"Weeeeeh? Hindi nga?" panabay na bulalas ng mga kaibigan kong volunteer din sa Angel's Home.
Ikinwento ko kasi sa kanila iyong tungkol sa pagkakahatid sa'kin ni Claude Flynn sa bahay namin kahapon.
Kasalukuyan kaming nag-aayos ng mga bulaklak na ilalagay sa chapel ng orphanage dahil may gaganaping misa mamayang hapon.
"Sigurado ka totoong Flynn iyon? Maraming mga pakalat-kalat na scammer ngayon," may pagdududang tanong ni Lyk.
Maging sina Amor at Mae ay bakas din ang pagdadalawang-isip sa mukha. Hindi ba talaga kapani-paniwalang makadaupang palad ang isang legit na Flynn?
"Minsan talaga ay kailangan nating mag-ingat dahil may mga taong bigla na lang darating upang tayo'y saktan at paasahin," madramang segunda ni Mae.
Nakatanggap tuloy siya ng napapantastikohang tingin mula sa dalawa naming kaibigan. Maging ako ay hindi matukoy kung ano ang koneksiyon ng sinabi niya sa kwento ko.
"Ibig ko lang sabihin ay imposibleng may pakalat-kalat na Flynn sa tabi-tabi at magsilbing modern day superhero tapos mag-offer pa ng sakay pauwi," paliwanag ni Mae sa naunang pahayag.
"Hindi marunong magsinungaling si Therese," pagtatanggol sa'kin ni Leo.
Nginitian ko lang ito bago ibinalik sa mga kaibigan ang buo kong atensiyon.
"Flynn talaga iyon. Wala namang dahilan upang lokohin niya ako. Pinahatid pa nga niya sa bahay iyong scooter na naiwan ko dahil sa nangyari sa'kin," patuloy kong pagkukwento.
Nabanggit ko sa kanila kung paano ako nailigtas ni Claude Flynn mula roon sa mga lasinggo kaya alam nila iyong tungkol sa naiwan kong scooter dahil sa pagmamadaling makatakas sa mga humahabol sa'kin.
"Ano nga ulit ang pangalan no'ng nagligtas sa'yo at naghatid pauwi?" tanong ni Amor.
"Claude... Claude Flynn," balewala kong sagot habang ginugupitan ang tangkay ng ilang bulaklak na inilalagay ko sa flower vase.
"Masyadong pribado ang mga Flynn. Iyong Flynn na laging nalalathala sa mga news paper at laging lumalabas sa TV ay iyong Gerald Flynn lang... kahit medyo may edad na iyon ay poging-pogi pa rin," pakikisabat ni Ate Weng na kanina pa tahimik na nakikinig sa usapan naming magkakaibigan.
Si Ate Weng ang isa sa mga may asawang volunteer ng orphanage. Dito kasi ito lumaki at nagkaisip sa Angel's Home kaya malapit din sa puso nito ang ampunan at mga batang nandito.
Maraming mga katulad ni Ate Weng na nanggaling dito sa ampunan na ngayon ay naglalaan ng libreng serbisyo at oras nila para sa mga batang nandito pero hindi lang magkasabay-sabay dahil sa schedule ng trabaho ng bawat isa.
"Anong hitsura no'ng Claude Flynn?" nangingislap ang mga matang tanong ni Amor.
Mukhang naniniwala na ito sa kwento ko at ngayon nga ay halatang interesado na.
Kapag nakakarinig ng pogi ang isang ito ay biglang nababago ang isip.
Kumunot ang noo ko habang binabalikan sa alaala ang kulay abong mga mata ni Claude at ang gwapo nitong mukha. Napakaperpekto ng pagkakagawa ng mukha nito kaya tiyak na paboritong nilikha ito ng Diyos.
Sana lahat.
Lihim akong napausal ng panalangin dahil sa pag-iisip lang ng mukha ni Claude ay parang nagkakasala na ako. Hindi rin naman ibig sabihin na gusto ko maging madre ay ni minsan hindi ako nagkasala at lalong hindi ako sobrang bait talaga na parang anghel.
Tao lang din naman ako, hindi perpekto at ngayon ay marunong nang tumingin ng gwapo.
Noon naman ay hindi ako tumitingin sa hitsura ng kahit na sino at lalo na sa pisikal na anyo ng isang lalaki pero nakilala ko lang si Claude ay bigla may favoritism na ako.
"Okay lang," kunwari ay balewala kong sagot sabay abot kay Leo ng flower vase na tapos ko nang lagyan ng mga sariwang bulaklak.
Kasama ang ilang mga kalalakihang volunteer ay ito ang naghahakot sa bawat natapos namin ng mga kaibigan ko upang ilagay sa pinaglalaanang lugar. Malapit na nilang matapos lagyan iyong altar kaya mamaya-maya lang iyong ibang bahagi ng chapel ang sunod nilang aatupagin.
