PAGDATING ni Martina sa bahay kasama ang kasintahan ay sinabihan sila ng kanilang kasambahay na naroon daw sa library ang kanyang ama at hinihintay sila, kaya't doon na sila dumeretso.
Naghalo ang kaba at pagtataka sa dibdib niya nang datnan nila ang kanyang ama sa loob ng kanilang silid-akalatan kasama ang Uncle Atticus niya. Kapwa pormal ang mga mukha ng mga ito, at sa wari ay talagang hinihintay sila.
"Good afternoon po, Tito," bati agad ni Jethro sa kanyang ama bago binalingan ang Uncle Atticus niya. "Sir."
Nang tumuon ang paningin ng Uncle Atticus niya rito ay tumiim ang bagang nito ngunit nanatili pa ring walang imik, na muli niyang pinagtakhan. Gayon din, ang ama niya na pormal na tinanguan lamang ito.
Ano ang maaaring nagawa ng kasintahan upang magalit ang mga ito rito?
"Dad..." bati niya rin sa ama. Tumingin lamang ito sa kanya na wala pa ring kahit na anong emosyong makikita sa mukha.
"Uncle..." Lumapit siya sa Uncle Atticus niya at humalik sa pisngi nito.
"Sit down, you two." Anang ama niya sa malalim na tinig.
Naguguluhan man, ay kapwa sila tahimik na naupo ni Jethro sa naroong mga upuan, sa harap ng malaking mahogany table ng Daddy niya.
"W-what's this all about, Dad?" Tanong niya nang kapwa na sila nakaupo, saka lumingon din sa tiyuhin. "Uncle?"
Nagpalipat-lipat sa dalawa ang tingin niya nang magpalitan ang mga ito ng makahulugang tingin.
"Dad...?"
Tumikhim muna ang Daddy niya bago may inilabas na brown envelope at inilapag sa harapan nila.
"I want you to explain to us, what is the meaning of that..." anitong kay Jethro nakatuon ang tingin.
Tumingin muna si Jethro sa kanya bago dinampot ang envelope at tiningnan kung ano ang nasa loob niyon.
Agad na nagtagis ang mga bagang nito at tumaas-bumaba ang Adam's apple, tanda ng pinipigil na emosyon, nang makita ang nasa loob ng envelope.
"W-what's that?" Hindi na nakatiis na tanong niya nang muli nitong ibalik ang mga laman niyon at muling ilapag sa lamesa.
Umiling-iling itong tumingin sa kanya bago tumingin sa ama niya at sa Uncle Atticus niya.
"Hindi ko po alam kung ano ang dahilan ng paglabas ng mga larawan na iyan, Tito Art, Sir..." panimula ni Jethro na tumingin sa dalawang nakatatandang lalaki. Nahihimigan niya ang galit sa tinig nito na alam niyang pilit lamang nitong pinipigilan. "At kung saan nanggaling 'yan. Pero tinitiyak ko sa inyo na wala sa kalahati ng mga larawan na iyan ang totoo." anito sa mariing tinig.
"Then, how can you explain those?" Anang ama niya na animo nasa loob ng korte at naglilitis sa isang kaso.
Hindi maintindihan ni Martina kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito. Gayunpaman, ay ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Base sa reaksyon ni Jethro nang makita ang, ayon dito, ay mga larawang nasa loob ng envelope, alam niyang hindi simpleng bagay lamang ang nakapaloob doon.
"Those photos na hindi blurred, I admit, that was me," walang kagatol-gatol na wika ni Jethro. "But the others, was not me." May diin ang pagkakasabi nito sa bawat salita.
"Sadyang nilabuan ang mga larawan upang hindi makilala ang kung sino mang kasama ng anak ninyo sa mga larawang iyan..." ani pa nito na ngayon ay sa Uncle Atticus niya na nakatingin. "Pero sinisigurado ko sa inyo... hindi ako 'yan!"
"Then, who?!" Maigting na sabi ng Uncle Atticus niya. Naglalabasan ang mga ugat nito sa leeg sa tindi ng pinipigilang emosyon.
"Why not, ask your daughter?" Tila hindi naman natigatig na sagot ni Jethro. "Where are those photos came from, anyway?"
"May nagpadala niyan sa opisina ko kaninang umaga." Sagot ng Daddy niya.
Lalong kinabahan si Martina sa takbo ng usapan ng mga ito. Hindi na siya nakatiis kaya't dinampot niya ang envelpoe upang siya mismo ang nakakita ng pinag-uusapan ng mga itong mga larawan.
Akmang bubuksan niya iyon nang hawakan ni Jethro ang kamay niya.
