"Rion! Gising na!" narinig kong tawag sa akin ni Tita Myline habang nasa kwarto ako. Kanina pa ako gising pero tinatamad pa akong bumangon para pumasok sa kolehiyo. Ilang taon na ang nakakalipas simula ng kupkupin nila ako dahil matapos mamatay sila Mama at Papa, nawala na rin parang bula si Ate Genesis.
Hindi ko naman magawang magalit sa kanya, naiintindihan ko na masyado lang siyang nabulag sa pagmamahal niya kay Kuya Aero.
"Opo, tita!" sagot ko sa kanya at bumangon na ako tsaka inayos ang sarili ko. Simula ng tumira ako sa kanila, natuto na akong kumilos ng sa sarili ko at maglinis ng bahay. Matanda na rin kasi si Tita Myline at isa lang siyang matandang dalaga.
Hindi lang ako ang kinupkop niyang pamangkin niya, kasama rin namin sa bahay niya si Markus. Ipinaubaya siya sa kanya dahil nasa Dubai ang mga magulang nito para magtrabaho. May negosyo si Tita Myline, may sarili siyang grocery at palitan kami ni Markus sa pagbabantay para matulungan siya.
Paglabas ko ng kwarto, luto na ang almusal at nakahain na lahat, nauna nang umupo si Markus, nakasando at jersey short lang siya habang nakatulala pa sa pagkain. Para pa siyang nananaginip at hindi na napansin ang pag - upo ko sa harapan niya.
"Goodmorning," bati ko Markus at pumupungay pa ang kanyang mga mata. Kitang kita ko ang gulat sa kanyang mukha at nag - unat na siya ng kanyang katawan. Umayos na ako ng pag - upo ng makita ko papalapit na si Tita Myline dala ang baso ng kape. Hindi na nawala sa kanya ang araw araw na pag - inom ng kape kahit minsan ay hindi siya makahinga.
"Goodmorning, Tita!" bati ko na rin sa kanya at nagsimula na kaming kumain. Tahimik lang kaming kumain kagaya ng nakagawian namin noon pa man. Pagkatapos kumain, naligo na ako at nag - ayos para pumasok.
"TIta, aalis na po ako!" paalam ko sa kanya habang nasa kusina siya at nagluluto ng para sa tanghalian namin. Kinuha ko ang kanyang kamay kahit basa ito para magmano. Isa sa mga bagay na tinuro sa akin nila Nanay at Tatay noon.
"Naku ka talagang bata ka, madumi ang kamay ko," saway niya sa akin pero natawa na lang ako sa reaksyon niya dahil araw araw ko naman ginagawa ito noon, hindi pa rin nagbabago ang pagsisita niya sa akin. Ngumiti ako sa kanya at inayos ko ang kanyang buhok na kumawala sa pagkakatali nito at gumanti lang din siya ng ngiti sa akin.
"O siya sige at mag - iingat ka!" sagot sa akin ni Tita Myline ay dumiretso na ako palabas ng bahay. Naghihintay na rin sa akin si Markus para ihatid ako dahil malapit lang naman sa grocery ang eskwelahan na pinapasukan ko. Siya ang bantay sa umaga at ako naman sa hapon.
"Ang tagal mo na naman lumabas, nagdaldalan na naman kayo ni Tita," sabi niya sa akin at iniabot na ang helmet ko. Hindi na ako sumagot at sumakay na lang ako ng motor dahil hahaba pa ang usapan kapag sinaway ko na naman siya. Mainipin kasing tao si Markus at palagi niya akong pinagmamadali kahit alam niyang maaga pa naman.
Tahimik lang kami sa byahe at nang makarating sa eskwelahan, nagpasalamat na ako sa kanya bago dumating ang mga tropa niya. Nagmadali na akong lumayo dahil isa sa mga kaibigan niya ay palagian akong kinukulit.
"Rion! Aalis ka na ba! Libre kita ng almusal!" sigaw ng isa sa mga kaibigan niya pero tinalikuran ko nal ang siya at nagsimulang lumakad papalayo sa kanila. Narinig ko pa si Markus na sinasaway ito at agad naman humingi ng pasensya sa kanya ang kaibigan.
Maingay na sa corridor pagpadaan ko dahil sa usapan ng mga ibang estudyante. Pag - akyat ko sa second floor, sinalubong agad ako ng mga kaklase ko dahil ako ang ini assign para sa xerox ng susunod naming klase. Isa isa kong iniabot sa kanila ang mga kopya pagkapasok namin sa loob ng classroom.
