"Claude?" naalimpungatan kong sambit nang maramdaman ang pamilyar na mga haplos sa buhok ko. Kunot noo akong napasulyap sa malaking orasang nakasabit sa isang bahagi ng silid ko at kahit papikit-pikit pa ang mga mata ay malinaw kong nakikitang ala-una na ng madaling araw. "Anong ginagawa mo rito?" naghihikab kong tanong. Isang masuyong halik sa noo ko ang naging tugon niya. "Paano ka nakapasok?" tanong ko ulit habang pilit dinidilat ang inaantok na mga mata. Imposible namang nanaginip lang ako dahil damang-dama ko ang init na nagmumula sa katawan niya habang nakaupo siya sa gilid ng kama ko at masuyong nakatunghay sa'kin. Wala akong nakuhang sagot sa kanya at hindi ko na nagawa pang magtanong ulit dahil binihag na niya ang mga labi ko. Bigla ay nagising bawat himaymay ng katawan ko.