"Love, whatever you see in that envelope," nangungusap na ngayon ang mga mata nitong nakatunghay sa kanya. Nawala na ang kanina ay matigas na anyo. "Please... huwag mong paniniwalaan lahat. I can explain the others... but, it was not, I repeat, it was not all me. I swear..." humigpit ang hawak nito sa kamay niya. "...I can't, and I will never do that to you. You know me, Love. Please, sa akin ka lang maniwala." Anito sa nagsusumamong tinig.
Nangingilid na ang mga luha niya. Hindi pa man niya nakikita ang laman ng hawak ay tila ramdam niya na ang sakit na matutuklasan sa loob niyon.
Huminga muna siya ng malalim bago ipinasyang ituloy ang pagbubukas ng sobre. Naramdaman naman niya ang unti-unting pagluwag ng kamay ni Jethro na nakakapit sa kanya. Hanggang sa unti-unti iyong bumitiw.
Agad na nagbagsakan ang mga luhang kanina pa naka-antabay sa kanyang mga mata nang makita ang mga larawan.
Nag-iwas ng tingin ang Daddy niya kasabay ng pagtatagis ng mga bagang. Alam niyang pinipigilan din nito ang galit sa nakikitang pagluha niya.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga larawan.
Ang higit sa sampung larawan ay malinaw na kita ang mukha nina Jethro at Zyrist. Kuha iyon habang papasok ang dalawa sa lobby ng condo unit ng huli. Nakasampay sa balikat ng kanyang nobyo ang braso ni Zyrist habang si Jethro naman ay nakapaikot ang braso sa baywang ng pinsan niya. Mayroon ding palabas ng elevator at nasa hallway, patungo na sa unit ng pinsan niya. Ang ilan ay kuha sa mismong silid kung saan magkadikit na magkadikit ang katawan ng mga ito. Nasa balikat ni Jethro ang mga braso ng dalaga at magkasalikop sa batok ang mga kamay habang ang mga kamay naman ni Jethro ay nasa magkabilang baywang nito.
Ang dalawang larawan ay tila mga punyal na tumarak sa dibdib niya. Kapwa nakapikit ang mga mata ng mga ito at magkahinang ang mga labi.
Ang ibang mga larawan ay puro blurred na. Kuha ang mga ito habang nagtatalik ang dalawa sa sala, sa kwarto, sa shower room, at maging sa kusina ng condo unit.
Malabo nga lamang maaninag ang mga mukha sapagkat talagang blurred ang mga kuha. Ngunit sigurado siyang si Zyrist ang babae sa larawan. At nasa kaparehong lugar.
Umangat ang nagtatanong at luhaan niyang mga mata sa nobyo bago isa-isang humulagpos ang mga larawan sa mga kamay niya.
"Love..." naroon ang kislap ng takot at pagsusumamo sa mga mata nito na hinawakan ang dalawang kamay niya, na nang mga oras na iyon ay nananatili palang nasa ere at saka siya kinabig at mahigpit na niyakap. "Please... I told you, I can explain everything. Walang nangyari sa amin ng pinsan mo. Nakikiusap ako, Love, believe me. I am not that kind, you know that, right?" Samo pa rin nito.
Nakaupo pa rin siya habang nakaluhod si Jethro sa kanyang harapan at mahigpit na nakayakap sa kanya. Tila natatakot na luwagan man lamang ang kapit sa kanya. Na baka kapag ginawa nito iyon ay kumawala siya at hindi na muli pang pumayag na pumaloob siyang muli sa mga bisig nito.
Ang kanina ay mahina lamang niyang pagluha ay nagkaroon ng mga hikbi, hanggang sa unti-unti ay lumakas iyon at maging hagulgol.
Bantulot siya nitong bahagyang inilayo sa katawan nito ngunit mahigpit namang hinawakan ang magkabila niyang pisngi at pilit na pinagtagpo ang kanilang mga paningin.
Kita na rin ang pamumula ng mga mata nito habang masuyo namang pinapahid ng mga hinlalaki ang mga luha niya. "Love, Love, Love... shhh..." alo nito nang wala pa ring ampat sa pagtulo ang mga luha niya. "Please, stop crying, i'll explain everything... just please... shhh..." muli siya nitong mahigpit na niyakap at inalo.
Lalo namang lunakas ang hagulgol niya.
"You said, you trust me, right?" Tila gahol na sabi nito.
Wala sa loob na tumango-tango siya.
Oo, at sinabi niyang may tiwala siya rito. Ngunit paano pa niya mapaninindigan iyon sa pagkakataong ito?
"Please, Love, I need that trust now." Muli siya nitong inilayo at hinawakan sa magkabilang pisngi. "Please, inaamin ko... we kissed. No... she kissed me," gahol pa ring paliwanag nito. Na tila ba nawawalan ito ng pagkakataon kung hindi ito magmamadali. "But I swear, it didn't last a minute. Itinulak ko kaagad siya at umalis na agad ako sa unit niya."
