Chapter 2
"Tapos na ba sa ID namin?" tanong ni Nala. "Nagmamadali po kasi kami. Pasensya na, Manong," lahad niya pa.
Pinakuha naman muli ni Nala kay Mars ang ID nila mula sa Pulis na tila natulala nang makita siya. Nang makuha nilang muli ang mga ID, pinasara na ni Nala kay Mars ang pinto ng van at minadali ang driver para paandarin na nito ang van.
Nagtakip na muli si Nala ng eye mask. Saka ito muling bumalik sa pwesto para umidlip.
"Bakit parang kilala ka no'ng gwapong pulis?" nagtatakang tanong pa ni Mars sa kanya.
"Baka napanood ako,” sagot kaagad ni Nala. “Ipinalabas dito sa channel ng mga TV 'yong runway videos, di'ba?" paalala niya pa.
"Talaga? Gano'n lang ba? Parang hindi eh," bulong pa ni Mars.
"Gusto mo bang ipakilala kita?" tanong ni Nala. "Pababain kita, sama ka na sa kanya sa presinto," pang-aasar pa ni Nala.
"Sinasabi ko lang naman eh," paglilinaw naman ni Mars. "Sige na, matulog ka na riyan, puyat lang 'yan," dugtong pa nito.
Pinilit naman ni Nala ang sarili na bumalik muli sa pagtulog. Ngunit, ilang beses na sumagi sa isip niya ang mukha ng lalaki kanina. Ang mukha ng pulis na 'yon. Hindi siya maaaring magkamali. 'Yon si Alfonso. Ang lalaking nakilala niya noong labingwalong gulang pa lamang siya. Pero wala na siyang dapat na pakialam pa rito ngayon.
"Babalikan kita rito, Nala. Hihingi ako ng tulong sa estasyon namin. Maghahanap lang ako ng telepono para makatawag," bilin sa kanya ni Alfonso.
Mapaklang natatawa si Nala kapag naaalala ang mga sinabi noon ni Alfonso sa kanya. At dahil isa siyang tanga at utu-uto noon, naniwala siya. Ang buong akala niya ay saglit lang mawawala si Alfonso noon. Pero kahit anino nito, hindi na niya naaninag pang muli.
Nang makarating sila sa condo niya, ay kaagad naman niyang inilabas ang mga damit niya mula sa maleta. Tinulungan pa nga siya ni Mars na ilipat sa cabinet niya sa kwarto ang mga malilinis na damit niya mula sa bagahe.
Pinapauwi na nga niya ito para para makapagpahinga na rin, ngunit nagpresinta pa ito na tulungan siya sa mga gamit niya. Marami-rami rin kasi ang mga i-a-ayos niya, kaya okay na rin siguro 'to. Kahit paano ay may kausap siya at hindi mag-iisip ng mga kung anu-ano.
"Nala, bakit hindi mo bigyan ng chance si Athur?" biglang tanong ni Mars habang nag-aayos ng tupi ng mga damit.
Napatingin tuloy nang masama si Nala kay Mars dahil sa biglang tanong nito.
"Si Arthur?" ulit naman niya. "Bakit? Ano ba ang mayroon sa kanya?" tanong din niya.
"Halata kaya kay Arthur na gusto ka niya," dugtong pa ni Mars.
"Talaga?" kunot-noong tanong pa ni Nala. "Buti ka pa halata mo, ako kasi hindi eh. Mabait lang 'yong tao eh. Binigyan mo naman kaagad ng malisya," saway niya naman kaagad kay Mars.
"Hindi lang dahil sa mabait siya kaya siya gano'n sa'yo. Manhid ka, 'te?" tanong ni Mars.
"Hindi ako manhid, hindi rin ako ilusyunada," sagot din naman ni Nala.
"Hay naku, ewan ko sa'yo. Pero kung ako 'yon? Susunggab kaagad ako," payo pa ni Mars.
"Mangudngod ka sana sa kakasunggab," natatawang sabi pa ni Nala.
"Nakakainis, ang pabebe mo," natatawang reklamo rin ni Mars sa kanya.
"Huwag na huwag kang magsasabi ng ganyan kapag nasa malapit si Arthur. Iisipin talaga no'n ilusyunada ako," bilin niya pa.
"Hindi siya gano'n. Kikiligin pa 'yon. Ano? Pustahan ba?" hamon pa ni Mars sa kanya.
"Ayaw ko. Hindi dapat pinagpupustahan ang damdamin ng ibang tao," mabilis na tanggi rin naman ni Nala.
