Chapter 1

1798 Words
Chapter 1 "Bossing, ano na ang plano natin ngayong nakapagpiyansa 'yong Tulok na hinuli natin kahapon?" tanong ni Jay kay Alfonso. "Ano?! Nakapagpiyansa na kaagad?" gulat na sigaw ni Alfonso. "Nakalabas na ba ang walanghiya na 'yon?" dugtong niya pa. "Kanina pa, Bossing," mabilis na tugon din ni Jay sa kanya. Napabuntung-hininga naman si Alfonso sa narinig. Wala naman na siyang magagawa pa. Kahit na gustuhin man niyang mabulok sa bilangguan ang lahat ng klase ng kriminal, kailangan niya pa ring sundin ang batas. Makakalaya kapag nakapagbayad ng piyansa. "Sabihan mo kaagad ang biktima," utos pa ni Alfonso. "Hindi natin alam kung ano ang takbo ng isip ng isang 'yon ngayong nakalaya na siya," pahabol niya pang sabi rito. "Copy, Bossing," mabilis na sagot din naman ni Jay.  Pagtalikod ni Jay ay napaupo naman si Alfonso sa office chair niya. Napahilot siya sa sentido. Hindi niya akalain na makakalaya kaagad ang lalaking nahuli nila kahapon dahil sa s****l assault. Dayo lamang ang lalaking 'yon at hindi naman madalas na nasa lugar nila, pero nagawa pa nito kaagad na mambastos at manghipo ng babae. Ang pinaka-ayaw talaga ni Alfonso ay ang nang-a-agrabyado ng babae. Walang laban ang kahit na sinong babae sa lakas nilang mga lalaki. Kung maari lang niyang kasahan ng baril ang mga siraulong 'yon, baka ginawa niya na. At baka hindi lang kasa. Ngunit hindi nila maaaring gawin 'yon. Labag 'yon sa sinumpaan niyang tungkulin.  Off duty na ng Biyernes ng gabi sina Jay, Rey, at Alfonso. Inaya ng dalawa ang Boss nila na kumain ng hapunan at uminom na rin nang kaunti sa hindi naman kalayuan sa estasyon nila ng pulisya. Mabilis namang pumayag si Alfonso dahil wala rin naman siyang gagawin sa bahay niya pagkauwi.  "Bossing, dumating 'yong pinsan ko galing Australia. Single 'yon saka maganda at seksi pa. Baka gusto mong ipakilala kita?" simula pa ni Rey sa kanya. "Marami pang ibang lalaki riyan. Sa iba mo na lang ipakilala 'yang pinsan mo, Rey," mabilis na tugon naman ni Alfonso. "Isang beses lang, Bossing. Subukan mo lang muna kasi. Hindi mo kasi sinusubukan kaya wala kang interes eh," hirit pa ni Rey. "Oo nga naman, Bossing. Kung gusto mo, magtriple date tayo nila Rey. Kung ayaw mo ng mga blind date nang mag-isa," udyok pa ni Jay. "Gusto niyo bang madestino bigla sa Mindanao?" tanong naman ni Alfonso sa dalawa. "Ito kasing si Rey. Huwag mo kasing pinipilit ang Bossing natin. Kapag ayaw, ayaw na. Tapos na dapat ang usapan," pagbago naman bigla ni Jay sa usapan nila. Alam nilang kayang-kayang gawin 'yon ng Boss nila. Isang letter of endersement lang, siguradong ligwak silang dalawa at pupulutin sa kangkungan sa Mindanao.  "Pero, Bossing. Ito seryosong usapan lang, ha?" simula naman muli ni Rey. "Hindi pa ako lasing, pero curious lang ako. Talagang wala ka pang plano na lumagay sa tahimik? Ayaw mo pang magnobya? May hinihintay ka ba?" dugtong pa nito. "Ano ba 'yang tanong mo?" Kunut-noong tanong ni Alfonso. "Walang gustong lumagay sa tahimik. Parang mamamatay," dugtong niya pa. "Mag-asawa kasi 'yon," paglinaw pa ni Rey. "Gano'n ang salitaan ng mga matatanda noon eh. Magsettle down, mag-asawa," paliwanag pa nito. "Wala pa nga," tugon naman ni Alfonso. "Hindi ba halata? Kung gusto naman ng tao, maraming paraan eh," patuloy pa niya. "Kapag ayaw, maraming dahilan," dugtong naman ni Jay sa sinabi ng Boss niya. "Iinom na lang natin 'to, dahil wala tayong mapapala sa Bossing natin na mukhang balak magpari kahit na Pulis na siya," pang-aasar pa ni Rey. Natawa naman si Alfonso sa narinig. Nagpatuloy sila sa pag-inom. May mga ipinapalabas pa sa telebisyon ng restobar kung nasaan sila. Mga magagandang modelo na tila nasa fashion show. Mukhang sa ibang bansa naganap ang show. May isa namang babae na nasa telebisyon ang pumukaw sa atensyon ni Alfonso. Napatayo pa siya at bahagyang naglakad papalapit sa screen. Ilang beses pa niyang ipinikit nang mariin ang mga mata.  "Namamalikmata lang yata ako," bulong niya pa sa sarili. Ilang segundo niyang tinitigan ang babae hanggang sa tumalikod na ito at bumaba sa stage na nilakaran nito. Hindi niya makumpirma kung ibang babae ba ito o ang babaeng kakilala niya. "Mukhang lasing na nga kaagad ako ah?" lahad niya. Muli na siyang bumalik sa lamesa kung nasaan ang dalawang kasama. Tila nagtataka naman ang mga ito sa kanya. "Ano 'yon? Kakilala mo, Bossing?" tanong kaagad ni Rey sa kanya. "Akala ko lang kakilala ko, pero kamukha lang pala," mabilis na tugon niya naman dito. Idinaan na lamang niya sa paglagok ng alak ang nakita. Hindi niya alam kung pinaglalaruan lang ba siya ng isip niya dahil nitong mga nakaraang araw ay mas napapadalas na mapanaginipan niya ang babaeng matagal na niyang hindi nakikita. Alam naman niyang hindi na sila muling magkikita no'n. Pero mukhang pinapaasa pa siya ng kanyang isipan. Ilang beses niyang iniling ang ulo para mawaglit na sa utak ang kung sino mang nasa isipan niya ngayon. He should be living in the present. Hindi na dapat siya lumilingon pa sa nakaraan na matagal naman nang natapos. Wala na siyang dapat na asahan. Wala na siyang dapat na hintayin pa. Wala na nga ba? - Dahan-dahang lumabas si Nala sa exit ng eroplano. Sa wakas, matapos ang limang buwan na training, nakabalik na siyang muli sa Pilipinas. She will stay for good for now. Wala naman na siyang ibang plano bukod sa ipagpatuloy ang modelling career niya.  She's enjoying her life right now. And if someone will ask her to turn back the time? She will immediately refuse. Wala na siyang itatama o babaguhin pa sa mga nangyari at pinili niya. Masaya na siya sa kung ano pa man ang mayroon siya at naabot niya. She's not that successful yet, but she will work hard more for that.  Hindi biro ang pinagdaanan niya para lang matupad ang pangarap niya noon. Dugo, pawis, luha, tatag ng loob, at sangkatutak na dasal. Natuto siyang magdasal nang dahil sa mga dinanas niya noon. Ang mga alaalang ayaw na niyang balikan pa. At kung maaari lang sana, makalimutan na lang niya. "Nala, should I buy coffee first?" tanong pa ni Mars. "Nasa baba na raw 'yong sundo mo," dugtong pa nito. "Let's have coffee first, Mars," mabilis na tugon naman ni Nala. "Copy that," tugon din naman nito. Dumiretso sila sa isang coffee shop para bumili ng kape at ng cake. Matagal na hindi nakakain ng matamis si Nala dahil sa mahigpit na pagsasanay at pagpapayat nila noog mga nakaraang buwan. Mabilis kasing bumigat ang timbang niya kapag kumakain siya ng matamis, kaya madalas noon, sugar-free, low fat at kung anu-ano pang hindi nakakataba ang kinakain niya. Masyadong boring sa panglasa pero kailangan niyang magtiyaga. Walang model na malaki ang puson at malaki ang mga braso. Unless, plus size ang imo-model mong mga damit at gamit. Napabuntung-hininga siya habang kumakain ng cake. Napapapikit pa dahil sa sobrang sarap ng kinakain niya. "Walang sumbungan nito Mars, ha?” sabi bigla ni Nala. Tandaan mo, hindi 'to nangyari," bilin pa ni Nala sa assistant. "Oo naman,” pagsang-ayon nito. “Mas lamang na ako 'yong lagot kapag nalaman 'to ni Madam V," dugtong din naman ni Mars sa kanya. "Very good,” sabi niya. “Pero parang gusto ko pa ng isa. 