NAPANGITI siya ng mapagmasdan si Lara at Ronald na naghahabulan sa bakuran. Daig pa nito ang mag-ama kung magturingan. Nagpapasalamat siya at kahit papano sumaya si Lara dahil sa pagbalik ng inaakala nitong ama. Alam niyang malaki ang naitulong ni Ronald sa anak niya para maging mabuti itong anak. Kung dati ay siya ang palaging kalaro ni Lara ngayon ay si Ronald na. Gustuhin niya mang magselos sa pagiging malapit ng anak sa lalaki hindi niya naman magawa.
“Sana si Ronald nalang ang tunay niyang ama.” Turan ni Yaya Luz na ikinagulat niya. Napatingin siya ditong kunot ang noo. “Masaya ako dahil nagkakasundo na kayo ni Ronald.” Dagdag pa nito.
“Si Leo pa rin ang ama ni Lara at hindi po natin yon maitatago kay Lara.” Sagot niya.
“Alam ko at nakikita naman siguro natin ang malaking pagbabago kay Lara simula ng magpakilala si Ronald na siya ang ama nito.”
“Kaya nga po ako natatakot. Paano nalang kapag umalis si Ronald? Kapag nag-asawa siya? Hindi naman pwede na mawalan na ng buhay si Ronald dahil sa amin ni Lara.” Nag-aalala niyang turan.
“Bakit hahayaan mo ba siyang mawala sa buhay niyo?” tanong nito.
“Hindi ko hawak ang buhay niya Yaya Luz at kung gusto niyang umalis at tigilan na ang palabas na ito hindi ko siya pipigilan lalo pa at mahigit isang buwan ng tumigil ang buhay niya dahil sa amin.” Sagot niya.
“Mahal mo ba siya?” prangka nito sa kanya na ikinagulat niya. Ganun na ba siya ka-obvious para magtanong nito sa nararamdaman niya.
“Yaya!” sagot niyang nanlalaki ang mga mata. “May girlfriend si Ronald. Ano naman ang panlaban ko dun?” pulang-pula ang mukhang tanong niya.
“May girlfriend nga pero ikaw naman ang palaging kasama. Umaga, tanghali at gabi mukha niyo ang palaging niyong nakikita. Wag mong sasabihin na hindi mo siya gusto, babatukan kita?” tanong pa nito. Pakiramdam niya nasa hot seat siya dahil sa mga tanong nito.
“Hindi maaari yaya! Sister in law niya lang ako. Yun lang yun.” Kaila niya pa. Napailing nalang ito ng makaalis siya.
Napaisip siya ng makalayo ang nakalakihan ina-inahan ng asawa. Alam niyang kahit ilang beses pa siyang magsinungaling nababasa nito sa mga mata niya ang katotohanan.
Bakit kasi sa dami ng lalaki sa mundo sa kapatid pa ng asawa niya sa magkakagusto?
Nabigla pa siya ng biglang may humalik sa pisngi niya. Nakaupo siya sa sala ng mga oras na iyon para makaiwas kay yaya Luz ng biglang sumulpot si Ronald at agad siyang hinalikan.
“Mommy, kiss mo rin si Daddy!” utos ni Lara sa kanya. Muling kumabog ang dibdib niya dahil sa sinabi ng anak. Napatingin siya kay Ronalad, nakasalampak ito sa sahig at pawis na pawis. Ngumiti ito sa kanya habang tinuturo ang pisngi. Mukhang game na game ito sa kalokohan ni Lara. “Sa lips mommy, pawis kasi si Daddy.” Dagdag pa ni Lara na impit ang kilig sa pinapagawa sa kanilang dalawa. Nanlaki ang mata niya dahil sa sinabi nito pero parang balewala lang kay Ronald. Humarap ito sa kanya at ininguso ang mapupulang labi sa kanya. Kung hindi lang siya nakaupo tiyak na kanina pa siya natumba dahil sa nanlalambot niyang mga tuhod. “Mommy, dali na!” utos pa ni Lara na tila inip na inip. Dahil dito dahan dahan siyang lumapit kay Ronald upang maabot ang labi nito. Dampi lang sana ang halik niya dito pero kinabig siya nito at siniil ng mainit na halik. Napayakap siya dito dahil nawalan siya ng balanse. Hindi na nila pinansin ang paghihiyaw ni Lara dahil naging abala ang mga labi nila sa isat-isa. Kung hindi pa muling nagsalita si Lara hindi siya matatauhan. Agad siyang kumalas kay Ronald at binalik ang atensiyon sa anak. Mabuti nalang talaga at hindi nakita ni Yaya Luz ang lahat dahil tiyak na aasarin siya nito. Inakbayan siya ni Ronald pagkatapos ng halik na namagitan sa kanila. Nasa sahig silang tatlo habang naglalaro si Lara.
