PAGDATING ni Martina sa bahay kasama ang kanyang kasintahan ay sinabihan sila ng kasambahay na dumeretso sa opisina ng kanyang ama at naroon daw ito kasama ang mga panauhin.
Nangunot ang noo niya at napatingin sa kasintahan na nagkibit naman ng mga balikat.
Panauhin?
Sino naman kaya ang maaaring maging panauhin nila na kinakailangan pa silang ipatawag ng kanyang ama? At bakit kung ang text ng ama niya ang pagbabasehan ay galit ito, hindi sa kanya kundi sa kanyang kasintahan?
Hindi man makahanap ng sagot sa mga katanungan ay magkahawak ang mga kamay na naglakad pa rin sila patungo sa direksyon ng opisina ng kanyang ama. Nasa ikatlong palapag iyon ng kanilang bahay. Dati iyong dalawang silid. Ang isa ay recreation room at ang isa naman ay library. Nang magpa-renovate ang kanyang mga magulang ng kanilang bahay ay ipinasya ng kanyang ama na gawin na lamang opisina nito ang buong ikatlong palapag. Nagpagawa ito ng isa pang maliit na pwesto sa gilid ng kanilang bahay kung saan naroon ang swimming pool upang gawing recreation area.
Nang makarating sila sa opisina ng ama ay lalong nangunot ang noo niya nang datnan doon ang ama kasama ang Uncle Atticus niya at si Zyrist.
Naramdaman niyang bahagyang napahinto at natigilan si Jethro nang makita ang mga taong nag-aantay sa kanila.
Awtomatikong lumipad ang tingin ng tatlo sa kanilang magkasintahan.
Mayroong maliit na ngiti sa gilid ng mga labi ng pinsan niya kahit pa hayag ang pag-angat ng isang kilay nito nang bumaba ang tingin sa magkahawak nilang mga kamay ng nobyo, bago iyon umangat at hinuli ang tingin ng katabi niya.
Anyong nang-uuyam.
Nang lingunin niya ang kanyang nobyo ay kita niya ang matiim na titig nito kay Zyrist na naroon naman ang paghahamon sa mga mata.
Hindi niya alam pero bumalik ang kaba na kanina'y nararamdaman niya nang magtext ang Daddy niya dahil sa palitan ng tingin ng mga ito.
Bumuntong-hininga naman ang kanyang ama at nag-iwas ng tingin. Habang nakatiim naman ang mga bagang ng Uncle Atticus niya.
Nang makapasok ay nauna siyang lumapit sa Daddy niya at humalik sa pisngi nito.
"Dad...?" bati niya sa ama sa nagtatanong na mga mata. Muli ay nag-iwas ito ng tingin.
Lalo siyang kinabahan.
Sumunod ay sa Uncle Atticus niya. Tahimik naman itong tumungo at tinanggap ang halik niya. Ngunit pormal pa rin ang mukhang nakatingin kay Jethro na animo anumang oras ay dadaluhungin na lamang nito ang kanyang nobyo.
Si Zyrist ay tiningnan niya lang at hindi na nilapitan, o, tinanguan man lamang.
Para ano? Alam naman niyang hindi rin nito gusto iyon.
At base sa ekspresyon nito, alam niyang delubyo ang hatid sa kanya ng ngiti sa mga labi nito.
"Tito..." bati rin ni Jethro sa ama niya na tinanguan naman ng kanyang ama bagaman wala pa ring mababakas na anumang emosyon sa mukha nito.
Tumingin din ito sa Uncle Atticus niya at yumukod. Ramdam niyang hindi nito alam kung ano ang ikikilos sa harap ng Uncle niya lalo pa sa nakikitang ekspresyon ng mukha nito.
"So..." umpisa ni Zyrist na tumayo mula sa kinauupuang couch at umiindayog ang balakang na lumapit sa harap ng malaking mahogany table ng kanyang ama. "Since, nandito na kayo, let's start."
Anito na animo pag-aari ang buong lugar.
Hindi niya ito pinansin at itinuon ang tingin sa kanyang ama na nakaupo sa likod ng lamesa.
"Dad?" nagtatanong pati ang mga mata niyang tumingin dito. "Anong nangyayari? Bakit mo kami ipinatawag? At bakit sila nandito?" sunud-sunod na tanong niya sa ama. "And where's Mom?"
Tumikhim muna ang kanyang ama bago sumagot. "She's--"
"I don't think, gugustuhin mo na nasa harapan natin ang Mommy mo, dear cousin," singit ng pinsan niya.
"Zyrist.." awat dito ng ama niya.
Nagbuga lamang ito ng eksaheradang tingin at sarkastiko siyang tiningnan.
"Dad, ano ba talaga ang pag-uusapan natin? At bakit kailangang nandito rin sila?" muling aniya sa ama saka nilingon ang Uncle at pinsan niya.
She was never a brat, growing up. Hanggat maaari ay binibigyan niya ng respeto ang lahat ng makaharap niya. But she didn't feel that attitude now.