'Yong cinnamon bread naman," tugon pa ni Nala habang nakadungaw sa display ng cake at bread. "Naku, hindi na pwede,” awat naman ni Mars. “Tama na 'yan, Nala. Kapag bigla kang pinatimbang ni Madam V at bumigat ka na naman, parusa na naman tayong dalawa," paalala pa nito sa kanya. Napasimangot na lang si Nala. Sinimot niya ang cake sa plato niya. Linis na linis 'yon.  "Kapag sumikat o yumaman ako, Mars. At kapag huminto na ako sa pagmo-modelo, sisiguraduhin kong kakainin ko ang lahat ng mga gusto kong pagkain. Walang makakapigil sa akin. Isasama kita ro'n," nakangiting sabi pa ni Nala. Mars has been with her since the start of her career. Nagsimula sila sa as in walang-wala. Kahit pangtaxi noon, gipit sila. Hanggang sa unti-unting gumanda ang karera ni Nala. May nakakita sa kanyang talent scout at pinasubukan siyang magmodelo. Nagustuhan kaagad siya ng mga Manager, at simula noon, nagsumikap na makalayo pa at marating ang mga pwede niyang marating. Nang matapos silang kumain ay kaagad din naman nilang pinuntahan ang van na susundo sa kanila. Nakuha na rin nila kaagad kanina ang mga bagahe nila kanina, kaya naman di-diretso na sila sa condo kung saan nakatira si Nala.  "Mars, iidlip muna ako, ha? Dalawang oras pa naman ang biyahe natin, di'ba?" sabi pa ni Nala. "Okay, gigisingin na lang kita kapag malapit na tayo," tugon din naman nito. Sumandal si Nala at inayos niya ang neck pillow niya. Ibinaba niya rin ang eye mask niya para hindi siya masilaw sa liwanag. Hindi kasi siya gaanong nakatulog sa biyahe nila kanina sa eroplano mula sa France. Tila excited siyang umuwi sa Pilipinas, hindi niya rin maipaliwanag. Wala naming rason para ma-excite siya. Naalimpungatan si Nala nang makarinig ng mga boses mula sa gilid. Napaayos siya ng upo at inalis din niya ang eye mask niya. Nanglalabo pa nga ang mga mata niya dahil sa sobrang liwanag ng paligid. "Mars, ano'ng mayroon?" tawag naman ni Nala sa assistant niya. "Pinara po tayo ng pulis eh,” tugon nito. “Kinakausap pa po 'yong driver natin," dugtong pa ni Mars. "Kanina pa ba?" tanong niya pang muli. Nakakunot pa ang noo ni Nala. Hindi niya kasi marinig nang malinaw ang usapan ng mga nasa harapan. "Kani-kanina lang po,” tugon ni Mars. “Parang may sinabi po kaninang may hinahanap daw silang kriminal? Kaya naglagay ng checkpoint dito sa lugar," paliwanag pa nito. "Okay, sige," tugon naman ni Nala. Kampante na siyang sumandal ulit sa upuan, ngunit nagulat siya nang buksan ang pinto ng van nila. "Oy, teka. Bakit binubuksan?" sigaw niya kaagad. "Ma'am, need daw po nilang makita ang mga ID ninyo bago tayo padaanin," lahad pa ng driver nila. Napairap sa hangin si Nala. Kaagad namang nagkalkal si Mars sa nga bag nila. Siya rin kasi ang may hawak ng bag ni Nala.  "Magandang hapon po, mga Ma'am,” bungad pa ng pulis. “Pasensya na po sa abala pero hihiramin lang po sana namin ang mga ID. Salamat po," lahad pa ng isang lalaking pulis. Inabot naman ni Mars ang ID nila ni Nala sa pulis. Tinitigan ito nang matagal ng pulis bago magsalita muli. "Sino po sa inyo si Nala Bumakarawa?" tanong pa nito. "Jusko, buong pangalan talaga?" komento pa ni Nala sa narinig. Dumungaw siya mula sa pwesto niya sa likuran upang magpakita sa pulis. Ngunit laking gulat niya nang bumungad sa kanya ang mukha ng lalaking hindi niya akalain na makikita pa niya ulit. "Nala? Ikaw nga?" tanong nito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD