THERESE
—————
"Diyos na mahabagin," paulit-ulit na bulalas ni Sister Angela habang nagpalakad-lakad sa harapan ni Mother Superior Marie na pinagtulungan namang paypayan ng ilang mga madre dahil para itong hihimatayin.
Iyon ang eksenang nadatnan ko matapos makatanggap ng tawag mula rito sa Angel's Home orphanage pagkagising ko kaninang umaga kaya nagmamadali talaga akong pumarito.
Bakasyon ngayon sa school at inilaan ko talaga ang mga araw na wala akong pasok sa pagbo-volunteer dito sa orphanage. Nakasanayan ko nang gawain ito simula no'ng bata pa ako.
Matagal nang donors ng ampunan ang mga magulang ko kaya malapit ako sa mga madreng namamahala rito at sila rin ang dahilan kung bakit gusto kong pumasok sa pagiging madre balang araw.
Pero bago mangyari iyon ay kailangan ko munang mapapayag si Papa dahil tutol ito sa pangarap ko. Habang kinukumbinse ang sariling ama ay pinagkasya ko muna ang sarili sa pagboboluntaryo rito sa Angel's Home.
Mas kinakailangan ng tulong nina Mother Superior Marie nitong mga nakaraang araw at sa susunod na mga buwan dahil sa mas dumarami ang mga batang napupunta rito na ubod nang suwail at mga pasaway.
"Therese," panabay na tawag sa pangalan ko ng mga madreng unang nakapansin sa'king pagdating.
Mukhang mabigat yata ang problema nila ngayon dahil bakas sa mukha nilang lahat ang labis na pag-alala.
"Si Daisy at Megan buong gabing 'di umuuwi," agad na salubong sa'kin ni Sister Marie habang nagmamano ako sa kanya.
Lihim akong napabuga ng hangin. Sinasabi ko na nga ba, ang dalawang dalagitang iyon na naman ang problema. Sila iyong kasalukuyang sakit sa ulo ng mga madre at ilang mga batang nandito sa Angel's Home.
Delingkwente ang dalawang iyon na pansamantalang iniwan muna sa pangangalaga ng orphanage bago tuluyang kunin ng mga magulang sa pagbabakasakaling tumino-tino ang mga ito kung maranasan ang uri ng pamumuhay meron ang mga batang naninirahan sa ganitong lugar.
Iilan din ang mga batang katulad ng sitwasyon ng dalawang iyon pero ang mga ito ang pinakanagpapasakit sa ulo ng lahat.
"Palihim yata silang pumuslit kagabi. Tinakasan na naman tayo ng dalawang iyon," himutok ng isang madre.
Hindi na ito iyong unang beses at siguradong hindi ang magiging huli pero ito iyong unang pagkakataon na magdamag silang nawala.
"Saan na kaya nagpunta ang mga iyon?" nag-alalang tanong ni Mother Superior Marie.
Sa edad na 58 ay si Mother Superior Marie ang nagtataguyod at nagpapatakbo ng Angel's Home sa loob ng halos dalawampung taon. Katulad ng mga batang naninirahan dito sa ampunan ay tinuturing ko na rin itong pangalawang ina.
Nagmano muna ako sa kanilang lahat bago nilapitan si Mother Superior at ginagap ang mga kamay nito.
"Hahanapin ko po sila, huwag po kayong mag-alala," mabilis kong pagpapalubag sa loob nito.
Napapadalas ang pagtaas ng presyon ni Mother Superior nitong mga nakaraan kaya nag-alala ako para sa kalusugan nito.
"Salamat, Therese. Sa rami ng mga napapabalitang krimen ngayon ay 'di ako mapakali hangga't hindi ko nakikitang nandito na ang dalawang batang iyon," puno pa rin ng pag-alala nitong sabi.
"Pasensiya ka na, Therese. Ikaw talaga iyong lagi naming inaabala tungkol sa mga ganitong problema," sabat ni Sister Angela.
