa puwet ko?"
"O sya, puwet mo na lang ang pag-uusapan natin, unggoy!"
Iyon ang palitan nila ng sisi at asaran nilang dalawa.
-----
Kinabukasan habang sinuyod nila ang palayan ay nahanap rin nila ang ibon. Nalublob ito sa putik at natabunan pa ng isang patay na sanga ng kahoy. Sa pagkakita pa lang ng ibon kay Abel ay mistulang isang bata ito na nag-iingy, umiiyak at tila nagsusumbong. Nang kinarga ito ni Abel sa kanyang bisig, inilingkos ng ibon ang kanyang mahabang leeg sa leeg ni Abel na tila yumayakap sa kanya.
Naantig ang damdamin ni Victoria sa nasaksihan. Nai-ugnay niya ang kanyang sarili sa ibon nang naranasan din niyang maligaw sa bukid isang araw at nahanap siya ng kanyang inay, ganoon din ang naramdaman at reaksyon niya. Kagaya ni Damsel ay ulila na rin si Victoria sa mga magulang. Naihalintulad niya ang sarili kay Damsel. Naghahanap ng kalinga at pagmamahal. Awang-awa siya kay Damsel. Awang-awa rin siya sa kanyang sarili.
Muling nanariwa sa alaala ni Victoria ang pagkamatay ng kanyang mga magulang. Pinatay sila ng mga hindi nakikilalang salarin.
(Itutuloy)
-----