“Gagawa lang ako ng meryenda.” Turan niya para pakawalan siya ni Ronald pero hindi ito pumayag. Humilig ito sa balikat niya at niyakap siya sa bewang.
“Mamaya na.” ungot nito na parang bata. Hindi niya tuloy maintindihan kung parte pa ba iyon ng pagpapanggap nila o hindi na. Hinalikan siya nito sa punong tenga.
“Ano ka ba, mamaya makita tayo ni Yaya Luz.” Saway niya dito pero aaminin niya, nagugustuhan niya ang paraan ng paghalik-halik nito sa kanya. Sa halip na tumigil ito ay hinarap nito ang mukha niya sa mukha nito at paulit-ulit na kinakantilan ng halik ang mga labi niya.
“I want to do this.” Bulong nito sa kanya.
“Ayokong mag-isip ng hindi maganda sa atin si Yaya Luz. Nakakahiya rin kay Leo.” Sagot niyang iniwas ang mga labi dito. Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at mayat-maya pa ay nagpaalam sa kanila ni Lara na maliligo.
ALAM niyang nagtatampo ito kaya hindi rin siya makatiis at sinundan ito sa sariling silid nila. Kahit na nasa iisang silid sila hindi ito nangahas na gawan siya ng masama. Umupo siya sa tokador habang hinihintay itong lumabas ng banyo.
“Ronald.” Turan niya ng matapos itong maligo. Bahagya pa itong nagulat dahil hindi nito inakalang susunod siya. Nakatapis lang ito ng tuwalya kaya halos kita niya na ang kalahati ng katawan nito. “I’m sorry.” Dagdag niya pang hindi makatingin ng deretso dito.
“I’m sorry din. Alam kong mahal na mahal mo si kuya kaya dapat hindi ko yon ginawa.” Sagot nito habang nagpupunas ng buhok gamit ang isang maliit na towel.
“Aaminin ko nagustuhan ko ang ginagawa mo kanina pero mali ang lahat ng ito. Kapatid ka ng asawa ko at may nobya ka pa. Hindi ka mahirap mahalin dahil sa tingin ko mahal na yata kita pero ang mali ay hindi kailanman magiging tama. Kaya kong tiisin ang nararamdaman ko para sayo, for the sick of our friendship and to our family. Ayokong mag-isip ka ng masama sa akin tulad ng una mong empresyon noon sa akin. Pumayag akong halikan ka hindi dahil gusto ni Lara kundi yon ang sabi ng puso ko. Yon ang gusto ng puso ko,.” Pahayag niya pa. Napansin niyang nagulat ito sa pag-amin niya dahil hindi ito makapagsalita.
“Dahil kay Kuya kaya gusto mong pigilan ang nararamdaman mo. Ganun mo siya kamahal. Lahat kayo si Kuya ang mahal niyo.” Sagot nito sa kanya na ikinagulat niya. Hindi naman mataas ang boses nito pero nararamdaman niya ang hinanakit sa boses nito. “Wag kang mag-alala, ilulugar ko ang sarili ko.” Dagdag pa nito.
“Dahil may respeto ako sa kapatid mo.” Sagot niya.
“At ako wala?” sagot nito sa kanya ng hinarap siya. “Mahal ko si Kuya at hindi ako gagawa ng isang bagay masasaktan siya.” Sagot nito.