"Wala po iyon, Sister Angela. Masaya po akong nakakatulong dito upang gumaan-gaan ang mga gawain ninyo," nakangiti kong baling dito.
"Tinawagan din namin si Leo. Medyo nauna ka lang dumating sa batang iyon pero maya-maya ay nandito na iyon," pakikisali ni Sister Clara na isa sa mga nagpapaypay kay Mother Superior. Hula ko ay nasa 36 years old na ito, magkaedad lang sila ni Sister Angela.
Ang tinutukoy nitong Leo ay ang kaibigan kong volunteer din dito sa orphanage.
"Mauuna na lang po ako sa kanya sa paghahanap sa dalawa. Doon po ako pupunta sa dating tinatambayan ng mga kakilala ni Daisy. Tatawagan ko na lang po si Leo para sa update," paalam ko sa mga kausap.
"Mag-iingat ka iha, gabayaan ka ng Diyos at makita mo agad sila," saad ni Mother Superior habang marahang pinisil ang kamay ko bago ko ito binawi.
Wala na akong sinayang na oras at mula sa orphanage ay agad kong pinuntahan ang lugar na laging tinatambayan ng mga natatandaan kong kaibigan ni Daisy.
Ilang ulit na namin siyang natutunton sa nasabing tambayan tuwing tumatakas silang dalawa ni Megan sa klase nila.
Masyadong maligalig ang dalawang iyon at sa edad na sixteen ay napapabarkada sa mga kabataang maagang natutong magbisyo. Iyong iba nilang mga kasa-kasama na nasa wastong gulang na ay pawang hindi magandang impluwensiya para sa kanila.
Sa pamilyar na lumang gusali na may apat na palapag ko inihinto ang minamanehong scooter.
Hanggang ngayon ay 'di ko pa rin maiwasang kabahan sa hitsura ng lugar na ito kahit na ilang ulit na akong nakapunta rito.
Ang pinakaunang palapag ng building ay isang inuman at videokihan na kalimitang tinatambayan ng mga kabataan kasama ang ilang mga matatanda na pero walang pinagkatandaan.
Iyong ibang natirang bahagi naman ng gusali ay inuupahan na lang ng mga kung sinu-sino para sa kani-kanilang mga personal na dahilan.
Luma na ang nasabing gusali kaya siguro wala nang pakialam ang may-ari sa mga nangungupahan, ang mahalaga ay nakapagbayad ng renta.
Hindi maganda tingnan para sa mga kabataang kababaehan ang maglalagi sa ganitong lugar pero sa ilang beses kong pagpunta rito ay palaging maraming mga dalagita akong nadadatnan at kasama na roon ang grupong kinabibilangan nina Daisy at Megan.
Matapos huminga nang malalim upang makapag-ipon ng lakas ng loob ay pinasya kong pumasok sa gusali.
Lihim kong hinihiling na sana ay mabilis kong makita ang dalawang hinahanap at mabitbit agad palayo sa lugar na ito.
Pagkapasok ko sa main entrance ng inuman ay mabilis na sumalubong sa'kin ang matapang na amoy ng sigarilyo at alak.
Umagang-umaga pa pero meron nang mga nakatambay sa loob.
Mukha pa ngang merong ibang inumaga. Hindi pa nga nalinis ang kalat ng ibang mga nag-iinuman kinagabihan ay heto at meron na namang panibagong liligpitin.
Mabilis kong tinunton ang counter kung saan ay may namataan akong pamilyar na mukha na minsan ko nang nakita rito no'ng huli kong punta.
"Good morning po, Kuya," magalang kong kuha sa atensiyon nito.
Medyo may edad na ito pero kinuya ko para naman 'di nito maramdaman ang katandaan, pasimpleng sipsip na rin dahil wala akong kakilala sa lugar na ito.
Medyo nakakapanayo-balahibo rin kasi ang nararamdaman kong paninitig mula sa mga nag-iinuman sa di kalayuan kaya kailangan kong mag-feeling close kay Kuya.
