Selina’s POV
“Hay, salamat, nakauwi rin,” saad ko sa aking sarili. Dere-deretso akong humilata sa sofa sa sobrang pagod. Halos tatlong buwan na rin kami rito sa Korea. Dito kasi naisipan ng director na i-shoot ang pelikulang ginagawa namin.
Dapat siguro humingi muna ako ng bakasyon sa aking boss, ani ko sa aking isipan.
Akmang tatayo na ako sa aking pagkakahiga sa sofa nang biglang tumunog ang aking cell phone. Dali-dali ko iyong kinuha sa aking bag. Tiningnan ko kung sino ang tumatawag. Napakunot ang noo ko nang makitang ang abuela ko pala ang caller.
Napabuntonghininga muna ako bago iyon sinagot.
“Hello. . .” wika ko sa mahinahong tinig.
“Anong hello ang pinagsasabi mo riyan, Selina Teresita Benedicta Gomez?” madiin na pagkakasabi ng aking abuela.
Napangiwi ako. Bahagya kong inilayo ang maliit na aparato sa aking tainga. Buong-buo kasing binanggit ni lola ang aking pangalan— na isa sa mga sekreto ko. Walang ibang nakaaalam niyon bukod kay Marfa at mga kamag-anak ni lola.
Napatirik na lamang ang aking mga mata sa kawalan. Ayaw na ayaw ko kasi na binabanggit ang kasunod ng aking pangalan. Masyadong makaluma. Pakiramdam ko kapag tinatawag ako sa ganoong pangalan, tumatanda ako bigla. Bakit kasi sa dinami-rami ng pangalan na puwedeng ibigay sa akin, iyon pa talaga!
“Lola!” angal ko. Alam kasi ng aking lola na hindi ako sang-ayon sa ganoong tawag.
“Hoy, bata ka! Huwag mo nga ako malola-lola, ah?” Galit na ang boses nito kaya nailayo kong muli ang cell phone sa aking tainga. Kung hindi ko gagawin iyon, masisira ang aking eardrum sa lakas ng boses niya.
“Ano ba ’yan, La! Hindi naman ako bingi pero bakit po kayo sumisigaw?” reklamo ko.
“Aba’t! Ikaw na bata ka, ah! Sinasagot-sagot mo na ba ako ngayon?” Hindi pa rin bumababa ang boses ng aking abuela.
Napakamot na lang ako sa aking kilay dahil sa inis. Lihim na lamang akong nagbuga ng hangin.
“Sorry po, La. . . Hindi ko naman po kayo tinataasan ng boses. Napalakas lang po,” katwiran ko na lamang. “Hmm. . . Bakit po pala kayo napatawag?” pag-iiba ko ng usapan dahil kilala ko na siya. Alam kong importante ang sasabihin niya sa akin.
Narinig ko ang pagbuntonghininga ng aking abuela.
“Selina, wala ka pa rin bang balak na mag-asawa, ah? Aba, ikaw lang sa angkan natin ang ganiyang edad na, eh, wala pa ring asawa,” mariing wika niya. “Alam mo ba na ang edad mong biente-sais ay sumpa na sa ating mga ninuno?” galit na turan pa nito.
Napasabunot na lamang ako sa aking buhok sa narinig. Kung puwede nga lang p*****n ng telepono ang aking lola, kanina ko pa ginawa. Pero lalabas naman akong bastos, kaya hinayaan ko na lang. At least sa ganitong tawag, madali lang niyang masasabi ang mga nais niyang sabihin. Kapag kasi kaharap ko siya sa personal, hindi lang isang buong araw ko maririnig iyon sa kaniya. Araw-araw mismo!
“Tanging ikaw na lang ang apo ko wala pang asawa,” saad pa nito sa kabilang linya.
Napakamot siya sa noo. “Lola naman. . . Ano pong magagawa ko kung wala pa akong asawa sa ganitong edad? Eh, sa wala ho akong mahanap na lalaking para sa akin. Hindi naman po puwede na basta na lamang ako kumuha ng lalaki para maging asawa ko. At lalong higit, kung hindi ko naman mahal,” pangangatwiran ko.
Hindi ko maiwasang sumama ang loob sa aking lola dahil sa pamimilit niyang mag-asawa ako. Kaya nga hindi ako dumadalaw sa kaniya; sermon dito, sermon doon kasi ang inaabot ko. Katawiran nito, pagtuntong pa lang daw ng biente-kuatro ay dapat may asawa na ang mga babae sa angkan namin. Kapag wala pa raw ay magiging malas na ang babae.
“Ako na lang ang maghahanap ng mapapangasawa mo,” pagsasalita pa ng lola ko sa kabilang linya na nagpabalik sa aking isip. “At may napili na ako na magiging asawa mo,” pahabol na wika pa niya.
“What?!” bulalas ko. “Tama po ba ang narinig ko? Na meron na kayong nahanap para sa akin? At sino naman po?” sunod-sunod na tanong ko.
“Oo, naihanap na kita. Si Palito ang magiging asawa mo!” sagot ni lola.
Tila naman tumaas ang lahat ng balahibo sa aking katawan nang marinig ang pangalan na binanggit ng aking lola.
“Seryoso po ba kayo, Lola?” hindi makapaniwalang tanong ko.
“Yes! Mukha ba akong nagbibiro sa ’yo, Selina?” galit na sagot niya. “Si Palito ang ipakakasal ko sa iyo!”
Napatayo ako sa aking pagkakaupo at nagpaikot-ikot. “Pero, Lola, nakita ninyo po ba ang itsura ni Palito?” Hindi naman sa nanglalait ako ng kapwa, ngunit, mas gusto ko pang tumandang dalaga kaysa magpakasal kay Palito. Kilala ko siya. Siya lang naman ang anak ng kapitan sa barangay namin sa bayan ng Santa Ursula.