“Sa ginawa natin kanina, akala mo ba hindi siya masasaktan?” sagot niya kaya hindi ito nakakibo.
“Natukso lang ako.” Sagot nito sa kanya at hindi na muling sumagot pa. Hindi niya mapigilang hindi masaktan dahil sa sinabi nito. Natukso lang, yon ang nararamdaman nito kanina kaya siya hinalikan. “Iwasan mo nalang ako kung sa tingin mo ay nasasaktan mo si Kuya, dahil kung mali at mapanakit para sayo ang magmahal ka ng iba, wala na akong magagawa pa.” dagdag pa nito kaya natigilan siya.
SA pangalawang pagkakataon naramdaman niya ang pader na namagitan sa kanilang dalawa noon. Wala sa plano niya ang iwasan ito pero ito ang kusang lumalayo kapag lumalapit siya. Naglagay ito ng pader sa pagitang nilang dalawa at nalulungkot siya sa nangyayari. Akala niya hindi na ito babalik pa sa dati na palaging nakakunot noo pero ito na naman sila at muli niyang tinitibag ang mga pader na nilagay nito. Pakiramdam niya napakahirap nitong abutin.
WALA ring araw na hindi ito umaalis ng bahay at kinabukasan na muling babalik. Nasasaktan siya at nanghihiyang sa mga nangyayari sa kanilang dalawa at maging si Lara ay napapansin na rin ang pagbabago ni Ronald.
“Aalis ka na ba dito?” tanong niya ng umuwi ito isang araw. Pumasok ito sa silid nilang dalawa para kumuha ng damit tulad ng palagi nitong ginagawa.
“Sinasanay ko lang si Lara na hindi niyo ako nakikita.” Sagot nitong hindi nakatingin sa kanya.
“Hindi mo ba alam na nasasaktan si Lara dahil sa ginagawa mo?” galit niyang tanong dito pero ang totoo nasasaktan din siya sa paraan ng pagtrato nito sa kanya. “May isip na si Lara at palagi ka niyang hinahanap. Akala ko ba mahal mo siya?” sumbat niya ditto.
“Parang anak ko na si Lara at totoong mahal ko siya. Balang-araw maiintindihan niya rin ang lahat. Tulad mo, ayokong makasakit ng ibang tao tulad ng palagi mong iniisip kaya ako lumalayo ngayon. Ayokong maging temptation sayo at nirerespeto ko si Kuya.” Sagot nito. Nahimigan niya ang gusto nitong ipaabot. Aalis na ito sa kanila at unti-unti lang silang sinasanay. Naalarma siya dahil sa naisip.
“Hindi ko kayang muling mawalan ng ama si Lara.” Umiiyak niyang turan.
“Hindi siya mawawalan ng ama dahil hanggang buhay ako, ama niya ako.” Sagot nito.
“Hindi ko kakayanin kapag nawala ka rin.” Amin niya. “Nasasaktan ako sa ginagawa mong pag-iwas.” umiiyak niyang turan. “Akala ko kaya kong pigilan ang puso ko pero hindi Ronald dahil mahal na mahal na kita. Nasasaktan ako sa paraan ng pagtrato mo sa akin. Nasasaktan rin ako kapag iniiwasan mo ako.” Dagdag niya pa.
Lumingon ito sa kanya. “Paano si Kuya? Hindi ba mahal mo siya?” tanong nito sa kanya.
“Hindi siya mawawala sa puso ko. Kahit wala na siya parte pa rin siya ng pagkatao ko. Ikaw, ikaw ang taong hindi ko kayang mawala ngayon. Hindi ko kayang iwan mo kami.” Turan niya pa dito. “Sa pangalawang pagkakataon tumibok ang puso ko, ang masakit nga lang sa kapatid ng asawa ko. Hindi ko yun matanggap pero hindi ko matatanggap kung pati ikaw ay mawala.” Pahayag niya pa. Hinawakan niya ang kamay nito at nilagay sa tapat ng puso niya. “Pakiramdaman mo.” Utos niya dito. “ Ikaw ang itinitibok ng puso ko ngayon Ronald.” Turan niya pa.