Hindi niya alam kung totoo nga ba ang sinabi ni Mars sa kanya. Hindi naman kasi niya napapansin. Si Arthur ay isa sa mga sponsors ng Modeling Agency nila. Madalas ito sa opisina dahil malapit lang naman ang building na pinapasukan nito. Talagang mabait ito, kaya naman hindi binibigyan ng ibang kahulugan ni Nala ang kabaitan nito sa kanya. Naniniwala siyang hindi mo kailangang magkagusto sa ibang tao para tratuhin mo ito nang mabuti. You can just be kind without expecting something in return from anyone.
"Ganito na lang, kapag one of these days, nagconfess siya sa'yo, bibigyan mo ako ng sampung libo. Kapag within the year naman, hindi siya nagconfess, ikaw ang bibigyan ko ng limang daan," alok pa ni Mars.
Nanglaki naman ang mga mata ni Nala sa narinig niya.
"Bakit kapag ikaw ang nanalo, sampung libo ang ibabayad ko? Bakit limang daan lang sa akin kapag ako ang panalo?!" nagtatakang tanong pa ni Nala.
"Kasi ikaw ang nagpapasahod sa akin eh. Hindi ko kaya ang sampung libo," natatawang paliwanag din ni Mars.
"Ayaw ko. Itigil mo 'yang kalokohan mo. Ako ang mananalo dahil walang confession na magaganap mula kay Arthur. Boss natin siya, umayos ka," tanggi muli ni Nala.
"Sige ka, ikaw rin. Ang sa akin lang naman, hinahanda ko ang emosyon mo. Para makapag-isip ka na ng isasagot mo bukod sa yes," udyok pa rin ni Mars.
"Bakit naman ako sasagot ng yes sa kanya?" kunut-noong tanong pa ni Nala.
"Kasi nga blessing na 'yon, tatanggi ka pa ba sa grasya?" tanong pa ni Mars.
"Blessing ba ang magconfess sa'yo ang hindi mo naman gusto?” tanong niya. “I will call it awkward instead, Mars. Kaya ayaw kong umabot sa gano'n," mabilis na tugon niya pa.
"Magpapadeliver na ako ng dinner natin. Baka gutom lang tayong dalawa kaya nagiging ilusyunada tayo pareho," deklara pa ni Nala.
"Mabuti pa nga. Milktea na rin, ha? Dating gawi," hirit pa ni Mars sa kanya.
"Sige, pero sikreto ulit 'to. Walang iiwang bakas bukod sa pagbigat ng timbang ko," bilin pa ni Nala.
"Magjogging ka na lang bukas. Mga 50 rounds," suggest pa ni Mars.
"Papayat nga ako, pero mamamatay na rin naman ako sa pinapagawa mo," natatawang tugon naman ni Nala.
Tinapos na nila ang pagligpit ng mga damit sa cabinet niya at nagtungo na sa sala habang hinihintay ang pinadeliver nilang pagkain.
"Ikaw, Mars. Kapag may iba ka nang plano sa buhay mo, magsabi ka sa akin nang maaga, ha?" simula ni Nala habang pumipili ng pelikulang ipi-play niya.
"Ano naman ang iba kong plano?" tanong din naman ni Mars sa kanya.
"Kung gusto mong lumipat ng ibang trabaho, o biglang mag-asawa. Hindi kita pinagbabawalan sa mga pangarap mo, alam mo 'yan. Pero magsabi ka nang maaga para maihanda ko ang sarili ko," tuloy din naman ni Nala.
"Wala pa, kaya huwag kang mag-alala. Masaya ako sa trabaho ko bilang assistant mo. Ito ang pangarap ko, makasama sa iba't-ibang lugar o bansa tapos kumikita," paglinaw rin naman ni Mars sa kanya.
"Okay, mabuti naman at hindi ako nagiging hadlang sa mga pangarap mo," nakangiting tugon din ni Nala.
Sa halos limang taon kasi nilang nagkasama, dalawang beses pa lamang nabigyan ng increase si Mars ng ahensya. Kaya naman siya mismo ang nagdadagdag sa sahod nito. Alam naman kasi ni Nala na may pinag-aaral pang pamangkin si Mars.
Matapos nilang kumain ay nagpaalam na rin si Mars na uuwi na. Pinadalhan niya ng mga pasalubong ang kapatid at pamangkin nito bagi ito umalis. Ngayong mag-isa na lang siya at tahimik ang kapaligiran, naaalala na naman niya ang mukha ng pulis kanina.
"Eh ano naman kung pulis pa rin siya ngayon? Hindi naman niya ako nagawang protektahan noon," bulong ni Nala sa sarili niya.