Tumingin ang ama niya sa kanya bago lumipat ang tingin kay Jethro na nasa tabi niyang muli. Mahigpit na naman nitong hawak ang kamay niya.
"Actually, ipinatawag ko rin ang mga magulang mo. Nagpasabi lang sila na hindi makakarating dahil nasa ibang bansa pala ang mga ito."
Sa gilid ng kanyang mga mata ay nakita niyang marahang tumango si Jethro. Deretso lamang ang tingin nito sa kanyang ama.
"I don't think, this matter can wait... so," hindi niya maipaliwanag kung ano ang ibinabadya ng mga mata ng Daddy niya nang tumingin sa kanya, bago muli ring ibinalik ang tingin kay Jethro. "...ipinatawag ko na kayo,"
"Tito, sa tingin ko ay alam ko na kung bakit kami nandito..." panimula ni Jethro na nakatingin pa rin sa ama niya. Sandali nitong tinapunan ng matalim na tingin si Zyrist bago muling ibinalik sa ama niya. "With all due respect, gusto ko sana na ilabas si Martina sa usaping ito. We both know, this will give her so much pain. Magpapaliwanag ako sa kanya, pero iyong kami lang dalawa. Hindi ngayon, at hindi dito." ani Jethro sa tinig na noo niya lamang narinig na ginamit nito sa kanyang ama.
Lagi na ay malumanay ito at tila nangingilag kapag ang ama niya ang kausap.
"No!" halos ay sabay nilang sabi ni Zyrist.
Tiningnan niya ng masama ang pinsan bago umangat ang nagtatanong niyang tingin kay Jethro.
Lalong humigpit ang kapit nito sa kamay niya at bumaba ang masuyong tingin sa mga mata niya.
"Love, please..." masuyong sabi nito bago siya hinalikan sa noo. "I'll explain everything to you later, but, please... let me handle this. Alone."
Marahas na umiling-iling siya.
"No!" matigas niyang sabi. "Ano ba talaga ang nangyayari?" tanong niya rito. "At bakit kailangang ipatawag pa ang mga magulang niya?" baling niya sa ama.
"Shh..." alo sa kanya ni Jethro at muli siyang hinalikan sa noo. Kaunti na lamang at maghihisterya na siya.
Masyado na siyang naguguluhan. At hindi siya natutuwa na tila alam ng lahat ng nasa silid na iyon ang nangyayari maliban sa kanya?
"Very well," muling singit ng magaling na pinsan niya. "Mas gusto ko rin na marinig mo ang lahat, dear cousin," anito na naroon pa rin ang sarkastikong ngiti.
Ewan niya ngunit iba ang nahihimigan niya kapag tinatawag siya nitong, dear cousin. Mayroong kung ano sa paraan ng pagkakatawag nito niyon na tila ba hindi siya komportable.
"Zyrist, let me and your Uncle Art do the talking..." anang Uncle Atticus niya.
"Really, Uncle Art?" baling ng dalaga sa ama niya.
Sa pagtataka niya ay tumikhim ang kanyang ama at nag-iwas ng tingin.
"See, Dad?" ngiting-tagumpay na sabi nito sa Uncle Atticus niya.
"But--" ngunit hindi ito pinansin ng pinsan niya.
Nang bumaling itong muli sa kanya ay wala na ang ngiti sa labi nito.
"Alam mo ba kung nasaan ang boyfriend mo noong Friday ng gabi?" tanong nito na sa kanya nakatingin.
Iyon 'yong gabi na nag-bar si Jethro at inihatid itong pauwi si Zyrist.
Naramdaman niya ang paghigpit ng hawak ng kanyang nobyo sa kamay niya.
Nilingon niya muna ito sandali bago naniningkit ang mga matang bumaling muli sa pinsan niya.
"Iyon ba 'yong gabi na nakita ka niyang may kalandian sa bar, and decided to take you home, bago ka pa mai-take out ng kalandian mo?" wala naman sana siyang balak na sabihin iyon sa harap ng Uncle Atticus niya. Naiinis lamang talaga siya sa pinsan niya at sa sitwasyon.
Nakita niyang tila natigilan ang Uncle Atticus niya sa sinabi niya. Kahit papaano ay bahagya siyang nasiyahan.
Sandali lang ang nakita niyang kabiglaan sa mga mata ng pinsan niya na magaling nitong naitago bago bumalik ang nakakainis na ngiti.
"So, alam mo?" muli ay nang-uuyam na tanong nito. "Alam mo rin ba kung ano'ng nangyari nang ihatid niya ako?" naghahamong anito.
"Zyrist..." naroon ang babala sa tinig ng Daddy niya. "I told you to take it slow with your c-cousin..."
"Did I agree, Uncle Art?"
"Zyrist..." tinig naman iyon ng Uncle Atticus niya.
"Dad, ano ba? Ke, dahan-dahanin natin, o, madaliin, pareho pa rin naman ang impact n'on! Niloko pa rin siya ng syota niya!"