Chapter Two
"Pinapatawag kayo ni Lady A." Imporma ni Gareth na may bitbit na cotton candy at nilalantakan iyon.
"Bakit daw?" tanong ni Teri sa akin. Kusa akong napasimangot sa tanong ng kapatid.
"Mukha bang alam ko na?" sarcastic na tanong ko rito. Natatawang hinila na lang ako nito. Pagpasok namin sa office ay inabutan namin si Lady A na may hawak na news paper at agad na inilapag iyon nang marating namin ang pwesto nito.
"Lady A?"
"It's time na harapin n'yo na ang huling misyon ninyo." Nagkatinginan kaming dalawa ni Teri.
"Wala naman kaming misyon na tulad ng ibang girls. We're fine here, Lady A." Tugon ni Teri na umupo na sa couch. Tumayo si Lady A at tinungo na rin ang couch.
"Wala? Paano ang Nanay ninyo?" tanong nito dahilan para magkatinginan kami ng kapatid ko."Wala ba talaga, Tori?" ibinaling ni Lady A ang tingin sa akin. Marahan akong napalunok at bahagyang iniayos ang salamin.
"Tori?" takang ani ni Teri na sa akin na rin nakatingin.
"Well, kung bibigyan mo na kami ng go signal. Gagawin namin, Lady A." Seryosong tugon ko rito. Tumango naman ang babae at iniabot sa akin ang folder. May nakatatak doon na confidential.
"Basahin n'yo muna 'yan. Pagkatapos, mag-usap tayong tatlo." Sumenyas na itong umalis na kami.
Si Teribelle na nananahimik ay hinila ko na.
"What the heck is that?" manghang ani nito. Muli ko s'yang hinila patungo sa elevator. Mukhang hindi pa ito nakabawi, kaya narating namin ang unit ko na hindi man lang ito nakapagtanong.
"Tori! What the hell is that? Akala ko ba aksidente ang nangyari kay Nanay Lenny? What the f**k is this?" nangingilid ang luhang tanong nito.
"Hindi iyon aksidente."
"Matagal mo nang alam?" tanong nito sa akin. Nagkibitbalikat lang naman ako."Tapos wala kang planong sabihin?"
"Hinintay ko lang na manggaling kay Lady A."
"W-hat? Kakambal mo ako, bakit kailangan mong itago sa akin ito?" napasabunot ito sa buhok sa sobrang frustration.
"S-orry."
"That's it? Why?"
"Tsk, dahil padalos-dalos ka." Tugon ko rito. Initsa ko rito ang folder."Pag-aralan mo dahil alam ko na 'yan."
Dali-daling binuklat nito iyon.
Unang tumambad dito ang printed copy ng isang article patungkol sa nangyaring sunod sa palengke kung saan kami nagtitinda noon kasama si Nanay Lenny.
Tahimik na naupo ito sa couch saka binasa ang laman ng confidential information na ibinigay ni Lady A.
Matagal nang alam ni Lady A na sumusubok akong mag-imbestiga sa nangyaring sunog noon. Akala ko nga ay pipigilan ako nito. Ngunit hindi, itinikom din nito ang bibig nito sa ginagawa ko.
Hindi ko sinabi kay Teri dahil may pagka-reckless ito.
Ayaw ko lang manganib ang buhay ng kapatid ko.
"Sino si Alforte Magalones?" tanong nito sa akin.
"'Wag kang tamad, Teri. Basahin!" nakasimangot na ani ko rito. Tsk, may oras itong mag-emote, tapos magbabasa lang katatamaran pa nito.
Ginugol ni Teri ang oras n'ya sa pagbabasa ng files.
Habang abala ako sa ilang misyon ng mga kaibigan namin.
Kapag hindi na kayang pagsabay-sabayin ang trabaho ay ipinapasa ko sa iba ang ibang girls. Mas delikado kung ang mismong look out ay distracted. Hindi lang naman ako ang mahusay sa computer. Halos lahat nga kami ay marunong.
Pero ilan lang 'yong talagang nag-focus sa ganitong larangan.
Ilang araw akong abala sa dapat tapusing trabaho. Habang si Teri, nagkulong lang sa silid nito.
Isang linggo. Iyon lang ang palugit ko rito. Wala akong panahon sa pag-e-emo nito.
Hindi ko rin kailangan mag-babysit ngayon.
Kapag hindi pa ito haharap sa akin at makikipag-usap ay ako na lang ang gagawa ng misyon. Habang ito, pakikiusapan ko si Lady A na itapon muna sa mars.
"Fine! Fine! Mag-usap na tayo." Gulat na tinignan ko ito na bigla na lang lumabas mula sa silid nito. Magulo ang buhok, halatang ilang days ng hindi naliligo.
"Anong nangyari sa 'yo?" takang ani ko rito.
"Kung iniisip mong nagdaramdam ako sa 'yo, nope. Tinapos ko lang 'yong kdrama na pinanonood ko."
Napasinghap ako sa labis na pagkamangha sa sinabi nito. Automatic na napadampot ako nang suot kong sandal at pinalipad sa pwesto nito. Mabilis itong napatakbo pero nadali pa rin ang pang-upo nito.
"Arayyyyy..."
"Busy ako, nakuha mo pang mag-kdrama? Lintik ka talaga." Natatawang nagkubli ito sa counter table. Nanlilisik sa labis na inis sa kapatid ang tingin ko.
"Gets ko naman na agad noong nakaraan pa kung bakit mo itinago sa akin. Naisip ko na mag-emo muna para matapos ko 'yong pinanonood ko." Masama na talaga ang tingin ko rito. Baka hindi ko ito matantya. Daig ko pa ang nag-aalaga ng nakababatang kapatid.
"I love you." Pa-sweet na ani nito. Huminga ako nang malalim. Isa, dalawa...hangang sampu. Nang matapos ay tumango-tango ako.
"Let's talk. Tapos pumunta na tayo kay Lady A." Ngiting-ngiti na tumango ito. Umalis na rin ito sa pinagtaguan nito at kinindatan ako. Mukhang nakalimutan nitong may isa pa akong sandal. Mabilis kong nadampot iyon, pero mas mabilis itong nakapasok sa banyo. Hindi talaga tamang hinayaan ko itong palaging kasama sa training sina Tatti at Islah, eh.