Ilang sandali pa, natapos na rin ang pamimigay ko at dumating na rin ang aming guro. Kagaya ng mga simpleng araw ko, pakikinig, pagsusulat at pagsagot sa ilang tanong sa akin ang nangyayari. Hindi naman na nagkaroon ng bago dahil ganito talaga ang buhay estudyante.
Ang pinagkaiba lang naman ay mas natuto akong maging independent. Kung noon ay umaasa ako sa tulong ng mga magulang ko pero ngayon, kinakaya kong tumayo sa sarili kong paa kahit na gusto akong tulungan ni Tita Myline. Ayoko maging pabigat sa kanya.
Inabot na ako ng gabi dahil sa dami ng pinapagawa sa akin ni Dean namin, isa kasi sa mga sideline ko ang paggawa ng mga paperworks para maipangdagdag sa iniipon ko kada buwan. Nagdadagdag kasi ako kahit papaano para sa gastusin sa bahay. Hindi naman kasi gaanong malakas din ang kita ni Tita Myline sa grocery at ilan pa kaming pinapasahod niya.
"Rion, magmiryenda ka muna," alok sa akin ng Dean at inilapag niya sa table ko ang dalawang burger at softdrinks, Doon ko namalayan na alas otso na pala ng gabi. Kinain ko na lang ang binigay niya at pinagpatuloy ko ng tapusin ang pag eencode ng grades. Bukas ko na lang gagawin ang ilan pang pinapagawa niya sa akin. Sa dami ng section na kailangang gawin ay hindi ko na namalayan ang oras.
Nagtext na muna ako kay Tita Myline na gagabihin ako ng uwi at huwag na nila akong hintayin pa sa hapunan. Abala pa naman si Mam sa pakikipag - usap sa telepono kaya sinamantala ko na rin iyon para makapagtext kay Tita.
"Rion, tapusin mo na yung pagkain mo at umuwi ka na rin. Bukas mo na ipagpatuloy yan," utos niya sa akin at tumango na lang ako. Mabilis akong kumain at iniligpit na ang mga papeles niya tapos ay nag ayos na rin ako ng sarili.
Pagtayo ko, iniabot niya na sakin ang pera para sa bayad niya ngayong araw na to at nagpaalam na ako. Paglabas ko ng opisina, wala nang mga estudyante at patay na ang mga ilaw. Ginawa ko na lang flashlight ang cellphone ko dahil nasa dulo na pa ako ng corridor. Pintig lang ng puso ko ang naririnig ko habang naglalakad ako ng oras na iyon.
Iniisip ko rin kung may masasakyan pa ba ako at kung wala, maglalakad na lang ako. Hindi naman ako takot mag - isa sa gabi at wala pa naman akong nababalitaang nagawaan ng masama kaya kampante akong makakauwi ako ng ligtas. Trenta minuto lang naman kung lalakarin ko ang pag - uwi ko.
Madilim na rin sa labas at wala na masyadong tao, ang kinaibahan lang talaga sa siyudad at probinsya ay ang mga tao. Kung noon sa Pasig, kahit madaling araw na may mga tambay pa rin, dito ay pagdating ng alas nuebe, nasa loob na ang mga tao.
Tahimik akong naglalakad at iniisip ko lang ang mga gagawin ko para bukas. Pati ang mga projects at assignment na kailangan ko pang ipasa para bukas. Kapag naiisip kong mapupuyat na naman ay ako nawawalan ako ng lakas ng loob pero hindi dapat ako panghinaan ng loob dahil sa mga pangarap ko. Marami pa akong gustong marating.
Patay na ang ilaw sa bahay pagdating ko at dahan dahan na lang akong pumasok pero naabutan ko pa si Tita mag - isa sa kusina at abalang nagcocompute ng kinita niya sa grocery. Agad akong nagmano sa kanya at tinigil niya ang kanyang ginagawa.
"Kumain ka na?" bati niya sa akin at tumango lang ako. Inilapag ko ang gamit ko sa bakanteng upuan at kinuha ang kanyang ginagawa.
"Pasensya na po tita, ako dapat ang gumagawa nito. Madami kasing pinagawa sa akin ang Dean," sabi ko sa kanya at isa isa kong tiningnan ang mga resibo at nagsimula na ako sa trabaho ko. Hindi kasi maipagkatiwala ni Tita sa isa pang cashier na si Elvie ang pag cocompute dahil nagkaroon na ng insidente ng pangungupit pero nakiusap sa kanya si Elvie dahil kailangan talaga nito ng pera kaya tinanggap niya pa rin ito bilang cashier niya pero hindi na pinahawak ang pera sa kanya.