Bahagyang tumaas ang kilay nito nang mag-angat ng tingin mula sa ginagawa at matunghayan ako.
Nginitian ko ito at kinaway-kawayan upang maalala ako nito. Huling punta ko rito noon upang sunduin sina Daisy at Megan ay kasama ko si Sister Angela kaya siguradong madali nito akong matandaan.
"Wala rito ang hinahanap mo," may kasungitan nitong wika kahit wala pa akong sinasabi.
"Paano ni'yo nalaman na may hinahanap ako?" mapanuri kong tanong habang itinigil na ang ginawang pagkaway.
Huwag niyang sabihing sideline niya ang panghuhula.
"Natatandaan kita. Kasama ka no'ng madre. Madre ka rin ba?" Pinaningkitan niya ako ng mga mata.
"Anong ginagawa ng isang madre rito?"
Bigla ay singit ng isang boses na sobrang lapit sa tabi ko.
Pinigilan kong mapangiwi habang pasimpleng umusog palayo sa bagong dating na nangangamoy alak. Hindi ko namalayan ang paglapit nito sa kinaroroonan ko.
"Wow! Ang gaganda na pala ng mga madre ngayon... at ang babata," malakas nitong pagpapatuloy habang pinaraanan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Binundol ng kaba ang dibdib ko dahil sa malakas na tawanang nagmula sa mga kasamahan nitong nasa amin na ang buong atensiyon. Sinadya yata nitong lakasan ang boses upang marinig ng mga kasamahan.
"Sister... baka gusto mong maranasan ang langit dito sa lupa," nakangising sabi ng kaharap kong lalaki, sabay malisyosong pinaraanan ng dila ang tuyo at nangingitim nitong mga labi.
Nakakakilabot! Hindi nito iyon ikinapogi!
Nagpapasaklolo akong bumaling kay Kuya na nasa counter pero pabalewala na itong bumalik sa ginagawa. Malinaw na wala akong aasahang tulong mula rito kahit na binabastos na ako ng mga customer niyang lasing.
"Mawalang galang na ho. Hindi po ako interesado sa sinasabi ni'yong langit," mahinahon kong sabi. "At hindi pa po ako madre, magmamadre pa lang."
"Hindi pa pala madre," tumatawa nitong komento.
Sa pagkakataong ito ay di ko na itinago ang disgusto sa'king mukha dahil sa masamang amoy na nanggagaling sa bunganga ng kausap.
"Di pa naman pala madre. Dalhin mo rito sa mesa natin, pare," sabi ng isa sa mga kainuman ng kausap ko.
Nakangising lumapit sa'kin ang kausap.
"Halika, ineng, samahan mo muna kami at ipaparanas namin sa'yo ang langit dito sa lupa."
"Alam ni'yo ho, mama." Binigyan ko ito ng matamis na ngiti. "Hindi pa ako madre kaya pwede ko pang gawin 'to," dagdag ko bago ito malakas na tinuhod.
Umalingawngaw sa buong lugar ang nasasaktan nitong sigaw at bago pa nakahuma ang mga kasamahan nito ay nakalabas na ako ng gusali.
Hindi ibig sabihin na magmamadre ako in the near future ay abot langit ang pasensiya ko at kabaitan para sa mga gano'ng klaseng tao!
Pero ito iyong unang beses na nakapanakit ako ng iba kaya ramdam ko ang panginginig ng mga binti.
Bigla akong napaantada at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Hindi na mauulit iyon, promise!
"Ayon siya, habulin ni'yo!"
Nanlaki ang mga matang napalingon ako sa pinanggalingan nang marinig ang sigaw na iyon.
Nandoon na ang mga kasamahan ng lalaking tinuhod ko at nakaturo sa'kin ang isa mga ito.
Para akong maihi sa pagkataranta. Malalaking mama ang mga ito kaya siguradong wala akong kalaban-laban kung sakaling mahuli nila.