Halata niyang nabigla si Ronald dahil sa sinabi niya. Hindi siguro nito inaasahan ang sasabihin niya. Kung tutuusin dapat noon niya pa iyon ginawa pero hindi niya ginawa sa pag-aakalang kaya niya pang kontrolin ang nararamdaman para sa lalaki.
“Baka nabibigla ka lang sa nararamdaman mo at nakikita mo sa akin si kuya?” tanong nito.
“Iba ka kay Leo. Minahal kita hindi bilang si Leo. Naramdaman ko ang pag-mamalasakit mo sa amin at pagmamahal mo kay Lara. Hindi ka mahirap mahalin Ronald, tulad ng sinabi ko, maraming dahilan kung bakit kita minahal. Hindi ako nabibigla dahil matagal ko itong pinag-isipan. Sa mga araw na nakasama kita muli mong pinaramdam sa akin na may bukas pa para buksan ang puso at ang bukas na iyon ay ikaw. Sayo ko nakikita ang kahapon ko.” Turan niya pa. Wala itong naging tugon sa sinabi niya. Kinuha nito ang mga kamay sa kanya at lumapit ito sa cabinet para kumuha ng damit.
“Kung si Cathy ang iniisip mo, payag akong makihati sa atensiyon mo wag mo lang kaming iwan.” Pagmamakaawa niya pa. “Kahit masakit payag akong maging pangalawa, wag ka lang mawala.” Dagdag niya pang parang nababaliw dahil sa nakikitang pag-aalinlangan nito. Kung hindi niya ito sasabihin baka matuluyan nga siyang mabaliw. Ilang araw na nga siyang hindi nakakadalaw sa ilang brach niya dahil sa pangungulila dito.
“Hindi mo na kailangan gawin.” Sagot nito kaya muling nag-unahan ang pagbagsak ng mga luha niya. Nilapitan niya ito at kinabig ang ulo para halikan. Siniil niya ito ng halik.
“Mahal na mahal kita Ronald. Sabihin mo lang at gagawin ko ang lahat wag mo lang akong iwan.” Pagmamakaawa niya pa ng putulin nito ang halik niya.
“Hindi mo na kailangan gawin yun dahil wala na kami.” Sagot nitong nakangiti. Nabuhayan siya ng loob ng masilayan ang mga ngiti nitong ilang araw niya na ring pinanabikan. “Matagal na kaming wala ni Cathy dahil sayo, nagseselos siya sayo dahil daig pa raw ang asawa kita kung ituring. Well, dapat lang talaga siyang magselos dahil iba ka sa kanya. Siya, handa niya akong iwan dahil sa barkada pero sayo? Naramdaman ko na hindi mo ako kayang iwan, kaya ganun nalang ang pagtatampo ko ng sabihin mo na kaya mong pigilan ang nararamdaman mo sa akin. Pakiramdam ko lahat ng mahalaga sa akin ay nawawala at hindi ko yun matanggap. Iba ka kay Cathy.” Sagot nito.
“Kung ganun mahalaga ako sayo?” nakangiti niyang tanong.
“Hindi ka lang basta mahalaga dahil mahal na rin kita. Hindi ko inaasahang mangyayari ito dahil ama lang ni Lara ang inalok ko sayo at hindi kasama ang puso ko. Binago ako ng pagmamahal mo Grace. Lahat ng galit sa puso ko ay nawawala kapag ikaw ang kasama ko. Napakaswerte ni Kuya dahil siya ang una mong minahal.” Pahayag nito.
“Ikaw naman ang huli kong mamahalin.” Nakangiti niyang sagot. Hawak nito ang magkabilang pisngi niya at panay ang punas sa luha niyang hindi nauubus sa pagpatak.
“Likas na mahal ako ni Kuya dahil kahit mahal ka niya nagpaubaya siya at binigay ka niya sa akin.” Turan nito bago nito tinawid ang maliit na distansiyang nasa pagitan nila.