"Ako na ang gagawa niyan, magpahinga ka na muna," sabi sa akin ni Tita pero umiling lang ako sa kanya at patuloy ako sa pagtatally ng kinita. Madali lang naman itong gawin at ilang minuto lang ang ginugugol ko sa ganitong trabaho.
"Ikaw po ang magpahinga na, anong oras na pero nagtatrabaho ka pa po. Kaya ko na po ito," sabi ko sa kanya at tinitigan niya na lang ako sa ginagawa pero paglingon ko sa kanya at nakita kong umiiyak na naman ng tahimik si Tita.
"Hindi ko talaga inaakala ganon kadaling mamamatay ang kapatid ko. Wala pa rin balita sa kung sino ang gumawa noon sa kanila ni Fernan," bulong sa akin ni Tita at natigil ako sa ginagawa ko dahil hinawakan niya ang kamay ko.
"Tanggap ko na pong hindi na mabibigyan ng hustisya ang nangyari kila Nanay at Tatay. Sa sobrang tagal na rin na naghahanap ng salarin," sagot ko kay Tita at pinunasan ko na ang luha kong tumakas sa aking mata tsaka tinapos ang ginagawa ko.
Kung si Tita ay gusto pa rin lumaban sa kasong matagal nang patay dahil hindi niya pa rin matanggap ang totoo na wala na ang kapatid niya, ako, mas pinili kong manahimik na lang dahil alam ko kung sino ang totoong salarin.
Matagal kong tinago na si Aero ang may sala sa pagkamatay ng mga magulang ko dahil narinig ko mismo kay ate noon ang galit niya kay Aero. Ayokong masaktan ang kapatid ko kaya kahit alam ko ay kinikimkim ko ang lahat.
Hindi ko rin alam kung tatanggapin pa sa korte ang lahat ng sasabihin ko lalo ngayon at wala na rin akong balita kay Ate.
"Ang kapatid mo, kahit isang beses, hindi ka man lang nagawang kamustahin. Iniwan ka lang sa amin," sabi sa akin ni Tita pero umiling na lang ako. Mas maigi kung nandoon siya dahil may poot pa rin ako nararamdaman sa kanya kahit na matagal ko na siyang hindi nakikita.
Ang inaasahan ko kasi, siya ang makakatuwang ko pero mas pinili niyang sumama sa taong pumatay sa mga magulang namin. Hinding hindi ko siya maiintindihan at wala akong balak intindihin siya sa kung ano man ang naging rason niya. Para sa akin, hindi na siya parte ng buhay ko.
"Tita, tapos na po ako. Huwag na natin pag - usapan ang mga taong iniwan tayo," sagot ko sa kanya at pinakita ko na lang ang total na kinita ng araw na iyon at binilang ko rin sa harapan niya ang pera para malaman niya kung may kulang o wala.
Pagkatapos ko, uminom na lang ako ng tubig kahit pinipilit ako ni Tita na kumain, nawalan na ako ng gana dahil naaalala ko na naman ang ate. Dumiretso na ako sa kwarto ko at nagbihis para gawin naman ang mga assignment ko.
Pagkatingin ko sa computer, may mga messages sa akin ang mga kaklase ko at isa sa kong tiningnan. Ang ilan kasi dito ay nagpapagawa ng mga projects at essays, pati na rin ang mga thesis research nila. Pero bukas ko na lang ito iintindihin dahil kailangan ko pang tapusin ang assignments ko.
Inabot na ako ng ilang oras sa paggawa at nagcheck na lang ulit ng mga emails. Pagkatingin ko, may isang message ang pumukaw ng atensyon ko. Galing kay Dexx.
"Hi Rion, kamusta ka na? Si Mark, dyan pa rin ba nakatira sa inyo? Pasensya ka na kung ikaw ang nilapitan ko. Gusto ko kasi siyang supresahin dahil uuwi na ako sa susunod na linggo. Sana matulungan mo kong sa balak ko," sabi sa akin ni Dexx at nung lunes pa ang mensaheng ito. Biyernes na ngayon kaya agad na akong nagreply.
"Hello, pasensya ka na at madami akong ginagawang school works. Sige, tutulungan kita, sabihin mo lang sa akin ang kailangan kong gawin at kung kelan ang eksaktong uwi mo," sagot ko sa kanya at pinatay ko na ang computer ko para makapagpahinga na ako.