By Michael Juhagetmybox@hotmail.com
------
Habang mahinag pinatugtog ang kanta ay may boses ng babae na halatang umiiyak habang nagsasalita.
"Patawarin mo ako, anak. Inaamin kong malaki ang pagkukulang ko sa iyo. Kung kaya ay sobrang natakot akong magpakita... dahil napakawalang-silbi kong ina. Imbis na sana ay nasa tabi kita at karamay sa lahat mong pagdurusa, nasa malayo ako, hindi kita naaalagaan, hindi mo ako madama." Sandaling nahinto siya sa pagsasalita na tila kumuha ng buwelo. "Sundalo ang iyong ama at namatay siya sa ambush. Sa pagkamatay niya ay sunod-sunod na ang dagok sa aking buhay. Sa munti nating dampa ay ipinanganak kita na walang tumulong. Nairaos ko ang lahat. Nawala man ang iyong ama, kahit papaano ay natuwa ako na dumating ka sa buhay ko. Ngunit nagkasakit ako. Nilagnat, nagsusuka, halos hindi makatayo. Sa takot ko na hindi kita maalagaan at mahawa ka sa karamdaman ko ay naisipan kong ilayo kita. Sa gitna ng kalsada, ilang metro lang sa bahay na iniwanan ko sa iyo, nawalan ako ng malay. Nangising ako sa loob ng ospital. Tinulungan ako ng isang babaeng may ginintuang puso. Ipinagamot niya ako. Nang gumaling ako ay tinulungan niya akong mag-abroad. Iyon ang paraan ko upang magkaroon ng pera at babalikan kita. Ngunit bigo ako dahil hindi ako sinuwerte. Dumanas ako ng pang-aabuso. Hindi ako sinuwelduhan, palagi akong sinasaktan, at ikinulong ng ilang taon. Hanggang sa tinulungan ako ng embahada ng Pilipinas. Ngunit dahil kulang sa mga dokumento, ilang taon din akong nabinbin sa shelter. At doon ay muli akong nakaranas ng pang-aabuso sa mismong kamay ng opisyal. Nakaalis ako sa lugar na iyon nang nagbigay ng amnestiya ng gobyerno ng Arabo. Kahit walang dalang pera ay masaya akong nakauwi. Pagdating na pagdating ko rito ay hinanap ko ang bahay kung saan kita iniwan. Ngunit isang building na ang nakatayo roon. Sobrang sakit ang aking nadarama na hindi na kita nahanap. Naalala ko ang babaeng nagpagamot sa akin. Muli niya akong tinulungan upang makaahon sa buhay. Ang babaeng ito ay si Aileen. Ang Manager ng Nutrition Department na ito. Inirekomenda niya ako sa isang mayamang businessman upang ako ang maglinang ng isang parte ng sakahan na pag-aari ng kaibigan niya at upang ako rin ang magsupply ng mga gulay at prutas sa ospital at sa iba pang mga restaurant. Nang magkasakit ako, sa kanya ko ipinagkatiwala ang kuwintas upang hanapin ka at doon ito nakita ng kaibigan mong si Yuni."
Muling nahinto ang babae sa kanyang pagsasalita. Nakayuko naman ang lahat na umiiyak habang pinakinggan ang mga sinasabi ng babae.
"Marahil ay sadyang mapaglaro lang ang buhay sa akin, anak. Anim na buwan nang nakabalik ako rito sa Pilipinas ay nagsilang ako ng isang batang lalaki. Siya ang bunga ng pang-aabuso ng isang Pilipinong opisyal ng embahada ng Pilipinas. Pinangalanan ko siyang Michaelangelo. Ipinagdugtong ko ang mga pangalan ninyo para palagi kitang maaalala, at upang palagi kang maaalala ng kapatid mo. Alam niya na may kuya siya. Hinahanap-hanap ka niya. Sana anak, kahit ganito ako ka-walang kwentang ina, kahit ganito kahirap ang buhay na itinadhana para sa akin, kahit ganito kababa ang pagkatao ko, kahit ganito karumi ang mga karanasan ko ay matatanggap mo pa rin ako..."