Si Palito ay kababata ko at matagal na ring nanliligaw sa akin. Halos one million times ko na nga siyang binasted, pero kasing kapal ng balat ng bayawak ang mukha niya— dahil patuloy pa rin siya sa panliligaw sa akin. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit ayokong umuwi sa amin.
Bukod kasi sa hindi ito naliligo, kung minsan naman ay mahihiya ang kulay ng mais sa dilaw ng ngipin nito. Wala sanang kaso sa akin ang itsura ng isang tao. Kahit pangit o ano pa man sila, tanggap ko. Pero naman, kung hindi rin lang malinis sa katawan, ’di bale na lang.
Sa kaso pa ni Palito, nakuha na yata nitong lahat: ang kadugyutan sa katawan, kayabangan, at masamang ugali. Gising na gising yata ito nang magsaboy ng ganoong pag-uugali ang Panginoon. Kaya salong-salo lahat ng lalaki. Okay sana na pangit lang. Pero kung pati pag-uugali ay pangit— huwag na lang.
“Lola, wala na ba kayong ibang maisip na ipakakasal sa akin? Talagang si Palito pa!” may paghihinakit kong turan.
“Wala na!” mabilis niyang sagot.
“Lola!” Nasa himig ko ang matinding pagtutol. Hindi ko kailanman matatanggap ang desisyon niya. Sino ba naman kasi ang nanaising maikasal sa dugyot na lalaking ’yon?
“Sige. Pagbibigyan kita, Selina,” saad muli ng aking abuela.
Tila naman nabuhayan ako ng loob sa sinabi niya.
“Pagbibigyan kita sa gusto mo. Pero iyon ay kung may maipakikilala ka na sa aking asawa mo sa katapusan ng buwan na ito. At kung wala ka pang asawa na maipakikilala sa akin sa pagpatak nang unang araw ng buwan na darating, ay ipapakasal ko kayo ni Palito. At hindi ka na puwedeng umangal pa,” maawtoridad na wika ni lola.
“Pero, Lola, saan naman ako hahanap ng mapapangasawa sa loob ng labinglimang araw?” Nasa kalagitnaan na kasi ng buwan ng Oktubre.
“Bahala ka. Basta, kapag may naipakita ka sa aking asawa mo— dala ang marriage certificate ninyo, tapos ang usapan natin,” aniya. “Kilala mo ako, Selina, lalong higit ang pag-uugali ko. Kahit may ipakita ka sa aking certificate ay malalaman ko iyan kung totoo o hindi.” Pagkatapos niyang magsalita ay pinatay na ang tawag.
Naiwan akong nakatulala sa kawalan dahil sa sinabi ng aking abuela.
Napabuga na lamang ako ng hangin. Dahil kahit ano pang katwiran ang sabihin ko ay hindi na mababali ang gusto ni lola. Batas na itinuturing ang mga salita nito sa angkan namin. Kahit ang mga tyuhin at tyahin ko ay hindi nananalo sa kaniya.
***
“Ano’ng gagawin mo ngayon, sissy?” tanong ni Gwen habang nasa table niya. Naikuwento ko kasi ang pinag-usapan namin ng aking abuela.
Malungkot akong napabuntonghininga. Nayayamot na rin ako sa nangyayari at sa iniisip kong mangyayari pa.
“Hindi ko alam. Ayaw kong magpakasal sa dugyot na Palito na iyon. Mas gusto ko pang maging matandang dalaga kaysa makasal sa kaniya,” saad ko habang nakasubsob ang mukha ko sa aking table.
“Teka, bakit hindi mo na lang tanggapin ang alok ng pinsan ni JC na si James? Hindi ba niyaya ka niyang magpakasal para makaiwas naman sa mga babaeng gustong pumikot sa kaniya? Bakit hindi na lamang kayo magkasundo?” singit ni Erich sa kanila.
“Oo nga. Tama si Erich,” pagsang-ayon naman ni Gwen.
“Ano?!” Napalakas ang boses ko kasabay ng pag-aangat ng aking ulo. Hindi makapaniwalang tiningnan ko sila. “No way! Kung sa lalaking iyon lang, huwag na!” mariing tanggi ko.
“Hala siya! Mas gugustuhin mo pang magpakasal sa sinasabi mong mukhang dugyot, kaysa kay James na halos sambahin ng kababaihan?” hindi makapaniwalang turan ni Gwen.
“Kaya nga. Mag-isip-isip ka, neng. Ilang araw na lang ang palugit mo. Malapit na ang katapusan ng buwan na ito,” sambit pa ni Erich. “Kung ako sa ’yo, tatawagan ko na si Marfa. Sasabihin ko sa kaniyang handa na akong magpakasal sa asawa ng pinsan niya,” dagdag pa nito.
“Ahh!” naiinis kong saad at sinabunutan ang sarili kong buhok. Gulong-gulo na talaga ang isipan ko.
“Lord, bakit mo ba ako pinahihirapan? Kasalanan ko bang hindi ako magkaasawa sa ganitong edad?” nausal niya.
“Hay naku, neng! Kung ako sa ’yo, si James na lang. Guwapo na, mayaman pa. Saka pareho lang naman kayong makikinabang sa isa’t isa, eh. Ikaw, para ipakita sa lola mo na may asawa ka na. Si James naman, para layuan ng mga babaeng nais siyang pikutin. At kapag natapos na ang problema ninyo, puwede naman kayong mag-divorce. O ’di kaya, pumirma kayo ng kontrata. Parang isang deal. Para alam ninyo kung hanggang kailan matatapos ang pagpapanggap ninyo bilang mag-asawa,” ani Erich.
Napaisip na lang ako nang malalim.
Bahala na!