"Manong, ano nga po pala ang pangalan ninyo?" bigla ay naalala kong itanong habang lulan ako ng sasakyan ng tagapagligtas ko pauwi sa amin.
Dahil nakatingin ako sa mukha niya ay 'di nakaligtas sa pansin ko ang saglit na pagtiim ng kanyang anyo na para bang may narinig siyang hindi niya nagustuhan.
"How old are you?" balik- tanong niya sa halip na sagutin ang tanong ko.
"Eighteen po, sa ikalawang buwan pa ako mag-nineteen," masigla kong sagot.
Marahas ang ginawa niyang paglingon sa direksiyon ko.
"You're so young," maang niyang bulalas bago muling bumalik sa daan ang atensiyon.
"Iyan din sabi ni Papa sa'kin kaya ayaw niya akong maging novice, magdadalawang taon na akong postulant," nakanguso kong himutok.
"Novice?" puno nang pagtataka niyang tanong.
"Pangarap ko kasing maging madre," masaya kong sagot sa kanya.
"Are you f*cking kidding me?" malakas niyang bulalas.
Napakurap-kurap ako saglit dahil sa bilis nang pagsasalita niya kaya di masyadong rumihestro sa pandinig ko iyong mura niya.
Kahit walang nagmumura sa bahay namin at sa Angel's Home ay minsan na akong may narinig na nagmumura pero ito iyong unang pagkakataong parang ako iyong minura.
"Manong, nagmumura po kayo," kumurap-kurap kong komento.
Tinapunan niya ako ng masamang tingin bago pumalatak na ibinalik sa pagmamaneho ang atensiyon.
"What's your name?" tanong ulit niya.
Napanguso ako dahil nakaraming tanong na siya pero 'di pa niya sinasagot ang tanong ko.
"Therese Manlangit po, Manong—"
"Stop calling me Manong," iritado niyang putol sa pagsasalita ko.
"Sige po, Kuya." Mabilis kong itinikom ang bibig nang makitang tumalim ang tingin niya na nakatutok sa daan.
Pakiramdam ko ay para sa'kin ang tinging iyon.
"Anong kaibahan ng kuya sa manong?" parang nauubusan ng pasensiya niyang tanong.
Saglit akong napaisip bago nagsalita, "Ang kuya po ay paggalang sa medyo bata-bata pa habang ang manong ay pangmamang matanda na po."
"So mukha akong matanda kaya panay ang manong mo sa'kin?" 'di makapaniwala niyang bulalas.
"Ay, hindi po!" mabilis kong tanggi. "Mukha lang po kayong tatay," tumango-tango kong dagdag.
Gulat akong napakapit sa suot na seatbelt nang pabigla-bigla siyang magpreno at basta-basta na lang itinigil ang sinasakyan namin sa gitna ng kalsada.
"Ano pong nangyari, Manong— este Kuya?" nagtataka kong tanong. "Nasiraan po ba tayo?"
Marahas siyang huminga at napabuga ng hangin bago bumaling sa'kin.
"Therese, right?" Napatango-tango ako dahil tama naman siya, Therese ang pangalan ko. "I'm Claude Flynn, wala akong asawa at lalong wala akong anak para mapagkamalan mong tatay. Thirty-two pa lang ako for f*c—"
"Matanda ka na pala pero bakit wala ka pang asawa?"sansala ko sa pagsasalita niya.
Tumiim ang tingin niya sa'kin kaya mabilis kong pinagsisihan ang pagiging madaldal.
"Sorry po," nahihiya kong paumanhin sabay peace sign.
"Stop saying 'po' to me and stop calling me kuya or manong," lukot ang mukha niyang pahayag.
"Ho?" mulagat kong bulalas.
"Pinapalala mo pa," bagsak ang balikat niyang usal.
"Pero paggalang ho iyon—"
"Huwag mo na akong igalang kung gano'n," sansala niya sa sagot ko.
Sindak akong napatitig sa mukha niya. Ngayon lang ako nakatagpo ng taong ayaw pagalang.
"Hindi ko po pwedeng gawin iyon," giit ko. "Tinuro po sa'kin mula pagkabata ang paggalang sa mga nakakatanda maging sa bawat taong nakakasalamuha ko."
"Hindi naman ibig sabihin na hindi mo ako pinopo o tinatawag na kuya ay hindi mo na ako ginagalang. You can still show your respect in other ways, you can start it by following my wishes not to call me kuya or manong, and stop using po and ho while talking to me."
Seryosong-seryoso siya habang nagsasalita kaya 'di ko mapigilang hindi makumbinse.
Bigla kong naalala iyong mga taong in denial sa kanilang mga edad. Baka gano'n din itong si Claude Flynn— Flynn?