Hindi na nakaimik pa si Iyke. Nakayuko siya at tahimik na umiiyak. Sa kanyang narinig at mistulang may bumatok sa kanyang ulo at natauhan siya. Napagtanto niya na mali ang panghuhusga niya kaagad sa kanyang ina. Hiyang-hiya siya sa kanyang sarili.
"Kung tanggap mo ako anak, buksan mo ang pinto sa gilid ng nakasabit na banner. Nandito ako sa loob ng cafeteria, anak. Lalabas lang ako kapag tanggap mo ako. Ngunit kung ako at ang bunsong kapatid mo ay hindi mo pa rin matanggap, manatili kami rito. Sana anak, maging buong pamilya na tayo. Pareho tayong nagdusa, anak. Nasasabik na ako sa iyo... At oo nga pala anak, sa araw na ito ang tunay mong birthday. Kaya happy birthday sa iyo, anak. Ang araw na ito ay para sa iyo."
Natahimik sandali ang paligid. Hanggang sa sumigaw si Yuni. "Buksan na iyan!!!"
At dahil dito ay sumingit ang kumedyanteng baklang staff ng Nutrition Dept. "Buksan mo iyan dahil sinampal mo si Boss Aileen, ang boss namin na sobrang bait! Hindi ka makakalabas dito nang buhay kapag 'di mo binuksan iyan!"
Nagtawanan ang lahat.
Sumingit uli si Yuni. "Buksan na iyan! Buksan na iyan!"
Doon na nagsisunuran ang lahat sa pagsigaw, "Buksan na iyan! Buksan na iyan! Buksan na iyan!"
Tiningnan ni Iyke si Aileen na nakangiti at iniunat ang kanyang dalawang bisig, pahiwatig na hindi siya galit sa pagsampal niya rito.
Wala nang nagawa pa si Iyke kundi ang lapitan si Aileen atsaka niyakap ito. Nagyakapan sila. "Pasensya na po sa inyo, Ma'am. Akala ko kasi...” hindi na itinuloy pa ni Iyke ang kanyang sasabihin. “Ang laki pala nang naitulong mo sa kanya," ang dugtong niya na lang.
"Wala iyon. Naintindihan kita. Para sa best friend ko ay hahamakin ko ang lahat ng sampal basta liligaya lang siya," sabay tawa. "Pero seryoso, mas intindihin mo ang iyong inay. Matagal na siyang nagdusa. It's high time na sumaya naman siya sa buhay... pati ikaw, pati ang iyong kapatid. Sana ay magiging masaya na kayo at magsama bilang isang buong pamilya.
Ibinigay ni Aileen ang bulaklak at ang kuwintas na nauna nang tinanggihan ni Iyke. Tinanggap na niya ito ng buong puso.
Nang binuksan ni Iyke ang pinto at lumantad ang kanyang at kanyang kapatid na lalaki. Ngunit laking gulat niya at hindi makapaniwala sa kanyang nakita.
Ang babaeng pinagaling ni Yuni ay siya rin palang ina niya! At pati si Yuni ay nagulat din! Pati ang inay ni Iyke ay hindi makapaniwalang sila rin ang nagligtas sa kanya. Silang tatlo ay nasorpresa at halos matulala sa hindi nila inaasahang pagtatagpo.
Nakakabingi ang palakpakan ng mga sataff nang nagyakapan ang mag-ina. Ibinigay ni Iyke ang mga bulaklak sa ina at pagkatapos ay tiningnan niya ang kapatid. Naglulundag sa tuwa ang puso niya nang makita siya. Niyakap niya ito at kinarga. "Ikaw pala ang bunso ko ha?" ang masayang sambit niya sa bata.
"Palagi po kayong binabanggit sa akin ng inay, kuya. Masaya ako na may kuya na ako. Yeheeeyyyy!" ang sagot naman ng bata.
Ikinabit ng mag-ina ang dalawang kwintas at ipinakita nila ito sa mga staffs at bisitang naroon. Nababasa nila ang salitang nabuo, "INAY".
Nagpalakpakan ang lahat.
Napakasaya ng tagpong iyon para sa mag-ina at sa lahat na naroon at nakasaksi.
(Itutuloy)