"How can you explain those blurred photos? Kung hindi ikaw, sino ang lalaking iyon?" Singit ng Daddy niya.
"I don't know, Tito. But I swear... hindi ako 'yon." Sagot nito sa ama niya na hindi inaalis ang tingin sa kanya.
"Habang hindi pa nalilinawan ang lahat, I want you to stay away from my daughter."
"No!" Mabilis at malakas na tutol kaagad ni Jethro. Tumayo ito sa pagkakaluhod habang nakayakap pa rin sa kanya kaya't kasama siya nitong napatayo.
Tila naman walang lakas ang katawan niya na nagpatangay lamang dito.
"Inuulit ko... walang nangyari sa amin ni Zyrist! Wala akong ginagawang masama kaya hindi ko matatanggap ang gusto ninyong mangyari." Maigting na sabi nito na ngayon ay deretso nang nakatingin sa mga mata ng Daddy niya habang yakap pa rin siya at inaalo. Sige ng paghagod sa kanyang likod.
Mula pa noon na hindi pa ito nanliligaw sa kanya, hanggang sa manligaw ito at maging kasintahan niya, ay ngayon niya lamang narinig na sumagot ito sa ama niya sa ganoong tono.
Lagi na ay tiklop ito kapag ang Daddy niya ang kaharap.
"You should be thanking me," anito na bumaling sa Uncle Atticus niya. "Kung wala ako noong gabing iyon, baka napariwara na ang anak ninyo. Someone wanted to hook her up, when I came, and bring her home. Kung alam ko lang na ganito ang kalalabasan ng pagmamagandang-loob ko," anito sa naniningkit na mga mata. "Sana pinabayaan ko na lang ang anak n'yo na sumama sa kung sino mang kalandian niya nang gabing iyon!"
Lalo namang nagpuyos sa galit ang Uncle niya. "How dare you, say that to my daughter?!"
"And how dare your daughter do this to me?! To us?!" Hindi naman nagpatinag na anito. "Paano nagagawa ng anak ninyo na saktan ng ganito ang babaeng mahal ko?!" Mariing sabi nito sa tiyuhin niya.
Kapagkuwan ay bumaling sa Daddy niya. "I'm sorry, Tito Art, i'll get to the bottom of this. Iginagalang ko kayo... alam n'yo 'yan. Pero hindi ko mapagbibigyan ang kahilingan n'yo. Not this time. Hindi ako naghintay ng mahabang panahon para masira lang, ng dahil sa isang bagay na wala namang katotohanan."
"How about my daughter? You should man up, on her. Kailangan mong panagutan ang ginawa mo sa anak ko! Hindi ako makapapayag na ganoon na lang 'yon!" Bakas pa rin ang galit sa tinig ng tiyuhin niya.
Habang panay naman ang buntong-hininga ng Daddy niya. Alam niyang nahahati ito sa pag-aalala sa kanya at sa pinsan niya.
"I don't want to sound rude, Sir," matiim ang anyong sagot pa rin ni Jethro dito. "But I don't care about your daughter. Wala akong kailangang panagutan sa kanya, dahil wala namang nangyari sa amin. Ask her who was that guy, because that's definitely, not me!"
"I'm sorry, Tito Art," baling nito sa Daddy niya sa mababa nang tinig. "I think, this conversation is too much for Martina. Hinihingi ko po ang permiso n'yo na mag-usap kami ng sarilinan. Kung mayroon man akong tao na kailangan pagpaliwanagan... si Martina lang 'yon." Anitong sumulyap pa sa Uncle Atticus niya na lalong nagtagis ang mga bagang bago bumalik ang tingin sa Daddy niya.
Tila naman nanlulumong nakatingin sa kanya ang ama niya bago pabuntong-hiningang tumango.
Mabilis na bumaling dito ang matalim na tingin ng tiyuhin niya na bakas na bakas sa anyo ang pagtutol. Ngunit sinenyasan lamang ito ng Daddy niya saka muling marahan silang tinanguan.
"Go." Mahinang sabi nito. Bakas pa rin ang panlulumo sa tinig. "We'll talk some other time. Take care of my daughter, for now."
Nang bumaling ang luhaan pa rin niyang mga mata rito ay pilit itong ngumiti. "I'm sorry, princess."
Hindi niya alam kung ano ang inihihingi nito ng tawad. Ngunit wala siyang panahon para isipin pa iyon sa ngayon.
Tama si Jethro. Kailangan nilang mag-usap.
At marami itong kailangang ipaliwanag sa kanya.