Mulagat akong napatitig sa buo niyang mukha habang binalik-balikan sa isip ang binanggit niyang apelyido.
Hindi karaniwang apelyido ang Flynn at sa buong bansa ay iisang angkan lang ang nagtataglay ng apelyidong iyon.
"Isa kang Flynn!" mangha kong bulalas.
Agad dumako ang mga mata ko sa ayos niya. Ngayon ko lang napagtuonan nang pansin ang mamahalin niyang suot at itong mamahalin niyang sasakyan.
Hindi ko alam kung sinwerte ba ako o ano dahil sa dinami-rami ng pwedeng mapadpad sa lugar na iyon at pwedeng tumulong sa'kin ay isang Flynn pa talaga ang pinadala ng langit.
Mabilis kong kinalkal ang bulsa ng suot kong jogging pants.
Sa kakamadali ko kaninang magpunta sa Angel's Home ay jogging pants ang naisuot ko na pinaresan ng simpleng t-shirt. Hindi naman ako kanina nahiya sa ayos ko pero ngayong nalaman kong nasa presensiya ako ng isang Flynn ay bigla akong nag-alangan.
Binalewala ko ang anumang nararamdaman dahil may mas mahalaga akong dapat gawin ngayong nasa harapan ko mismo ang isang Flynn.
"Asan na iyon?" himutok ko habang kinapa-kapa ang bawat bulsa ng suot ko pero di ko mahagilap ang hinahanap ko.
"Anong hinahanap mo?" nagtatakang tanong ng kausap ko.
Di ko na siya nagawang sulyapan pa dahil nasa ginagawa ang buong atensiyon ko.
"Iyong solicitation letter na naitabi ko... ibibigay ko sa'yo iyon," sagot ko habang binaliktad na ang mga bulsa ng suot na jogging pants. "Lagi kong dala-dala iyon para sa mga ganitong pagkakataon pero 'di ko mahanap. Baka nahulog ko kanina."
Pagkakataon ko na sana 'to na diretsong makapag-abot ng solicitation letter sa isang Flynn pero naiwala ko pa ito.
"Balak mo ba akong abutan ng solicitation letter?" naaaliw niyang tanong.
"H-hindi ka ba tumatanggap nang gano'n?" medyo natigilan kong tanong.
Sa yaman ng mga Flynn at dami ng mga charity institution na tinutulungan ng mga ito ay imposibleng mapansin nila ang katulad ng Angel's Home.
Matagal na kaming nagpadala ng donation request letter sa mga Flynn pero hanggang ngayon ay wala pang balita. Ayon sa napagtanungan naming nakatoka sa mga ganoon ay tambak daw silang masyado. Araw-araw daw ay nadadagdagan ang mga nagpapadala ng donation request letters.
"No," maikli niyang sagot na nagpabagsak sa balikat ko.
Oo nga naman, unfair sa ibang dumaan sa mahabang proseso kung personal siyang tatanggap mula sa'kin.
Hayaan na nga, maghihintay na lang kami na—
"Pero pwede mo akong kumbinsehin na tumulong kahit walang solicitation letter."
Nabitin sa ere ang iniisip ko dahil sa sunod na narinig mula sa kanya.
Nabuhay ang pag-asa ko at binigyan siya ng matamis na ngiti.
"Maraming salamat po, Kuy— este Claude," mabilis kong tinama ang tawag sa kanya.
Iyon naman ang gusto niya na hindi siya kinukuya kaya tawagin ko na lang siya sa kanyang pangalan.
"Iyong po," nakataas ang kilay niyang saad.
"Sorry po— I mean, sorry, Claude." Habang tumatagal ay mas nagugustuhan ko nang bigkasin ang pangalan niya.
Claude.
Isang totoong ngiti ang binigay niya sa'kin sabay gulo ng buhok ko.
Bago pa ako makahuma ay binuhay na niya ang makina ng kanyang sasakyan at muli na naman kaming umusad.
Nawala sa isip ko na nakahinto pala kami sa gitna ng kalsada. Nakapagtataka lang na wala man lang sumita sa'min.
Medyo nakaabala kami sa ibang mga sasakyan pero wala man lang akong napansing bumusina at nagreklamo. Iyong ibang motorista ang nag-aadjust upang maiwasan ang nakaharang na kotse ni Claude sa gitna ng kalsada.
Ipinagkibit-balikat ko na lang iyon , masaya ako ngayon dahil sa kabila ng kapahamakang muntikan nang mangyari sa'kin kanina ay may maganda akong ibabalita sa mga madreng namamahala sa Angel's Home.
Nakilala ko si Claude Flynn at interesado itong tumulong kahit 'di ko pa nasabi sa kanya kung para saan iyon.
Hindi lang siya basta gwapo, mabait din at matulungin!