"Ay, gano'n lang?" disappointed na tanong ni Amor.
Dismayado itong nagpatuloy sa ginagawang pagsalansan ng mga bulaklak sa kaharap na vase.
"Bakit kasi si Therese ang tinanong mo? Magmamadre iyan kaya 'di iyan tumitingin sa panlabas na anyo ng isang lalaki," natatawang singit ni Lyk.
"Hindi pa naman siya madre kaya dapat ay maranasan muna niyang tumingin sa gwapo," hirit ni Mae.
"Ayon oh, may gwapo."
Sabay-sabay kaming napalingon sa ininguso ni Amor.
Impit na nagtilian ang tatlo kong mga kaibigan habang kumunot naman ang noo kong pinanood si Leo na nakikipagtawanan sa mga kasamahang nag-aayos malapit sa altar.
"Si Leo?" wala sa sarili kong tanong.
Nakatanggap ako ng hampas sa balikat mula kay Amor habang nagbungisngisan naman sina Lyk at Mae.
Maging si Ate Weng ay narinig kong natawa rin sa pwesto nito 'di kalayuan mula sa amin.
"Ewan ko sa'yo, Therese. Magsalamin ka nga at mukhang may sira na iyang mga mata mo," naiiling na pahayag ni Amor. "Bulag lang ang 'di makakapansin kung gaano kagwapo si Leo."
Mabilis na sinang-ayunan ng iba ang huli nitong sinabi. Muli naman akong sumulyap sa pwesto upang hanapin iyong pinagsasabing kagwapuhan nitong mga kausap ko.
Ang labo naman! Hindi ko makita! Okay lang naman hitsura niya pero ang layo niya pa rin kay Claude.
Pasimple akong nagyuko ng ulo upang itago ang pag-iinit ng pisngi dahil sa pagkaalala kay Claude. Mukhang ito yata ang standard ko pagdating sa gwapo.
"Iyong iba nga, nag-volunteer lang para masilayan ang kagwapohan ni Leo," saad ni Lyk na nagpabalik ng atensiyon ko sa usapan.
"Lyk, sarili mo ba ang tinutukoy mo?" pang-aasar dito ni Mae.
"Ay! Nagsalita naman ang hindi. Hugas-kamay ka pa pero iyon din ang dahilan mo," 'di nagpapatalong sagot ni Lyk.
Nagpalipat-lipat lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Oo nga at may hitsura si Leo pero kahit minsan ay 'di naman ako natulad sa dalawang ito na laging kinikilig sa presensiya nito.
"Pero ang tanong, kayo ba ay gusto ni Leo?" natatawang pakikisali ni Amor.
Sabay-sabay na tumutok sa direksiyon ko ang tingin nina Lyk at Mae kaya napatigil ako sa kasalukuyang ginagawang pag-aayos ng mga bulaklak.
"Ba't sa'kin kayo nakatingin?" inosenti kong tanong.
"Kawawa naman si Leo, karibal niya si Lord," napabuntong-hiningang bulalas ni Lyk habang makahulugan pa ring nakatingin sa akin.
"Saklap nga pero nandito naman tayo, aaliwin natin si fafa Leo," dagdag ni Mae.
"Clown ba kayo?" bigla kong bulalas.
Umasim ang timpla ng mukha nilang dalawa at sabay akong inirapan.
"Minsan talaga ang talas ng dila mo," nakaingos na komento ni Lyk. "Ang sakit mo magsalita, beh."
"Mukha ba tayong clown?" himutok ni Mae.
Napakamot na lang ako sa ulo dahil sa inakto nilang dalawa. Mukhang apektadong-apektado sila habang tawang-tawa naman sina Ate Weng at Amor.
"Ate Therese, may dumating na bisita."
Napalingon ako bukana mg chapel nang marinig ang pagbabalita ni Dave, isa ito sa mga batang lumaki rito sa orphanage.
"Ang aga naman yata ni Father John," nagtataka kong wika.
Ito ang nakatalagang magmimisa mamaya pero ilang oras pa bago ang misa at hindi pa kami tapos sa pag-aayos ng chapel.
"Hindi po si Father John ang dumating, iba po," sagot ni Dave.
Nagtatakang napatingin ako sa'king mga kasamahan dahil wala akong maalalang may inaasahang bisita ang orphanage ngayong araw. Nagkibit-balikat lang sila at mukhang wala ring ideya tungkol sa bisita ko raw.
"Kinakausap na ni Mother Superior iyong bisita pero ikaw iyong hinahanap, Ate."
"Ako?" Naituro ko ang sarili upang makasiguradong ako ang tinutukoy nitong ate dahil marami kami rito.
"Oo," siguradong tugon ni Dave na may kasama pang tango.
