Akala ko ba mga lasing ang mga ito pero bakit parang ang bibilis nilang tumakbo?
Iglap lang ay ilang dipa na lang ang layo nila sa'kin.
Sa sobrang taranta ay nabitiwan ko ang hawak na susi ng scooter ko at dahil halos nasa likuran ko na sila ay di na ako nag-aksaya pa ng oras upang pulutin ito.
Basta na lang akong nagtatakbo palayo sa mga humahabol sa'kin at nilagpasan ang scooter na sinakyan ko papunta rito.
Umagang-umaga pero nagpapawis na ako. Hindi mga aso iyong humahabol sa'kin kundi mga lasing na sanay yata sa habulan kaya ramdam kong papalapit na nang papalapit sa likuran ko.
Tantiya ko ay alas syete pa lang ng umaga at sa ganitong oras ay sadyang iilan lang ang napapadaan sa ganitong lugar lalo na at maliliit na night club iyong karamihan sa establisyementong nasa paligid.
Abot-abot ang kaba ko habang dinig ang papalapit na mga yabag ng mga humahabol sa'kin.
Ayaw kong lumingon dahil baka lalo akong mataranta at maabutan na tuloy ng mga ito.
Papatawid ako sa kabilang bahagi ng kalsada nang bigla ay may sasakyang paparating.
Parang sagot sa panalangin ko ang nasabing sasakyan kaya mabilis akong tumakbo pasalubong dito at iniharang ang sarili sa dinadaanan nito.
Kasabay nang paghinto ng sasakyan ay ang paghablot sa braso ko ng isa sa mga humahabol sa'kin.
"Saan ka pupunta, sister?" nanunuyang tanong ng taong may hawak sa braso ko.
"Bitiwan ni'yo po ako," nagpupumiglas kong sabi.
"Ang bilis mo palang tumakbo, sister. Pinagod mo kami," pakikisali naman ng isang kararating lang.
"Kaya ikaw ang papagurin namin mamaya," makahulugang wika ng pangatlong humahabol sa'kin.
Lalo akong nagpupumiglas sa pagkakahawak ng naunang lalaki pero nakikihawak na rin ang ikalawa nitong kasama kaya walang saysay ang ginagawa ko.
"Matakot po kayo sa Diyos. Isang malaking kasalanan po ang binabalak ninyo," pangungumbinse ko sa kanila.
Duda akong makikinig ang mga ito pero malay ko at biglang maliwanagan ang mga lasing nilang kaisipan.
Kahit pala nakainom ay ang lalakas pa rin ng mga ito. 'Di ko mabawi-bawi ang saliring mga braso.
"Excuse me, nakaharang kayo sa dadaanan ko."
Sabay-sabay kaming napalingon sa pinanggalingan ng baritono at buong boses na nagsalita.
Muntik ko nang makalimutan ang kotseng hinarang ko kaya para akong nabuhayan ng loob nang makitang bumaba mula rito ang nagmamaneho.
"Manong, tulungan ni'yo po ako—," paghingi ko ng tulong sa may-ari ng sasakyan pero naputol dahil biglang may kamay na nagtangkang tumakip sa bibig ko. "Ano ba? Ang baho ng kamay ni'yo," 'di ko napigilang reklamo habang pilit na iniiwas ang mukha.
"Manong, tulong po," muli ay nagmamakaawa kong pakiusap sa may-ari ng sasakyan.
Wala pa rin kasi siyang kakilos-kilos mula sa pagkakatayo at para bang hinihintay lang talaga niyang umalis kami sa harapan ng kanyang sasakyan at wala siyang balak na tulungan ako.
"Pare, huwag ka nang makialam dito. Away namin 'to ng girlfriend ko," paliwanag ng isa sa mga lalaking may hawak sa'kin.
Mulagat akong napalingon sa balbas-sarado nitong mukha at parang di naliligong hitsura.
"Kuya, matakot kayo sa pinagsasabi ni'yo," malakas kong bulalas. "Magmamadre po ako at hindi rin ako pumapatol sa pangit," nandidiri kong dugtong.
Nang sulyapan ko ulit ang may-ari ng sasakyan ay matiim siyang nakatingin sa'kin.
"Huwag kang judgemental, Manong. Magmamadre pa lang ako kaya pwede pa akong manlait," mabilis kong paliwanag sa kanya.
"Namumuro ka na sa'min, bata ka," paasik na wika ng isa sa mga dumakip sa'kin.
"Ikaw rin, kuya," sagot ko rito. "Kanina pa ako nagtitiis sa mabaho mong hininga," reklamo ko.
"Ang talas ng dila mo, tuturuan kita ng leksiyon."
Napahiyaw ako sa sakit nang walang babala nitong hilahin nang marahas ang braso kong kanina pa nito hawak.
Mukhang balak yata nitong kalasin ang isa kong braso mula sa balikat ko.
Pero iglap lang ay nabitiwan ako ng nakahawak sa'kin kasabay nang pagbagsak nito sa paanan ko.
Masyadong mabilis ang mga pangyayari at mabilis na bumulagta ang dalawa pang kasamahan ng naunang bumagsak na lalaki nang tamaan ang mga ito ng suntok ng may-ari ng sasakyang hinarang ko.
Di makapaniwala akong napatitig sa walang kapawis-pawis niyang mukha matapos patulugin ang tatlong lalaking nagbabalak ng masama sa'kin.
"Grabe, Manong, ang galing ni'yo po," napapalakpak kong puri sa kanya. "P-pero baka napatay ni'yo po," nahintakutan kong dugtong at pinasadahan ng tingin ang tatlong nakabulagta.
"Buhay pa ang mga iyan," malamig niyang tugon.