Hindi naman siguro ako pinagloloko nitong paslit na ito, 'no? Wala akong maalalang nagkaroon ako ng bisita simula't sapol na naglalagi ako rito sa ampunan maliban na lang kung pina-prank ako ng mga kuya ko.
"Ano raw ang pangalan no'ng dumating?" singit ni Mae.
"Iyong english ng ulap... iyon iyong tawag sa kanya ni Sister Angela," bibong sagot ni Dave.
"Rainbow— aray!" sagot ni Mae na nauwi sa reklamo nang makatikim ito ng hampas mula kay Lyk.
"Anong rainbow? Bahaghari iyong rainbow," pagtatama ni Lyk dito.
"Huwag ka ngang makialam, ang mahalaga nasa kaulapan pa rin iyon!" pairap na tugon ni Mae at muling tumutok kay Dave ang atensiyon.
"Dave, huwag mo kaming gino-good time huh! English ng ulap ba talaga ang pangalan o tagaulap iyan?" Namaywang nitong hinarap ang batang kausap.
Sa mga bata rito sa ampunan ay isa si Dave sa pinakapilyo at laging biktima nito itong si Mae kaya ingat na ingat itong kaibigan ko sa isang ito.
"Si Ate Mae talaga oh, ang tanda na pero 'di pa rin alam na walang nakatira sa ulap," ingos ng anim na taong gulang na bata at parang malaking taong nakipagsukatan ng tingin sa kausap.
"Dave, wala akong kilalang cloud o ulap," singit ko sa kanilang dalawa. "Teka! Cloud ba kamo?" Bigla ay nanlaki ang mga matang bulalas ko.
Napatayo ako bigla sa kinauupuan at binigyan ng makahulugang tingin ang mga kaibigan ko.
Mukhang nakuha naman agad nila ang ibig sabihin ng tingin ko dahil sabay-sabay rin silang nagsitayuan habang nagtatakip ng mga bibig.
"Si Claude Flynn!" panabay nilang tili at tumalon-talon pa silang tatlo habang pumapalakpak.
Napatanga lang kami ni Dave sa kanila at hinintay na humupa ang sanib nila. Nasa chapel na nga kami pero may sumanib pa rin sa mga ito... hindi nga lang espiritu kundi ay kabaliwan.
"Nasaan, Dave? Nasaan ang ulap na bisita?" Niyugyog pa ni Mae ang bata dahil sa sobrang excitement na makadaupang palad ang ikinwento kong Flynn sa kanila.
"Hindi naman ikaw ang hinahanap... bakit kita sasagutin?" pilosopong balik-tanong ng bata habang pilit ba kumawala sa panyuyuyog ni Mae.
"Gusto mong paliparin kita sa ulap?" nandidilat na tanong ni Mae kay Dave.
Binitiwan na nito si Dave at pinamaywangan.
"Gusto mo isumbong kita kay Mother Superior?" ganting banta ni Dave.
"Pigilan ni'yo ako, guys, ilalagay ko sa flower vase ang bubwit na ito," gigil na saad ni Mae.
"Tama na iyan, Mae. Huwag mo nang patulan ang bata," saway ko rito.
Napailing na lang ako nang pakitaan ni Mae ng kamao si Dave habang nang-aasar naman itong dinilaan.
"Dave, nasaan ang sinasabi mong bisita?"tanong ko.
"Nasa opisina po ni Mother Superior, hinihintay kayo, Ate."
Di pa man tapos sumagot si Dave ay iniwan na ako ng mga kaibigan ko at nag-unahan na ang mga ito sa pagpunta sa kinaroroonan diumano ng bisita.
"Saan pupunta ang mga iyon?"nagtatakang tanong ni Leo na 'di ko namalayang nakalapit na pala sa kinaroroonan ko at naabutan ang nagmamadaling pag-alis ng mga kaibigan namin.
"Sisilip po sila roon sa kakilala ni Ate Therese na ulap," si Dave ang bibong sumagot.
Idol nito si Leo kaya lagi itong pabibo sa harapan ng huli.
Bahagyang natawa si Leo sa sagot ng bata at ginulo niya ang buhok nito na gustong-gusto naman ni kulit.
"Si Ate Therese naman ang hinahanap pero sila iyong gustong humarap," naiiling na pahayag ni Dave bago kami iniwan ni Leo upang makigulo sa ibang naroon.
"Kakilala mo?"
Tanging tango at kiming ngiti ang sinagot ko sa tanong ni Leo.
"Pupuntahan ko muna saglit," paalam ko sa kanya.
Nagngitian muna kami bago ako tuluyang umalis.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong saya habang iniisip na nandito ngayon si Claude.
Siguro naramdaman ko ito dahil nakasilip ako ng pag-asang mabigyang pansin ng isang Flynn ang Angels Home. Masaya ako para sa mga batang nandito.