'Di ko na binigyang pansin ang parang panghihinayang na narinig ko sa boses niya dahil ang mahalaga ay walang namatay.
Kunot-noo siyang lumapit sa'kin at sinuyod ako ng matiim niyang mga titig.
"Hindi ka ba nasaktan?" malumanay niyang tanong, kabaliktaran ng madilim niyang anyo habang nakatuon ang tingin sa braso ko.
Nang sundan ko ang tinitingnan niya ay marahan akong tumikhim at bahagyang hinila ang manggas ng suot kong t-s**t upang matakpan ang bahaging medyo nagkapasa.
"Okay lang po ako. Ganito po talaga ako, mabilis magkapasa," kibit-balikat kong sabi.
Sa isip ko ay binubuo ko na ang paliwanag para sa pamilya ko dahil imposibleng makaligtas sa kanila ang mga pasa kong ito.
"Ihahatid na kita pauwi."
Nabalik ulit sa kanya ang atensiyon ko dahil sa sinabi niya.
Tumalikod na siya sa'kin papunta sa kanyang sasakyan at 'di man lang hinintay ang pagpayag ko.
"Manong, may isang kahilingan pa po ako," napakamot sa ulo kong pahabol na sabi sa kanya.
Tumigil siya sa paglalakad at muling humarap sa'kin.
'Di pa rin nagbabago ang walang emosyon niyang ekspresyon pero gano'n pa man ay kataka-takang magaan ang loob ko sa kanya.
Siguro dahil iniligtas niya ako mula sa mga lasenggo o baka dahil ang gwapo ng mukha niya.
Bahagya kong pinasadahan ang kabuuan niya at talaga namang kaaya-aya siya sa paningin.
Tantiya ko ay anim na talampakan ang tangkad niya. Hanggang dibdib niya lang yata ako.
Sa kabila ng suot niyang coat and tie ay halata ang matikas niyang pangangatawan. Hindi lang pang-display ang mga muscles niya dahil nasaksihan ko kanina kung paano niya patulugin iyong mga humabol sa'kin. Malalaki rin ang katawan ng mga ito pero walang kalaban-laban sa kanya kaya hanggang ngayon ay tulog pa rin.
Ang ganda ng mga mata ni Manong. Mapupungay at kulay gray. Hula ko ay may lahi siya dahil sa napakaperpekto ng matangos niyang ilong.
Magmamadre ako pero naeengganyo pa rin akong titigan ang mapupula niyang mga labi.
Sa gwapo ni Manong ay tiyak may asawa na ito. Madaling makakita ng mapapangasawa ang mga ganitong mukha.
Nabalik ako sa kasalukuyan dahil sa pagtikhim niya. Nakakahiya, nahuli niya pa yata akong napatitig sa mukha niya.
"Ano iyon?" untag niya sa'kin.
Muntik ko nang makalimutan kung ano iyong balak kong sabihin sana. Gano'n ako ka-distracted sa kagwapuhan niya.
"Iyong scooter ko po kasi, naiwan ko roon," nakanguso kong sabi sabay turo sa pinanggalingan ko kanina. "Pagagalitan po ako sa amin kung iiwanan ko iyon doon," paliwanag ko.
Bahagyang kumiling ang ulo niya bago tinuon ang tingin sa tinuturo kong direksiyon.
"Saan ka nakatira?"
"Sa MG village," kunot-noo kong sagot.
Mukhang wala siyang pakialam sa scooter ko at ihahatid niya talaga ako sa'min.
"Malapit lang pala sa Flynn Compound," napatango-tango niyang wika.
"Nakapunta ka na roon?" maang kong tanong.
"Saan?" taas-kilay niyang balik-tanong.
"Doon sa Flynn Compound," tugon ko. "Wala pa akong kakilalang nakapasok doon. Totoo ba ang sabi-sabing may sariling mall sa loob niyon? Gaano kaya kayaman ang mga Flynn? Bali-balitang meron silang sariling hangar ng mga private jet sa loob ng compound nila. Sabi ng kakilala ko na kinwento ng isang kakilala niya na may kilalang kakilala na maswerteng nakapasok sa loob ng compound ay mala-palasyo raw sa laki ang mga bahay roon."
Bahagyang tumaas ang sulok ng bibig niya na parang nagbabadya ng isang ngiti habang nakikinig sa kwento ko.
"Sa tingin mo, kapag magbibigay ba ako ng solicitation letter doon ay malaki kaya magbigay ang mga nakatira roon?" interesado kong tanong.
Tuluyang nauwi sa ngiti ang bahagyang pagtaas ng sulok ng kanyang bibig.
"Halika na, iuuwi na kita sa bahay ninyo. Ako na ang bahalang maghatid ng scooter mo pagkatapos."
Tuluyan na siyang tumalikod sa'kin papunta sa kanyang sasakyan kaya di ko na napagsawa ang sarili sa lalong paglitaw ng kagwapuhan niya habang nakangiti.
Ang swerte naman ng asawa ni Manong, ang gwapo kasi niya tapos mukha pang mabait.
Bago ako makahakbang pasunod sa kanya ay tumunog ang message alert ng cellphone ko.
Kinuha ko muna ito mula sa'king bulsa upang tingnan kung sino ang nag-text.
'Kasama ko na sina Daisy at Megan, nandito na kami sa orphanage.'
Nakahinga ako nang maluwag dahil sa natanggap na mensahe mula kay Leo. Salamat naman at naroon na ang mga ito at wala roon sa tinakasan kong lugar.
Ibinulsa ko ulit ang cellphone at magaan ang mga hakbang na tuluyang sumunod sa nagboluntaryong maghatid sa'kin pauwi.